Professional Documents
Culture Documents
Elyrah Salanga
Wala akong kinalalagyan. Hindi katulad ng sapatos na may shoebox o di kaya’y ang mga plato sa
platerya. Ang bahay, ayon sa iba, ay kanlungan ng ating mga alaala. Paano kung nanakawan ka ng bahay,
nasunugan, o naakyat- bahay? Anong mangyayari sa mga alaala mo? Paano kung palagian kang naglilipat-
bahay? Hindi kaya malilito at maalog ang mga maalala at naalala mo? Katulad ko, naglilipat-bahay kami. Kaya,
wala akong paglalagyan. Ito ang talambalay namin.
Sa edad kong dalawampu’t pitong taong gulang, masasabi kong marami akong nakilalang mga
propesyunal sa kanilang larangan. Nariyan si Eugene, isang propesyunal na manunulat, si Danny, ang
propesyunal na manunulot, si Harold, ang propesyunal na bolero, si Grace, ang propesyunal na mandadaot at si
John, ang propesyunal na guro. Pero ako, propesyunal ako sa ibang bagay. Kabilang ako sa pamilyang eksperto
sa paglilipat-bahay. Tulad ng mga kakilala kong propesyunal sa kani-kanilang larangan, bago ko natamo ang
pagiging propesyunal, pinaghandaaan ko’t pinag-aralan ang larangang ito. Kabilang dito ang paghahanda ng
aking sarili sa pisikal, sikolohikal at pinansyal na aspekto para sa paglilipat ng bahay. No Permanent Address o
NPA kumbaga.
PAGBIBIGAY-NGALAN AT PAGBABAGO
Nasa kinder ako nang ituro sa akin ng aking mga magulang ang kahalagahan ng pagsasaulo ng aking
pangalan, pangalan ng aking mga magulang, mga kapatid at ang aming adres. Itinuro sa akin ang tamang
pagbigkas. Upang maisaulo ko, kinailangan kong kantahin ang bawat letra kasabay ng pagtuturo ng tamang
pagsulat at pagbaybay ng mga ito. Ani nila’y pag-iingat lamang ito kung sakaling maligaw ako sa isang
pampublikong lugar. Ito ang kauna-unahang aralin na natutunan ko: ang kahalagahan ng mga pangalan. Ito
marahil ang nasa isipan ng aking mga magulang nang mula sa maraming bahay sa Diliman, napagdiskitahan
nila ang isang malaking bahay sa isang kalyeng may nakatatawag-pansin na pangalan.
Ayon sa mga numerologist, may ibig sabihin ang bawat numero at titik sa alpabeto. Sa kaso namin, tila
itinadhana ang numero at pangalan ng aming bahay—ang #5 Mabuhay St. Para kay Linda Strayhorn ang
numero singko o ang pagsusuma nito ay nangangahulugan ng paglalakbay, pagiging masayahin at ang
pagkahumaling nito sa dami ng tao.
Binagayan ng pagpapakuhulugan ng adres namin ang uri ng aming pamumuhay. Dahil sa kilalang manunulat
ang tatay ko, lumaki kaming magkakapatid sa isang bahay na gising beinte kuwatrong oras. Ang bahay namin ay
kilala sa dami ng taong labas-masok sa aming tahanan. Sa dami ng taong bumibisita, sumisikip ang malawak na
hardin na itinuturing naming palaruan. Bata pa lang kami, alam na namin na naiiba kami sa mga kalaro namin sa
aming lugar. Kung ang aming mga kalaro’y kalahating dosena lamang ang pares ng kanilang mga Tito at Tita,
triple-triple naman ang sa amin dahil sa dami ng mga naampon na kamag-anak na nagreregalo sa amin. Kaliwa’t
kanan ang pasalubong ng mga damit, pagkain at laruan. Araw-araw ay laging may handaan dahil sa mga
bisitang dumadalaw sa tatay ko. Sa pananaw ng mga kalaro namin, mayaman kami dahil dito lalo na nang
malaman nilang nasa Amerika nakatira ang Ate namin. Mayaman nga siguro kami dahil ang bawat kuwarto ay
mayroong telepono at intercom, mayroong yayang nakabantay, puno ang refrigerator ng pagkain at nagpagawa
pa ang tatay ko ng mga swing at isang kubo para sa aming bahay-bahayan. Hatid-sundo kami ng drayber sa isa
sa tatlong kotse at may kanya-kanya rin kaming mini cars. Regalo ito ng aming mga magulang. Firetrucks ang
para sa mga babae at patrol car naman para sa bunsong lalaki.
