You are on page 1of 6

Ang community Pantry ay kailangang isangguni sa Lokal na pamahalaan bago

isagawa

SANG-AYON

Unang tagapagsalita (Beneficiality):


Kinakailangang isangguni sa lokal na pamahalaan ang community pantry bago ito
isagawa. Ito ay dahil nararapat lamang na isaalang-alang ang kaligtasan ng lahat at
upang masigurong hindi malalabag ang anumang health protocol. Nito lang April 19
ay nanawagan ang DOH sa mga LGUs na maglabas ng panuntunan upang mapanatili
ang pagsunod sa minimum health standards sa isinasagawang community pantries sa
iba’t ibang panig ng bansa. Kinakailangan na ang mga nag-oorganisa ay may sapat na
kaalaman sa mga panuntunan at hakbangin upang hindi ito maging daan sa mas lalo
pang pagkalat ng virus. Makakatulong din ito upang malaman nila ang tamang aksyon
sakaling magkaroon ng hindi inaasahang pangyayari gaya na lamang ng pagdagsa ng
maraming tao. Maaari kasing sa halip na makapaghatid ng tulong ay iyan pa ang
maging sanhi para magkahawaan dahil nga walang maayos o konkretong sistema ang
karamihan sa mga binubuong community pantries sa bansa. Oo maganda ang
intensyon subalit kung hindi mapapamahalaan nang maayos ay malaki ang posibilidad
na makapagdagdag ito sa kasalukuyang bilang ng mga kaso ng covid. Ayon sa ulat na
inilabas ng DOH nitong Abril 28 sa ganap na ika-4 ng hapon ay nakapagtala ng
karagdagang 7,204 na kaso ng COVID19, samantala nasa mahigit isang milyon
(1,013,618) ang kabuuang kaso ng covid sa Pilipinas. Maganda kung
makikipagcoordinate sa barangay upang mayroong titingin kung nasusunod yung
protocol sa social distancing at upang makapagtalaga ang kapitan ng mga tanod na
makakatulong sa maayos na pamamahagi at pagpapatupad nito.

Nito lamang ika-21 ng Abril, Nilinaw ni Department of Interior and Local


Government (DILG) Undersecretary Martin Diño ang nauna nitong pahayag na
kailangang may permit mula sa lokal na pamahalaan (City hall, munisipyo, at
barangay) ang sinumang magtatayo ng community pantry. Ayon sa opisyal, hindi na
kailangang kumuha ng ano mang permit ang sino mang magtatayo ng ganitong
inisyatibo kundi koordinasyon na lamang. Ang mga edad 17 pababa at 65 pataas ay
hindi dapat magtungo sa community pantries at manatili lang sa bahay, alinsunod sa
itinakdang guidelines ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging
Infectious Diseases (IATF-EID)

Sa inilabas na Resolution No. 21-08 Series of 2021 ng MMC, binigyang-diin ang


kahalagahan ng pagpapanatili ng downward trend two-week growth rate (TWGR) ng
COVID-19, na ayon sa Department of Health ay bumaba na -5% (sa loob ng Marso
21 hanggang Abril 17) mula sa dating 164% (para sa Pebrero 28 hanggang Marso 27).

