You are on page 1of 9

Bata, Bata Pano ka Ginawa?

Ni Lualhati Bautista

...Hanggang sa ang bata ay hindi na bata kundi ama, o ina. Ano ang ituuro niya ngayon sa kanyang mga anak? Lahat ng dapat niyang matutuhan ngayon pa lang, hindi pagkamasunurin at pagkakimi, kundi pagkibo pag may sasabihin at paglaban pag kailangan. Lahat ng panahon ay hindi panahon ng mga takot at pagtitmpi; lahat ng panahon ay panahon ng pagpapasiya AT sa wakas, tumugtog ang graduation march at nagmartsa ang mga batang nagsisipagtapos. "Ladies and gentlemen, here comes kindergarten class, section one, handled by Mrs. Erlinda Macasaya! Please give them a big hand!" (Palakpakan.) Itinaas ni Lea ang nakahanda nang kamera, isinentro sa anak na nasa kalagitnaan ng linya. Saglit na huminto sa pagmamartsa si Maya, itinaas ang baba, nameywang, nod. Hinarap ni Maya't tinampal ang kamay ng kaklase. Pinandilatan sila ni Mrs. Macasaya. "Coming next is kindergarten class, section two, led by their adviser, Miss elvira Sagun. Ladies ang gentlemen, please give them a big hand!" Martsa papasok ang section two. Oo nga't tinuruan sila ng titser ng mga chest out, stomach in, pero sa oras na ito'y wala na sa mood ang mga bata. May dumadarag na, may nagkakalkal ng ulo. Aba nga naman, alas-siyete ang usapang naguumpisa ang programa'y alas-otso pasado na ngayon. Mataas na't mainit na ang araw. At sa school ground lang, sa open air, idinaraos ang graduation. Pati mga manonood ay ngayon lang napipirmi. Kanina'y nagkisaw-kisaw na ang mga tao, reklamuhan kabi-kabila, paypayan, singhalan. Di kasi pang matindi sa lahat ang pagkakayamot ng mga magpipitong taon. Pinapawis nga naman sila sa suot nilang toga. Hindi na yata nakatiis ang isa, sa kalagitnaan ng pila'y hinalbot ang toga niya at ginawang pamaypay. "Sst! Balik 'yan, balik!" gigil na singhal ni Miss Sagun sa bata. Bubulong-bulong na isinalpak ng bata sa ulo niya ang toga. Humingi rin ng palakpak ang tagapagsalita para sa dumarating na section three. Inihatid din ng adviser ang mga ito sa kanilang takdang upuan. Isang batang mukhang pilyo ang huminto sa tapat ng titser at nagsabi: "Tser, may I go out!" Napahindig ang tiser, "Mamaya!" "Iihi ako!" "Mamaya sabi!"

Nagbanta ang bata. "Ba'la kayo!" "Ssh!" Bahala nga naman kayo. Oagdating sa upuan (nakatayo pa ang lahat habang di pa kumpletong nakakapasok ang mga ga-graduate) inilabas ng pilyong bata ang ano niya at sinabayan ng ihi. Lingunan ang mga batang babaing natilimsikan. Gimbal sa "pagkadungis" ng kanilang mga "dangal"! "Ma'am si Roderick, dito umiihi!" Tawanan ang mga taong. Natukso si Lea, itinaas ang kamera at isinentro sa batang umiihi.(Klik!) Inanawns ng tagapagsalita ang pagsisimula ng programa sa sa pamamagitan ng Pamabansang Awit. Dumiretso ang mga tao. Bayang magiliw, perlas ng silanganan. . . Pagkatapos nito, opening speech ng prinsipal. Na sinabayan ng mabilis na pagkilos ng maraming ina. Puntahan sila sa kanya-kanyang anak para hubaran amg mga ito ng toga, na magbibilad sa suot nilang bikini suit. Ito ang mga batang kasali sa pilian ng Miss Kinder, kasali sa fashion show na gaganapin sa stage. Si Ding ang taya sa pag-aalis ng damit ni Maya. Iyon ang usapan nina Lea at Ding: si Ding, katulong si Flor na pamangkin ni Lea, ang mag-aasikaso kay Maya dahil si Lea ang kukuha ng mga retrato ng anak. Teka, hindi pa pala 'yong bikini ang kailangan. Iyon muna palang gown. Sinuutan ni Flor ng gown si Maya. Sinuklayan. Kinabitan ng dekorasyon sa buhok. Sa paligid, hindi lang gown at suklay and dala ng maraming ina sa kanilang anak kundi pati make-up at lipstick. Pinupulbuhan nila nang makapal ang mga anak nila, nialalgyan ng eye liner, pinapahiran ng pampapula sa pisngi. May sinabi si Ding kay Flor at batay sa mga pagsulyap nito sa paligid, nahulaan ni Lea na itinatanong nito kung si Maya ba e hindi nila pipintahan din. Hindi. Mahigpit ang order ni Lea na h'wag lalagyan si Maya kahit lipstick. Para kay Lea, maruming tingnan ang isang batang may make-up at lipstick. Imbis na makaganda'y sinisira nito ang kalinisan ng isang batang mukha. Nilalagyan ng anyo ng kamunduhan at karanasan. Inihanda na ng mga hurado ang papel at lapis nila. Mag-uumpisa na silang bigyan ng kaukulang marka ang personalidad ng mga batang kandidato. Maya-maya'y umaakyat na sa stage ang mga bata; idinidisplay ang gown nila, lumalakad nang nakapameywang, nagpa-pause, nagpo-pose, habang sinasabi ng tagapagsalita ang mga pangalan nila na sinasagot naman ng palakpakan ng mga tao. Panay ang klik ng mga kamera na sinisingitan pa ng kislapan ng flash bulbs. Ke tatanga nila, sa

