You are on page 1of 3

Assumption College

SLV, Makati
Basic Education Division

Kabanata 28 PAGKATAKOT
Naging parang manghuhula si Ben Zayb dahil naglathala siya sa kanyang pahayagan na nagsasaad na
ang pagpapaaral ay masama, lubhang makasasama sa Pilipinas. Iniisip ni Horatius, kalaban ni Ben
Zayb, na tama siya na si Ben Zayb lamang ang tanging nag-iisip sa Pilipinas at tanging nakahuhula ng
mga pangyayaring magaganap.
Dahil sa balita ukol sa mga paskin, nagdulot ito ng pagkabalisa sa mga mamamayan. Maging ang mga
Intsik na papatay-patay ay nabalisa rin. Hindi na rin nagpupunta ang mga Prayle sa tindahan ni Quiroga
na tanda na maging ang mga prayle ay natatakot din.
Dahil sa bilin ng isang pari provincial ay ipinagbawal ni Quiroga sa mga bahay-pasugalan niya ang
pagdalaw ng sinumang Indio na hindi niya dating mamimili. Umalis siya at pumunta kay Simoun sa pag-
aakalang ito na ang tamang panahon upang magamit ang mga sandata at punglo na nakatago sa
kanyang bahay. Ngunit ayaw makipagkita kahit kanino ni Simoun at ipinasabi na bayaan na lamang ang
mga bagay na iyon.
Gayundin si Don Custodio. Hindi rin siya tumatanggap ng bisita dahil abala siya sa pag-aaral kung
paano maipagtatanggol ang kanyang sarili kung sakaling siya ay salakayin. Sinubukan din na kausapin
ni Quiroga si Ben Zayb ngunit hindi na naituloy dahil nakita niya ang dalawang rebolber na ginamit na
pamatong ng papel.
Nang hapong iyong ay dumalaw si P. Irene kay Kap. Tiyago at ibinalita niya ang mga kaguluhan. Sinabi
ni P. Irene na buti na lang at naroon siya sa kaguluhan upang pahupain ito kung hindi ay dumanak na
sana raw ang dugo. Dahil sa pagkahuli kay Basilio at pagkahalughog sa kanyang mga aklat at papel ay
lalong lumubha ang kalagayan ni Kap. Tiyago. Lalong nadagdagan ang kanyang pagkatakot dahil sa
mga isinalaysay ni P. Irene na naging dahilan ng kanyang kamatayan.

Sa Likod ng Pamagat:
Inilarawan sa kabanatang ito ang katatakutan na idinulot ng mga paskin. Maging ang mga prayle,
makapangyarihan at opisyal ng gobyerno ay natatakot din. May pagkakataon na naging paranoid ang
mga tao dahil wala naman talagang dapat ikatakot.

Kabanata 29 MGA HULING SALITA TUNGKOL KAY KAPITAN TIYAGO


Naging napakarangal ng libing at mahirap mapantayan ito. Ipinaalala ng kura paroko kay P. Irene na
namatay si Kap. Tiyago nang hindi nakakapagkumpisal ngunit iginiit ni P. Irene na maaari pa rin siyang
ipalibing ng maringal dahil kayang-kaya naman daw magbayad ng kapitan.
Hinirang ni Kap. Tiyago si P. Irene na tagapangasiwa at tagapagpatupad ng kanyang mga huling
habilin. Nagkatipun-tipon sa bahay ng kapitan ang mga kakilala at kaibigan nito. Pinag-uusapan nila ang
isang himala na noong naghihingalo pa lamang si Kap. Tiyago ay nagpakita sa mga mongha ang
kaluluwa niya na naliligo sa liwanag. Pinag-usapan at inilarawan ang balita at walang isa mang nag-
alinlangan sa bagay na iyon.
Naisip ng mga tao na kung hahamunin ni Kapitan Tiyago si San Pedro sa sabong at kung walang
kamatayan ang mga ibon sa langit ay sino ang mananalo. Pinagtalunan din ang isusuot ng bangkay.
Iminungkahi ni Kapitan Tinong na damit ng Pransiskano ang isuot. Ibinigay raw ito ng isang prayle kapalit
ang limos na 36 piso na makapagliligtas ng isang bangkay sa apoy ng impiyerno. Ngunit isang mananahi
ang tumutol sapagkat nakita raw ng mga mongha si Kap. Tiyago na papunta sa langit na naka-prak.
Nagkataong may yaring isa ang mananahi. Nahahnda siyang ipagkaloob ito sa halagang tatlumput
dalawang piso. Mas mababa ng apat na piso sa halaga ng prak. Ngunit tumutuol si P. Irene sa dalawang
mungkahi. Iniutos niya na damitan ang bangkay ng alinmang damit na luma nito.
Si Donya Patrocinio, ang dating katunggali ni Kap. Tiyago sa pagkamasambahin, ay tunay na
nagnasang mamatay na sana kinabukasan upang mahigitan ang seremonya sa paglilibing kay Kap.
Tiyago.

