You are on page 1of 4

Danielle Marie Abantao

1st Year BSPH


History 5 MHE
Paggamot ng Katawan at Kaluluwa
Sa kabundukan ng Cordillera matatagpuan ang ibat ibang aspeto ng buhay ng mga
Ifugao na tunay namang makabuluhan at may mga malalalim na kaugnayan sa kanilang mga
ninuno at mga dati nang paniniwala. Ilang henerasyon na rin ang nakalipas at naksaksi sa patuloy
na pag-usbong at pag-unlad ng kanilang mga tradisyon, mula sa kanilang mga
Makikita ang kulturang ito sa pelikulang Mumbaki. Inilahad dito ang buhay at kapalaran
ng isang Ifugao na nagngangalang Joseph Dumalilon, isang doktor na nag-aral at piniling
magtrabaho sa siyudad. Sa lipunang kanyang ginagalawan habang ginagampanan ang tungkulin
niya bilang isang manggagagmot, praktikal na ang pagtugon sa mga sakit diretso na sa mga
ospital ang mga tao. Hindi rin ganoon kahirap sabihan ang mga tao na uminom ng gamot para
bigyang lunas ang kanilang mga sakit.
Dahil sa pagkamatay ng kanyang ama na si Apo Dangunay, napilitan siyang bumalik sa
kanyang probinsya. Hindi nagkakalayo ang propesyon niya sa kanyang ama na isa namang
tinaguriang mumbaki, isang manggagamot din sa kanilang lugar. Taliwas sa mga tao sa siyudad,
hindi pa rin gaanong bukas ang loob ng mga lokal sa makabagong pamamaraan ng paggamot at
mas nagtitiwala sila sa kanilang mga mumbaki. Bunga na rin ng matagal na nilang
pinaniniwalaan at ng kanilang tradisyon, umaasa sila na pagagalingin sila ng kanilang mga diyos
o ang mga tinatawag nilang baki. Hindi niya natakasan ang tawag ng kanyang propesyon nang
nakilala niya rito si Felix Lorenzo, isang doctor to the barrios na matagal na ring tumutulong sa
mga tao roon. Dahil sa laganap na kaso ng mga sakit lalo na sa baga bungad ng malamig na

klima roon, tinulungan nila ang mga tao sa abot ng kanilang makakaya. Hindi naging madali ito
dahil palagi nilang tinatanggihan ang binibigay nilang mga gamot at dahil na rin sa matinding
paniniwala ng mga tao na pagagalingin ng kanilang mga baki. Dahil sa pagmamatigas ng
lipunan, nahirapan silang mag-isip ng mga paraan upang hikayatin at ipaalam sa mga tao na
kailangan nilang subukan ang mga gamot nila bilang panlunas. Isa itong balakid na mahirap
tanggalin ngunit hindi nila itinigil ang pagtulong. Mahirap man pag-ugnayin ang dating
paniniwala sa kasalukuyang pamamaraan, ipinagpatuloy pa rin nila ang pagtulong hindi lamang
sa kanilang mga kakampi, ngunit pati na rin kahit sa kanilang mga kalaban. Dahil na rin ito sa
mga pangakong inihayag nila noong mag-uumpisa pa lamang silang maging doktor o ang
isinasaad ng Hippocratic oath.
Dahil nga anak siya ng isang pinuno, hindi rin siya nakawala sa kanyang kapalarang
maging isang mumbaki. Dito na nagkabanggaan ang kanyang propesyon at ang pagiging
mumbaki upang upang tulungan ang kanyang tribo at ipaghiganti ang kanyang ama. Naipit din
siya sa desisyong pagpunta sa Amerika upang magtrabaho o pag-ako sa responsibilidad niya sa
kanyang tribo. Nakakabighani man ang pagtrabaho at pagtira sa Amerika kung saan maaliwalas
at maayos ang pamumuhay, naisip niya na mas maraming nangangailangan sa kanya at mas
magagamit niya ang propesyon sa probinsya at siya lang ang tanging makakapamuno ng laban
upang ipaghiganti ang hindi makatarungang pagkamatay ng kanyang ama. Napagsabay niya rin
nang maayos ang pagiging doktor niya sa pagiging isa sa mga pinuno ng kanyang nasasakupan
nang magpatayo siya ng health center roon.
Mumbaki ang tawag sa mga manggagamot sa Ifugao. At hindi lamang sila nanggagamot
ng mga pangkaraniwang sakit na nararamdaman ng katawan, kundi pati na rin sa mga sugat ng
ating kaluluwa. Isa sila sa mga may espesyal at katangi-tanging tungkulin sa kanilang