Idagdag pa dito,ang kinaiinggitan na silid-aklatan dahil sa koleksyon ng tatay ko ng tatlong libong libro. Kung
tunay kaming mayaman, naisip ko noon, sana’y habambuhay na ito.
Hindi pala ganoon.
Noong namatay ang tatay ko, nagbago ang aming buhay. Nang sabihan kami ng nanay ko na wala na
kaming tatay, matagal bago ko naunawaan ang gusto niyang iparating sa amin. Akala ko, tatay ko lang ang
mawawala. Iyon pala pati bahay namin. Laking gulat ko na lamang nang malaman kong hindi sa amin ang
tinitirhan naming bahay. Nirerentahan lang pala namin ito. Kinakailangan naming lisanin ang bahay na laging
buhay dahil sa dami ng tao at sa mga alaala ng pamamalagi doon ng aking tatay. Hindi ko maunawaan kung
bakit kailangang lumipat ng bahay.
Noong huling araw namin sa bahay, nagsisimula na kaming mag-empake ng mga gamit. Naghahati-hati
kami ng trabaho. Ang mga maliliit kong kapatid ang mag-aayos ng kanilang mga laruan. Ako nama’y tutulong sa
pagtiklop sa damit. Si Nanay sa naiwang gamit ng aking tatay. Hati-hati sa trabaho, tulong-tulong sa lahat ng
gawain ang motto namin. Tatlong oras bago kami umalis, hindi ko alam kung bakit, nag-boluntaryo akong linisin
ang sahig ng master’s bedroom. Kinuskos ko ang mga nanlilimahid na dumi sa mga sulok. Nagbanlaw,
nagpunas, nagbanlaw, nagpunas hanggang sa pumasok sa kuwarto si Nanay na manghang-mangha sa
pinaggagawa ko. Ano daw ang silbi ng paglilinis ko kung aalis kami? Naalala ko noon ang sinagot ko: e, kawawa
naman ang susunod na titira kung madumi ang bahay. Umiling na lamang siya’t iniwan ako sa kuwarto.
Noong hapon ding iyon, handa na ang lahat para sa aming paglilipat.
Nang sumakay na kami sa malaking trak, gusto ko nang batukan ang sarili ko. Tama nga ang nanay ko,
ba’t ko gagayahin si Cinderella kung ibang tao naman ang makikinabang? Naiinis ako habang bumabiyahe kami
sa East Avenue. Naiinis ako dahil hindi ko na makikita ang mga kalaro ko. Naiinis ako dahil hindi ko na makikita
ang mga taong bumibisita sa amin. Naiinis ako dahil maiiwan ang kubo at swing namin. Higit sa lahat, naiinis ako
dahil iiwanan ko ang naging magandang buhay ko sa bahay na iyon. Ang paglisan na ito ang siyang nagsilbing
hudyat para sa paghahanda sa bagong lilipatan at sa bagong adres na sasauluhin namin.
DEAD END
Lumipat kami sa bahay numero tres. Sa paglipat namin sa Lands St. sa Visayas Avenue, doon lang
namin naunawaan ang kahalagahan ng pagpili ng tamang lokasyon. Ayon sa mga feng shui experts, malas ang
bahay na ito dahil nasa dead end kami ng Lands St. Alam siguro ito ng may-ari pero dahil sa artist at painter ito,
hindi niya ito pinansin. Nang maglipat kami, walang sumalubong sa amin. Wala ang may-ari pero naroon ang
ilang sawang gumagapang. Nagtilian kami sa aming nakita. Nang tanungin ni Nanay ang may-ari, nagkibit
lamang ito ng balikat at nagsabing masuwerte ang may ahas sa bahay. Nahirapan akong mag-adjust sa bahay
lalo na’t may ahas sa tabi mo’t hindi mo alam kung kailan ka lilingkisin. Tulad nang nakagawian, nilinis muna
namin ang bahay. Tinanggap namin na maluwag sa aming kalooban ang bahay ngunit tila yata kami ang ayaw
tanggapin ng bahay dahil sa kamalasang idudulot nito sa amin. Tulad ng nangyari sa Ate ko at kay Nanay.
