You are on page 1of 2

Ang pagkakatawang tao ng ikalawang persona sa sinapupunan ni Ginoong Sta.

Maria
Nang malaon nang totoo taong may apat na libo mulang lalangin ang mundo, siya nganing paparito niyong sasakop sa tao. Na hindi magugunita ng madlang tao sa lupa tanang lubos na biyaya, ganap na pagkakalinga ng Diyos Haring dakila. At ang ginagawa lamang magkasala gabi't araw pawang mga tampalasan, na walang takot munti man dito sa Poong maykapal. Lalong dakila ang sala ng tanang anak ni Eba; anakin ay idolatria, kahit ano'y sinasamba, pinaparang Diyos nila. Isa ang nasion sa mundo ang kumilalang totoo sa Diyos, kumapal sa tao; at ito ay ang hudyo bukod nawalang anito. Bagama't kumilala sa Diyos na Poong Ama ang mga taga-Hudea, puno rin ng madlang sala ang marami sa kanila. Ano pa't santinakpan nagugumon sa mahalay salang hindi maulatan, dito na nga pinagmasdan sila kay kinaawaan. Nangatunaw na ang loob nitong maawaing Diyos nang makita't mapanood, ang kamaliang tibobos

ng tao, sa sangsinukob. Ibig na nganing matupad ang tanang ipinahayag ng mga Santos Propetas, na itinitik sa sulat sa pagdating ng Mesias. Sapagka't wala nang iba sukat umako sa sala ng tanang anak ni Eba, kung hindi ang anak niya na ikalawang Persona.

Ang pagbati ng Arkanghel San Gabriel kay Ginoong Sta. Maria


Nag-usap na nga ang tatlo na may gawa nitong mundo ang hatol ng Konsistorio, dili iba at ang Berbo siyang sasakop sa tao. Inutusan na ngang tambing yaong si Gabriel Arkanghel manaog at babalain, si Mariang bunying Birhen Santang walang makahambing. Nanaog na kapagkuwan Arkanghel na inutusan dikit na di ano lamang, halos hindi matitigan sa laking kaliwanagan. Si Maria'y nakaluhod nananalanging tibobos siya na ngang pagpanaog, at sa oratoryo'y nasok anghel na sugo ng Diyos. Ito ang ipinabadya; Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng grasia, bukod na pinagpala ka sa tanang babaing iba. Nang ito at mapakinggan niyong Birhen matimtiman agad siyang natilihan,

di nakaimik munti man bating yao'y pinagnilay. Nang sa anghel na makita na hindi tugunin siya binati namang muli pa, huwag matakot, aniya Poong kong Birheng Maria. Sapagka't ikaw nga lamang, bukod na kinalulugdan ng Diyos sa kalangitan, na magiging Inang tunay niyong sasakop sa tanan. Nang marinig ni Maria yaong bating ikalawa ay tumugon kapagdaka, sa anghel na embahada ito ang ipinagbadya. Paanong pangyayarihan niyang wika mong tinuran? pangako ko nang matibay, na hindi ko durungisan kalinisang iningatan. Nang matalastas ng anghel naging sagot niyong Birhen muli namang tinugon din, ng mga wikang magaling kalugod-lugod na dinggin. Maria, aniyang Poon ko, bungang ipanganak mo ay hindi lalang ng tao, at ang tunay mong esposo Diyos Espiritu Santo. At kung baga sumipot na ang iyong magiging bunga Hesus ang pangalan niya, sasakop at kakalara sa sangsinukubang sala. Kaya huwag kang manimdim at di niya sisirain lalo nang piririkitin, at malulubos ang ningning niyang iyong pagka-Birhen.

Nang iyong paniwalaan yaring lahat kong tinuran si Isabel na iyong pinsan, ngayo'y kahit matanda man buntis na anim na buwan. Kahit baog man ang sabi si Isabel na 'yong kasi sa kaibigang sarile, ng Diyos sa buong Orbe walang hindi mangyayari. Ay ano'y nang maunawa ng Birheng kahanga-hanga na di siya masisira, sumagot na alipala ito ang siyang winika. Narito, mahal na anghel akong tunay na alipin ng Diyos na Poon natin, papangyarihin sa akin lahat na ipinagbilin. Nang ito ay mawika na ng Birheng Santa Maria katuwaa'y sabihin pa, ng anghel na embahada pumanaw kapagkaraka. Nanaog na kapag kuwan, Espiritu Santong mahal at nuha ng dugong tunay, sa tiyang ng Birheng maalam siyang ginawang katawan. Saka naman linikha na isang bunying kaluluwa inilangkap kapagdaka, sa katawang mahalaga niyong sasakop sa sala. Siya nang pagiging tao ng bunying Dibino Berbo at nanaog na sa mundo, ipinaglihing totoo ni Mariang Masaklolo.

You might also like