loob-loob ni Lea. Sa kainitan ng araw, hindi ka gagamit ng flush bulb. "Arlina de los Santos!" Isang bata sa gown na kulay ginto at nagkikislapang mga palamuti ang nagpapalahaw dahil ayaw umakyat sa stage. Hatak-hatak ito ng ina, pinipilit, pinalo pa mandin. Nagtatawanan na ang marami, nanghihinayang ang ilan. "Gagang bata 'yan, ang ganda-ganda pa naman ng suot!" "Ay, mahal 'yan, mare! Mahigit isang libo ang ginasta ni Corazon diyan!" 'Yong Corazon siguro ang ina. Nag-concentrate si Lea sa pagkuha ng retrato ni Maya. Sa parisukat na camera lens, aaminin niyang maganda nga ang anak niya, Manang-mana sa ina, sabi niya sa sarili. Pero hindi iyon ang kahanga-hanga dito kundi ang tiwala sa sarili na masasalamin sa mga hakbang nito, sa mga pacute nito. Puwedeng puwede mag-artista paglaki, sabi ng iba. Puwendeng mag-leader. Kung mananatili siyang ligtas sa mundo ng isang musmos, nainisip ni Lea. Kung hindi siya wawasakin ng mga kawalang-katiyakan."Nanay," nagkakalkal ng ulo si Ojie sa tabi ni Lea. Kanina pa nga naman pala siya tinatawag ni Ojie. Sumilip uli sa lens ng kamera si Lea, "Ano?" tanong niya. "Gusto ko ng softdrinks." "Do'n ka sa humingi ng pera sa Tatay Ding mo. Wala akong dala dito. "Malayo siya, e!" "Lapitan mo!" "Hindi ako makadaan!" "Di mamaya ka na mag-softdrinks, pag makakadaan ka na!" Dumadarag na lumayo si Ojie, at nakadaan papunta kay Ding. Tatay Ding. Ba't may Ding pa, tanong nga ng isang kapitbahay kay Lea no'ng bagong lipat pa lang sila sa lugar na ito. Ba't hindi basta tatay na lang? To differentiate, sagot niya. Dahil meron siyang Tatay Raffy. Nag-anawns ang tagapagsalita ng kasunod na bahagi ng programa. Sayaw mula sa isang grupo ng mga magaaral. Ehersiyo ng sayaw. Bumanat ng kanta si Florante. Abakada...egahaila...manaopa...rasatauwaya! Umentra sa stage ang grupo at sinayawan ang kanta ni Florante. Naghubaran na naman ng gown ang mga batang kasali sa contest. Ngayon, ang iniwan nila sa katawan ay ang saplot na bikini. Kinambatan ni Lea ang ang tatanga-tangang pamangkin. Mabilis namang tinulungan nito si Ding sa pag-iintindi kay Maya. Iyong ibang ina, niretoke ang make-up ng anak nila. Lumapit si Flor kay Lea at ibinulong: "Tita Lea, si Maya lang ang walang make-up. Lalagyan ko siya maski lipstick." "Wala akong lipstick." "Manghihiram ako." "Tumigil ka." Isa pang palabas at balik sa stage ang mga kandidato sa pagka-Miss Kinder. Dumarami ang mga batang nagmarakulyo. Ang isa'y nagpoposing nga pero halatang napipilitan na lang. Halatang malapit nang umiyak. Ginulo naman ng isa pa ang buhok niya bago magfashion show . . . isang maliwanag na paninira sa ina't titser. Iyan ang hirap sa usapang ito. Ano ba naman ang kamuwangan ng mga pipituhing taon sa mga beauty contests? Laro lang tingin nila sa lahat ng bagay at komo laro, gagawin lang nila pag gusto nila. Pag nasa mood sila. Karaniwan na ina lang ang may gustong mapalaban ang anak nila, masabing kabilang ito sa magaganda, maging ang pinakamaganda kung maari. Baya'n mo nang mabilad siya sa init, mapagod siya, lagnatin siya, sipunin siya. Gusto ng nanay ng tropeo, gusto ng nanay ng karangalan.