Pagkaraan ng anim na taon, umuwi ang kapatid ko mula sa Amerika. Nakasilid sa kahon-kahon ng PX goods
ang mga Hershey’s Kisses, Suave, pabango at ang kanyang sama ng loob. Dadalawang linggo pa lamang siya
sa Pilipinas ay nagpasabog na siya ng bomba sa Davao. Ang itinuturing bakasyon para sa kanila ng nanay ko ay
naging mitsa ng kanilang di pagkakaunawaan. Isang araw, nabulabog ang buong bahay dahil sa malalakas na
sigawan sa isang silid. Nanggigigil si Ate kay Nanay. Nanlilisik ang kanyang mga mata at nakikita ng lahat ang
pagtalsik ng kanyang laway dahil sa sunod-sunod na pagmumura nito kay Nanay. Noon lamang nalaman ng
nanay ko ang lalim ng sama ng loob ng kapatid ko sa aming mga magulang. Dahil lamang sa pera nagrebelde
ang kapatid ko. Kinabukasan, umuwi ang nanay ko. Pagkaraan ng tatlong araw, nagkasakit siya. Nilagnat ang
nanay ko’t nahirapan siyang huminga. Senyales ito para sa akin ng ikinikimkim niyang sama ng loob sa aking
nakatatandang kapatid.
Ako ang inutusan para tawagin ang manghihilot. Lumabas ako ng bahay alas-onse na ng gabi. Kahit
alam kong mapanganib ang lumabas ng mga oaras na iyon, nilakasan ko ang aking loob na puntahan ang bahay
ng manghihilot. Katutulog lang ng manghihilot nang mabulabog siya sa pagkatok ko. Malalakas ang aking mga
katok. Gusto kong ipadama sa kanya ang kahalagahan ng aking pagkatok. Hangos na lumapit sa akin ang
manghihilot. Hinding-hindi ko malilimutan ang sandaling iyon. Bakas sa kanyang mukha ang antok pero nakikita
ko ang repleksiyon ko sa kanyang mga mata ang maputla kong mukha. Kilala ng manghihilot ang aking nanay.
Nakabubuti ito sa akin dahil nabawasan ang mga katagang nais kumawala sa aking bibig.
Ang makita ang nanay ko na nag-aalumpihit sa kama ay isang nakapangingilabot na pangyayari. Panay
ang pagbangon niya at pagsusuka. Malamig ang kanyang pawis subalit napakainit ng kanyang katawan.
Naaawa ako sa kanya. Ginusto kong magwala, sumigaw, magmura at magtapon ng gamit. Nagpigil ako, para sa
nanay ko, nagpigil ako. Galit ako habang pinapahiran ng efficasent oil ang likod ng nanay ko. Galit ako sa
kapatid kong kayang tiisin ang nanay ko. Galit ako dahil sa kanyang pagwalay sa amin, hinayaan niyang baguhin
siya ng panahon. Galit ako dahil hindi na niya kami kilala. At naisip ko: tama ang feng shui experts. Malas ang
bahay na nilipatan namin. Balewala ang mga ahas. Ang nagagawa lang pala nito ay ang magpalit ng kanilang
balat. Mabuti pa nga sila kung gano’n. Mabilis nilang nahuhunos ang kanilang balat at mabilis itong napapalitan.
Pero ibang-iba sa tao. Nakita ko sa kapatid ko na ang naihunos ay posibleng di na maibabalik. Saksi kami sa
tunay niyang pagkatao. Tama ang feng shui experts. Malas ang bahay. Dahil sa nangyari, gusto kong takasan
ang malas na idinudulot sa aming pamilya. Noong gabing iyon, hindi lamang ang paggaling ni nanay ang
ipinagdasal ko, maging ang paglisan namin sa bahay sa dead end.
