You are on page 1of 5

Aldwin Arellano

I-Bukidnon

Buod ng Canal De La Reina

Magandang suriin ang nobelang Canal de la Reina sa aspetong Sosyo-


ekonomikal at Sosyo-politikal. Makikita kasi rito ang tunay na kalagayan ng
isang lipunan at ang pag-uugali o reaksyon nito sa isang isyung
napapanahon. Sa patuloy na “pag-iisang kahig, isang tuka” ng karamihan
ng mga Pilipino, nahihirapan itong paunlarin hindi lang ang kanyang bansa
at lipunan kundi pati na rin ang kanyang sarili. Sa nobela, mapapansing
ang tema nito ay kahirapan. Ito ay kitang kita sa mismong kabuuan ng
nobela pagkat sa bayan ng Canal De La Reina, si Nyora Tentay ang may
kaya sa buhay kung kaya’t siya ang nilalapitan ng lahat ng naninirahan
doon upang umutang dahil sa kakapusan sa pera. Imbes na tulungan
niya ang mga ito ay tinatapalan pa niya ng malaking interes ang mga
umuutang. Nakikita rin dito ang kahirapan dahil mayroong mga katiwalian
at bayaran sa mga opisyal.
Katulad ni Nyora Tentay na may maruming katuhan, ang taong
walang inisip kung hindi ang sariling kasiyahan at karangyaan ay walang
mararating na maganda sa buhay. Si Nyora Tentay ay may kaunting kaya
ngunit ang kaugalian ay walang kagandahan kung kaya’t sa kahuli-
hulihang sandali ng kanyang buhay, lahat ng taong kanyang inapi noong
simula ay hindi rin siya tinulungan. Tulad ng kasabihan “Huwag kang
gagawa ng kung anong bagay na ayaw mong gawin sayo”, si Nyora Tentay
ay masyadong inabuso ang kanyang karangyaan at imbes na tumulong
siya sa mga nangangailangan ay ipinapamukha pa nito sa mga humihingi
ng tulong na sila’y mga hampas lupa. Katulad ng sa tunay na buhay, ang
taong kahit pa gaano ang yaman o ganda ay hindi nirerespeto at
minamahal ng tao kung ang ugali nito ay walang kagandahan. Ang tao
kahit gaano kahirap ngunit may likas na kabutihan ay palaging tinititingala
ng mga tao at binibigyang respeto. Isa pang aral na ipinararating ng nobela
ay walang nananalo sa katiwalian. Kung sa umpisa ay nakukuha nila ang
gusto nila, sa huli ay pinaparusahan ang mga ganitong tao. Kaya naman sa
buhay palaging ang kabutihan pa rin ang naghahari.
Sa umpisa ng nobela ay ipinakilala agad ang mga pangunahing
tauhan. Binanggit na rin agad ang mga pangalan nito at ang relasyon nila
sa bawat isa. Malaking tulong ito upang maintindihan agad ang kwento. Sa
pamamaraan ng pagsasalita ng mga pangunahing tauhan ay masasabing
may-kaya ang mga ito. Gumagamit sila ng taglish, pambansang antas ng
wika o minsan ay purong Inggles. Sa pagdaloy ng kwento, mas binibigyang
pansin na ang mga tauhang si Caridad at Nyora Tentay. Makikita ang
katatagan ng loob ng mga ito sa kabila ng pagiging isang babae. Hindi
naging hadlang ang kanilang kasarian upang lumaban sa buhay.
Ang mga pangunahing tauhan sa nobela ay binubuo ng dalawang
pamilya. Ang pamilyang de los Angeles at Marcial. Ang pamilyang de los
Angeles ay kinabibilangan nina Salvador, Caridad, Leni, at Junior. Sila ay
isang pamilyang may pagkakaisa at unawaan para sa isa’t isa. Masasabing
isa silang halimbawa ng maayos at halos perpektong pamilya. Dahil siguro
sa magandang ugnayan at buhay-pamilya, naging mabubuting tao ang
bawat isa sa kanila.
Si Salvador ang padre de pamilya at mabuting asawa ni Caridad.
Tahimik lang ito at minsanan lamang kung magsalita. Kahit minsan lamang
ito magsalita, talagang may kabuluhan at may lalim naman ito. Madalas din
siyang sumasang-ayon sa mga desisyon ni Caridad lalo na’t kung sa tingin
niya’y ito’y tama at para sa ikabubuti ng asawa.

Si Caridad ay isang napakamaunawaing ina sa kanyang pamilya.