Dear asawa ko na nasa Saudi: Padalhan mo agad ako ng isang milyong dolyar pambili ng gown ng anak mo na isusuot sa beauty contest. Aba, baka hindi mo nalalaman, kandidato ang anak mo sa pagkamiss kinder! Natural, kailangang pinakamaganda ang suot niya sa okasyong iyon. H'wag mong sabihing maitim siya, hindi na mapapansin ang kulay niya pag napansin ang suot niya. At susuutan ko siya ng gold, sasabugan ko ng sequence para makislap. Pag nagmarakulyo siya, hahatakin ko siya. Babanatan ko. Makikita ng batang 'yan pagdating namin sa bahay! Naisip ni Lea kung anong banat kaya ang aabutin ng bata sa suot na gold pag-uwi nila ng bahay. T'yak na maraming kurot at amba ng suntok at mura. Sayang ang gown, e. Biro mo isang milyon ang halaga, hindi naidisplay. Inisip din ni Lea kung hindi kaya si Maya ang napaiba sa pagkakataong ito. Si Maya mismo ang pinag-desisyon niya kung gusto nitong sumali. "S'yempre naman!" tiyakang sagot sa kanya ni Maya. "Mapapagod ka sa kare-rehearsal. Siyempre araw-araw, me praktis kayo." "S'yempre!" "Baka mamaya iiyak ka?" "Baka ikaw ang iiyak, nanay?" "Bakit ako?" "'Bibili mo ko ng toga saka gown saka bikini. Maraming pera'ng kailangan do'n!" May mga pumuna sa kanya sa pakumporme niya na sumali si Maya sa nasabing beauty contest. Lalo na't sa nasa sirkulo siya ng mga taong may matibay na paniwala na ang pagandahan ay isa pa ring uri ng pagsasamantala sa mga babae. Pero gano'n din naman ang damdamin niya. Ang totoo'y nagalit na nga siya nang makita ang ipinapagod ni Maya sa rehearsals. Hanggang sa huling praktis kahapon, hanggang sa mag-uumpisa na ang programa kanina, ay gusto na niyang i-withdraw sa contest ang anak. . . gusto na niyang iuwi! May lagnat ito kahapon, 38 point 2. Nag-alala siya na tumaas pa iyon. Kaso'y disidido talaga si Maya na maging parte ng programang ito. Hindi ito papayag na magpull-out. Ano man ang dinaramdam ni Maya ay ginagawa pa rin nito ang kanyang the best. Sport siya, sabi ni Lea sa sarili. Manang-mana sa nanay. At kakambal ng nararamdaman niyang pag-aalala'y nakadarama din siya ng pagmamalaki. "Ngayon naman po, ang mga bata natin ay magpapakita ng kanilang talino sa pammagitan ng awit, tula, at sayaw!" Unang bata, ala-Celeste Legaspi sa mga angat ng balikat, liyad ng katawan at lukot ng mukha: "Matayog ang lipad ng saranggola ni Pepe!..." Pangalawang bata., nagpakuha pa mandin ng gitara't upuan: "Nang isilang ka sa mundong ito, laking tuwa ng magulang mo!. . . " "Talo'ng anak mo ro'n," biro niya kay Ding na tumabi sa kanya. "Marunong siyang maggitara." Seryoso't may kaba si Ding sa panonood. Naisip ni Lea kung napakahalaga ba kay Ding ng paligsahang ito. Kung matter of life and death ba sa kanya na manalo ang anak. Huminga ng malalim si Lea. Wala kang magagawa sabi biya sa sarili. Simpleng tao lang si Ding. . . sing-simple ng karaniwang ama't ina. "Oh Captain, my Captain!" banat ng ikatlong bata.

