You are on page 1of 11

Dagli ni Juan Bautista

“Kuwatro Siyentos”

Isang hapon, papauwi ako galing sa konstraksiyon na pinagtatrabahuhan ko tuwing wala akong
pasok sa eskuwela. Bagong sahod. Limandaan na tig-iisandaan na malutong at amoy bangko pa.
Naisipan kong dumaan sa isang restwaran para bilhan ng pansit ang nanay.
Nang biglang may sumitsit sa’kin.
“Boy. Baka gusto mo, yung babaeng naka-asul. Maganda ‘di ba? Kaka-debut lang nyan.” Sabi sa’kin
ng isang babae na sa tantsa ko’y mga kwarenta y singko hanggang singkuwenta anyos na ang edad.
“Ay hindi po. Estudyante lang po ako.”
“Kuwatro siyentos lang hijo, ikaw na ang bahala kahit iuwi mo pa ‘yan. Perstaym lang yan ni Baby
kailangang kailangan lang daw talaga sabi sa’kin ng nanay nya.”
Hindi ko alam kung anong isasagot ko. Si Baby. Lumapit siya sa akin at binulungan niya ‘ko, hinding
hindi ko makakalimutan ang tagpong iyon ng aking buhay.
“Sasama ako sa’yo kahit saan mo gusto. Parang awa mo na, ser.”
Agad kong dinukot ang aking pitaka at kinuha ang pera. Ibinigay ko iyon sa babaeng bugaw at niyaya
ko na si Baby na umalis sa lugar na iyon.
Walang araw na hindi ko naaalala ang parteng iyon ng buhay ko. Si Baby, inosente, biktima ng
sistema.
Sa ngayon, hindi ang malaki kong bahay, magagarang sasakyan at milyun-milyong pera ang
itinuturing kong kayamanan. Si Baby, na simula nang ako’y nangangarap pa lang, ay kasama ko na.
Si Baby. Ang ilaw ng tahanan. Ang reyna ng aking pamilya.
WAKAS
“PROPOSAL FAIL”

“You’re proposing without a ring?” nakatingin ang mga kaibigan kay Toti at sa nobya nitong si Marie.
Nakaabang ang lahat sa mga susunod na mangyayari.
Nagtatakang niyuko ni Toti ang singsing sa kanyang palad habang nakaluhod. At muli niyang
tiningala ang nobya.

“Alam ko singsing yan. Pero bakit walang bato?”

Katahimikan.

“Hindi naman sa ano, pero lagi ka kasing nagmamadali Toti. Magsi-six years pa lang tayo. Ang buong
akala ko naman e nag-iipon ka kaya sobrang tipid mo.”

“Pasensya ka na, Marie.”

“Then I’m sorry too. It’s a no.”


***
Makalipas ang tatlong araw.

“Kuneng, kamusta na ang kaibigan mo? Malungkot ba?” si Marie.

“Hindi naman ayos lang siya. Bakit?”

“E kasi nga napahiya siya nung Sabado ‘di ba? Para namang wala ka ron.”
“A. Ayos lang si Toti. Mamaya pupunta ko ron tutulungan ko siyang mag-ayos.”

“Mag-ayos?”

“Oo. Tapos na kasi yung pinagawa niyang bahay.”

“Bumili siya ng bahay namin?”

“Bahay niya lang. Feelingerang ‘to.”

WAKAS
“UNKSINKABLE”

“Tol. May problema.” Mensahe ni Kuneng kay Toti sa Messenger.

“Bakit ano yon?” si Toti.

“Ayaw lumubog ng jerbacks ko tol. May naghihintay ba sa labas ng C.R?”

“Oo meron. Tarages ka ang laki ng problema mo. Lumabas ka na lang na parang walang nangyari
bilisan mo malayo pa biyahe natin.”

Lumipas pa ang sampung minuto at hindi pa rin lumalabas si Kuneng mula sa banyo.

“Kuneng ano na? Anak ng boogie humahaba na pila sa banyo andaming naghihintay. Lumabas ka na
dyan.”

“Madami na ba? T*ngina ‘pag minamalas talaga oo. Kala ko ba isa lang?”