komunidad. Hindi kung kani-kanino lamang iniaatas ang pagiging mumbaki. Batay sa pelikula,
pinupugot nila ang ulo ng manok at kung kay sino ito tumapat, siya ang bukod tanging napili.
May ritwal rin na ginaganap pinapainom siya rito ng alak at tinatawag ang mga namatay nang
mumbaki upang sapian siya.
Kapag nakakaranas ng sakit o hindi pangkaraniwang karamdaman ang isang tao noon,
pinaniniwalaang tanging ang mga diyos lamang ang makakapagpagaling sa kanya. Ang pisikal
na sakit ay hindi lamang nararanasan ng katawan. Bagkus, pati ang kaluluwa ay naapektuhan na
rin. Dito na pumapasok ang mga mumbaki. Hindi lamang sila manggagamot kundi sila rin ang
nangunguna sa mga ritwal na iniaalay sa kanilang mga diyos, sa mga may sakit, sa mga patay, sa
pagtatanim at pag-aani, sa mga pagdiriwang, sa kasalan at kahit sa kanilang mga karaniwang
gawain. Itinuturing din silang mga pari na may pinakamalakas na ugnayan sa mga baki. Sila ang
nag-aalay ng mga dasal sa mga pagdiriwang ng tribo. Masasabi rin na sila ay eksperto na sa mga
tradisyon at kultura ng kanilang nasasakupang komunidad.
Base sa mga ipinakita sa pelikula, makikita rito kung gaano nila pinapahalagahan ang
kanilang mga pagmamay-ari at kanilang mga teritoryo. May magtangka lang na putulin at
pakialaman ang kanilang pagmamay-ari ay isa nang malaking dahilan upang magbugso na ng
away sa dalawang kampo. Ipinapahiwatig nito ang halaga ng pagbabantay at pangangalaga sa
sari-sarili nilang teritoryo para hindi maabuso o masira ng iba.
Kahanga-hanga rin ang malakas na pananalig ng mga katutubo sa kanilang mga
itinuturing na diyos. Umaabot na ito sa puntong kahit nahihirapan na sila sa kanilang mga
iniindang sakit, ayaw pa rin nilang humantong sa pag-inom ng gamot na makakapagbigay sa
kanila ng agarang lunas. Isa itong patunay na nirerespeto at pinapahalagahan nila ang ugnayan

nila sa mga diyos. Natatakot silang subukan ang ibang paraan ng pagpapagaling dahil malakas
ang tiwala nila sa kapangyarihan ng kanilang mga diyos na pamahalaan ang lahat ng aspeto ng
kanilang buhay.
Makikita rin sa pelikula ang pagbanggaan ng modernong mga ideya sa mga tradisyunal
na paniniwala. Kahit matagal na nilang pinanghahawakan ang kanilang mga paniniwala, hindi pa
rin sila natitinag at naapektuhan ng mga panibagong impluwensiya ng kasalukuyang panahon.
Nagpapakita ito ng katapatan ng mga Pilipino sa kanilang pinaniniwalaan.
Tunay ngang makulay at malawak ang pamumuhay ng ating mga kapwa Pilipino na
makikita sa kanilang kultura at pagpapahalaga sa mga tradisyon. Maayos at magaling na
naipakita ng pelikulang Mumbaki ang pagkakaiba ng panggagamot ng mumbaki at doktor at
karapat-dapat lang na malaman pa ito ng mga Pilipino.

You might also like