You are on page 1of 14

F34

DEPRESYON: ISA SA DAHILAN NG KAWALAN NG


GANA SA PAG-AARAL

Pamanahong Papel

Ipinasa kay

Bb. F.

Eastern Bacoor National High School

Ipinasa ni

IV – Explorers

Pebrero 10, 2014


KABANATA I:
PANIMULA
PAHAPYAW NA KASAYSAYAN:
May mga bagay sa mundo na sadyang dumarating ng biglaan o hindi inaasahan. Mga
bagay na nakapagdudulot sa ng kabutihan o positibong pananaw sa buhay, o di kaya’y mga
bagay na nagdudulot ng kasamaan o nagiging sanhi ng pagkakaroon ng negatibong pagtingin sa
kapaligiran. Isang halimbawa ay ang pagkakaroon ng sakit. May mga pagkakataon na ang mga
sakit na ito ay bigla-bigla na lamang nararamdaman ng isang tao at siyang nagdudulot ng
pagkakaroon ng mababang enerhiya sa katawan. May ibat-ibang uri ng sakit na maaring
maramdaman kahit bata man o matanda. Isa sa mga tinuturing na pinakamalalang sakit ay ang
pagkakaroon ng “depresyon.”
Sa mga larangan ng sikolohiya at sikyatriya, ang depresyon na kilala sa Ingles
bilang Major depressive disorder (MDD), recurrent depressive disorder, clinical depression,
major depression, unipolar depression, o unipolar disorder ay isang sakit sa pag-iisip na
inilalarawan ng malawakang mababang mood na sinamahan ng mababang pagtingin sa
sarili (nawala ang pagpapahalaga sa sarili), kawalan ng interes o kasiyahan sa mga normal na
nakasisiyang mga gawain. Isa itong damdaming malungkot, miserable, sobrang pagkadismaya,
galit na nararanasan ng isang tao sa pang-araw-araw na buhay. Bata man o matanda ay maaring
makaranas ng depresyon, at sa panahon ngayon karamihan ng tinatamaan ng sakit na ito ay ang
mga “teenagers”. Malaki ang magiging epekto sa pamumuhay ng isang tao ng depresyon, maari
nitong baguhin ang pananaw mo sa buhay, at ang iyong katayuan at maging katinuan ng pag-
iisip. Palagi na lamang negatibo ang takbo ng isip at hindi na kayang gumawa ng postibong
solusyon sa mga problema.
Isa sa mga maaaring maging epekto ng pagkakaroon ng depresyon ay ang kawalan ng
gana sa pag-aaral ng mga kabataan. Dahil nga sa nagiging matamlay, pagkakaroon ng
negatibong pananaw sa buhay at kawalan ng interes o kasiyahan sa mga normal na nakasisiyang
mga gawain ang isang mag-aaral, hindi na nito nakakayanang maging aktibo at makapag-isip ng
tama na nauuwi sa pagliban sa klase, at sa kadahilanang ito, naisipan ng mananaliksik na gawing
pag-aaral ang bagay ukol dito at magbigay din ng mga rekomendasyon sa kung papaano
iiwasang magkaroon ng depresyon ang mga kabataan sa ngayon.
MGA LAYUNIN:
Layunin ng pag-aaral na ito na mapatunayang isa sa mga dahilan ng kawalan ng gana ng
ibang mga kabataan sa pag-aaral ay dahil sa pagkakaroon ng depresyon. Tatalakayin din ng pag-
aral na ito ang mga sanhi sa kung bakit nagkakaroon ng depresyon ang isang bata at higit sa
lahat, layunin nito na makapagbigay ng karagdagang kaalaman sa kung paano maiiwasan ang
pagkakaroon nito at sa mga batang nakakaranas na ng depresyon, makapagbibigay din ang pag-
aaral na ito ng kaunting kaalaman sa kung paano mapipigil ang paglala nito at kung paano maalis
ang ganitong uri ng sakit sa mga kabataan.

MGA SULIRANIN:
1. Ano ang iba’t-ibang sintomas ng pagkakaroon ng depresyon ng mga kabataan?
2. Anu-anong mga bagay ang dapat gawin upang mapigilan ang pagkakaroon nito?
3. Paanong naging sanhi ang depresyon sa kawalan ng gana ng mga kabataan sa pag-aaral?

