You are on page 1of 5

Allyson Charissa T.

Ansay
BSA – 1
GEED 10133-PANITIKANG FILIPINO

Ang maikling kuwentong, Si Ama, ay sumikat noong panahon ng pagsilay ng bagong kalayaan, ang panahon ng
liberasyon mula sa pananakop ng mga Hapones. Ang akdang ito ni Edgardo B. Reyes ay nagkamit ng ikalawang
gantimpala sa “Mga Gantimpala Palanca” sa taong 1963-1964.

1. Basahin ang akda at suriin ito gamit ang isa sa mga naaakmang pagdulog sa panitikan.
- Ang pagdulog sa panitikan na ginamit sa akda ay Sikolohikal. Sikolohikal ito dahil ikinukwento dito ang
tungkol sa isang ama na malayo ang ugali kumpara sa pangkaraniwang tatay. Mas namayani dito kung
paano nakakaapekto ang pag-iisip ng kanyang ama sa kanyang mga kinikilos at sinasabi. Siya ay isang
ama na may paninindigan sa buhay at ayaw niyang humihingi ng tulong ninuman dahil nais niyang siya
ang magpapakahirap sa lahat ng kanilang mga pangangailangan. Isa din siyang masipag na ama at asawa
at kahit sa kanyang pagtanda, hindi siya humingi ng pera kahit kanino, kahit sa kanyang mga anak para
pang dagdag sa gastusin ng kanyang asawa. Ito’y nag ipon din ng kanyang sariling panglibing na
nagpapatunay na kahit sa kanyang pagkamatay, siya ay may mataas na paninindigan dahil hindi niya
hinanggad na humingi ni singko sa kanyang mga anak.

2. Pagkatapos ng pagsusuri ay sagutin ang tanong sa ibaba. Maaaring sa anyong maikling kuwento, sanaysay,
tula o awitin ang paglalahad ng iyong kuwento.

Ikaw, ano ang kuwentong “ama” mo?

AMANG SA ALAALA
Nais ko sanang mag-bigay ng magandang kwento
Ngunit pati mukha niya’y naaalala ko lamang sa litrato
Dahil bata pa lamang, siya’y lumayo
At simula noon, buhay namin ay hindi na nagkatagpo

Ayon sa pagkakaalala ko
Siya’y madalas sa labas nagta-trabaho
Ngunit siya’y nagbibigay oras sa amin sa paglalaro
At iyon ay ikinagagalak ko

Mahilig siyang mangolekta ng laruang pambata


At iyon ay bawal naming masira
Dahil malaki ang halaga nito sa kanya
Sapagkat ito’y malaki ang perang halaga

Hindi sila nagkakamabutihan ng aking ina


Kaya kahit huling paalam, ipinagbawal niya
Noong bata’y, malawak na ang aking pangunawa
Nauunawaan ko’y sila’y hiwalay na

SI AMA
(Edgardo B. Reyes)