“Kanina ‘yon gago ka kase sabi ko sa’yo kanina lumabas ka na dyan ang arte mo!”

Labinlimang minuto pa ang lumipas at tinawag na ng isang customer ang Manager ng restawran.

“Kuneng. Yung kumakatok nang malakas, yung manedyer yan hayop ka buksan mo na yang pinto
baka tadyakan pa nila ‘yan.”

“Teka teka p*tangina naman kase. E pano ko lalabas nakakahiya. T*anginang tae ‘to!”

“May bintana ba dyan?”

“Wala. Exhaust fan lang. Tibagin ko na kaya yung exhaust tapos dun ako dumaan?”

“Ano ka tuta? Ulo mo lang ang magkakasya dyan gago. Lumabas ka na dyan kingina mo. Nakaabang
na lahat ng tao dyan sa pinto.” Hindi na mapakali si Toti dahil pati sa kanya ay sumusulyap sulyap na
rin ang mga tao bilang alam nila na sya ang kasama ng taong huling pumasok sa banyo.
“Sir? Sir may problema po ba? Sir?” Kumakatok pa rin ang manedyer ng restawran.

“Kuneng! Ano na? Bahala ka dyan lalabas na ‘ko hihintayin na lang kita sa parking area.”

Nasa mismong pintuan na si Toti nang makita nyang tumayo si Jay Santos. Isang kilalang
newscaster sa isang panggabing programa.

“Ano po ba problema dyan sir?” Tanong ni Jay sa manedyer.

“Kuneng. P*tangina may reporter sa labas ng banyo. Lumabas ka na dyan. Ito na lang ang huling
paraan na naiisip ko, dakutin mo na ‘yan at ibato mo sa labas dun mo padaanin sa exhaust fan. Dali!”

“T*angina Toti. Makulong na ‘ko pero hindi ko gagawin ‘yon.”

“T*angina mo wala pa ‘kong narinig na nakulong dahil hindi lumubog ang tae nya sa inidoro.
Lumabas ka na dyan!”

“Rick. Kunin mo yung camera may situation tayo rito. Sir kailangan na po nating sirain ‘tong pinto.” Si
Jay.

Ganun na lang ang gulat ni Toti nang marinig si Jay. Pag nagkataon ay baka mapanood pa sa
telebisyon ang kaibigang si Kuneng. Kahihiyan ang aabutin ng kaibigan kung hindi nya ito tutulungan.

“Sir Jay. Ayun ho, kasama yan nung nasa loob.”

Sabay sabay na bumaling ang tingin ng lahat kay Toti. Isang buntunghininga ang pinakawalan ni Toti
at dahan dahan na syang naglakad patungo sa mga tao na naghihintay sa paglabas ni Kuneng.

“Ah. Mga ser/mam. E palabas na ho yung kaibigan ko kung maaari lang po, i-clear natin yung area
muna nagkaproblema lang ho.”

“I-clear ang area? Prinsipe ba yan? Ihing-ihi na ‘ko rito kakahintay a. Bakit kanino bang anak ‘yan?!”
Pabalagbag na sagot ng isang mama na malaki ang katawan.
Matapos magsalita ng mama ay sabay sabay nang umangal ang mga tao.

“A sir, Rick kuhanan mo nga kami rito. A sir, may problema ho ba? Kasi ayon sa mga kasamahan
natin dito e kanina pa raw ho nasa loob yung kaibigan nyo at hindi raw ho sumasagot. May
pinagdaraanan ho ba ang kaibigan nyo?” si Jay.

“Oo.” Matipid na sagot ni Toti.

“Kuneng! Lumabas ka na nga dyan?” Buwisit na buwisit na si Toti habang kinakalabog ang pinto.

Jay Santos: Live po tayo ngayon dito sa **** at kasalukuyan pong may konting kaguluhan dito at
mayroon pong nagkulong sa loob ng banyo. Mag-iisang oras na po at nangangamba na kami na may
nangyari na sa loob at…
“Tama na!”

Tinginan ang mga tao kay Toti.

“Anong sitwasyon ang sinasabi mo, may nagpakamatay?! Walang problema ‘tong tarantadong nasa
loob ng banyo. Ayaw lang lumubog ng tae nya okey?. Ayaw lumubog ng p*tanginang tae!”