KAHALAGAHAN NG PAG-AARAL:
 KABATAAN/KAPWA MAG-AARAL – Mahalaga ang pag-aaral na ito sa mga kabataan
o sa mga kapwa mag-aaral sapagkat nakapagbibigay ito ng mga kaalaman sa kung paano
maiiwasan ang pagkakaroon ng depresyon. Higit na mahalaga ito sa mga kabataang
nakakaranas na ng ganitong uri ng sakit dahil sa pamamagitan nito, malalaman ng mga
kabataang ito kung paano ito maiaalis o malalabanan at kung anu-anong mga bagay ang
kinakailangang gawin upang hindi na muling makaranas nito.
 MAGULANG – Ito ay nagsisilbing gabay din sa mga magulang upang malaman ang
kinakailangang gawin nang sa gayon ay matulungan nila ang kanilang mga anak.
 KAPWA MANANALIKSIK – Ang pag-aaral na ito ay makakatulong sa mga kapwa
mananaliksik sa mga susunod na taon upang kanilang maging gabay at magsilbing
karagdagang impormasyon sa kanilang ginagawang pag-aaral.
 MGA GURO – Isang malaking tulong din ang pag-aaral na ito upang maging gabay ng
mga guro sa kanilang pagtuturo sa klase. Sa pamamagitan nito makakapagbibigay sila ng
mga impormasyon sa kanilang mga estudyante ukol sa kung paano maiiwasan ang
pagkakaroon ng ganitong karamdaman. Ang pag-aaral na ito ay maari lamang maging
gabay sa mga guro na kung saan ang asignaturang kanilang itinuturo ay mayroong
kinalaman sa emotional, pisikal, social o kaugalian na aspeto ng mga tao.

SAKLAW AT LIMITASYON:
Ang pag-aaral na ito ay ukol lamang sa mga pagpapatunay na ang depresyon ay isa sa
mga dahilan ng kawalan ng gana ng mga estudyante sa pag-aaral, sa mga sintomas ng
pagkakaroon ng depresyon, at sa mga bagay na maaring gawin upang maiwasan o malabanan ito.
Sakop lamang nito ang mga babae at lalaking may edad mula sampu (10) hanggang labin-walong
(18) taon at sa kahit saang lugar sa Pilipinas.
Wala ng iba pang saklaw ang pag-aaral na ito maliban sa mga nakasulat sa unang talata.

TERMINOLOHIYA:
 Depresyon – isang uri ng sakit sa pag-iisip kung saan malaking bahagi ng emotional na
aspeto ng isang tao ang naaapektuhan.
 Sintomas – mga bagay o palatandaan na nakikita sa isang tao upang masabing mayroon
siyang sakit.
 Teenagers – mga kabataang mga edad mula labin-tatlo (13) hanggang labin walong (18)
taong gulang.
KABANATA II:
MGA KAUGNAY NA
PAG-AARAL AT
LITERATURA
Ayon sa isang artikulo ng Nagoya International Center, “ang depression ay isang sakit sa
mental na tinatawag na “Sipon ng Puso”. Kahit sino, kahit anong nasyonalidad, kahit ilang taong
gulang, kahit babae o lalaki man, maaaring magkaroon ng depresyon. Ang tanda ng depresyon
ay tumatagal ang isang kondisyong pagkalumbay o matamlay na karamdaman, kawalan ng sigla
o gana sa buhay, kawalan ng halaga o mababang pagtingin sa sarili, insomnia o hindi
nakakatulog, kahirapan sa konsentrasyon, kawalan ng ganang kumain o iba pa. Mahigit 120
milyon ang pasyente ng depresyon sa buong mundo. Ang depresyon ay isang pansamantalang
kondisyon kung mabibigyan ng maagang lunas.
Iba’t iba ang sanhi ng depresyon. Nararamdaman ang stress depende sa pamumuhay o
ginagawa ng isang tao. Kapag tumatagal ang masamang kondisyon ng katawan ng hindi alam
ang sanhi, posibleng mayroon nang depresyon. Kung may problema, huwag sarilihin mag-isa.
Kumonsulta sa pamilya o kaibigan.
Kapag nararamdaman ang depresyon, kailangang pagpahingahin ang puso’t isipan ng
mabuti. Kailangan na rin uminom ng gamot depende sa kalagayan ng pasyente. Kaya humingi
kayo ng tulong sa psychiatrist, neurologist o mental health specialist.”
Ayon din dito, “kahit sino, maaaring magkaroon ng depresyon, hindi maliban sa mga
bata. Nararamdaman na rin ng mga bata ang stress at dahil sa mga stress, nagkakaroon ng
depresyon kagaya ng mga matatanda. Maaaring magkasakit mula sa mga 10 taong gulang. Kung
hindi pa umabot sa 10 taong gulang, kahit napansin ninyo ang tanda ng depresyon, madalas ito
ang pansalamantalang pagkalumbay o problema sa paglaki ng bata. Hindi parehas ang tanda ng
depression ng bata at adult, kaya kailangang mag-ingat.
Karaniwan, ang mga batang may depresyon ay nagpupumilit magsabi ng kanilang
damdamin at kalooban. Maaaring tanda ng depression ang mga sintomas na pisikal kagaya ng
sakit sa ulo, sakit sa tiyan, pagbaba ng score o pagsasabi ng ayaw pumasok sa paaralan.
Kadalasan hindi tumatagal ang depresyon ng bata at minsan lang sa buhay ang pagkakaroon ng
depresyon.