PAGBITIW AT PAG-USAD
Siguro nga naawa sa akin ang Diyos noong gabing iyon. Siguro kahit may pinagkakaabalahang iba ay
narinig niya ako. Pagkaraan ng dalawang buwan, lumipat kami sa bungad. Sa Visayas Avenue mismo nakatayo
ang bahay numero kuwatro. Maganda daw ang posisyon ng bahay, sabi ni Nanay. Kami ang unang sasalo ng
grasya. Ngumiti lang ako hindi dahil sa nagbabadyang grasya kundi dahil sa nararamdaman ko noon. Sa mga
sandaling iyon, hindi na importante sa akin kung ano ang hitsura ng bahay, kung maliit man ito o malaki, kung
suwerte o hindi, ang importante sa aki’y nakalipat na kami. Tama na iyon para sa akin.
Mag-iisang taon na kaming nakatira nang mapansin kong sinusundan kami ng kamalasang naiwan
namin sa dating bahay. Nasa ikatlong taon ako sa hayskul nang dahil sa pangangailangang pinansyal ay
kinakailangang maibenta ang koleksyon ng libro ng tatay ko. Nang kausapin kami ni Nanay tungkol dito, bigla
ako nakaramdam ng panghihinayang. Hindi ko pa man nabasa ang lahat, mapapakinabangan na ito ng iba!
Nanlumo ako. Dali-dali kong hinanap ang mga librong alam kong makatutulong sa aking pag-aaral. Nahirapan
ako. Para sa akin, ang buong koleksyon ay makatutulong sa aking pag-aaral. Inisa-isa ko ang mga librong
waring ako’y nagpapaalam sa isang matalik na kaibigan. Marahil, may dahilan kung bakit kailangang mawalay
din ang mga libro ng tatay ko sa amin. Baka nakasuksok sa pagitan ng mga pahina ang mga alaala ng aming
masayang kabataan kapiling ang aming tatay na dapat naming ibahagi sa iba. O, baka nais lang din sabihin ng
tatay ko sa amin na kailangan na naming bumitiw sa mga alaalang iyon. Bigla akong naguluhan. Bagamat
nanganganib ang pagtatapos ko sa hayskul, nagtatalo sa aking kalooban kung saan ko ilulugar ang naiwang
alaala ng aking tatay sa amin. Mabigat sa loob kong tanggapin na kahit tama ang hakbanging ito para sa amin,
hindi makatarungan na ipagkait sa amin ang pagkakataong mamulat kami ng mga libro ng tatay ko. Dapat nga
bang ibenta para sa pagtatapos namin o magsilbi itong pamana sa amin? Subalit hindi nakasalalay sa akin ang
magpasya.
Nanay ko ang nagmakaawa sa mga kaklase ng tatay ko sa Ateneo na suportahan ang aming pag-aaral.
Pagkaraan ng dalawang oras na pulong, napagkasunduan na sasagutin nila ang aming pag-aaral hanggang sa
matapos namin ang kolehiyo. Ito na marahil ang suwerteng hinihintay namin. Nasalo nga namin kahit papano
ang grasya. Pagkaraan ng isang taon, nakapagtapos kami ng kapatid ko. Ako sa hayskul, ang sumunod sa akin
sa grade school. Pinagtapos kami ng mga libro ng tatay ko.
Natutunan namin na hindi kawalan ang pagbibitiw ng mga bagay at alaala para kami’y makausad.
BINGO!
Isa sa mga inutangan namin ang nagyaya sa amin na tirhan ang kanyang bakanteng apartment sa
EJAP Compound sa General, Tandang Sora. Dahil sa pagkainis namin sa nangyari, dali-dali kaming napapayag.
Lumipat kami sa bahay numero pito. Dito namin natutunan ang kahalagahan ng pananaliksik sa tirahang
lilipatan. Sa sobrang kasiyahan namin, hindi namin napag-aralan ang sitwasyon ng mga bahay sa erya na iyon.
Nakalipat na kami’t lahat doon lang namin nalaman na may oras ang pagdaloy ng tubig. Dahil pababa ang
compound, mabagal at pahirapan ang pag-akyat ng tubig. Kadalasan kahit inaantok at pagod kami galing sa
eskwelahan at trabaho, matiyaga naming hihintayin ang tubig. Alas-onse hanggang ala una ang pagdating ng
tubig. Kaya sa tuwing gigising kami, pahirapan din ang pagbangon at unahan sa banyo’t baka maubusan ng
naimpok na tubig. Kung mamalasin, napipilitan kaming magbayad araw-araw ng kuwarenta pesos para sa
nagrarasyon. Unahan pa ito kaya pag dadating ang mga nagrarasyon, daig pa nila ang mga sikat na politikong
nangangampanya. Subalit nabawi naman ng kasalatan ng tubig ang kahit papa’nong pirming pagpasok ng pera
sa bahay namin.
