You are on page 1of 11

YAYAin sana kita paMaynila

Isang Pagsilip sa mga karanasan, kaalaman at mga isinasaalang-alang sa buhay ng isang kasambahay dito sa lungsod

Abstrak

Sa malagubat na lungsod ng Maynila, maraming kwento ng buhay ang nakakubli sa likod ng mga sementadong istruktura. Ang mga kwentong ito ay sumasalamin sa ating kultura at maging kalagayan ng lipunan. Mayroong mga kwento sa teleserye, kwento ng guro sa mga magaaral, mga isyu sa lipunan na pinag-uusapan, kwentuhan ng magkaopisina, kwento ng magkakapitbahay at marami pang ibang pwedeng pag-usapan subalit lingid sa kaalaman ng karamihan ay ang mga kwentong malalim ang pinanggalingan na may bahid ng paghihirap, kasiyahan, pag-ibig at pangarap- ito ay talambuhay ng mga kasambahay. Ang papel na ito ay magbibigay daan upang ating masilip ang mga tunay na kwento ng buhay ng ilan sa ating mga kasambahay. Pakay ng mananaliksik na hawiin ang mga kurtinang nagkukubli sa kanilang mga pinanggalingan, pakikipagsalaran at pangarap mula sa mga lalawigan patungong Maynila sa pamamagitan ng personal na pakikipanayam Bukod sa paglalahad ng mga naratibo ay magbibigay rin ang mananaliksik ng kaniyang analisis at interpretasyon

I.

Mapaglarong Tadhana (Salin mula sa Paglalahad ni Ate Nina)

Tanghaling tapat, bahid ng putik ang mukha ni Nina dala ng paglalaro sa labas ng mumunting kubo nang gimbalin siya ng balita mula sa ama. Walong taong gulang pa lamang siya noong mabalitaan na pumanaw na ang kaniyang ina. Di na raw kinaya pa nito ang sakit niya kayat sa mismong ospital sa bayan siya binawian ng buhay. Halos gumuho ang mundo ng musmos maging ng tatlong nakababatang mga kapatid na naiwan. Walang nagawa ang mga naiwanan ng ina kundi magpatuloy sa nakasanayang buhay sa Bisaya. Subalit, di maitatatwa na malaki ang pinagkaiba ng buhay mula ng mawala si nanay sa tabi, ayon nga kay Nina. Napakahirap talaga ng mawalan ng isang ina, para bang pasan ko ang buong daigdig, dagdag pa niya. Lahat ng gawain sa bahay ay dapat niyang gampanan: pagluluto, paglilinis ng bahay, paglalaba, pag-aalaga ng baboy at manok at maging pag-aaruga sa mga batang kapatid. Ang kaniyang ama ay nagbago na rin at mas naging abala sa pagtatanim ng palay at halos di na napapansin ang mga anak. Sa kabila ng mga kaganapang ito, nagpatuloy pa rin si Nina sa pagpasok sa paaralan kasabay ng kaniyang mga kapatid ngunit dahil sa araw-araw na bigat ng gawain, humantong din siya sa punto na pansamantalang pagtigil sa elementary. Agarang kinausap niya ang mga kapatid na sina Jun, Boy at Luloy at sinabi na mas mabuti na kayong mga nakababata ang makapag-aral habang ako ang nag-aasikaso sa mga kakailanganin niyo sa araw-araw dahil masyadong abala si itay sa sakahan ng palay. Nalungkot ang lahat sa pamilya maging ang kanilang ama at mga guro dahil isa rin siya sa mga mahuhusay na mag-aaral pero wala rin silang nagawa kundi tanggapin ang mga pangyayari. Nagpatuloy sa pagsusumikap si Nina. Tuwing umaga siya ay tumutulong sa maliit na palayan ng mais at bigas. Tuwing tanghali