Isang halimbawa kung bakit kinakailangan ang pagbuo ng koordinasyon sa lokal na


pamahalaan ay ang hindi magandang nangyari sa community pantry ng aktres na si
Angel Locsin bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-36 niyang kaarawan nito lamang
nakaraang linggo sa Barangay Holy Spirit, Quezon City. Ikinalungkot ng Quezon City
Government ang nangyaring pagkamatay ng isang 67-anyos na lolo na umaasa
lamang na makakuha ng ayuda mula sa community pantry. Sa pahayag ni QC Mayor
Joy Belmonte pinaalalahanan nito ang mga organizers na dapat na makipag-
coordinate sa mga opisyal. Posibleng may pagkakaiba ang nangyari kung ipinaalam
lamang ni Locsin ang kanyang mga plano ng araw na iyon. Ang senior citizen ay
nakilala na si Rolando Dela Cruz na nahimatay habang nasa pila sa community pantry
sa Holy Spirit Drive, Don Antonio Heights, Barangay Holy Spirit Q.C at idineklarang
dead on arrival sa ospital. Napag-alaman na dakong 3:00 ng madaling araw ay
nakapila na si Dela Cruz na isang balut vendor. Lumalabas na bandang 2:00 ng
madaling araw ay dumagsa na ang mga tao sa lugar at hindi na napatupad ang health
protocols partikular na ang social distancing.

Kasunod ng mga nangyari ay nagbaba ng panuntunan ang DILG tungkol sa pag-


oorganisa ng mga community pantry. Kailangan kasama ang barangay, kasama ang
LGU para tulungan lahat. Nasa kamay ng mga organizers ang responsibilidad o
tungkulin na makipagsangguni sa barangay at iba pang lokal na pamahalalan.
Kailangang icoordinate talaga hanggat maari upang maiwasan ang mga insidente na
hindi maganda, halimbawa para mayroong ambulansya, may nakastandby na first aid,
at para na rin may makatulong para sa lokasyon. Una dapat ipatupad ang minimum
public health standards. Dapat panatilihing malinis ang lugar. Bawal ding kumain sa
lugar, at dapat siguruhing malinis at sariwa ang pagkain. Dapat ding sumunod sa
curfew gaya sa Quezon City kung saan nagtakda ng oras para sa mga pantry- mula
alas 5 ng umaga hanggang alas 8 ng gabi lang dapat ang operasyon ng mga ito, subalit
maari pa naman itong magbago depende sa ipinapatupad na public safety hours. Ayon
sa LGU, binalangkas ito kasama ang organizer ng Maginhawa Community Pantry na
si Patricia Non. Kung nagawa ngang makipag-uganayan ni Patrici Non sa lokal na
pamahalaan kung saan nakatalaga ang kanilang pantry, ibig sabihin nito ay kaya rin
ng ibang organizers.

Ikalawang Tagapagsalita (Practicability):


Gayundin, karapat dapat lamang na sumangguni ang nag oorganisa ng community
pantries sa lgu's upang magkaroon ng klarong sistema. Unang una walang sistema ang
community pantries kung paano pananatilihin ang "minimum health standards"
gayong wala silang kontrol sa dami ng taong pupunta sa proyekto. Hindi gaya ng sa
pagbibigay ng ayuda, ang lgu's ay gumagawa ng paraan upang ang mabibigyan
lamang ay per batch, hindi na kailangang pumunta pa ang lahat lalong lalo na kung
hindi naman sapat ang goods na ipamimigay. Sa tulong ng Lgu's magkakaroon ng
panuntunan upang maiwasan ang posibleng gulo, siksikan at ma siguro na masusunod
ang health standards. Sa isang interview, ayon sa brgy vice chairman ng brgy holy
spirit, na kung saan dinaos ang community pantry ni Angel Locsin. Karaniwan na ang
nag oorganisa ng relief operations ay nakikipag koordinansiya sa lokal na pamahalaan
upang malaman kung paano ipapamahagi ang goods at malaman, matunton kung saan
ang depressed areas ng isang lugar. Kung gayon sa tulong rin ng lgu's
magbebenepisyo ang organizers upang malaman kung saang lugar karapat dapat itayo
ang pantry na siguradong marami ang matutulungan. Gayundin sa paglaganap ng
proyektong ito isyu ang ilang paglabag sa ordinansa ng pamahalaan , nakakabahala na
may lumalabag sa curfew hours upang mauna lamang sa pila ng community pantries.
Noong abril dalawamput isa, limang indibidwal ang nahuling lumalabag sa curfew
hours habang nakapila na ng madaling araw sa Maginhawa Community Pantry ng
Quezon City, na siyang nanguna sa proyektong ito. Sa tulong ng lokal na pamahalaan
maiiwasan ang mga isyu na ito.