Mga Karagdagang Impormasyon:


Huling Habilin ni Kap. Tiyago
Kumbento ng Sta. Clara- isang bahagi ng kanyang ari-arian
Papa, arsobispo, mga korporasyon ng mga pari- isang bahagi ng kanyang ari-arian
Mahihirap na mag-aaral- 20 piso
Basilio- 25 piso

Sa Likod ng Pamagat
Ang mga usap-usapan sa burol ni Kap. Tiyago ay puro papuri sa kanya na tila gagawin siyang isang
santo dahil sa kanyang mga milagro umano at pagiging madasalin.

Kabanata 30 JULI
Nabalitaan sa lalawigan ang pagkamatay ni Kap. Tiyago at ang pagkabilanggo ni Basilio. Makikitang
mas dinamdam ng mga taga San Diego ang pagkabilanggo ni Basilio. Marami ang nagsasabi na hindi
makatarungan ang pagkakabilanggo niya dahil siya ay tahimik lamang at yung tipong hindi gagawa ng
kaguluhan. Ngunit marami rin naman ang hindi sumasang-ayon. Tama lang daw ang nangyari sa kanya
dahil kung anu-ano ang pinagsasabi niya ukol sa mga maliliit na hayop at mga sakit.
Sa Tiyani, marami sa mga lalaki ang hindi naniniwala sa bagay na ito at hindi nila ipinalalagay na
parusa ng Diyos ang nangyari kay Basilio. Ipinalalagay nilang bunga ito ng paghihiganti ng mga prayle
dahil sa pagkakatubos niya sa pagpapaalila ni Juli. Ikinagalit ni Hermana Penchang ang paglaya ni Juli
ngunit kabaliktaran nito ang ipinagkakalat niya.
Nang mabalitaan ito ni Huli ay labis-labis na kalungkutan at panghihina ang kanyang naramdaman na
humantong sa pakawala ng kanyang malay-tao na nangyari sa kauna-unahang pagkakataon.
Pakiramdam niya ay kasalanan niya kung bakit hindi kayang makapag-piyansa ni Basilio dahil naubos na
ang inipong pera nito sa pagtubos kay Juli.
Humingi siya ng tulong kay Hermana Bali na malugod naman siyang sinuportahan. Lumapit sila sa
kawani ngunit hindi rin sila natulungan kahit na nagbayad sila ng piso dahil hindi na raw saklaw ng
kapangyarihan niya ang Maynila na kung saan nakapiit si Basilio. Iminungkahi na lamang niya na lumapit
sa hukom tagapamayapa na may pagkamagaspang ang pag-uugali. Pinakiharapan naman sila nito at
mababanaag na pasulyap-sulyap ito kay Juli na nakayuko at hiyang-hiya. Sa huli, sinabi niyang si P.
Camorra lamang ang makatutulong sa kanila.
Pinilit ni Hermana Bali na lumapit na sila kay P. Camorra ngunit ayaw ni Juli na lumapit dito dahil alam
niyang may masamang mangyayari sa kanya kapag ito ay kanyang ginawa. Makailang beses niyang
tinangkang pumayag ngunit kapag naiisip niyang maaaring pagkatapos niyang lumapit kay P. Camorra
ay wala na siyang mukhang maihaharap kay Basilio ay mariin siyang tumatanggi sa solusyon na iyon.
Ipinagdasal na lamang ni Huli ang kaligtasan ni Basilio.
May isang manlalakbay na nagbalita na ang lahat ng mga bilanggo ay napawalan na maliban kay
Basilio. Lalong nakunsensya si Juli kayat napagdesisyunan niyang lumapit na kay P. Camorra kasama si
Hermana Bali. Nang malapit na sila sa simbahan ay natatakot na siya at gusto nang tumakbo palayo
ngunit pinigil at pinilit siya ni Hermana Bali.
Nang gabing iyon, nabalitaan na lamang na may isang dalagang tumalon mula sa bintana ng
kumbento. Bumagsak ito sa mga bato at namatay. Halos kasabay noon ay isang babae ang lumabas sa
lansangan na nagsisigaw at nagtititiling parang isang baliw. Pagkaraan noon ay mas isang matandang
lalaki ang tumutuktok sa pinto ng kumbento na nakapinid at natatanuran ng mga katulong ng kura. Ang
kanyang panaghoy ay naririnig sa katahimikan ng gabi. Nang mag-iikawalo na ng gabi, pitong prayle
mula sa mga karatig na bayan ang nagpupulong daw sa kumbento. Kinabukasan, si Tandang Selo ay
tuluyan nang umalis sa nayon na dala ang kanyang sibat sa pangangaso.