Nagpayanig din ang ikaapat na bata sa pamamagitan ng pagbali-bali ng katawan nito sa saliw ng isang popular na tugtuging rock. "Talo na nga yata ang anak mo," bulong ni Ding kay Lea. Nai-insecure si Ding. Hindi yata humihinga si Ding nang pumagitna sa stage si Maya at magbandila ng tula niya: "Ang tiyan ng nanay, malakit't mabilog. Ano 'yon? tanong ni Ojie sa nanay. Bola? Bola ng basketbol? Hindi, iba. Pwedeng paglaruan? Hindi at may laman. Ano'ng laman, ha, 'Nay? Sorpresa, sorpesa! Ang sorpresa nang lumabas, ako pala! Pa'nong ang bola ay naging si Maya? Biglang tawa si Nanay: Paglaki mo na, Ojie, saka mo malalaman.! Hindi siguro akalain ni Ding, pero pinakamasigabo ang palakpakan ng tao kay Maya. May kasama pang malakas na tawanan. Pero hindi pumalakpak ang prinsipal. Hindi natawa. Kundi napahindig: "Que, barbaridad!" Natawa uli ang mga tao sa reaksiyon ng prinsipal. Nalagay sa alanganin si Ding. Hindi malaman kung matatawa o mapapahiya. Ngayon lang narinig ni DIng ang tula ni Maya. Pag tinatanong kasi nito ang anak kung ano'ng gagawin sa stage, ang laging sagot ni Maya: "malalaman mo." ' Sino'ng nagturo sa anak mo no'n?" usig ni Ding kay Lea. Nakangiti si Lea. "Sino pa!" at nagmamalaki pa! Tumalim ang tingin ni Ding kay Lea. " Talagang wala kang turong mabuti!" Babaan na naman ang mga bata ara isuot uli ang kanilang toga. Mag-aabutan muna ng diploma habang nagde-deliberate ang mga hurado. Isa-isang tinawag ang mga ga-graduate. Sa huli na raw ibibigay ang mga medalya ng karangalan. Hanggang sa oras na ito, walang nakakaalam kung sinu-sino ang mga mag-uuwi ng medalya. Nakabitin sa suspense ang mga magulang. "Una muna po, pagkaraang patibayan natin ang pag-graduate ng mga bata, hihingin natin ang pasiya ng mga hurado sa ating paligsahan bago natin i-proklama ang mga honor students natin." At least may sapat na isip naman sila na ilagay sa huli ang pagsasabi ng mga honor students. At least alam nila na ang pinaka-importante sa umagang ito'y hindi kung sino ang pinakamagaganda kundi kundi kung sino ang pinakamarurunong. Panhikan na naman sa stage ang mga kandidato suot ang kanilang gown. Tulad sa lahat ng beauty contests, nagpilian muna ng Mis Photogenic, Miss Talent, at kung anu-ano pang Miss. Nauubos na ang tropeo sa pagka-Miss. Kung anu-ano ay wala pang nakukuha si Maya. "Wala pang nakukuha si Maya," ninenerbyos nang bulong ni Ding. "May makukuha 'yan," pamapalakas-loob ni Lea. " 'yong pinakamalaki," iyong pinakamalaking trophy ang nakalaan sa Miss Kinder.