Ikatlong Tagapagsalita (Necessity):


May ilang alituntunin at polisiya ang hindi nasusunod mula nang umusbong ang
community pantry sa ating bansa. Kung kaya’t kinakailangan na isangguni muna sa
lokal na pamahalaan ang community pantry bago isagawa o itayo. Ang unang dahilan
kung bakit kinakailangan na makipag-ugnayan muna ang mga organizers ng mga
community pantries bago ito isagawa ay ang hindi pagsunod ng mga taong nakapila
rito sa health and safety protocols na ipinatupad ng ating pamahalaan. May mga taong
nakapila na kung saan ay hindi na nasusunod ang social and proper distancing na
kung saan ay kinakailangang isang metro ang layo mula sa mga taong maaari mong
makasalubong o makasalamuha. Sa mga unang araw na nagsimula ang pagsasagawa
ng community pantry ay nagkalat ang mga litrato sa social media na kung saan ay
makikita na nawawalan ng tamang distansya ang mga tao sa isa’t isa na maaaring
maging sanhi ng pagtaas ng kaso ng COVID sa Pilipinas. At ito ang pangalawang
dahilan kung bakit kinakailangan na makipag-ugnayan ng mga organizers sa lokal na
yunit ng pamahalaan, ang tumataas na bilang ng mga indibidwal na nagpositibo sa
bayrus. Naitala noong ika-dalawampu’t anim (26) ng Abril, taong dalawang libo at
dalawapu’t isa (2021) ang bagong kaso ng mga nagpositibo sa COVID na may bilang
na walong libo, siyam na daan at lima (8,905) at may kabuuang bilang na halos isang
milyong kaso sa buong Pilipinas. Ayon sa mga balita, nangunguna ngayon ang
Pilipinas sa Timog-Silangang Asya na may dumaraming kaso ng “virus” na naitatala
sa bawat araw na lumilipas. Kinakitaan ng potensiyal na magkahawa-hawa ang mga
tao sa mga nagkakalat na community pantries sapagkat nagiging kumpulan ito ng mga
tao o maging overcrowded ang mga pantries na nakatayo sa iba’t ibang lugar. Kung
hindi sinusunod ang mga health guidelines and protocols ay may posibilidad na lalong
tumaas ang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas. Bilang karagdagan, kagaya ng nabanggit
ng unang tagapagsalita na mayroong namatay na residente sa pila ng community
pantry ng aktres na si Angel Locsin. Mula sa insidenteng ito, hinihikayat ng
pamahalaan na makipag-ugnayan sa kanila ang mga organizers ng mga community
pantries upang maiwasan ang ganitong uri ng insidente. Kung makikipag-ugnayan
ang mga organizers sa lokal na yunit ng pamahalaan, mabibigyan sila ng sapat na
lugar, seguridad, at masisigurong ang mga alituntunin at polisiyang pangkalusugan ay
nasusunod ng mga tao. Sa dakong ito, kinakailangan na isangguni muna ng mga
organizers ang isasagawang community pantries upang masiguro na nasusunod ng
tama ang health and safety protocols na ipinatupad ng pamahalaan. Matutulungan ng
pamahalaan ang mga organizers sapagkat maaari silang bigyan ng magandang
lokasyon kung saan itatayo ang mga community pantries. Gayundin ay maiiwasan ang
paglaganap o posibilidad na maging sanhi ang kumpulan ng mga tao sa pagtaas ng
kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.