Malaki ang pagmamahal at pagaalala niya sa kanyang asawa lalo na sa
kanyang mga anak na si Leni at Junior. Isa siyang babaeng may malakas
at matibay na loob. Hindi siya agad-agad nagpapatinag sa mga
problemang kanyang kinakaharap.
Si Leni naman ang panganay na anak na babae nina Salvador at
Caridad. Nagtapos ito ng medisina at kasalukuyang nag-iinternong doktor.
Espesiyalidad nito ang Pediatrics at talaga namang makikita ang husay ni
Leni sa panggagamot. Matalino rin si Leni at sa katunayan ay siya pa ang
nakakuha ng unang pwesto sa Medical Board Exam. Ang huling miyembro
ay si Junior. Kasalukuyan itong kumukuha ng kursong Architecture sa
isang unibersidad. Ang tunay talagang nais ni Junior ay ang kumuha ng
abogasya ngunit tinutulan ito ng kanyang mga magulang. Mahilig si Junior
makipag-usap lalo na kung tungkol sa politka at gobyerno. Mabuting anak
si Junior at laging sinusunod ang kanyang mga magulang. Minsan nga
lamang ay masyado itong nagiging mapusok at napag-aalala niya tuloy si
Caridad at Salvador. Nalagay na kasi siya sa kapahamakan dahil sa
sobrang niyang paguusisa.
Sa kabilang dako, ang pamilyang Marcial naman ay binubuo nina
Nyora Tentay, Victor, Gracia, at Gerry. Kung ang pamilyang de los Angeles
ay puno ng pagmamahalan, ang pamilyang Marcial naman ay puno ng
kaguluhan. Wala kasi silang maayos na komunikasyon. Hindi
pinakikinggan ni Nyora Tentay ang kanyang anak na si Victor at pilit na
pinasusunod ito sa kanyang mga nais kahit na ayaw naman nito. Kahit na
naging masama si Nyora Tentay sa umpisa ng nobela ay nabago naman
itong lahat pagdating sa katapusan. Tinanggap niya ang kanyang mga
pagkakamali at ito ay dapat hangaan ng lahat. Tunay nga namang mahirap
gawin ang pagtanggap sa pagkakamali. Hindi lang tayo nagpapatawad at
nagtatanggal ng sisi sa iba kundi nililinis din natin ang ating mga puso’t
konsensiya.
Si Victor ay ama ni Gerry at asawa ni Gracia. Sunud-sunuran ito sa
kanyang ina. Hindi man kita ay mahal na mahal niya ang kanyang pamilya.
Napilitan lamang siyang hiwalayan ang asawa dahil sa kagustuhan ng ina.
Sa karakter ni Victor, makikitang masama ang epekto ng pagiging
masyadong sunud-sunuran sa kagustuhan ng mga taong nakatataas sayo.
Sa paggawa ng desisyon sa buhay, dapat din nating isipin ang ating
sariling kaligayan at kabutihan. Tayo ang may hawak sa ating kapalaran at
hindi dapat tayo nagpapa-apekto sa mga ginagawa sa atin ng iba.
Sa kabila ng paghihiwalay nina Gracia at Victor, nagawa ni Graciang
buhayin ang kanyang anak na si Gerry. Naging maunlad at marangya ang
kanilang pamumuhay dulot na rin ng pagtitiyaga niya. Si Gerry ay katulad
din ni Leni. Isang doctor na espesiyalista sa pangagamot ng mga bata.
Iniwan man ng ama ay wala siyang kinikimkim na galit laban dito. Tanggap
niya ang lahat at naiintindihan niya ito. Sa huli ay magkaka-ayos naman
ang pamilyang Marcial ngunit sa umpisa ng nobela ay talagang magulo ito.
Ganun din ang kanilang tinitirhan, ang Canal de la Reina.
Inilarawan ang tagpuan bilang isang maburak, mabaho, at
pinamumutiktikan ng mga iskuwater, at si Nyora Tentay ang
nagmimistulang pinuno rito. Ang lugar na ito ay simbolo ng mga lunggati ng
bawat isa, lalo na ng mga mahihirap. Ipinapakita rin nito na hindi lamang
mga bagay o mga tao ang maaaring maging simbolo ng pagbabago.
Nagkaroon ng relasyon ang mga tauhan sa tagpuang Canal de la Reina
dahil ang lupang pagmamay-ari ni Caridad ay nadirito. Maraming
pangyayari ang naganap sa lugar na ito at dito umikot ang pinaka-
kalamnan ng nobela.
Ang suliranin ay nag-umpisa nang malaman ni Caridad na binili ang
kanyang lupa, di umano ni Nyora Tentay mula sa dating katiwala nila na si
Osyong. Dahil sa mga pangyayaring ito, hindi naiwasang magkaroon ng
alitan sa pagitan ng dalawa. Nagkaroon ito ng solusyon nang isang araw
ay may dumating na napakalakas na bagyo sa bansa. Naging dulot nito ay
ang pagkakatangay sa baha ng mga naninirahan sa Canal de la Reina at
kasama rito si Nyora Tentay. Sa di inaasahang pangyayari ay napunta sa
pamilyang de los Angeles ang mga papeles ni Nyora Tentay sa
pamamagitan ni Ingga ngunit pinili pa rin itong isauli ng pamilya dahil nais
nilang maging patas. Dahil na rin siguro sa mga pangyayari ay naisip na ni
Nyora Tentay na masama ang kanyang mga ginagawa. Tinanggap nito ang
kanyang pagkatalo at ibinalik ang lupa sa tunay na nagmamay-ari. Makikita
rito na ang tao ay maaaring magbago para sa ikabubuti nito. Hindi lahat ay
isinilang na masama dahil tayo ay nilikha ayon sa katangian ng Diyos.
Kahit kalian ay hindi mananaig ang kasamaan sa kabutihan.
Maraming makiktang isyung-panlipunan sa nobela. Bukod sa
kahirapan ay makikita rin ang tungkol sa kurapsyon. Sa pagnanais ni Nyora
Tentay ba mapasakanya ang mga lupain sa Canal de la Reina, maging ang
mga pulis at mismong mayor ay sinuhulan niya. Hanggang sa ngayon ay
nagaganap pa rin ito sa iba’t ibang panig ng ating bansa. Maliit man o
matataas na tao ay nasasangkot sa ganitong mga gawain. Dahil dito,
buhay ng mga mamamayan ang naaapektuhan. Bumababa na rin tuloy
ang ekonomiya at hindi nagiging maayos ang pamamalakad ng batas ng
ating bansa.
Ang kalutasan ng nobela ay naging maayos at masaya. Ang lahat ay
nagdiwang dahil ang kanilang mga suliranin ay natapos sa isang maayos
at mapayapang paraan. Si Junior ay pinayagan nang kumuha ng abogasya
at si Leni at Gerry naman ay nagpakasal na. Nagpasya silang mag-umpisa
ng bagong buhay at mga pangarap sa kanilang lupa sa Canal de la Reina.

You might also like