Si Jonas ay isang mag-aaral sa sekondarya. Mayroon siyang baon na dalawampu’t
limang piso (Php25) bawat araw. Ang kaniyang pamasahe ay Php10 papasok at Php10 rin pauwi. Samakatuwid, mayroon lamang siyang Php5 para sa kaniyang pagkain at iba pang pangangailangan. Upang makatipid, gumigising siya ng maaga at naghahanda ng kaniyang pagkaing babaunin sa pagpasok. Kung maaga pa, naglalakad na lamang siya papasok sa paaralan. At sa uwian sa hapon, naglalakad rin siya kung hindi naman umuulan o kung hindi nagmamadali. May mga pagkakataon na hindi niya nagagastos ang kaniyang allowance, dahil may nanlilibre sa kanya ng meryenda, at minsan naman ay ibinabayad na siya ng kaibigan ng pamasahe. Basta may natirang pera, inilalagay niya iyon sa kaniyang savings. Sa loob ng isang buwan, nakakaipon si Jonas ng Php100 hanggang sa Php150 daang piso at idinideposito niya iyon sa bangko. Parang isang natural na proseso lang para kay Jonas ang pag-iipon, bilhin ang kailangan bilhin, at wag bilhin ang hindi kailangan, at ang matitira ay ilalagay sa savings. Sa tuwing may okasyon at may nagbibigay sa kanya ng pera bilang regalo, hindi rin nita iyon ginagastos at inilalagay rin niya sa kanyang savings account. Hindi masasabing kuripot si Jonas, dahil may mga pagkakataong gumagastos din siya mula sa kaniyang ipon upang ibili ng pangangailangan sa paaralan at sa kanilang bahay. Nakaipon si Jonas ng limang libong piso sa bangko at nagkataong mayroong iniaalok na investment program ang bangko sa loob ng sampung (10) taon. Sinamantala niya ang pagkakataon at sya ay nag-enrol sa nasabing programa kung kaya’t ang kaniyang perang nakatabi bilang investment ay may kasiguruhang kikita ng interes. Gayunpaman, nagpatuloy pa rin si Jonas sa pag-iipon at pagdedeposito sa investment program sa tuwing siya ay makaipon ng limang libong piso, hanggang sa siya ay makagraduate ng kolehiyo at makapagtrabaho. Ang lahat ng kaniyang bonus, allowance, at iba pang pera na hindi nagmula sa kaniyang suweldo ay diretso niyang inilalagay sa investment program. Dahil may sarili siyang kita, natuto na rin siyang ihiwalay ang 20% ng kaniyang kita para sa savings at ang natitira ay hahati-hatiin niya sa kaniyang mga pangangailangan. Kung may sobra pang pera na hindi nagamit, inilalagay niya pa rin sa kaniyang savings. Makalipas ang sampung taon, ang perang naipon ni Jonas sa investment program ay umabot na sa halos isang milyon. Muli niyang inilagak sa ibang investment program ang kaniyang pera at kumita na ito ng humigit kumulang dalawampung libong piso (Php20,000) sa loob ng isang buwan. Malaya na si Jonas sa kahirapan, bukod sa kaniyang suweldo mula sa trabaho ay may inaasahan pa siyang kita ng kaniyang investment buwan-buwan.