You are on page 1of 2

Normal o abnormal?

Karanasan ng isang dayuhan sa Pilipinas


Jean-Christophe Gaillard
Departamento ng Heograpiya
Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman

Tayo'y mga Pinoy


Tayo'y hindi Kano
'Wag kang mahihiya
Kung ang ilong mo ay pango

Heber Bartolome

Sa isang talumpati noong Agosto sa isang kumperensiya tungkol sa Araling Kapampangan sa


lungsod ng San Fernando, tumawa ang lahat ng mga manonood noong kinuha ko ang mikropono.
Bakit kaya? Dahil daw gumamit ako ng wikang Kapampangan. Napikon ako pero tinuloy ko ang
aking talumpati. Sanay na ako sa mga ganitong karanasan.

Ako ay isang dayuhan galing sa bansang Pransiya. Nakarating ako sa Pilipinas dahil sa aking
pananaliksik para sa aking araling-doktoral. Sa Gitnang Luzon ang aking destinasyon dahil sa
Bulkang Pinatubo at ang mga implikasyon ng pagputok nito noong 1991. Inilagay ko sa unang
pagkakataon ang aking mga paa sa lupang Pilipinas noong ika-11 ng Disyembre ng 1997 alas-7 y
medya ng gabi sa Manila International Airport. Dumating ako sa lalawigan ng Pampanga noong
ika-16 ng Disyembre ng 1997 alas-11 y medya ng umaga. Halos apat na taon akong nagpabalik-
balik sa pagitan ng aking unibersidad sa Pransiya at sa Gitnang Luzon. Matapos ng aking
pagtatapos noong Disyembre ng 2001, nagturo ako sa Departamento ng Heograpiya sa
Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman sa loob ng tatlong taon. Visiting Professor ako ngayong
semestre sa UP, kaya pitong taon na akong nakapanirahan sa Pilipinas. At sa loob ng pitong
taong pamamalagi ko dito, madalas kong maranasan ang nangyari sa San Fernando. Kahit saan
sa Pilipinas. Kahit kailan.

Pag-aaral ng salitang Pilipino ang unang nainisip kong gawin. Gusto kong maging integrated at
normal sa lipunan ng Pilipinas. Gusto kong iwasan ang mga “Hey Joe, where are you going Joe?”
“Hey man, what's your name man”. Kaya nagpaturo ako sa mga unang kaibigan ko sa Pampanga.
Dahan-dahang nadagdagan ang aking bokabularyo at umunlad and aking gramarya. Ang
problema, habang dumadami ang aking kaalaman lalo kong nararamdaman ang pagiging
abnormal. Habang nahahasa ako sa wikang Kapampangan lalo pa akong nagiging abnormal. Ito
ay kahit wala rin akong “h” katulad ng mga Kapampangan sa dugo. Lalong naging kakaiba ako sa
paningin ng mga tao sa djip o sa tindahan. Lalo akong naging hindi komportable. “Bakit ka ba
marunong mag-Pilipino o Kapampangan?”, ang laging tinanatanong ng Pinoy. Parang abnormal
talaga na marunong akong mag-Pilipino o Kapampangan sa bansang Pilipinas.

Normal o abnormal ba talaga yan?

Anong tingin ng mga Pinoy sa sarili nila at sa mga dayuhan ang punto rito. Sa tingin ko, kung may
Intsik o Indian sa harapan niya, diretsong mag-Pilipino ang Pinoy. Parang ka-level niya ang Intsik o
ang Indian. Kailangang mag-adjust sa salita ng Pilipinas ang dayuhang taga-Asya. Pero kung
dayuhang puti ang kaharap niya, biglang magshi-shift sa salitang Ingles ang Pinoy. Parang binaba
niya ang sarili niya sa harap ng puti. Parang ang Pinoy ang kailangang mag-adjust sa dayuhan
kahit nasa bansang Pilipinas. Bakit nga ba? Mas magaling ba ang puti? Mas mataas ba ang
standard ng puti? Bakit ako nagiging abnormal kapag nagpi-Pilipino ako?

Bakit sa harap ng kahit anong dayuhan hindi Pilipino ang salita ng Pinoy? May naiisip akong
dalawang bagay kung bakit dapat Pilipino ang midyum ng Pinoy. Unang dahilan: Ipapakita niya na
nasa sarili niyang bansa siya at dapat ang dayuhan ang makibagay. Walang nagsasalita ng

1
Pilipino kapag pupunta sa ibang bansa ang Pinoy. Bakit baliktad kapag nasa Pinas ang dayuhan?
Pangalawang dahilan: Pagkatapos kausapin ng pilipino ang dayuhan at napag-alamang hindi siya
marunong mag-Pilipino, inglesin siya. Ang Pinoy ang magiging mataas dahil marunong siya ng
ilang salita at ang dayuhan hindi. Abnormal ba, na mas mataas ang Pinoy sa sarili niyang bansa?
Asset talaga ng Pinoy ang karunungan sa salitang Ingles.

Ngayon, kapag may nagtatanong sa akin kung bakit ako marunong mag-Pilipino at Kapampangan,
binabalik ko ang tanong. “Nasaan ba tayo?” ang sagot ko. “Sa Pilipinas” sabi ng kausap ko. “Ano
bang wika sa Pilipinas?” ang susunod na tanong ko. “Pilipino” sabi ng tao. “Abnormal ba na
marunong akong mag-Pipilino sa bansang Pilipinas?” sabi ko. “Hindi” sagot niya at kadalasan ay
nakukuha niya ang punto. Sana ay makuha ninyo rin ang punto.

Angat ang Pinoy! Mabuhay ang Pilipinas!

You might also like