Isang araw, nabalitaan namin na may compound party na gaganapin sa makalawa. Gusto namin itong
iwasan sapagkat wala kaming nakapalagayang-loob sa compound dahil isang buwan pa lamang kami
naninirahan doon. Para makaiwas sa mga pangungulit ng Presidente ng compound, napagdesisyunan naming
pumunta sa SM Edsa. Naglibang kami doon, nagpakasawa sa oras. Kumain kami sa Sbarro, namili ng insenso
at kandila sa Watsons at kumain ng rocky road blizzard sa Dairy Queen. Nang makita naming maaga pa, ginawa
namin ang isang bagay na di pa nagagawa ng pamilya namin—nag-bingo kami. Dahil kakakuha ko lamang ng
suweldo ko, sinulit namin ang aming paglalaro. Mula sa ordinary game hanggang sa special game,
pinagtiyagaan namin umaasang mananalo kahit sa loob-loob nami’y imposible dahil sa dami ng tao.
Wala kaming alam sa mga palaro sa bingo. Hanggang basic lang kami. Noong tumatagal na ang laro at
pataas na nang pataas ang premyo, humingi na kami ng saklolo. Kinausap namin ang katabi naming matandang
babae. Kumpara sa kanya, mas marami ang kanyang bingo card kaysa sa amin. Ang nakamamangha, kaya
niyang bantayan ang lahat ng ito kahit kami nga’y natataranta sa mga bingo cards na hawak namin. Sa gitna ng
pagsigaw ng bawat letra at pagkataranta, ginabayan kami ng matanda. Waring nagpalit kami ng puwesto.
Kaming mas nakababata ang inaalalayan ng nakatatanda.
Unti-unti naming natutunan ang laro. Sa haba ng laro, halos namemorya na naming mag-ina ang
puwesto ng mga numero sa bawat letra. Pati mga kapatid ko, feeling eksperto na. Magaling talagang magturo
ang matanda. Siya ang ka-buddy namin sa buong laro. Nakikipagbiruan siya sa amin at nang maubos ang tinta
ng bolpen ng nanay ko, pinahiram kami ng magic marker niya. Baka daw suwertehin kami. Dadalawang card na
lang ang hawak namin, isang laro na lang tapos na ang pa-bingo. Sa pagkakataong ito, nawawalan na rin kami
ng gana hanggang sa huling tatlong kahon, nabuhayan kami. Nang sumigaw ang kapatid kong babae ng
“Bingo!,” napasigaw rin ang nasa mesang tatlong dipa ang layo sa amin. Pinaghatian namin ang P50,000 at
binalatuhan ang matandang babaeng tumulong sa amin. Kinabukasan, nakabili kami ng washing machine,
cellphone at Play Station para sa kapatid kong lalaki.
PAGTATAPOS NG SIKLO?
Tiniis naming iwanan ang suwerte sa EJAP Compound. Napapalaki lang kasi ang aming gastusin dahil
sa pagrarasyon. Sinagot ng nanay ko ang isang rent ad sa Buy and Sell. Sa Sikatuna Bliss kami napadpad at
kapitbahay namin ang squatters erya. Sa mga panahong ito, dahil sa mga nangyari sa amin, namimili na kami ng
aming kakaibiganin at kikilanin. Una kaming tumira sa loob ng building six pero dahil sa barado lagi ang inidoro,
umalis kami. Sa bahay sa labas ng building six kami tumira. Alanganin ang bahay na ito, bahagi ng building six
pero wala sa loob ng building six. Lumipat kami sa bahay sa tabi ng kalsada. Luma na ang bahay at sa palagay
ng nanay ko, dahil sa kalumaan, isang anay na lang ang hindi pa nakapirma dito. Ito ang bahay numero siyam.