ay aasikasuhin ang pagpasok ng mga kapatid sa elementary at maglilinis ng tahanan. Pagsapit ng oras ng siesta o kataasan ng araw ay magpapahinga siya upang makinig sa radio na de-baterya dahil walang kuryente sa bayan nila. Tanging ang pakikinig sa radio ng mga balita at drama ang kaniyang pantanggal problema lalo na tuwing masungit ang ama dahil sa labis na pagod mula sa sakahan. Pagsapit naman ng hapon pa-gabi ay inihahanda na niya ang makakain ng mga parating na kapatid mula eskwelahan at ng ama. Minsan ay tutunguhin niya ang kalapit na sapa para doon maglaba ng ilang mga damit na halos paulit-ulit na sinusuot ng pamilya dahil di kayang makabili pa ng mga bago. Bagamat ang buhay ng pamilya ni Nina ay may kasalatan ay di pa rin siya nakakalimot magdasal sa Diyos sabi nga niya kahit mahirap ang buhay naming ay dinadaan ko na lang sa dasal ang lahat para sa aming kaligtasan at mga pangarap. Lumipas ang dalawang taon mula nang pumanaw ang kaniyang ina ay mayroong kaibigan ng kaniyang ama na nag-alok na ampunin at paaralin si Boy. Mas mabibigyan raw ng magandang kinabukasan ang kaniyang kapatid at makakatulong pa ito sa kanilang pamilya kung papayag sila sa alok ng babae. Subalit matapos pagisipan ng ama, nasabi nito Di bale na mahirap, bastat nabubuhay kami ng magkakasama. Ayokong mawala ang isa kong anak. Masaya ang magkakapatid sa naging pasya ng ama na para bang nabigyang pansin ulit sila. Sabi nga ni Nina, muli ay nagbalik na si tatay sa atin. Subalit sa paglipas ng mga araw, mas humirap ang buhay at umabot na sap unto ng pagsasanla nila ng maliit na bukirin at kubo. Ang mga alagang baboy, manok at kambing ay dinadala ni Nina at Luloy sa palengke para ibenta maging sa murang halaga pambili ng mga kailangan sa paaralan. At di nagtagal, matapos maganap ng sayawan sa pista ni San Isidro, nakilala ng ama nila si Piling. Siya ang nakamabutihang loob ng ama. At sa loob lang rin ng ilang lingo ay nagsama na sila. Noong una ay inakala ni Nina na magiging masaya at magaan na ang kanilang buhay dahil sa may

makakapag-alaga na sa kanilang magkakapatid habang siya ay magpapatuly na din sa pagaaral subalit taliwas sa inaasahan niya ang nangyari. Naging malupit si Piling sa magkakapatid. Pinapalo araw-araw si Nina dahil siya raw ang panganay at may responsibilidad sa kaniyang mga batang kapatid. Ang ama naman nila ay parang ginayuma niya (Piling) na sumusunod sa sabihin nito kahit masaktan pa ang sariling anak, batay kay Nina. At ang paghihirap na ito ay nagpatuloy hanggang sa humantong siya sa edad na labing apat. Isang hapon nakausap ni Nina ang pinsan na si Tess at inaya siya nito na sumama paluwas ng Maynila para. Yayain sana kita paMaynila para makaraos sa hirap dito sa probinsiya, sabi pa ng kaibigang si Tess. Pinag-isipan ni Nina ito ng buong gabi. Kinabukasan rin ay nangutang siya sa kapitbahay na nagpapatubo o payb siks para gamiting pamasahe sa barko. Palihim niyang ginawa ito at palihim na lumuwas pa-Maynila. Sa wakas ay narating na niya ang sinasabing paraiso raw ng mga taga-probinsya, sabi niya. Tumuloy sila Nina at Tess sa tiyahin ni Tess ni Nanay Daming sa Mother Ignacia at doon ay tumutulong magtinda sa sarisari store nito ka palit ng pagtira. Minsan ay nagiikot ang dalawa sa lugar para maghanap ng trabaho dahil sa ilang mga problemang umusbong sa tinutuluyan. Ang akala niyang malaparaisong Maynila raw ay mas madumi at mausok pa sa probinsiya at marami ring masasasamang tao na inggitero at manloloko dagdag pa ni Nina na dismayado sa ilang buwang pananatili. Di rin nagawang sumulat ni Nina sa mga kamag-anak sa Bisaya dahil raw sa sama ng loob sa kanila. Minsan, habang siya ay naglilinis sa tindahan ay bumisita ang kaibigan ni Nanay Daming na si Ate Saly para maghanap ng pwedeng magtrabaho sa kaniyang amo na si Attorney Puran. Laking tuwa ni Nina nang marinig ang balita kaya naman agad niyang iprinisinta ang sarili at awa ng Diyos ay tinanggap siya.