Si Ama ay may ugaling kanyang-kanya, isang dahilan upang siya’y maging malimit na paksa ng usapan. At sa
mga usapan tungkol sa kanya na narinig ko - narinig ko mula kay Ina, mula sa mga kapatid ni Ama, mula sa mga
kapitbahay, mula kung kani-kanino – ay para ko na ring nasaksihan ang buhay niya na hindi ko nasaksihan.
Nalaman ko halimbawa, na si Ama ay nakatapos ng pitong grado. Ito ang katangiang maipagmamalaki na kung
iisiping siya’y nag-aral sa panahong bihirang-bihira ang may hilig mag-aral. (Ipinanganak siya nang taong si Rizal ay
barilin sa Luneta.) Alam ko pati ang pagkakapangasawahan nila ni Ina. Labindalawang taon ang katandaan ni Ama kay
Ina. Aywan ko kung bakit sa kabila ng malaking katandaan niya kay Ina ay nagustuhan siya ni Ina. Ngunit alam ko kung
bakit lumagpas siya sa akmang gulang ng pag-aasawa. Panganay siya sa pitong magkakapatid, maaga silang naulila sa
ama, at natural, mangyari pa, na siya ang magdala ng pamilya. Nang may kumikita na sa mga kapatid niya ay saka pa
lamang siya nakaisip mag-asawa.
Bago mamanhikan si Ama ay nagpundar muna siya ng bakuran at bahay. Ngunit nang siya’y mamanhikan na
(kasama ang malalapit na kamag-anak) ay hiningan siya ng dote ng mga magulang ni Ina, bukod pa ang mga kondisyon sa
kasal. Pasudlungan daw niya ng dalawang sibi ang bahay ng kanyang bibiyenanin at ipakumpuni ang bulok na batalan. Sa
kasal, pinapagbuwal siya ng dalawang kalabaw. Nagpaalam sina Ama at ang sabi’y iisipin ang kanilang hinihingi, ngunit
hindi na nagbalik si Ama. Sabi raw ni Ama kay Ina nang sila’y makanakaw ng pagkakataong makapag-usap,

“Di ko kaya ang hinihingi nila, at kaya ko ma’y di ako lokong magpapalaklak nang gayon sa mga taong may
malalaklak naman sa kanilang bahay. Dalawang manok, kaya kong magbuwal. Kung lalagpas pa roon ang gusto nila’y
sabihin mong sa kanila ka na at akin na ang dalawa kong manok.”

Nasakyan naman ni Ina ang punto ni Ama. Katunayan, para ipakilala ni Ina na hindi mahalaga sa kanya ang
magarbong kasal, ay niyakag niya si Ama na magtanan sila. Kaya’t sa kanilang pagkakapangasawahan, ni ang dalawang
manok ay hindi nabuwal. Nagalit si Ingkong (ang ama ni Ina), ang pamalita’y hindi sila makakapanhik maski kailan. Itaga
raw iyon sa bato. Sinubok nilang pumanhik, itinaboy sila ng mura. Sinubok uli nila nang may apo na (si Ate Maring) sa
kanila si Ingkong, minura sila nang kaunti ngunit murang mura-murahan, nakapagmano sila.
Latero si Ama. Tumatanggap siya ng anumang gawain na may kinalaman sa lata: paatip ng bahay,balulod. Ang
silong ng aming bahay ay talyer na gawaan niya ng batya, palanggana, sandok, rigadera, imbudo, at kung anu-ano pa.
Apat kaming anak (si Ate Maring, si Kuya Selmo, Si Dikong Ige, at ako), at kami’y katu-katulong niya sa talyer. May
oras kami para sa laro, may oras para sa iskuwela, may oras na ukol sa pagtatrabaho. Sa kanya’y walang bata-bataris.
Mapapahiya sa kanya ang sinumang makikihingi ng balde. Dapat siyang bayaran ng bayad na sa palagay niya’y katumbas
ng kanyang ipinagtrabaho. Hindi siya nakakabataris at hindi naman nambabataris.
Minsan, noo’y maliit pa kami, si Ama ay nagkaroon ng trabaho sa malayo at may isang linggong hindi umuwi. Sa
ikatlong araw ng kanyang di pag-uwi ay lumakas ang hangin, walang lubay ang ulan; ang balita’y may bagyo. Sa takot ni
Ina na baka ibuwal ng bagyo ang aming bahay ay tumawag siya ng isang kapitbahay at pindagdagan ang serga ng aming
bahay. Nang umuwi si Ama ay napansin agad niya ang bagong serga.

“Mabuti,” sabi ni Ama. “E sinong pinagkabit mo nire?”