Summary
Sa makatuwid, mas makabubuti sa lahat kung magkakaroon ng koordinasyon sa
pagitan ng mga organizers ng community pantries at lokal na pamahalaan. Sa
kasalukuyang panahon na patuloy na tumataas ang bilang ng kaso ng Covid sa
Pilipinas, wala pa ring katiyakan kung hanggang kailan tayo mananatili sa ganitong
kalagayan. Dahil dito nararapat lamang na makiisa ang lahat sa epektibong
pagpapatupad at pagsunod sa minimum health standards at mga health protocol. Sa
kabila ng magagandang inisyatibong inilulunsad ng mga pribadong organisasyon at
ng mga simpleng mamamayan upang makapaghatid ng tulong sa nangangailangan,
hindi ba’t mas maganda kung matitiyak na ligtas at walang nakaambang panganib sa
kalusugan ng mga tao. Sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan
ay mas malaki ang posibilidad na maiwasan ang anumang hindi kanais-nais na
pagyayari dahil nga ang mga ito ay mayroong sapat na awtoridad upang makatulong
sa maayos na pamamahagi ng mga pagkain at pagsasagawa ng mga community
pantries.

SALUNGAT

Unang Tagapagsalita (Beneficiality):

Ang pagtulong sa kapwa ay walang kulay, hindi dapat ito kinukulayan. Ngayong
nalalapit na naman ang halalan, ginagamit ito ng ilan sa mga pulitiko upang
mapabango ang kanilang pangalan sa publiko. Sa pamamagitan ng pagsangguni ng
mga nagoorganisa ng community pantry sa lokal na pamahalaan, magagamit lamang
ito sa pamumulitika. Kahit pa napakadalisay ng inisyatibo at layuning ito ay kung
nadudumihan at nabababoy lamang ng mga trapo na wala namang talagang pakialam
sa kapakanan ng mga tao. Hindi maitatanggi na ang mga community pantries ay
mariing sampal kontra sa kapalpakan at kawalang-malasakit ng gobyerno. Anong
guidelines na naman nasa isip nila. Basta observed ang social distancing,
nakafacemask at face shield ang mga tao ay wala naman makikitang problema. Palpak
na nga ang gobyerno sa pamamahagi ng ayuda noon bakit kailangan pa nilang
mangialam sa mga pribadong inisyatibo. Kung ginagawa lang sana nila ng maayos
ang tungkulin nila ay hindi na siguro kakailanganin pa ng community pantries.
Makabubuti at maayos kung kanya-kanya na lang o magkaroon ng self regulation ang
bawat pantry. Unahin na lamang ng lokal na pamahalaan ang pagtutok sa mass
testing, vaccination, pagsasaayos ng mga pasilidad at paglutas sa iba pang isyu
kinakaharap ng pamahalaan. Bilang halimbawa ng ilan sa mga pulitikong hindi na
nahiya at ginawang susi pa ang konsepto ng community pantry upang mamulitika ay
ang nangyari sa Eastwood Community Pantry sa Barangay San Isidro. Nagviral sa
social media ang mga larawan kung saan makikita ang mga tarpaulin na naglalaman
ng mga pangalan ng Mayor at kapitana sa nasabing lugar noong Abril 18. Isa pa ay
ang community pantry sa Caloocan na tinawag na Bagumbong Community Party
kung saan makikitang ginagamit din ito ng isang konsehal na si Vince Hernandez sa
pulitika.

Interpellation: Kung gayon sumasang-ayon ka na matagumpay ang pamahalaan sa


pagpapatupad ng mga health protocols at minimum health standards? Naniniwala ka
na hindi kayang pamahalaan ng hiwalay ng mga pribadong organisayon ang sarili
nilang mga proyekto? Ibig sabihin din, sapat para sa iyo at epektibo ang pamahalaan
sa pagresponde na kanilang ginagawa hinggil sa pandemyang nararanasan natin sa
kasalukuyan? Alam mo ba na ginagamit lamang ng ilan sa mga pulitiko ang
panukalang iyan na pagsangguni sa lokal na pamahalaan upang maipakita ang
kanilang kaugnayan, magpalakas at maitaguyod ang pansarili nilang mga interes?
Alam mo ba ang mga nangyayaring redtagging, profiling, at ilang pagbabanta sa
kaligtasan ng mga organizers ng community pantry sa iba’t ibang panig ng bansa?
Naisip mo ba na sakaling magkaroon ng koordinasyon sa pagitan ng dalawang panig
ay mas madali na para sa mga awtoridad na manghimasok sa mga isinasagawang
proyekto ng mga pribadong organisasyon at mga indibidwal? Alam mo ba na
makakapagdulot ang mga nabanggit ng pangamba sa mga organizers at maaring
maging dahilan upang hindi na maipagpatuloy ang proyekto?