Third princess! Second princess! Wala pa ring hawak si Maya at nai-insecure na rin pati si Lea. Minumura na niya nang pabulong ang mga hurado. Ipinagngingitngit na niya ang tila pagpapakaseryoso ng mga ito sa pamamahagi ng mga trophy. Kung siya ang hurado, titiyakin niya na bawa't bata'y may iuuwing tropeo. Na wala sa kanilang uuwi nang bigo. At nahihiya. Dahil sa gano'ng edad, ang pagkabigo'y laging may kakabit na pagkapahiya. "Tinatawagan po sa entablado ang Miss Kinder ng nakaraang taon para siyang magputong ng korona sa ating Miss Kinder, '83. Ladies and gentlemen, Miss Kinder '82, Dolores Villafuerte! Let's give her a big hand. please!" Sabog ang palakpakan. Taas-noo, aral na aral ang lakad, tulad sa isang tunay na Miss sa pandaigdig na pagandahan, naka-gown ng kulay rosas na tinataya ni Lea na nagkakahalaga na rin ng libo, kuntodo naka-guwantes at parang sinubsob sa make-up, dala ang makislap na korona ng karangalan, ang nakaraang Miss Kinder. Diyos ko, usal ni Lea sa sarili. Diyos ko, ano'ng ginagawa nila sa mga bata? "And now, Miss Kinder '83, ladies and gentlemen. . . because of her simplicity, her freshness, poise and total personality. . ." pause. Birada ng tugtog. Mga nakabiting hininga. "Maria Natalia Gascon!" Napalundag si Ding. At sa kabila ng damdamin niya, napalundag din si Lea. Pati puso niya yata'y tumalon at nawala sa lugar. Pero siyempreng di dapat malimutan ang kamera lalo na sa pagkakataong ito. Klik! Teka, ang likot ng kamera, a! Lumalabo yata ang lens sa mga mata niya. Ano 'to, umiiyak ba siya? Klik! Habang sa tabi niya'y hindi rin makontrol ni Ding ang buhos ng kaligayahan. Klik! Anak ko 'yon! Hahahaha! Mga kaibigan, si Maya ko 'yon! Klik! Narinig n'yo ba? Anak ko 'yon! Klik! Klik! Anak ko sa labas. 'Yong batang konti ko nang tinunaw no'ng araw. Kundi ko lang naisip na lahat ng bata'y kailangang bigyan ng pagkakataong maging tao. Klik! Maya, naririnig mo ba, anak? Si Raffy ang naging katumbas mo! Alam mo ba kung sino si Raffy? Iyon ang pinakamalaking pag-ibig ko! Klik! Klik! "Ding, 'yong film! Sagad na 'to, Ding, 'yong film!" "Eto, eto!" "Diyos ko matagal pa bago malagay 'yan! Mae-expose 'tong mga nauna!" "Misis, isi ka lang. Eto'ng kamera ko, me film pa!" Inagaw niya halos ang kamera sa kamay ng lalaking nagmamagandang-loob. Klik! Naloko na, fixed focus, malabo ang kuha! Tarantadong mama ito, mumurahin ang kamera! Umiiyak siya. Pati leeg niya, basang-basa na sa luha! Diyos ko, e alam mo namang hindi ako mahilig sa mga beauty contest e bakit nagkakaganito 'ko? Idineklara din si Maya bilang honor student, pangatlo sa mga nakakuha ng karangalan. Dito sana dapat mapaiyak sa tuwa si Lea. Pero by that time e wala na siyang luha. . . kung paanong wala na ring film ang kamera ng lalaking nagmamagandang loob sa kanya, at binayaran na lang niya ang commercial photographer na gumagala sa school ground para kunan ng mga dagdag na retrato ang kanyang anak.