Palatandaan1 : Pagbabago sa Pisikal


Pagbabago sa pagtulog, pagbabago ng dami ng kinakain. Nanghihina ang katawan.
Palatandaan2: Pagbabago sa Mental
Nawala ang sigla o gana sa buhay o sa anumang gawain na dati’y nagbibigay-kasiyahan.
Ayaw mag-aral at bumaba ang score sa paaralan.
Nagbabago ang lagay ng loob at paraan ng pag-iisip.
Palatandaan3 : Pagbabago sa Gawain
Umiiwas ng ibang tao. Naging mabagal ang kilos. Hindi mapakali o hindi nananatili sa
isang lugar. Nagrerebelde. Sinasaktan ang sarili niya o sinubukang magpakamatay

Paraan ng Paggamot sa Depression ng Bata


Kapag kumonsulta sa inyo ang titser o school counselor tungkol sa kalagayan ng anak
ninyo, kailangang pakinggan ng mahinahon at mag-isip kayo kung ano ang tamang paraan para
sa anak ninyo kasama ng mga titser. Ang pagpapagamot ng depresyon ng bata ay pag-inom ng
gamot, counseling, play therapy o iba pa. Nagpapasiya ang doktor kung anong paraan ang bagay
sa batang may depresyon. Kaya kumonsulta kayo ng mabuti sa doktor. Sa mga taon na ito,
mayroon nang gamot para sa derpesyon na maliit lang ang side effect, kaya nakakainom na rin ng
gamot ang mga bata.

Ano ang Magagawa Para sa Anak?


Kasama ng paggamot ng dalubhasa, mahalaga na rin ang tulong ng pamilya. Ang
pagrerebelde o malamig na kilos o sinasabi ay hindi totoo nilang nararamdaman laban sa taong
pinaghahalagaan nila. Kung nahihirapan kayo, nahihirapan din sila. Kapag gumaling sila ng
maikling panahon, kumonsulata kayo sa titser o school counselor para madali silang makabalik
sa paaralan.”

