You are on page 1of 1

Ang Alamat ni Maria Makiling

Sabi sa mga alamat, nagka-panahon nuong nakaraan, ang mga diwata o diyos ay namuhay tulad
at kasa-kasama ng mga tao. Kahit na sila ay may hiwaga, nagsasalita sila at umiibig, namimili sa
talipapa at iba pang karaniwang gawain ng mga tao hanggang ngayon. Ang alamat ni Mariang
Makiling ay tungkol sa dalawang ganitong diwata nuong Unang Panahon, sina Gat Panahon at
Dayang Makiling, at ang kaisa-isa nilang anak, si Maria.

Maganda at magiliw si Maria, at wiling-wili ang mag-asawang diwata sa anak na itinuring nilang
kanilang kayamanan at ligaya sa buhay. Diwata rin tulad ng mga magulang, hindi karaniwan si
Maria subalit naki-halubilo siya at nakipag-usap sa mga tao.

Naging ugali niya ang mamasyal sa talipapa kapag araw, naka-damit ng sutla (silk) na may borda
(embroidered) ng mga bulaklak, ang uso nuon. Ang makapal niyang buhok, abot hanggang
sakong (heel) ang haba, ay may sabit na mga bulaklak ng suha (pomelo). Marikit ang kanyang
mga mata kaya pati mga babae ay naakit makiharap sa kanya. Pagdaan niya, yumuyuko ang mga
tao sa magalang na pagbati.

Dalawang katulong na Aeta ang lagi niyang kasama pagpunta sa talipapa. Hindi lumalayo ang
mga Aeta, bitbit ang isang buslo (basket) ng luya na ipinagpa-palit ni Mariang Makiling - wala
pang salapi nuon, at ang bilihan sa katunayan ay palitan lamang ng mga dala-dalang bagay - sa
mga salakot, banig (sleeping mats), at sutla (silk).

Isang araw, nagtungo sa talipapa ng Makiling si Gat Dula, ang panginuon sa nayon ng Bai,
upang mamili at mag-aliw. Siksikan ang mga tao duon sapagkat araw ng pamilihan nuon, at
lahat sa nayon ay nasa talipapa. Pati ang mga taga-kalapit baranggay at nayon ay dumayo upang
magkalakal din, bitbit ang kanilang mga paninda. Nanduon din nuon si Mariang Makiling at
nagkataon, nakasabay niya si Gat Dula sa pagtawad sa isang piraso ng balat ng hayop. Kapwa
nakaharap sa nagtitinda, nagkadikit ang kanilang mga balikat, at nagkatinginan silang dalawa.
Hindi sinasadya, nahipo pa ni Gat Dula ang kamay ni Mariang Makiling sapagkat hawak nilang
magka-sabay ang balat ng hayop.

Bilang paumanhin, yumuko si Gat Dula kay Maria na, sa hinhin, ay hindi sumagot at tumingin sa
malayo. Nagkakilala sila at pagkaraan ng mahabang pag-uusap, nakangiti nang bahagya si
Maria nang maghiwalay sila. Mula nuon, madalas dumalaw si Gat Dula sa bahay nina Gat
Panahon at Dayang Makiling, subalit kahit kailan man, hindi na niya nakaharap si Mariang
Makiling. Lagi siyang wala sa bahay at tumutulong sa mga tao. Nuon kasi, gawi ng mga tao
kapag nagigipit, ay lumalapit sa mga diwata at humihingi ng tulong, at pakay naman ng mga
diwata ang tumulong sa mga tao.

Isa pang dahilan na hindi nakita uli ni Gat Dula si Mariang Makiling: Siya ay isang nilalang na
tao samantalang si Maria ay isang diwata. Gaano man katalik sila, hindi maaaring mag-ibigan
ang dalawang magka-ibang nilalang.

You might also like