Kwento ng Pag-Ibig ni Emong


Ni Robert Ong
Maaga syang gumising upang paghandaan ang isang kakaibang araw. marahil ito na ang araw na magbabago sa kanyang kapalaran at marahil ay maghihiwalay na rin sa kanya mula sa lumbay at kamalasan. Malamig pa hanging labi ng gabing nagdaan. nagpa-init sya ng tubig sa takure. Kalahati nito ay ilalagay sa pampaligong tubig at ang kalahati ay ilalagay termos upang may pang-kape. Habang naliligo ay napapakanta pa sya,lovesongs. Punong-puno ng pag-asa ang kanyang sigla. Matapos maligo ay marahan nyang nilagok ang medyo lumamig nang kape. Isinuot ang polong kagabi pa nya pinlantsa at ang pantalong isang linggo nyang tiniis na hindi isuot. Naglagay ng gel sa buhok at pirming hinati sa gilid na animo'y dinilaan ng baka. Handang-handa na sya. Kinuha mula sa ilalim ng kama ang isang lata ng biskwit. Dumukot sya ng ilang piraso ng lukut-lukot na papel na pera. Dumukot ulit. Inubos ang laman at ibinalik sa ilalim ng kama ang latang ilang buwan nyang pinagsidlan ng salaping pinaghirapan. Tumungo sya sa dangwa. Bumili ng isang bungkos ng mga rosas. pulang pula tulad ng polong suot nya. Mas mahal sa ordinaryo ang binili nya dahil ispesyal na okasyon naman. Binilang nya ang ilang mga piraso ng papel at barya sa kanyang bulsa upang malaman kung sapat pa para sa isang mahabang araw. Sa kahabaan ng paglalakad ay napadaan sya sa isang fastfood na may malaking bubuyog na istatwa sa labasan. Pumasok sya at tumingin sa mga presyo ng mga pagkain. Nagbilang-bilang muli ng mga piraso ng papel at barysa sa bulsa at saka sya umorder. Isang burger, isang french fries at isang basong softdrinks. Sa isang kagat, isang lagok. Dahan-dahan ang pagnguya habang ninanamnam ang sarap ng ginintuang agahan. Inuunti-unti pa nya ang pagkagat sa mga patatas at ibinulsa ang sumobrang ketchup. Kaysarap maranasan ang buhay ng mga mayayaman. Matapos takasan panandalian ang karalitaan, tumuloy na sya sa patutunguhan. Busog sya at puno ng pagasa. Sa wakas ay naroon na siya sa tahanan ng kanyang magiging kasintahan. Napahigit sya ng malalim na hininga bago idampi ang daliri sa doorbell. Pinuno nya ang mga baga at saka inilabas ang lahat ng kaba. sa isip nya'y naglalaro ang mga katagang tatlong araw na nya kinakabisa. Napatango sya sa sarili na may kasamang kunot ng noo. Tanda lamang na sya'y handang handa na. Pinindot ang doorbell. Pinindot ulit. Kumatok sya sa pinto. Kumatok ulit. Matapos ang

ilang ulit ay sinamahan na nya ng pagbigkas ng "tao po". Walang nagbubukas ni sumasagot sa kanyang tawag. Pagtingin nya sa may paanan ay may isang pares ng sapatos panlalaki. Doon siya pinasok muli ng kaba at kalituhang maaaring may ibang lalaking nakauna na sa kanya. Nanlumo sya sa kanyang nakita. Ngunit di nya hinayaang lamunin sya ng nararamdamang iyon para itapon ang pag-ibig nya nang ganon ganon lang. Humigit ulit sya ng malalim na hininga at inilabas ang lahat ng masasamang elementong nananahanan sa kanyang dibdib. muli ay kumatok sya. Nakaramdam sya ng mga yapak papalapit sa pinto. Mabilis. Nagmamadali na para bang nasasabik ang nasa loob sa kanyang pagdating. Dahan-dahan naman nyang pinlantsa ang polo gamit ang isang palad at pinunasan ng panyo ang medyo nagpapawis na mukha. Nakarinig sya ng ilang pagdabog at pagbasag ng mga gamit. Inikot nya ang doorknob. Hindi ito nakalock. Binuksan nya ang pinto upang makita kung anong pinanggalingan ng ingay at isang larawang tumambad sa nagulantang nyang mga mata. Ang kanyang magiging kasintahan - nakahiga, hubad at walang buhay. Isang lalaking walang pantaas - bukas ng bahagya ang pantalon, may hawak na mga alahas at cellphone sa kanang kamay, may hawak na punyal sa kaliwa. Hindi ni isang beses kumurap ang kanyang mga mata. Tikom ang bibig. Naumid ang dila. Ilang sandali pa'y tumakbo na ang kriminal, sa iisang lagusan - ang kanyang kinatatayuan. hinawakan nang mariin ang punyal at saka madiing isinaksak sa kanyang dibdib. Bumulakta si Emong. sa huling beses, sinulyapan ang mukha ng kanyang sinisinta at pabulong uli nyang sinabing "mahal kita". dumilim ang paligid at huminto ang kanyang paghinga. bahagyang nagulo ang buhok. sumambulat ang mamahaling bulaklak sa pulang pulang dugong dumadalak.

You might also like