“Si Omeng,” ang sabi ni Ina.
“O,e, magkano ibinigay mo?”
“Atubili ang sagot ni Ina, “Nalimutan ko e.”
Nagalit si Ama. “Naghirap yung tao’y di mo binayaran? Hala, padalhan mo ng sampiseta.”
Kung ang ugali ni Ama ay hindi kabisado ng aming kapitbahay, walang pagsalang marami siyang
makakasumangan. Si Ama ay hindi nangungutang at hindi mauutangan. Noong panahon ng Hapon, natatandaan ko, ay
nagkahirapan sa bigas. Mapera kami (perang Hapon), ngunit ang mabibili ay wala. Naghanda ng isang bayong na pera si
Ama.

“Titingin ako sa San Rafael,” sabi ni Ama.

Umaga nang umalis si Ama at nang bumalik ay gabi na. Ang bayong ay may lamang apat na salop ng bigas.

“Gutom na’ng mga bata kaya nanghiram muna ako ng sanggatang kina Iska at siya kong nilugaw”, balita ni Ina
kay Ama.

Nagalit si Ama. Masakit din ang salitang sinabi niya kay Ina.

“Uli-uli, ke mamatay kayo sa gutom, huwag kayong mangungutang. Ang problema nati’y problema natin, huwag
n’yong idamay ang mga kapitbahay. Hala, palitan mo’ng kinuha mo kay Iska; patubuan mo ng sandakot.”

Si Ama ay hindi nagsisimba ngunit kami ay hindi niya pinagbabawalang magsimba. Kapag pista sa aming baryo,
kahit paano’y tumutulong siya sa abuluyan, ngunit hindi siya pumapayag na kami’y maghanda.

“Paano po kung magkabisita tayo?” minsa’y nasabi ni Ate Maring kay Ama. “Baka po magdatingan dito ang mga
kaklase ko.”

“Harapin mo, tapos!” sabi ni Ama. “Di baleng magpakin tayo sa iba kung hindi makagigipit sa ‘tin. Pero sa ‘tin
lang e di magkahusto’ng kabuhayan natin, paanong gagawin mo?”

Sa pag-aasawa ng mga anak ay liberal si Ama.

“Di ko kayo pakikialaman”, sabi niya sa amin. “Ke Hudas o Hudesa ang mapili n’yo, bahala kayo. May mga isip
naman kayo. Isang bagay lang: pag-aasawa nyo’y magsasarili kayo. At sa kasal, ayoko nang mangungutang kayo o
hihingi ng pangkasal sa’kin.”

Pagkaraan ng giyera ay sumigabo ang nagpapagawa ng bahay at si Ama ay tumanggap ng maraming trabaho.
Maestro latero siya at kaming tatlo nina Kuya Selmo at Dikong Ige ang piyon. Sinusuwelduhan niya kami nang arawan.
Ang sahod namin ay amin, hindi bumabahagi si Ina, at iyon ay sa kagustuhan na rin ni Ama.

“Gastahin n’yo para sa inyong sarili,” sabi ni Ama. “Ipag-aral n’yo.”

Kaya’t sa tulong ng paglalatero, lahat kami’y nagkakarera. Naging sikat kami sa aming baryo. Sino ang
maniniwalang sa baryo namin na ang halos lahat ay nabubuhay sa pagsasaka ay may isang pamilyang lahat ng anak ay
titulado? Sa naging kapalaran namin, hindi lahat ay pumupuri kay Ama. Nariyan din ang mga pumupula.

“Kuripot kasi e. Walang kapwa-tao. Animo’y kung sinong Poncio Pilato.”

Sunud-sunod aring taon ng aming pag-aasawa kaya’t sa loob lamang ng apat ng taon ay nawalan sina Ama ng
anak na walang asawa. At bilang pagsunod sa kagustuhan ni Ama, bawat mag-asawa sa ami’y nagsasarili. Sa mga may
pinagtapusan ay hindi mahirap ang pagsulong. Ilang taon lamang at si Kuya Selmo, empleyado ng bangko, ay
nakapagpatayo ng magandang bahay sa Makati. Si Dikong Ige, kimiko sa habihan ng tela, ay nagkakotse at nagkabahay sa
Pasig. Si Ate Maring, maestro sa haiskul, ay may bahay na rin sa Caloocan. Ako’y nangungupahan ng “apartment” sa
Quezon City ngunit may hinuhulugan na akong lote at nagbabalak na ring magpatayo ng bahay.