Karagdagang Impormasyon:
Ang mga prayle ay pumunta sa kumbento upang pag-usapan kung ano ang maaaring gawin sa
nangyari sa pagitan nina P. Camorra at Juli. Maging ang mga opisyal ng pamahalaan ay pumunta rin.
Kalaunan ay napagdesisyunang ililipat sa ibang lugar si P. Camorra.

Sa Likod ng Pamagat:
Inilahad sa kabanatang ito ang kasawian ni Juli. Siya ang tinutukoy na babaeng tumalon sa bintana ng
kumbento. Si Hermana Bali ang matandang nagsisigaw at si Tandang Selo ang matandang kumakatok
sa pinto ng kumbento.

Kabanata 31 ANG MATAAS NA KAWANI


Ang pahayagan sa Maynila ay naglathala tungkol sa isang kahindik-hindik na patayan sa Europa, sa
pagpuri at pagbibigay karangalan sa mga predikador sa lunsod, at sa lalo pang pag-ani ng tagumpay ng
operetang Pranses. Kung ang napinsala ay isang prayle o Kastila ay mahabang lathalain ang inilalaan
dito. Hindi naman nailathala ang pangungulimbat at panggugulo sa lalawigaan ng isang pangkat ng mga
tulisang pinamumunuan ng isang pinunong kilala sa taguring Matanglawin. Hindi rin nailathala ang
nangyari sa bayan ng Tiyani ngunit ito ay naging bulung-bulungan sa mga umpukan. Walang nakatitiyak
kung ano talaga ang nangyari maliban na lamang sa paglisan ni P. Camorra sa Tiyani upang mailipat ng
ibang bayan o mamalagi munang pansamantala sa kumbento ng kanilang orden sa Maynila.
Nakalaya na ang ibang mag-aaral. Naunang makalabas si Makaraig at ang huli ay si Isagani. Kaya
nahuling makalabas si Isagani ay dahil kailangan pang maglakbay nang malayo ni P. Florentino na inabot
ng isang linggo. Ang tanging hindi nakalaya ay si Basilio dahil pinaratangan siyang nag-iingat ng mga
ipinagbabawal na mga aklat. Ang lahat ng sisi ay kay Basilio.
May nagsabi raw sa kapitan heneral na nararapat na may manatiling isang bilanggo upang hindi masira
ang kanilang reputasyon dahil ang pagdakip sa mga mag-aaral ay isang malaking isyu at nakakahiya
naman daw kung sa kahuli-hulihan ay wala silang masisisi kaya nararapat daw na may maiwan.
Nang marinig ito ng mataas na kawani ay ipinagtanggol niya si Basilio at sinabing isa raw sa
mahuhusay na mag-aaral at sayang naman daw dahil matatapos na siya sa pag-aaral. Ang pakikialam
na ito ng mataas na kawani ay mas nakasama kay Basilio dahil mas pinag-initan pa siya ng kapitan
heneral.
Nakipag-argumento ang mataas na kawani at sinabi sa kapitan heneral na hindi tama at hindi
makatarungan ang kanilang ginagawa ngunit binalewala lang ito ng kapitan. Sa kahuli-hulihan ay
pinanindigan pa rin ng mataas na kawani ang sa palagay niyang tama at dahil doon ay napagdesisyunan
niya na lamang na umalis. Pagkaraan lang ng dalawang oras ay nagharap ng pagbibitiw sa katungkulan
ang mataas na kawani at ipinabatid ang kanyang pagbabalik sa Espanya.