Isa ring artikulo ang nasagap ng mananaliksik ukol sa epekto rin ng depresyon sa mga
teenager. Ito ay nagmula sa programang Salamat Dok na may paksang Teenage Depression.
“Masarap at masaya ang buhay teenager! Kung maraming naaaliw, mayroon din namang
nalulungkot dahil mayroon silang pinagdadaanang hindi nila kontrolado--ang depresyon. Ang
depresyon ay isang karaniwang sakit sa pag-iisip kung saan nakakaramdam ang isang tao ng
labis na kalungkutan. Ito ay namamana o kaya’y sanhi ng mga pagbabago sa utak at hormones,
problema sa neurotransmitters (mga kemikal na naghahatid ng signal mula sa katawan papunta
sa utak), mga pangyayari sa buhay, stress, at trauma. Ito’y maaaring pangmatagalan o pabalik-
balik.
“Talagang dumadaan sa depresyon ang bawat kabataan lalo't nasa edad sila na hindi na
bata, pero hindi pa rin matanda. Ito ang puntong naghahahanap siya ng kalayaan. You have to
respect also na ang teenager would want privacy,” paliwanag ni Dr. Genuina Ranoy, Child and
Adult Psychiatrist sa The Medical City.
Sa huling tala ng World Health Organization, umaabot na sa 350 milyong tao na may
iba’t ibang edad ang naapektuhan ng depresyon. Bagama’t may mga gamot dito, kakarampot
lamang ang nalulunasan. Ang isa pang nakakalungkot na katotohanan: isa lamang sa bawat
limang teenager na dumaranas ng depresyon ang natutulungan.
Hindi kagaya ng matatanda, karaniwa’y umaasa pa rin ang mga kabataan na mapapansin
ng kanilang mga magulang o ng iba pang nakatatanda ang kanilang nararamdaman. Ayon sa mga
eksperto, mahalagang malaman ng magulang ang mga palatandaan ng sakit na ito. Kapag hindi
agad natulungan ang bata at hindi naiwasan ang masasamang dulot nito, maaari itong mauwi sa
pagpapakamatay.

Palatandaan at Sintomas ng Teenage Depression


 Kalungkutan at kawalan ng pag-asa
 Walang interes sa mga gawaing bahay at eskwelahan
 Iritable at magagalitin
 Madalas na pag-iyak nang walang dahilan
 Lumalayo ang loob sa pamilya at kaibigan
 Pagbabago ng gawi sa pagkain at pagtulog
 Hirap sa konsentrasyon
 Mababa ang tingin sa sarili
 Pagod at kulang sa sigla
 Sumasagi sa isip ang pagpapakamatay

“Kung malala ang nakikitang sintomas, huwag balewalain! It's a must to seek professional
help. May mga anti-depressant na nakakaganda o nakakawala ng physical symptom ng
depression. Meron ding psychotherapy, dito pinag-uusapan kung ano ang problema. Habang
ginagamot ang bata, kasama ang family. Dahil sila ang kasama sa bahay, sila ang makakatulong
o makakapag-monitor sa bata,” paalala ni Dr. Ranoy.
Dagdag pa ni Dok, sa mga magulang o tagapag-alaga, mahalagang suriin kung gaano na
katagal lumabas ang mga sintomas na ito, kung gaano na ito kalala at kung malaki na ang
ipinagbago ng ikinikilos ng kanilang mga anak sa normal.

Tagubilin sa mga Magulang


 Maging bukas sa magandang pakikipag-usap sa anak
 Maging mahinahon sa pakikinig sa kanilang problema
 Iwasang sumigaw o manumbat
 Tanggapin ang inyong anak bilang sila
 Iparamdam na may karamay sila at may maaaring sandalan
 Ipakita sa anak ang pag-aaruga
 Ibalanse ang mga panuntunan sa bahay

Kung ang magulang naman ang isa sa stressors sa pinagdaraanan ng anak, kailangang
maging bukas sila na sumailalim din sa psychotherapy para mas alam nila ang gagawing
solusyon sa depresyon ng anak.

Hindi biro ang teenage depression ngunit sa husto at tamang gabay ng magulang, katulong
ang payo ng eksperto, maaari itong mapagtagumpayan at maiwasan.”
KABANATA Iv:
Konklusyon at
rekomendasyon
KONKLUSYON

