You are on page 1of 2

It's A Mens World

Unang nagka-mens ang kapatid kong si Colay kesa sa akin. Ten years old siya noon at
ako, magtu-twelve. Sabi ng mga pinsan ko, nauna raw si Colay kasi mas mataba siya at
mas aktibo sa paggalaw-galaw kesa sa akin.

Naging sentro ng atensiyon si Colay noong araw na reglahin siya. Lahat kami, nasa labas
ng kubeta, naghihintay sa paglabas ng "bagong" dalaga. Pagbukas ng pinto, itong
stepmother ko, biglang pumasok. Hinanap niya ang panty ni Colay sa loob ng kubeta.
Gulat na gulat si Colay siyempre.

Bakit? Tanong niya sa stepmother namin.

Labhan mo. Tubig lang. 'Wag kang gagamit ng sabon. Kusot-kusot lang. Tapos ipunas mo
sa mukha mo 'yang panty. Tapos sabihin mo, sana maging singkinis ng perlas ang mukha
ko. Ulit-ulitin mo. Habang ipinupunas mo sa mukha mo ang panty.

Sumunod si Colay. Walang tanong-tanong. Mas matanda 'yon, e.

Noong malaman ng mga dalagang pinsan namin ang nangyari sa kapatid ko, kilig na kilig
silang nagpayo kay Colay: "Magkilos-dalaga ka na kasi maliligawan ka na. Whisper ang
gamitin mo. Huwag. Mahal 'yon. Newtex na lang. Mahal din ang may wings ng Newtex,
'no? 'Wag kang kakain ng mangga. Maasim 'yon, sasakit puson mo."

Ang tatay ko, biglang kuwento nang kuwento. Noong apat na taon daw si Colay, meron
itong paboritong shorts na mukhang bloomer. Kahit daw basa pa at nasa sampayan ay
hahablutin at susuotin pa rin ito ni Colay. Si Colay daw, magaling sa Math. Si Colay daw,
magaling sumayaw. Si Colay at si Colay at si Colay.

Nakakainggit naman, naisip ko. Kailangang magkaregla na rin ako.

Una, nilakasan ko ang kain ko. Dinoble ko lahat. Triple pa nga, e. Kung isang tasang kanin
lang ang nauubos ko dati, ginawa kong dalawang bundok ng kanin. Kung isang
galunggong lang ang sinisimot ko noon, biglang naging dalawang ga-brasong
galunggong. Pampagana pa ang suka at asin. Pati Coke, dati, isang bote lang sa
maghapon. 'Yong eight ounce. Biglang nagko-Coke five hundred na ako.

At pagdating sa pagkikikilos, tinigilan ko muna ang paglalaro ng Word Factory at Scrabble.


Tutal wala naman akong makalaro kundi ang sarili ko at hindi naman talaga Scrabble ang
ginagawa ko kundi domino effect. Itatayo ko ang tiles na letra, magkakatabi, sunod-sunod
tapos gagawa ako ng hugis-hugis. Minsan, parang bulate.

Minsan, pabilog.Minsan, pa-letrang S. Tapos itutulak ko ang unang tile ng letra na itinayo
ko. Sunod-sunod nang hihiga ang lahat ng tiles. Tiktiktiktiktiktiktiktiktiktiktiktiktiktiktiktik,
sabi.

Ang tiles nga lang ang napapagod, hindi ako. Kaya kailangan ko na ring baguhin 'to. Sa
ngalan ng regla.

Batang kalye din naman ako noon pero mas batang kalye talaga si Colay. Kaya kailangang
pantayan ko siya sa pagiging batang kalye niya. O higitan pa.

Dati, kapag nagmamataya-taya kami, sampung minuto na at wala pa akong natataya,


umaayaw na 'ko.

Pero mula nang maging "dalaga" si Colay, hindi na ako humihinto sa paghabol sa mga
kalaro ko maabot ko lang sila 'tsaka mataya. Bloke-bloke kung sukatin ang habulan namin.
Keber na sa mga kotse at polusyon, Ermita lang naman 'yon, pero ang halaga ng buhay
namin noon e masusukat kung maaabot ang kalaro at masisigawan ng TAYA!

Ke agawan-base ang laro, patintero, langit-lupa o shake-shake shampoo, game na game


na 'ko. Hamon ko pa, maunang lumawit ang tonsil, talo.

Nakipagsabayan talaga ako. Noon dumalas ang pagsali sa amin ni Michael.

Siya ang nagbinyag sa sarili niya ng Michael. Mas masarap daw pakinggan kesa Manolito,
'yong tunay niyang pangalan. Fourteen years old siya at nagtitinda ng sigarilyo sa kalsada
kapag hindi siya nakikipaglaro sa amin. Ang nanay niya, nag-aalaga ng mga kapatid niya.
Maraming-maraming kapatid. Ang stepfather niya, nagtitinda rin ng sigarilyo pero sa isang
puwesto lang, hindi palakad-lakad o patakbo-takbo katulad ni Michael. Nakapuwesto ito
sa labas ng isang night club na katabi ng tindahan namin.

You might also like