Karagdagang Impormasyon
Ang mataas na kawani ay sumisimbolo sa mga Espanyol na may malasakit sa Pilipinas. Ipinapakita rin
dito ni Rizal na kahit na ang mga taong nasa malayong lugar ay may pagmamalasakit pa rin sa Pilipinas.

Sa Likod ng Pamagat
Naka-sentro ang kabanatang ito sa pagbabago ng mataas na kawani mula sa pagiging sunud-sunuran
patungo sa pakikibaka sa kanyang pinaninindigan. Tunay na ang pagmamalasakit ng mataas na kawani
ay bukal sa kanyang kalooban. Nagsabi pa siya na papanigan niya at ipaglalaban ang mga naaapi kahit
na ang mga nang-aapi ay mismong mga kalahi niyang Kastila.

Kabanata 32 MGA IBINUNGA NG MGA PASKIN


Maraming ina ang nagpauwi sa kanilang mga anak na lalaki dahil sa mga pangyayari ukol sa mga
paskin. Mas mabuti na raw na magsaka at tumulong na lang sila kaysa mapahamak.
Marami ang hindi nakapasa sa pagsusulit na ibinigay ng unibersidad. Hindi nakapasa sina Pecson,
Tadeo, at Juanito Pelaez. Si Makaraig ay nag-iingat ng mabuti dahil baka mapahamak na naman siya.
Pagkatapos makakuha ng pasaporte sa pamamagitan ng pagsusuhol ay nagmamadaling naglayag
patungong Europa.
Si Basilio ay nasa bilangguan pa rin. Si Sinong ay laging dumadalaw sa bilangguan at nagbabalita ng
lahat ng mga nangyayari. Si Simoun naman ay magaling na at ipinagbunyi ito ni Ben Zayb sa kanyang
pahayagan. Binili ni Ginoong Pelaez ang dating tirahan ni Kapitan Tiyago.
Dakong buwan ng Abril ay kumalat ang balita na si Juanito Pelaez na anak ni Don Timoteo ay ikakasal
kay Paulita Gomez. Napawi na raw ang pag-ibig ni Paulita kay Isagani. Ang mga pangyayari tungkol sa
paskin at ang pagkabilanggo ang naging dahilan upang mawalang lahat ang mga pang-akit ng binata.
Isang hangal daw si Isagani dahil sumuong sa panganib. Hindi raw maaaring umibig si Paulita sa isang
binatang mali ang pagkakakilala sa lipunan at sinisisi ng lahat.
Si Juanito raw ang nababagay kay Paulita dahil ayon sa kanya ay matalino, maliksi, masaya, anak ng
isang mayamang mangangalakal sa Maynila na may dugong Kastila samantalang si Isagani ay isang
Indio na hindi malaman ang pinagmulan.
Nang matatapos na ang buwan ng Abril ay nalimutan na ang lahat ng takot at napalitan na lamang ng
pag-uusap tungkol sa salu-salong ibibigay ni Don Timoteo sa kasal ng kanyang anak. Magiging inaama
ang kapitan heneral.

Karagdagang Impormasyon:
Mga Bumagsak:
Pecson- papasok na opisyal sa alinmang hukuman
Tadeo- nagdiwang sa pamamagitan ng pagsusunog sa kanyang mga aklat.
Juanito Pelaez- di nasiyahan dahil maiiwan na niya ang paaralan dahil sa tindahan ng kanyang ama
dahil siya ay isasama.
Makaraig-pupunta na lang ng Europa
Isagani- nakapasa lang sa asignatura na itinuturo ni P. Fernandez at bumagsak na sa iba.
Sandoval- nakapasa dahil nilinlang niya ang pinuno na nagbibigay ng pagsusulit sa pamamagitan ng
kanyang talumpati.
Basilio- hindi nakapasa dahil hindi nakakuha ng pagsusulit.

Sa Likod ng Pamagat:
Sa kabanatang ito ipinakita ang mga naging bunga ng paskin sa mga mag-aaral, kilalang tao at maging
kay Paulita. Maraming mga ina ang nagdesisyong hindi na pag-aaralin ang mga anak dahil delikado. Si
Paulita ay nagbago na ang pagtingin kay Isagani. Makikita rito ang kababawan ng kanyang pag-ibig kay
Isagani.

You might also like