Dahan-dahang umatras papalayo ang mga tao. Ngunit bukod sa camera ni Rick ay nakatutok rin sa
pinto ang mga cellphone ng mga nakaantabay na kustomer.

“Kuneng? Kuneng. Wala nang tao. Pwede ka nang lumabas.”

Wala pang isang oras matapos ang insidente ay sikat na si Kuneng sa Social Media.

WAKAS
“HACIENDA”

“Miguel Anak, tingnan mo ang buong paligid.” ang nakangiting paanyaya ni Ruben sa anak na lalaki.

“Napakaganda po.” Tumingala si Miguel sa amang si Ruben habang nakatayo ang mag-ama sa
tuktok ng burol.

“Tama ka. At tingnan mo nang maigi ang buong lupain anak. Ito ang tatandaan mo, magmula
ngayon, ang buong lupain na ito, hanggang sa kung saan ang marating ng mga mata mo – “

Sabik na muling tumingin si Miguel sa ama.

“Diyan ka magtatrabaho.”

At iniabot ni Ruben ang kanyang regalo para sa ika-sampung taong kaarawan ng anak. Ang kanyang
bagong salakot at itak.

*****JB*****

“PLANO”

“Toti anak, magbe-bertdey ka nanaman bukas, matanong nga kita, ano ba talaga ang mga plano mo
sa buhay?”

“E ‘Nay, simple lang naman mga ambisyon ko sa buhay e, magkaron ng magandang trabaho,
makapag asawa, magkaron ng milyones sa bangko at makabili ng magarang kotse. Kapag natupad
ko nang lahat ng ‘yon ‘Nay, makakapag relaks na tayo habambuhay.”

Napaiyak na lamang si Aling Mena sa tinuran ng anak.

“Nay?”
“Anak ka ng ama mong magulang, treinta y siete anyos ka na bukas, tatlumpu’t pitong taong ka na
ring nagre-relaks dito sa bahay! Animal na ito…”

*****JB*****

“TAWAD”

“Nay magkano ho yung talong?”

“Beinte limang piraso iho. Kakapitas lamang ng mga iyan.”

“Pwede ho bang sampu na lang?”

“O sige iho.”

Paalis na sana si Toti nang muling magsalita ang matanda.

“Iho ang gamit mo!”

Muntik na maiwan ni Toti yung bagong bili niyang Jordan 11 na sapatos.

*****JB*****

“WITH WINGS”

“Tiya Andeng!Pabili nga po ng dalawang Napkin. Yung pinakamanipis po. Saka iyong ano daw ho,
a… With Wings!”

Sisipul-sipol pa si Toti habang hinihintay ang kanyang binibili nang marinig nya ang hagikhikan ng
isang grupo ng mga lalaki’t babae sa silyang mahaba.

“Bakit? Palibhasa hindi kayo mautusan bumili ng Napkin ng mga nanay at ate nyo. Mga gunggong na
‘to.” Singhal nya sa mga tinedyer.

“Pasensya na po kuya Toti. Hindi naman po. Sa totoo lang e humahanga nga kami sa inyo dahil hindi
kayo nahihiya.” Sambit ni Lily.

“Aba’y bakit ako mahihiya? Unang-una, gunggong lang ang mag-iisip na para sa’kin ang mga Napkin
na ‘to dahil lalake ako. Pangalawa, masama pakiramdam ng ate ko dahil may dalaw nga raw sya.
Siya, maiwan ko na kayo dyan. Magsiuwi na nga kayo at nang mapakinabangan naman kayo ng mga
magulang nyo.”

Nang makauwi si Toti ay diretso sya sa kuwarto upang magbihis. Matapos maisuot ang kanyang
kamiseta’y isinuksok na nya sa kanyang magkabilang kili kili ang dalawang Napkin na binili.

“Punyetang mga deodorant kay mahal mahal mga walang silbi.”


At lumakad na si Toting Baskil para umakyat ng ligaw.

*****JB*****

“Kuyog”

‘Magnanakaw magnanakaw! Habulin nyo yung


magnanakaw!” Halos mapatid ang litid ng
tindera sa pagtili habang itinuturo ang
taong nananakbo nang matulin.

