You are on page 1of 3

GEED 10133 – PANITIKANG FILIPINO Hunyo 18, 2020

Gawain:

Ang Panitikang Filipino ay kilala rin sa mga uring panunudyo, panunuya, pagbibiro, at
pagpapatawa. Ang mga ganitong uri ng panitikan ay kalimitang nakalimbag noon sa mga buwanan o
lingguhang pahayagan tulad ng Muling Pagsilang, Ang Mithi, Taliba, Watawat, Pagkakaisa, Ang
Bansa, Pagkakaisa ng Bayan, Renacimiento Filipino, Bayang Pilipino, Lipang Kalabaw, Telembang, at
iba pa. Sinasabing bago pa man dumating ang iba’t ibang impluwensiya sa panitikan mula sa mga
dayuhan ay may nakakatawa at pabirong uri na ng panitikan ang mga ninuno. Sa pagdaan ng
panahon, ito ay naging bahagi na ng panulatang Tagalog, ng mga umpok-umpukan, at mga
pagtitipon. Isang halimbawa nito ay tungkol sa buhay at mga kuwento ni Suwan. Ang buhay ni
Suwan ay laganap at siya na lamang nagiging libangan sa mga umpok-umpukan sa lahat ng dako, at
siyang pinagkakatuwaan, kapag isinasaysay ng mga matatandain, na karaniwang may kakulangan
na.

Basahin ang isang halimbawa ng kuwento ni Suwan at sagutin ang katanungang kasunod ng
akda.

Ang Buhay at mga Kuwento ni Suwan

“Si Suwan umano nang bata pa ay pinagsabihan ng kaniyang ina ng ganito: Suwan, ako’y
aalis, at ang bilin ko sa iyo’y maglinis kang mabuti sa bahay. Ayokong maratnang may sukal diyan at
dumi. Ibig ko’y malinis na malinis.

Pagkaalis ng ina ay sinimulan ni Suwan ang totohanang paglilinis. Lahat nang makitang
nakakalat sa bahay ay inihagis sa bintana, ang mga tampipi, baul, kalan, sandok, pinggan, mangkok,
tapayan, inuminan, at lahat-lahat na ng matagpuan sa bahay. Nang dumating ang ina ay naratnang
malinis na malinis ang buong kabahayan, pati na kusina at batalan. Nagtaka nang gayon na lamang
at buong galit na hinarap ang anak na si Suwan:

-Bakit mo ipinanaog na lahat ang mga kasangkapan sa bahay na nagkabasag tuloy?


-E hindi po ba ang bilin ninyo’y linisin kong mabuti ang bahay at ayaw kayong may maratnang
sukal na ano man? Kaya hayan po, wala nang sukal at malinis na malinis.

Minsan pa ring si Suwan ay pinagsaing. Dapatwat matapos isalang sa kalan at gatungan ay


nalimutan namang lagyan ng tuntong ang palayok. Nang malabasan ng ina ay pinagsabihan si
Suwan:

- Hoy, tuntungan mo ang palayok.


- Opo- ang matuling sagot, at dagling niyapakan ang palayok, na lumusot sa kalan at
nagkadurog-durog.

Ang galit ng ina ay gayon na lamang.


-Walanghiya – ang sabi – Bakit mo niyapakan ang palayok? Tingnan mo’t nagkadurog-durog
at natapon tuloy ang bigas na niluluto.
-E hindi po ba ang utos ninyo’y tuntungan ko ang palayok? Kayo ang may kasalanan niyan
kung nagkadurog-durog man.
-Salbahe, tarantado – anang ina – ang ibig kong sabihin ng tuntungan ay lagyan ng tuntong
ang palayok; hindi tuntungan ng paa o yapakan.

Ngunit minsan ay naglatag ng banig ang ina ni Suwan upang pagbilaran ng palay sa kanilang
looban. Sapagkat malakas ang hangin at sa tuwing ilalatag ang banig ay inilululon o iniaangat,
tinawag ng ina si Suwan at pinagsabihang:

-Suwan, tuntungan mo nga ang kabilang dulo ng banig na ito upang huwag iangat ng hangin.
-Opo – ang sagot, at patakbong tumungo sa bahay. Namangha ang ina at inalihan na naman
ng galit.
-Saan ka paparoon ay pinatutungtungan ko sa iyo itong banig?
-Sandali po lamang Inang; ngayon din po’y babalik ako – at patakbo rin nga namang bumalik
taglay ang tuntong na kinuha sa kanilang bahay, at di man pinansin ang pagmumura ng ina na
ipinatong ang tuntong sa dulo ng banig. Ngunit sa dahilang maliit at magaan ang tuntong at
napakalakas ng hangin, ang banig ay naangat din.
-Tinamaan ka ng kulog – ang galit na galit na mura ng ina – tinawag kita upang tuntungan mo
iyong dulo ng banig at ang ginawa mo’y kinuha mo ang tuntong sa bahay upang siyang idagan diyan.
Talaga bang napakatarantado ka na?
-Hindi po Inang. Hindi ko lamang nalilimot ang utos mong tuntungan ko ang palayok, na ang
ibig mo palang sabihin ay lagyan ko ng tuntong at hindi yapakan. Kaya naman ngayong
pinatutuntungan mo sa akin ang banig ay tuntong muna ang kinuha ko upang siyang idagan.”

(Sanggunian: Almario, Virgilio S. (editor).Mga Lektura sa Panitikang Popular.Manila: Komisyon sa


Wikang Pambansa. 2013)

Gawain:
1. Basahin at unawain ang aralin tungkol sa Teorya ng Panitikan (mula sa powerpoint
presentation). Maaari ring gumamit ng ibang sanggunian (mayroon sa mga piling website)
kung may kakulangan ang nasa powerpoint presentation.
2. Pumili ng dalawang teorya at gamitin ang mga ito upang suriin ang akda tungkol sa buhay at
kuwento ni Suwan. Tukuyin at ipaliwanag ang mga bahagi o elemento ng akda na tumutugon
sa mga prinsipyo o layunin ng bawat teorya.
- Ang dalawang teoryang ang aking napili upang masuri ang akda tungkol sa buhay at
kuwento ni Suwan ay ang Teoryang Humanismo at Sikolohikal. Kaya ito naging Humanismo
dahil naka pokus ito sa buhay at pag-uugali ni Suwan at ng kanyang ina at sa kanilang
dalawa lamang tumatakbo ang kuwento at hindi binibigyan halaga ang kung ano man ang
nasa paligid nila. Ipinapakita rin dito ang saloobin ng ina sa kanyang anak na si Suwan na
sa tuwing ito’y kanyang inuutusan, siya’y galit na galit dahil sa katangahan ng kanyang
anak. Ginamit ko rin ang teoryang Sikolohikal dahil namayani din sa akdang ito ang paraan
ng pag-iisip ni Suwan kaya ito’y nakaapekto sa kanyang pag-uugali at pag-kilos. Hindi
inuunawaang mabuti ni Suwan ang utos ng kanyang ina at lahat ng utos nito ay literal
niyang ginagawa at hindi niya iniisip mabuti kung tama ba ito o mali. Hindi niya rin iniisip
na siya ang may pagkakamali at sa ina niya sinsisi kapag ito’y nagkakamali sapagkat ito’y
sumusunod lamang sa utos ika niya. Ang paraan nang pag-iisip ni Suwan ay lubhang
nakakaapekto sa kanyang pag-kilos at pagkatao.

You might also like