Ikalawang Tagapagsalita (Practicability):


Sa paglaganap ng community pantries kasunod rin nito ang mga ulat na maraming
organizers ang nakaranas ng harassment, intimidation at profiling mula mga pulisya
na siyang pagpalabag sa Data Privacy Rights ng mamamayang Pilipino. Unang
biktima ay si Ana Patricia Non, na pasimuno ng Maginhawa Community Pantry.
Tatlong pulis ang lumapit mismo sa volunteers upang magpasagot ng isang form na
naglalaman ng email, social media acc, family background,family name. Umano pati
selpon numbers ay hinihingi rin. At ayon sa Secretary ng Data Privacy Law na si
Menardo Gueverra ang profiling na ginagawa ng pulisya ay paglabag sa Data Privacy
Act of 2012. Ayon sa batas na ito, walang sinuman ang may karapatang mag demand
ng personal na impormasyon maliban na lamang kung may legal na basehan. At sa
sitwasyon ng community pantries walang klarong basehan at lehitimong layunin ang
pulisya. Walang court order na magsisilbing legal na basehan o kaya krimen na
naganap. At dahil sa mga kaganapang ito, ilang pantries ang pansamantalang
nagsarado upang proteksiyunan ang kanilang sarili. Laganap din ang isyu ng red-
tagging sa organizers at volunteers kung saan inuugnay sila sa mga komunistang
rebelde kahit wala namang lehitimong ebidensiya. Ilang mga community pantries ang
inakusahan ng red-tagging pinakapopular ay ang Maginhawa Community Pantry, na
napilitang itigil ang operasyon dulot ng laganap na red-tagging sa proyekto mula sa
mga pulisya at opisyales. Hayagang ang red-tagging na ito mula sa social media
accounts ng pulisya at lalo pang pinatindi ng National Tasks Force to End Local
Communist Armed Conflict. Ito ay nagbibigay pangamba sa mga volunteers na
gayong ang red-tagging ay maraming kalakip na isyu tulad ng extrajudicial killings na
nilinang ng administrasiying Duterte. Ang pagtulong ay maaring magmitsa pa ng
kamatayan kung di magkakaroon ng maayos na usapan. Imbis na suportahan ang
proyektong ito, ang pulisya at pamahalaan ay nakakakitaan ng pag aabuso ng
kapangyarihan sa paggamit ng dahas, intimidasyon at pagreredtag sa mga volunteers.
Gayong pribado naman ang proyektong ito hindi na kailangan ang tulong ng gobyerno
at dapat maging inspirasyon pa ito upang palawigin ang proyektong tawid gutom.

Ikatlong Tagapagsalita (Necessity):