Napakalaki ng entradang bakal papasok sa bahay ni Attorney. Nilibot niya ang mata at namangha sa rangya ng buhay ng magiging amo. TInuro ni Aling Saly ang silid na de-aircon na tutuluyan niya kasama pa ang ilang mga kasambahay doon. Masaya siyang binati at sinalubong ng mga makakasama na pawang matatanda na. Magaan lang naman ang inatas sa kaniya dahil siya ang pinakabata. Inamin ni Nina na sa mga unang pagtuloy niya ay nagsagawa siiya ng ilang mga kagawian na natutunan niya sa mga matatanda sa probinsiya. Sabi niya nilalagyan ko ng onting laway ang tinitimpla kong inumin sa kanila dahil sabi ng matatanda makakatulong ito para mas mapalapit sa akin ang mga amo ko. Dagdag pa niya, Inuupuan at hinihigaan ko ang mga damit nila bago ko plantsahin para mapalapit sila at maging mabuti sila sa akin. Minsan pa nga ay isinasawsaw niya ang kamay sa isasaing na bigas para din daw mas mapamahal sa mga amo. Sa kabutihang palad ay ganoon nga ang mga nangyari, hindi siya nakaramdam ng pagmamalupit at kahit masigawan man lang ng mga amo. Ang sahod niya ay tama lamang para sa sarili. Sa mga puntong ito na halos mag-iisang taon na si Nina sa Maynila ay naisipan na niya magparamdam sa pamilya sa Bisaya. Gabi-gabi raw kasi ay nagpapakita sa panaginip niya ang mga kapatid na parang malulungkot at umiiyak. Kaya naman sinimulan na niya ang pagsulat sa pamilya para ipaalam ang kaniyang mabuting kalagayan at humingi rin ng tawad sa ama. Paulit-ulit lang ang trabaho ni Nina at tuwing Linggo ay nagyayaya siya kay Fely na magsimba at bumisita sa dating tinuluyan na si Nanay Daming. Dinadalhan niya ito ng mga pasablubong at ibinabahagi ang magandang kalagayan sa napuntahang pamilya. Agad din siyang umuuwi diretso sa bahay ni attorney dahil pareho sila ni Fely na di pa sanay sa masukal na siyudad. Minsan, bago matulog naiisip niya na masyado siyang bata para sa trabahong pinapasuka pero ginusto niya ito kaya kailangan niyang harapin. Sumusulat naman ang kaniyang pamilya roon at tinangka na rin ng ama na pauwiin siya sa Bisaya subalit nanatili pa rin ang sama ng loob at maging ang

takot ni Nina sa pangalawang ina. Araw-araw wala siyang ibang pinagkakaabalahan maliban sa paglilinis at pagpapakintab sa mga bagay-bagay sa pinapasukan kaya naman giliw na giliw ang kaniyang amo na babaeng tinatawag nilang Nana. Sa kasagsagan ng kaniyang pamamasukan bilang kasambahay sa loob ng halos dalawang taon ay nakaramdam siya ng labis na kalungkutan at nagdesisyon nang umalis sa bahay ni Attorney Puran. Di ako mapakali. Parang gusto kong makaranas ng ibat-ibang bagay at mageksplor sa Maynila. Gusto kong makapamasyal at makita ang tunay na ganda ng Maynila, sabi pa niya. Maayos naman siyang nagpaalam sa mabuting pagtanggap sa kaniya. Pinigilan siya sa huling sandali ni Nana at inalok na paaaralin siya kapalit ng di pag-alis dahil napamahal na siya sa kanila. Subalit di napigilan ang pananabik ni Nina na makipagsapalaran at tuklasin ang masukal na kagubatang syudad. At tuluyan na siyang sumama sa mga kaibigang si Emma at Zeny. Tondo, Maynila ang sumunod niyang tinirahan. Nangupahan siya kasama ang mga kaibigan at dito rin niya na nakilala ang unang naging nobyo sa edad na labing anim. Upang makapagbayad sa mga gastusin ay namasukan siya sa isang restawrant na pagmamay-ari ng isang Intsik sa tapat ng PGH. All-around ang trabaho ko dito pero madali lang para sakin kasi nasanay na ako kila Attorney, sabi niya. Maraming pamahiin ang natutunan ni Nina rito at ginagawa. Sabi raw ng amo na Intsik ay dapat gumising ng maaga para buksan lagi ang tindahan at wag magpapahuli para gumanda ang takbo ng buhay. Minsan pa tinuro sa kanila ng amo na laging ngumiti habang nakatayo at wag uupo kahit walang mga kostumer para di malasin ang kainan. Dapat rin daw nakaharap ang pera sa customer kung iaabot ito sa pagsusukli para magpatuloy ang pagpasok ng pera sa negosyo, dagdag niya. Masaya si Nina dahil sa kabila ng

