You are on page 1of 2

JULY 18, 2011

NR # 2469B

Washing machine at shower para sa mga magsasaka, panlaban sa masamang epekto ng pestisidyo
Aatasan ang nagmamay-ari ng plantasyon ng pinya, tubo at iba pang pataniman na gumagamit ng pestisidyo, na maglagay ng on-site washing machine at paliguan para sa mga manggagawa nito upang maiwasang maikalat ng mangagawang kontaminado ng pestisidyo, sa ibang lugar. Ayon kay Rep. Diosdado M. Arroyo (2nd District, Camarines Sur) layunin ng House Bill 4606 o mas kikilalanin bilang Farm Workers Protection Act of 2011, na mapangalagaan, bigyang proteksiyon at mabigyan ng sapat na kaalaman ang nagmamayari at ang mga mangagagawa sa masamang epekto sa kalusugan ng tao ng pestisidyo. Sa ilalim ng panukala, inaatasan ang mga nagmamay-ari ng plantasyon na kung magpapagawa man ng pabahay para sa mga magsasaka ng kanilang plantasyon, dapat ay siguruhing nasa layong 50 feet mula sa pataniman na ginagamitan ng pestisidyo. Ang mga dati ng bahay ng magsasaka at dapat na ring ilipat at ilayo sa parehong distansiya sa loob ng limang taon makaraang tuluyan nang maisabatas ang panukalang ito. Nakasaad sa panukala na dapat ay magkaroon ng mandatory testing ang lahat ng gumagamit ng pestisidyo, kabilang na ang applicators at mixers, upang malaman kung mayroon itong organophosphate pesticides. Aatasan ang mga farm owners o operators na maglaan ng mga kagamitang magbibigay proteksiyon sa kanilang manggagawa habang nagtatrabaho at nagsasagawa ng paglalagay ng pestisidyo sa kanilang plantasyon, ani Arroyo. Nakasaad din sa panukala ang pagbibigay kaalaman sa mga manggagawa at sa pamilya nito hinggil sa panganib na dulot ng pestisidyo. Ituturo rin sa mga manggagawa at sa pamilya nito kung papaanong makakaiwas na malantad sa pestisidyo at kung ano ang dapat gawin kung sakaling nalantad na sa pestisidyo ang anak, damit, at gamit nito. Paliwanag pa ni Arroyo nailathala na ang mga pag-aaral na ginawa ng Institute of Labor na nagpapakita na ilan sa mgha pestisidyong ginagamit sa Pilipinas ay matagal ntg ipinagbawal at ipinagbabawal sa Estados Unidos. Ayon pa kay Arroyo, batay na rin sa pag-aaral na nabanggit, sinasabi nito na ang organophosphate pesticides ay nagiging sanhi ng short term o malalang pagkalason at long term orchronic effects na nakakaapekto sa ilang bahagi ng katawan ng tao. Maaari rin itong maging sanhi ng abnormalidad sa genes, maging sanhi ng kanser, at makaapekto sa reproductive system.

Hindi alam ng mga magsasakang nagtatrabaho sa mga plantasyong ito ang masamang epekto ng mga pestisidyo kung nagkamali ka sa paggamit ng kemikal na ito. Ang acute pesticide poisoning ay kadalasang nagsisimula sa maling paggamit, paggamit ng pestisidyo ng walang sapat na proteksiyon at maling pagsasalansan ng mga kemikal na ito, dagdag pa ni Arroyo. May karampatang parusa rin na ipapataw sa mga nagmamay-ari ng plantasyon na mapapatunayang lalabag sa mga probisyon ng panukalang ito tulad ng multang di bababa sa P100,000. Kasama ni Arroyo ang kanyang inang si dating Pangulo at ngayon ay kinatawan na si Rep. Gloria Macapagal Arroyo (2nd District, Pampanga), sa pagsusulong ng HB 4606 na magbibigay ng proteksiyon sa kalusugan ng mga magsasaka at sa pamilya nito. (30) sb

You might also like