Ayon sa numerology ng buhay ng nanay ko, ang numero siyam ang pagwawakas o pagtatapos ng siklo
(cycle) ng numero bago muling magsimula sa numero isa. Sa bahay na ito, tila nanumbalik ang labas-masok ng
mga bisita sa aming bahay. Kakatwa lamang isipin na ito ang bahay na mahirap hanapin. Sa tuwing nagpapa-
deliver kami ng pagkain sa fastfood, kahit anong sabihin namin at pagtuturo, nahihirapan silang hanapin ang
bahay namin. Kung tutuusin, dapat napapadali ang kanilang paghahanap dahil nasa labasan na kami. Subalit tila
yata binabagayan ng bahay naming ito ang pamimili sa mga bumibisita sa amin. Sa totoo lang, kakaunti lamang
sa aming mga kakilala ang may alam sa bahay namin. Minsan pa nga, mas lalong naliligaw ang mga taong
nangungulit at pilit na naghahanap sa amin. May mga pagkakataon na lalabas kami ng aming gate para madali
kaming makita pero sa di malamang dahilan, hindi kami nagtatagpo ng aming mga bisita. Alam ng bahay namin
siguro ang mga taong ayaw na naming makita, mga taong nagpapaalala lamang ng mga masasakit na alaala sa
aming pamilya.
Sa aming paglilipat, sinubukan naming magsimulang magtanim ng mga magagandang alaala. Dahil sa
numerology, nais naming isipin na ito na ang aming huling paglilipat. Marami kaming pagbabago na ginawa.
Unang-una ang pagpapalit o pagkilala namin sa mga bagong nakakasalamuha. Dito nakilala ng nanay ko ang
mga kaibigang walang koneksyon sa tatay ko. Sila’y ang mga kaibigang siya mismo ang lumikha. Iba’t ibang
personalidad, iba’t iba rin ang kuwento nila sa buhay. Sa bahay na ito, tila nanumbalik ang labas-masok ng mga
bisita sa aming bahay. Nariyan si Dagul na tinutuksong isip-bata, si Tiyanak ang maliit na lalaki subalit
mayabang, si Angas ang nagagalit kapag siya’y inagawan ng bahay sa ground floor at higit sa lahat ang
tinatawag ng nanay kong mga Botocan kids. Ang mga batang ito ay nakatira sa Botocan (isang squatters erya)
malapit sa amin. Laging nauutusan kapalit ng kaunting barya o pagkain. Ang mga batang ito ang naging
katuwang ng nanay ko sa gawaing-bahay. Subalit higit sa pagiging katuwang ang naging papel nila sa buhay
namin, lalo na kay Nanay. Sila ang mga batang dating sinasaway ni Nanay dahil kinukuha ang aming mga
mangga na walang paalam, na ngayon ay nagmistulang mga ampon na anak ng nanay ko. Ngayon, sila na
mismo ang nagsusumbong sa amin kung may nagnanakaw ng aming mangga o di kaya’y nakalabas na naman
ang mga alaga naming kuting sa gate. Walang hindi nakakakilala sa nanay ko sa Botocan. Laking gulat na
lamang namin nang isang araw nakarating na sa Lambak at Tangke ang pangalan ng nanay ko. Pag sinabing
“Si Ate Alice?” iisang tao lang ang nasa isipan nila. Ayon nga sa nanay ko, siya ang matandang siga na
bahagyang umangat sa lupa. Kinaibigan din ng nanay ko ang mga tricycle driver para masiguro ang proteksyon
namin. Kung dati-rati may kotse kami, ngayon nama’y pinagdadrayb kami ng mga kakilalang tricycle driver.
Malaki ang tulong nito sa amin lalo na kung kailangan naming mamili sa di kalayuang grocery sa Kalayaan St.
Kaya minsan, pag nagbibiruan kaming mag-iina, lagi namin siyang niloloko na kung tatakbo siyang baranggay
captain ay pihadong mananalo siya. Higit sa lahat, nakabuo rin ng sariling barkada ang nanay ko. Mayroon na rin
kaming Morning Girls na sina Adelle at Ric na isang bading. Hindi sila nagmamahjong kundi nagbubugahan
lamang sila ng usok at kuwento. Isa sa mga paborito nilang pag-usapan ay ang pagbabalik-tanaw nila sa
kanilang pagkabata. Hahagalpak sila ng tawa dahil sa mga misadventures at kapilyuhan nila noon. Ang mga
pag-aaway sa kalye, ang mga kending nauso noon na hinahanap nila ngayon (paborito nila ang tira-tira) at ang
mga nobyong hindi guwapo ngunit matiyagang manligaw ang ilan sa mga yugto ng kanilang pinag-uusapan.