Nahablot ng mga tambay sa palengke ang


magnanakaw at agaran itong kinuyog ng mga
tao hanggang sa ito’y mawalan na lamang ng
malay sanhi ng tinamong suntok, tadyak at
hampas mula sa taumbayan.

Paglapit ko para umusyoso, dahan-dahang


gumulong sa paanan ko ang dalawang botelya
ng mga gamot na itinakbo ng batang si Teryo
mula sa botika.At nasaksihan ko ang pagkalagot
ng kanyang hininga, may dalawang minuto bago
dumating ang ambulansya.

*****JB*****

“Buwena Mano”

“Barbekyu, murang mura, bili na kayo.” Sisipul-sipol pa si Jok Jok habang inaayos ang kanyang mga
paninda.

Makalipas ang limang oras, nagtungo si Jok Jok sa tindahan upang hikayating bumili ang nag-
iinumang kapitbahay ng kanyang Barbekyu. “Kuya Ron, mukhang napapasarap na ang inuman a.
Bumili muna kayo ng pulutan. Buwena mano lang pampabuwenas.” Sabi ni Jok Jok dahil mag aalas-
otso na’y wala pa ring bumibili ng kanyang mga paninda. Magalang namang tumanggi ang mga
tambay.

Sa sobrang sama ng loob ng batang si Jok Jok ay iniligpit na nya ang kanyang mga paninda at
mangiyak-ngiyak na pumasok na sa loob ng kanilang bahay. At tuluyang na syang napaiyak habang
ibinabalik sa pridyider ang mga ihawin. Walang bumili kahit isa sa mga paninda ng batang awang-
awa sa sarili. Noo’y naabutan sya ng kanyang ama.

“O. Anong iniiyak mo dyan?”

“Wala pong bumili ng barbekyu.” Hihikbi-hikbing sambit ng anak.


“Sabi ko naman sa’yo kahapon ‘di ba? Nyemas kang bata ka sayang ang pera. Hindi bale’t tatlong
araw natin uulamin yan magsawa ka sa lamanloob. Sya. Matapos makapag hapunan ay samahan
mo ‘ko ngayong gabi. Madami tayong trabaho.”

At matapos ngang makakain ay gumayak na ang mag-amang embalsamador.

*****JB*****

“Nene”

– dad! Sabi ko naman sa’yo e di ba? IPhone 6! Cherry Mobile gosh! I’d rather be seen lying dead by
my friends than seeing me holding that crap. I told you months ago before my Birthday di ba?

– hindi ko naman kasi alam anak. Ang sabi ng nagtitinda yan daw ang maganda. Pasensya ka na
Princess, anak.

At padabog na lumabas ng bahay si Princess.

Iyon ang kahuli-hulihang pagkakataon na nagkausap ang mag-ama. Kinabukasan ng hapon ay


nabalitaan na lamang nya mula sa isang kapitbahay na-hit ‘n run si Mang Fred. Ang kanyang “Street
Sweeper” na ama…

*****JB*****

“Ay-Bol”

– “Ano tol musta ‘Ay-Bol’ nyo?”


-“Nagtago ako tol di ako nagpakita.” Sagot ni Rico.
-“Bakit?”
-“Ampangit tol. Nag-aksaya lang ako ng pamasahe’t pabango. Tangina talaga nagagawa ng
teknolohiya ngayon e ‘no. Nakaka-gago.Amputi at ang kinis sa piktyur, pagkakita mo sa personal
puta nakakadismaya.”

Makalipas ang dalawang Linggo.

-“Ano tol musta yung bagong ‘ka-ay-bol’ mo?”


-“Di ako nagpakita tol. Nagtago ako.” Sagot ni Rico.
-“Nanaman? Ang malas mo tol. Pangit ba?”
-“Hindi. Puta ampangit ko! Parang artista sa personal.”

Dali dali si Rico sa computer shop upang mag-Peysbuk.

“Dilit dis shit. Bagong Propayl, bagong pag-asa. Ayos!”