mga pamahiing ito di naging madamot ang amo kahit na madalas niyang marinig sa iba na Kuripot at mahigpit sa pera ang mga Intsik dahil libre ang agahan at tanghalian nila rito. Sa tuwing oras ng kainan ay sinusunod ni Nina kasama ng ilan pa ang payo ng amo na wag magtira ng kanin at inumin sa plato at baso tuwing kakain para swertehin. Sa kabila ng mga kaganapang ito, masaya si Nina dahil nakilala na nga niya si Zander na tubong Tondo at anak ng may-ari ng inuupahan nila. Mabait si Zander at mapag-aruga kay Nina. Sa katunayan nga ay lagi raw siya nito dinadalhan ng makakain at binibilhan ng mga groseri kayat di niya masyadong pinroblema ang pinansiyal. Di naglaon may mga problema ring kinaharap si Nina. Naging malaking tutol sa kanilang pag-iibigan ni Zander ang ina nito dahil sa siya raw ay walang magulang, masyadong bata para kay Zander na dalawamput walong taon na at dahil siyay walang pinag-aralan. May kaya ang pamilya ni Zander at mga tapos sa pag-aaral kayat ayaw nila ako, sabi ni Nina. Bagamat tiniis niya ng husto ang sitwasyon nila at pakikipaglaban ay dir in kinaya ni Nina ang sitwasyon dahil raw sa masasakit na binitawang salita ng ina ni Zander. Dagdag pa niya ay nangangarap raw siya ng isang kabiyak na tanggap ng mga magulang nito ang kalagayan niya marahil sa kadahilanang pinagkaitan siya ng magulang noong kabataan niya. Kaya naman di nagtagal ay naghiwalay rin sila at nagpasya na si Nina na magpakalayo-layo sa Tondo at bumalik sa unang tinuluyan sa Mother Ignacia na si Nanay Daming. Isang araw, habang sila ay namamalengke ay nakita niya ang paskil, Wanted Saleslady. Agaran siyang nagtanong at nagaplay. Mabilisan siyang kinausap at tinanggap bilang tinder ng tsinelas at sapatos rito. Gaya ng dati, nagpasalamat at nagpaalam siya kay Nanay Daming dahil titira na siya sa bagong papasukan. Maayos naman ang trabaho. Laging nakatayo at nakangiti sa kabila ng kapaguran buong araw sa pagbebenta ng mga sapatos. Dapat ay laging maaga kung gigising para di masigawan ng masungit na amo. Ang nasabing amo rito ni Nina ay biyuda raw kaya masungit

batay sa naririnig niya sa mga katrabaho. Gaya noong namamasukan pa siya sa among Intsik ay marami ding pamahiin sa tindahan ng sapatos. Bawal ang utang kapag Buena mano at bawala ang pagpapabarya pag wala pang nabebenta, sabi niya. Hindi rind aw dapat tinataktak ang mga sapatos na nakalatag sa harapan kung hindi pa ito nabibili para di malasin ang negosyo at itaboy ang swerte na di niya nalilimot. Marami ang nabebenta ni Nina kaya kahit papaano ay nakakapag-ipon siya para makapagpadala sa ama. Dahil sa nakilala siya at pinuri ng amo ay marami raw ang nagalit sa kaniya. Kahit ang katabing tindahan ay naiinis sa akin dahil inaaagaw ko raw ang mga suki nila, sabi niya. Minsan kahit ang mga katrabaho ay pinaguusapan raw siya dahil sa mga manliligaw nito pero sa kabila nito ay di siya umiimik at hinahayaan na lang sila. Ang ikinalulungkot ni Nina ay wala raw siyang naging permanente at pangmatagalang kaibigan sa Maynila. Dahil siguro palipat-lipat ako ng lugar at dahil iba ang ugali ng mga taga-Maynila na mahilig mainggit sa kapwa o parang talangka ay wala akong naging kaibigan na matagalan, dagdag ni Nina. Sa paglipas ng panahon, dalawampung taong gulang na siya, ay nakilala niya si Boni na anak ng may-ari ng tindahan sa tapat nila. Si Boni ay tatlumput tatlo na nang mga panahong iyon. Matiyaga siyang niligawan nito na tuwing umaga ay gigising ito para tulungan si Nina na magbukas ng tindahan at hahatiran sa tanghali ng makakain. Dahil sa pagpupursigi ni Boni ay nahulog ang loob ni Nina at sinagot niya bilang nobyo si Boni. Maliban sa kadahilanang iyon nasabi niya rin na matanda na si Boni kaya ko siya nagustuhan dahil mas tiwala ako sa relasyon ng nakatatanda dahil marami na silang karanasan sa buhay at alam kong marunong na humawak ng maayos pagdating sa sariling pamilya. Makalipas ang tatlong buwan ay nagpakasal sila at namuhay ng sarili sa bahay na malapit rin roon sa lugar kung saan sila nagkakilala. Agaran

niyang binalita ito sa pamilya at laking tuwa ng ama niya dahil napunta sa mabutng kamay ang anak na si Nina. Sa kasalukuyan, si Nina ay nananatili sa tahanan habang si Boni ang nagtratrabaho para sa pamilya . Ninais niyang maiba ang buhay ng kaniyang mga anak at di na maulit pa ang nakaraan at iyon nga ang ginagampanan niya ngayon sa sariling pamilya nila ni Boni. Valedictorian sa Hayskul ang panganay ko at ang bunso ay sa Science school. Pinipilit kong maiba sila sa akin. Makakapagtapos din sila at lalaking may direksiyon ang buhay, masaya niyang pinagmalaki.

Talasanggunian:

Mga Nakapanayam at Nagbahagi ng Impormasyon: Ang sumusunod na mga impormante ay kinapanayam sa Lungsod Quezon, buwan ng Marso taong 2011.
1. Nina 45 taong gulang

You might also like