a.) Narito ang mga sintomas ng pagkakaroon ng depresyon sa mga kabataan ayon sa
obserbasyon at sa tulong nga mga literature.
1. Ang pagbabago sa pisikal na anyo ng isang bata o teenager. Halimbawa rito ay ang
pagbabago sa pagtulog, pagbabago ng dami ng kinakain. Nanghihina ang katawan.
Pumapayat, at halata sa kanyang pisikal na anyo na malaki ang pinagdadaanan niyang
problema.
2. Ang pagbabago sa mental a aspeto. Halimbawa ay ang nawala ang sigla o gana sa buhay o
sa anumang gawain na dati’y nagbibigay-kasiyahan, ayaw mag-aral at bumaba ang score sa
paaralan at nagbabago ang lagay ng loob at paraan ng pag-iisip.
3. Ang pagbabago sa gawain. Halimbawa rito ay umiiwas sa ibang tao, naging mabagal ang
kilos, hindi mapakali o hindi nananatili sa isang lugar, nagrerebelde at sinasaktan ang sarili
niya o sinubukang magpakamatay. Naririto pa ang ibang mga sintomas; kalungkutan at
kawalan ng pag-asa, walang interes sa mga gawaing bahay at eskwelahan, iritable at
magagalitin, madalas na pag-iyak nang walang dahilan, lumalayo ang loob sa pamilya at
kaibigan, pagbabago ng gawi sa pagkain at pagtulog, hirap sa konsentrasyon, mababa ang
tingin sa sarili, pagod at kulang sa sigla at sumasagi sa isip ang pagpapakamatay.

b.) Maraming mga hakbang ang maaaring gawin upang mapigilan ang pagkakaroon nito.
Naririto ang ilan; kailangang pagpahingahin ang puso’t isipan ng mabuti, kailangan na rin uminom
ng gamot depende sa kalagayan ng pasyente, kaya humingi kayo ng tulong sa psychiatrist,
neurologist o mental health specialist. Para sa mga kabataan naman na dumaranas ng depresyon,
naririto ang mga kinakailangang gawin ng mga magulang para sa kanilang mga anak; kumonsulata
kayo sa titser o school counselor para madali silang makabalik sa paaralan, o maaari ring dalhin sa
doktor upang malaman ang maaaring gawin sa kanilang mga anak. Para naman sa mga teenager na
dumaranas din ng depresyon, naririto ang maaaring gawin ng mga magulang para sa kanilang mga
anak; maging bukas sa magandang pakikipag-usap sa anak, maging mahinahon sa pakikinig sa
kanilang problema, iwasang sumigaw o manumbat, tanggapin ang inyong anak bilang sila,
iparamdam na may karamay sila at may maaaring sandalan, ipakita sa anak ang pag-aaruga,
ibalanse ang mga panuntunan sa bahay. At higit sa lahat, para sa mga kabataan naman na hindi pa
nakakaranas ng depresyon, kinakailangang maging positibo lang lagi sa buhay at sa oras na
mayroong malaking problemang pinagdadaanan, huwag kalimutan na mayroong Diyos na
gumagabay sa atin at kahit kailan ay hindi tayo pababayaan.

c.) Naging sanhi ang depresyon sa pagkawala ng gana ng mga kabataan sa pag-aaral
sapagkat sa oras na nagkaroon na sila ng ganitong sakit, kasabay ng pagbabagong pisikal ay
naaapektuhan din ang mga emosyonal at spiritual na aspeto sa kanilang buhay. Sa kadahilanang
ito, nawawalan ng enerhiya o lakas ang isang mag-aaral na gawin ang mga bagay-bagay na
mayroong kinalaman sa pag-aaral. Kung kaya’t, isang dahilan ang pagkakaroon ng depresyon ng
isang kabataan sa kawalan ng gana sa kanilang pag-aaral at kalimitang nauuwi sa pagbagksak sa
mga asignatura nito o kaya naman humihinto sa pag-aaral.

REKOMENDASYON:
Sa mga taong nakakaranas na depresyon, maaaring sundin ang mga sumusunod na
hakbang na naisaad na sa naunang talata at para naman sa mga taong walang nararanasang
depresyon sa kanilang buhay ngayon, upang maiwasan ang pagkakaroon nito, panatilihin lang
ang pagkakaroon ng positibong pananaw sa mga bagay-bagay. Huwag din kalilimutang
mayroong Diyos na gumagabay sa atin sa araw-araw. Magdasal lang palagi sa Kanya na
tulungang malampasan ang mga problemang dinaranas sa buhay at iyon ang pinakamainam na
solusyon.
bibliograpiya

Nagoya International Center, October 13, 2009. Nakuha mula sa


www.nicnagoya.or.jp/shared_images/.../kenko1fi.pdf

http://www.remate.ph/2012/05/dulot-ng-depresyon-at-pagkabahala/#.Uvg0kmJdX0E

http://www.abs-cbnnews.com/current-affairs-programs/10/12/12/salamat-dok-teenage-
depression

You might also like