Samantala’y matanda na rin si Ama, sila ni Ina ay naroon pa rin sa luma naming bahay, na gayong latera siya ay
pawid ang bubong. Sa buhay nila ni Ina, ang pinakamalaking pagbabagong mapapansin ay ang patuloy na pagdami ng
puti sa kanilang mga buhok. Kung lilingunin ang pinagmulan naming magkakapatid ay masasabing malalayo na rin ang
aming nararating. Ang bagay na ito ay nauugnay sa bali-balitang nahihigingan namin: umano, kaming magkakapatid ay
walang turing na mga anak. Pagkatapos daw na maiangat kami ni Ama ay pinabayaan na namin sila sa ibaba. Sa aming
kawalang-utang na loob, marahil ay kami lamang ang makakaunawa. Ang kalagayan nina Ama ay napag-usapan na
naming magkakapatid. Kukunin namin sila. Nagkaroon pa nga kami ng pagtatalo, pag-aagawan, ‘pagkat dalawa lamang
silang kukunin namin at apat kaming kukuha. Napagkayarian na lamang naming kung sino ang gustong samahan nina
Ama ay siyang mananalo. Umuwi kami at ang aming napag-usapan ay sinabi namin kina Ama. Inaasahan naming
matutuwa si Ama, ngunit nagkamali kami.

“Magtigil nga kayo,” sabi sa amin ni Ama. “Handa kami sa pagtanda namin ng ina ninyo. Anong akala n’yo? At
kayo ba’y papagsarilinin ko ng ano?”
At ang pagpupumilit namin at pagpapaliwanag ay hindi pinakinggan ni Ama. Ibang balak naman ang sumaisip
namin.

“Ipagiba natin ang bahay na pawid at ipagpagawa natin sila ng bago,” mungkahi ni Kuya Selmo. At iyon ay
sinang-ayunan namin. Ngunit muling binigo ni Ama ang aming pagmamagandang-loob.

“Tama na itong bahay na ito sa amin ng ina ninyo,” sabi ni Ama. Tama na sa tao yaong pagtulog ay hindi
nahahamugan.”

Basta’t may pagkakataon lamang ay umuuwi kami sa lalawigan at dinadalaw namin sina Ama. Nagpapasalu-
salubong kami ng damit, pagkain, at kagamitan sa bahay ngunit ayaw tanggapin ni Ama.

“Hindi pa naman kayo kayamanan a,” sasabihin ni Ama.

Mahina na si Ama. Malabo na ang kanyang mga mata at makupad na siyang kumilos. Wala na ang dating bilis
niya sa pagsisinsil ng lata, ang dating bilis niya sa paghihinang. Maluwag na ang balat sa maugat niyang bisig at parang
mabigat na para sa kanya ang soldador, ang istanyo. Paggawa naman ng lababo ang inaatupag niya, at iyon ay ipinagbibili
ni Ina sa palengke. Minsan, sa awa ko, ay nilihim ko si Ina. Inabutan ko ng pera si Ina, ngunit iyon ay ayaw niyang kunin.

“Magagalit ang Ama mo,” sabi ni Ina.

“Di huwag po ninyong sabihing binigyan ko kayo,” sabi ko.

“Hindi ko magagawa anak,” sabi ni Ina. “Hindi nga niya malalaman pero ang kaso’y di ko kayang maglihim sa
kanya. Di ko kayang magtago ng anuman sa kanya. Saka di naman namin masyadong kailangan ang pera. Pagkain lamang
naman ang pinagkakagastahan namin.”

Nahuhukot si Ama ay gumigiray naman ang luma naming bahay.

“Sa edad n’yong iyan ay di na kayo dapat magtrabaho,” sinasabi namin sa kanya.