Subalit, may mga pagkakataong bigla na lamang mananahimik ang tatlo. Drama na ng kanilang buhay ang
paksain sa mesa tulad ng mga pagkakataong hirap sa buhay dahil kulang ang pera, mga sakit na akala’y hindi
malulunasan at ang mga oportunidad na hindi nakuha. At mayamaya lamang, bigla na naman sila tatawa dahil
pahabaan na ng listahan ng utang ang pag-uusapan.
Kasunod ng pakikisalamuha namin sa mga bagong kaibigan at kapitbahay ang pag-aayos na rin ng
aming bahay. Nagtanim ang nanay ko ng malunggay, ilang santan at ibapang halaman para mapaganda ang
aming maliit na hardin. Hindi na kami nagritwal sa bahay na ito. Hindi na rin namin ito inangkin. Ang importante’y
ginawa namin ang lahat ng aming makakaya dahil tulad ng aming ibang natirhan, bahay pa rin namin ito kahit
alam namin hindi ito mapapasaamin. At masayang-masaya kami dito. Marupok ang bahay dahil sa mga anay
ngunit matatag ang pamilyang tumitira dito.
Minsan hindi ko maiwasang magtanong. Bakit halimbawa, ayaw kaming tanggapin ng mga bahay na
aming nasisilungan? Bakit kalunos-lunos ang aming nagiging sitwasyon? Kapag nadadaanan ko ang mga bahay
sa pagbiyahe ko, hindi ko rin maiwasan ang di mainggit. Naiisip ko tuloy: ano ang nagawa ng iba kaya
nagkaroon sila ng sarili nilang bahay? Baka may taktika o lihim na sadyang ipinagkakait sa amin upang di namin
ito matuklasan. O baka naman, nagawa namin ang taktikang iyon subalit sa maling paraan. At naisip ko, kami
lang ba ang palagiang naglilipat ng bahay? Marami akong katanungan, marami akong gustong itanong sa
nanay ko tulad ng: kung magaling ngang magsulat ang tatay ko’t may mataas na I.Q., bakit hindi niya naisipang
bumili o magpatayo ng sarili naming bahay? Pero ayoko nang malaman pa ang mga kasagutan. Hindi na ito
importante sa akin. Lalo na ngayon.
Labing-pitong taon na kaming naglalakbay at naglilipat-bahay. Labing-pitong taon na rin kaming walang
sariling bahay. Iniisip ko na lamang na may ibang planong nakalaan para sa aming mag-iina. At ngayong
nakapagtapos na ang bunso namin sa kolehiyo, napapangiti ako. Nakapagtapos siya sa bahay na ito—bahay
numero siyam. Isang pagtatapos para sa isang panimula. Marahil, maglilipat pa kami ng bahay o maaaring ito na
nga ang huling bahay na uupahan namin. Ngunit nawawala ang mga agam-agam kong ito kapag nakikita ko ang
kapatid kong naghahanda sa pagpasok niya sa trabaho.
Noong nakaraang taon, nabasa ko sa dyaryo ang mga nawalan ng bahay dahil sa ipo-ipong si Katrina sa
Amerika, nayanig ng lindol ang mga bahay sa India, at natabunan ng lupa dahil sa landslide ang mga taga-
Leyte. Hanggang ngayon, problema at prinoproblema ang bahay. Kung saan titira at kung papaano aalagaan
ang tirahan. Kaya, paano kung ang ating mga alaala sa loob ng bahay ay hindi na magkasya sa ating bahay?
Marami siguro sa atin ang mababaliw dahil maglilipat-bahay rin ang ating mga alaala.
Pero ako, kahit wala akong pirmihang tirahan, bitbit ko kahit saan ang akin at aming alaala. Lalo na
dahil sa dami ng aming pinagdaanan sa paglilipat-bahay, napagtanto ko na kami ang gumagawa ng bahay. Mas
matibay ang bahay na sinisilungan ko. Bahay ko ang aking nanay at mga kapatid. Ito ang pinakamahalagang
leksyon na natutunan ko.