Ang community pantries na ating makikita sa mga eskinita at tabi ng kalsada ay lubos
na nakakatulong sa mga indibidwal na kinakapos at halos wala nang maihain sa kani-
kanilang hapag-kainan. Malaki ang ginampanang tungkulin ng mga community
pantries sapagkat nagsilbi itong pantawid gutom ng mga taong naghihirap sa gitna ng
pandemyang nararanasan ng buong mundo. Hindi na kinakailangang isangguni pa ng
mga organizers ang mga isasagawang community pantries sapagkat ang bayanihang
ito ay kusang loob na ibinibigay ng tao at walang permit na kailangan para tumulong
lalo na at pandemya ngayon. Ngayong pandemya ay mas nararapat na paigtingin at
palaganapin ng pamahalaan ang pagtulong sa kapwa sa gitna nang krisis na
nararanasan ng bansa. May mga balitang lumabas nitong mga nakaraang araw na
ayon kay DILG Secretary Eduardo Ano ay ipapasara ang mga community pantries
kung may makitang paglabag sa mga pinaiiral na health protocols. Sa balitang ito,
kung susuriing mabuti, hindi ba obligasyon naman dapat talaga ng pamahalaan na una
pa lamang ay siguraduhing nasusunod ang mga alintutuning pangkalusugan? Bago pa
umusbong at maging patok ang mga community pantries, alam natin na hindi na
nasusunod ng tama ang mga health guidelines na ipinatupad nila dahil hindi sapat ang
ginagawang pagmamatyag ng mga barangay tanod, pulis at iba pang mga taong in-
charge sa usaping ito. Una pa lang ay trabaho na ng mga barangay tanod at polisya na
sa lahat ng oras at pagkakataon na siguraduhing nasusunod ng tama ang mga
protocols sa mga pampublikong lugar kaya hindi na kailangan pang humingi ng
koordinasyon o makipag-ugnayan sa lokal na yunit ng pamahalaan bago isagawa ang
community pantry. Karagdagan pa rito, tungkol sa isyu ng namatay na 67-anyos na
residente sa pagpila sa community pantry ng aktres na si Angel Locsin, dito pa
lamang makikita agad natin ang pagkukulang ng awtoridad na masiguro ang
kaligtasan ng bawat tao. Ayon sa balita sa ilang elektronikong pahayagan na 3 pa
lamang ng umaga ay nakapila na ang namatay na matanda sa pantry. Nasaan na ang
curfew hours na ipinatupad ng pamahalaan na mula 5 am hanggang 8pm lamang
maaaring lumabas at ang age limit na bawal lumabas ang may edad 18 pababa at 65-
anyos pataas? Dito pa lamang hindi na nabantayan ng maayos at nasiguro ang
kaligtasan ng mamayan ng mga barangay tanod at ng kapulisan. Sa panahon ngayon it
is a common knowledge na amidst pandemic ay nagche-check na talaga sila hinggil sa
mga violations. Hindi na kinakailangang isangguni pa ng mga organizers ang mga
isasagawang community pantries sapagkat responsibilidad naman talaga ng awtoridad
na masiguro na nasusunod ng tama at maayos ang mga health protocols. Ang hangarin
at layunin lamang ng community pantries na nagkalat sa iba’t ibang panig ng bansa ay
kinakitaan pa ng mali at plano pang ipasara kung magkakataon.

Summary
Sa panahon ngayon na marami ang nalugmok sa kahirapang mas lalo pang pinatindi
ng pandemya, napakalaking tulong ng mga community pantries. Nagagawa nitong
maibsan ang gutom, na kahit sa simpleng pamamaraan ay makatulong upang
malamnan ang mga sikmura at hapag ng mga nangangailangan. Sa kabila ng
mabuting layunin ng mga nag-oorganisa ng programang ito ay nakatatanggap pa sila
ng pagbabanta, redtagging, at harassment; gaoon na lamang ba kababaw ang
pamahalaan. Ang pakikipag-sangguni sa lokal na pamahalaan ay mas maraming
masamang maidudulot, aabusuhin lamang nila ang kanilang kapangyarihan at
kaugnayan sa mga proyektong ito. At isa pa mayroon namang sapat na kaalaman at
panuntunang sinusunod ang bawat pantries sa kanya-kanya lugar upang matiyak na
mapapanatili ang kaligtasan at hindi pagkalat pa ng virus. Ayon sa mga nabanggit na
argumento, wala ng rason pa upang makipag-ugnayan pa sa mga lokal na
pamahalaan.

You might also like