“At anong gusto n’yo? Mamatay ako nang nakatunganga?”

Bunga ng katandaan ay malimit nang dapuan ng sakit si Ama. Kaya’t isang araw ay lumuwas ang isa naming
pinsan at ibinalitang patay na si Ama. Naiyak kami ngunit ang balita’y hindi naging kagulat-gulat sa amin. Gumayak kami
sa madaliang pag-uwi kasama ang pami-pamilya. At bago kami nagkanya-kanyang uwi, si Kuya Selmo ay nakasama ko
sa pagbili ng korona.
“Pihong aasahan sa atin ang malakihang libing at isang malakihang lamayan,” sabi ni Kuya Selmo. “Kahiya-hiya
sa baryo natin at sa mga kamag-anak natin kung sa ating kalagayang ito’y hindi natin maibigay iyon sa Ama.”

“Ano ang mainam na gawin natin?” tanong ko

“Gastahan natin nang todo ang Ama. Antalahin natin ang libing para maipagpagawa natin siya ng libingang
marmol. Ibili natin siya ng maganda at mahal na ataul. Kumasundo tayo ng musiko. Umarkila tayo ng mga dalawampung
karitela para walang maglalakad sa mga makikipaglibing. Sa lamayan, ibigay natin ang kaya nilang kainin.”

“Tama,” sabi ko. “Tutal ngayon lamang naman natin pagkakagastahan ang Ama.”
Sa luma naming bahay nang dumating kami, ang mga nakikiramay ay nagpapayok ng galyetas na ipinaaanod sa
matabang na kape. Wala ni isang manok na pinapatay sa kusina. Sa duluhan ng bakuran ay tatlong karpintero ang
gumagawa ng ataul. (Sa aming bayan, ang mayayaman lamang ang kapag namatayan ay bumibili ng yari nang ataul.)

Si Ama ay nakaunat sa papag. Alam kong siya’y patay na ngunit aywan ko kung bakit pilit kong isinasaisip na
siya’y natutulog lamang. Ibig kong huwag umiyak pagkat lalaki ako, ngunit sa gayong pagkakataon pala ang lalaki’y
nawawala sa kanyang pagkalalaki. Ang napag-usapan namin ni Kuya Selmo ay sinang-ayunan nina Dikong Ige at Ate
Maring. Malakihang lamayan. Kontri-kontribusyon kami ng tig-sasandaang piso kay Ate Maring na sasamahan niya ng
sandaan din bago ibigay kay Ina.

“Para saan ito?” tanong ni Ina nang ibigay na sa kanya ni Ate Maring ang pera. At ang aming napagkayarian ay
inilahad namin kay Ina.

“Magpabili na kaagad kayo ng baboy, saka maraming manok,” sabi ni Dikong Ige. Patigilin na ninyo ang
gumagawa ng ataul at bumili na lang tayo ng yari,” sabi ni Kuya Selmo.

Ngunit hindi nasunod ang aming nais sapagkat tumutol si Ina.

“Hindi ko magagawa iyon sa ama ninyo,” sabi ni Ina. “Lalo na ngayong nananahimik na siya.”

At sa paliwanag ni Ina ay lumitaw na si Ama pala ay nag-ipon ng perang pampalibing sa sarili nito. Kaunti
lamang ang natipon ni Ama, ngunit sasapat na sa isang aba, payak na libing, na umano’y siyang ibig ni Ama. Nais ko
sanang sabihin kay Ina na anuman ang gawin namin sa libing ni ama ay maaari sapagkat wala na si Ama upang tumutol.
Ngunit naisip kong isang malaking kalapastanganan kung magsasamantala kami sa sandaling si Ama ay hindi na
makapagtanggol.
Puntod lamang ang pinaglibingan kay Ama, ngunit damang-dama ko ang dangal at katapatan ng libing na iyon.
Hanggang sa huling hantungan ay dala ni Ama ang kawalan ng pagkukunwari.

You might also like