*****JB*****
“Tatawagan na lang kita”

“Ano ba problema? Bakit lagi kang ganyan? Hindi ka nag-rereply sa mga text messages ko, sa
Facebook message ako nang message hindi ka nag-rereply e ‘seen’ naman.” Ang tanong ni Abel sa
kanyang nobyang si Dani.

“Tatawagan na lang kita.” Ang matipid na sagot ng babae.

“Tangina talagang buhay ‘to! Iyon lang ba ang papel ko sa punyetang mundong mapanghusga? Mga
putangina nyong lahat ayoko na!”

***

Hindi makapaniwala si Dani na nagawa iyon ng nobyong si Abel. Mahal nya ito. Subalit sumama ang
kanyang loob nang makalimutan nito ang kanilang unang anibersaryo. Wala siyang natanggap na
kahit anong regalo.

“Diyos ko Abel. Bakit mo ginawa ‘to?” Sambit ng nagluluksang si Dani.

***

“Tangina. Anibersaryo na namin ni Dani bukas. Hanggang ngayon wala pa din akong trabaho. Si-
sisenta na lang ang pera ko puta. Huling pag-asa ko na’to.” Bulong ni Abel sa sarili habang
naghihintay na muling tawagin ng sektretarya ang kanyang pangalan.

“Mr. Abel Rodriguez? Tatawagan na lang po namin kayo.”

Walang lingon-likod na umalis si Abel. Alam na nya ang ibig sabihin noon, hindi sya napili bilang
empleyado ng kumpanya.

“Mga putanginang kapitalistang tarantado! Mas mabuti pang sabihin na lang nilang hindi ako
tanggap, ayaw nila sakin, hindi nila trip yung suot kong polo, madumi sapatos ko. Pero putangina.
Tatawagan na lang? limang beses na ‘tatawagan na lang’ sa loob ng isang linggo. Putangina nyong
lahat bagsakan sana ng eroplano mga building nyo.”

***

“Tatawagan na lang kita.” Ang matipid na sagot ni Dani.

Hindi inaasahan ni Abel ang sagot na iyon ng nobya. Namanhid ang buo nyang katawan.

“Humarap ka sa salamin at sabihin mong wala kang kuwentang tao.” Bulong ni Abel sa sarili at
lelempang-lempang na tumayo mula sa higaan.

“Walang kang kwentang tao. Tangina mo!”

At kasunod nang pagputok ng kanyang baril ay ang agarang paglagapak ni Abel sa sahig.
*****JB*****

“Kometa”

“Anong nangyayari?” Bulong ni Niño habang nakatingala sa kalangitan.

“Oras na siguro upang wakasan ng Lumikha ang kanyang obra maestra. Ang tao.” Sambit ng
estranghero.

“At bakit naman? Tayong mga tao ang tagapag-pangalaga ng mundong ito hindi po ba?”

Tama. Ipinagkaloob Nya sa atin ang pinakamataas na uri ng karunungang higit sa lahat ng nilalang
na nabubuhay sa mundong ibabaw. At hindi naglaon, nagawa nating lumipad na parang mga ibon,
lumangoy na kasing husay ng mga isda, umandar nang matulin na higit pa sa bilis ng mga kabayo at
marami pang iba. Subalit wala tayong kakuntentuhan sa buhay Niño. Naging mas mabagsik tayo higit
pa sa mga leon at buwitre. Sinasakmal na natin ang isa’t isa. Dinadakma na natin ang dangal ng iba
para sa ating makasariling mga hangarin. Tayong mga tao ang mga pinakawalang konsensyang
nilalang sa balat ng lupa.

“H’wag kang matakot Niño. Humawak ka lamang sa aking kamay.”

At sabay na muling tumingala ang batang palaboy na si Niño at ang estrangherong iyon sa kalangitan
upang harapin nang buong tapang, ang rumaragasang kometa na tatapos sa sangkatauhan…

*****JB*****

“Belyas”

“Basta ito ang tatandaan mo, yung mga mukha nila Kristine Hermosa at Anne Curtis? Tindera lang ng
mga prutas yun dito…”

Hinding hindi makakalimutan ni Toto ang tinuran na iyon ng kanyang ‘Seaman’ na pinsan. Kaya
naman magmula nuon ay nangarap na siyang makasampa ng barko. Bukod sa kung saan-saang
bansa na nakarating ang kanyang pinsang si Henry ay iba’t-ibang naggagandahang babae na din
ang nai-kama nito.

