You are on page 1of 2

Pananaw sa Banahaw: Isang Reaksyong Papel

Maging bukas ang isipan! iyan ang naging paalala sa amin ni Prop. Florentino Iniego. Iyon ay isang simpleng pangungusap na maaariy minaliit ko. Bago pa kami nakarating sa lalawigan ng Quezon, may ideya na ako tungkol sa uri ng buhay na tinatamasa ng mga Rizalista ng Banahaw. Ang mga sosyolohikal at antropolohikal na paglalarawan ay nakapaloob sa libreng babasahin na kasama sa lakbayaral. Tunay naman na detalyado at kapanipaniwala ang mga ito na galing pa sa mga akademiko na nakapaglathala na ng mga samut-saring pagsasaliksik. Ngunit, sa huli, iba pa rin ang katotohanan na iyong nararanasan mula sa katotohanan na iyong nababasa lamang. Sa pagkakataong ito, hindi ko tinutukoy ang Platonikong objective reality na nakabatay sa materyalismong ontolohiya. Ang ibig ko tukuyin ay ang pagkakaiba ng mga pansariling kahulugan o subjective meaning na ating nakikita sa iisat parehong kaganapan. Noong una, hindi ko naiwasan na tingnan ang kilusang milinaryan ng mga Rizalista ayon sa stereotype. Para sa akin, isa lamang silang kulto na may kakaibang paniniwala. Si Rizal daw ang ating tagapagligtas mula sa isang napipintong digmaan, ayon sa ilang sekta (Foronda, 1961, pg.36). Maaaring siya ang kayumangging Kristo o ang Banal na Espiritu o iba pa (Foronda, 1961, pg.34-36). Ayon naman sa iba, si Rizal ay buhay pa at naghihintay lamang (Covar, pg.434-435). Ang lahat ng itoy maaaring matanggap bilang isang kahambugan o kabaliwan sa parte ng mga Pilipino. Hindi ba ito ang tinatawag ni Karl Marx na false consciousness? Maaari. At itoy naka-ugat sa kanilang materyal na kalagayan: ang kakulangan sa edukasyon (Fonda, 1961, pg.34). Pero ano naman ang pagkakaiba ng mga sektang Rizalista sa isang malaking relihiyon na katulad ng Kristiyanismo? Walang batayan para sabihin na mas kapanipaniwala ang mga itinuturo ng Kristyinismo. Isa pa, hindi ka na makakarinig ng mga puna na tumitira sa pagiging Hudyo ng diyos ng Kristiyanismo. Ngunit kapag ginawa mo siyang Pilipino, biglang hindi na ito katanggap-tanggap! Hindi bat pareho lang sila na kabilang sa tinatawag na false consciousness? Kung hindi ang nilalaman ng paniniwala, masasabi ba natin na ang respeto na nakukuha ng isang relihiyon ay nakabatay sa estado ng pamumuhay ng mga miyembro nito? Ang kakayahan nating maliitin ang mga Rizalista ay katumbas na rin sa pagmamaliit natin sa mga tinatawag na promdi. Isa itong insulto sa uring magsasaka at iba pang mga mahihirap na nakatira sa kanayunan. Ngunit sa huli, kahit na ipantay pa natin ito sa Kristiyanismo, hindi ko pa rin tuluyang mapuksa ang pananaw na false consciousness na tunay ang relihiyon ng mga Rizalista. Dahil na rin ito sa aking

mga sariling paniniwala. Iba ang subjective meaning ng kilusang milinaryan para sa akin. Sa tingin ko ba kailangan nila ng edukasyon? At kapag nakuha ba nila ito, magbabago ba ang tingin ko sa kanila? Masasabi ko na imperyalistiko ang pananaw na nagsasabing kailangan nila ng parehong antas ng edukasyon at pamumuhay. Wala akong batayan para sabihin na ang edukasyon na aking hawak ay mas nakakataas sa kung anuman ang mayroon sila ngayon. At kapag ginamit ko ang sarili ko (o ang edukasyon ko) bilang batayan ng respeto na karapat-dapat ibigay sa iba, wala na rin akong pinagkaiba sa mga kolonyal na dayuhang sumakop sa Pilipinas. Pero hindi bat si Jose Rizal mismo ang nagsabing kailangan ng edukasyon? Oo, tama iyon. Ngunit ang salitang edukasyon ay hindi lamang limitado sa kaalaman na makukuha sa isang paaralan. Mahalagang tandaan kung bakit kailangan ng edukasyon. Si Rizal na rin ang nagsabi na kailangan natin ng edukasyon upang mapuna at makilala natin ang ating mga sarili bilang mga Pilipino (Jose,pg.58-59). Kahit kailan man ay hindi sinabi ni Rizal na diploma o isang pormal na edukasyon ang kailangan. Ang edukasyon, sa huli, ay may pulitikal na layunin na makakabuti para sa lahing Pilipino; hindi ito edukasyon para sa sarili nitong kapakanan (education for educations sake). Ito rin ang paraan ng edukasyon na nais ko para sa mga Rizalista. Imbis na tiisin nila ang mga puna na tumitira sa relihiyon nila, bakit hindi nila ito harapin? Ang mga stereotype na nakapataw sa kanila ay may pinag-uugatang hindi pagkapantay-pantay sa lipunan; kailangan ito mapuksa. Kung magiging hadlang ang pananampalataya nila kay Rizal, dahil sa pangako nitong kaligtasan at kasarinlan para sa mga naniniwala, masasabi ko na itoy tunay na false consciousness. Hindi dapat maging dahilan ang subjective meaning sa hindi pagkilos para baguhin ang mga materyal na kundisyon. Tunay na naging makabuluhan ang lakbay-aral sa Banahaw dahil naging pagkakataon ko itong malublob sa kultura ng iba. Isa itong kultura na bago sa akin, isang kultura na naging parte lamang ng aking mundo nang itoy aking naranasan. Totoong naging masaya rin ang karanasan ng pag-akyat sa bundok at pagpasok sa mga kweba. Pero sa huli, ang social location ng Banahaw, higit pa sa heograpikal nitong lokasyon, ang talagang aking nabigyan pansin.

References: Covar, P.R. Ang Pagtanggap ng Samahang Milinaryan kay Gat Dr. Jose P. Rizal in Himalay Rizal. Foronda, M.A., Jr. 1961. Cults Honoring Rizal in Historical Bulletin, V. Manila. Jose, V. Philippines Studies: The Noli Me Tangere Viewpoint.

You might also like