“Hindi mo naman kailangang maging guwapo, sa bawat pagdaong ng aming barko ay nag-aabang na
ang mga ‘belyas’ para sa kaunting dolyares na iaabot mo. Minsan pa nga’y kahit tuwalya’t sabon lang
ay pumapayag na sila.” Pagbibida pa nito.

Subalit isang araw ay nagimbal ang kanilang buong angkan sa kanilang nabalitaan. Patay na si
Henry. Tumalon daw ito mula sa barko. Mula unang gabi ng lamay hanggang sa libing ni Henry ay
palaisipan sa lahat ang dahilan ng pagpapatiwakal nito. Hanggang sa kausapin si Toto ng nanahimik
sa isang sulok na si Katherine, ang asawa ng kanyang pinsan.
Tiningala ni Katherine si Toto at sinabi, “sana hindi ko na lang siya pinadalhan ng mensahe na
positibo sa HIV ang kapatid ko. Ang mga putanginang ‘yon. Pwede ko naman siyang hintayin na lang
makabalik at sabay na lamang silang katayin sa kanilang pagtulog…”

*****JB*****

“Bingot”

“Bingot!” Sigaw ni Rolly. “Bertdey mamaya ni boss. Lahat daw imbitado.”

Kilala ng lahat si Bingot bilang tagatimpla ng kape ni Mr. Luis. Ang may ari ng kumpanyang
pinapasukan nila Rolly. Isa ito sa mga pinakamayamang negosyante sa Maynila. Mabuting tao si Mr.
Luis, biyudo, kilala ding matulungin at aktibo sa mga kawanggawa. Kaya naman hindi na nagtataka
ang mga empleyado doon kung paano napasok si Bingot para magtrabaho. Kahit ngo-ngo ang
binatilyo sanhi ng kanal sa kanyang labi. Kahit kadalasa’y pakalat-kalat lang ito sa gusali at wala
naman halos ginagawa maliban sa pagbibigay ng kape kay Mr. Luis tuwing umaga at hapon. At kahit
mag-iisang buwan pa lamang si Bingot sa kumpanya ay nakasisiguro sila Rolly na wala namang kaso
kung dadalo ang binata sa kaarawan ng CEO.

\m/

Nang gabi ding iyon ay may isang oras nang nakatitig si Debbie sa salamin ng kanyang kuwarto.
Maganda si Debbie, at desperado. Handa siyang gamitin ang kanyang ganda at alindog upang
maabot ang kanyang mga nagtatayugang ambisyon sa buhay.

“Kapag hindi mo pa ko mapansin mamaya. Ibig sabihin bakla ka.” bulong niya sa sarili. Nagwisik siya
ng pabango at lumabas na ng kuwarto matapos marinig ang sunud-sunod na busina ng kanyang
sundo sa labas.

\m/

Ang lahat ay kasalakuyang nagkakainan at naghuhuntahan sa isang mahabang lamesa sa hardin ng


mansyon ni Mr. Luis, at hindi inaasahan ng lahat ang sumunod na eksena.

“Nges Hu!” sambit ni Bingot habang tinakpan nito ng magkabila niyang palad ang mga mata ni Mr.
Luis mula sa likuran.

“Sir. Guess who daw!” matapos magsalita ni Rolly ay sabay-sabay na nagtawanan ang mga bisita.
“Sir kapag nahulaan niyo kung sino yan may kiss ka sakin.” si Debbie. At umalingawngaw ang
kantiyawan sa paligid.

“Si Noel. Ang kaisa-isa kong anak. Inampon ko siya magdadalawang buwan na.” si Mr. Luis.

Nagyukuan sila Rolly. Ang iba’y hindi malaman kung ano ang gagawin. Ang iba nama’y tila ba gusto
na lamang biglang maglaho sa kanilang kinauupuan. Pero hindi si Debbie. At muling humirit ang
magandang dalaga. “Hi Noel! Ikaw ha, anak ka pala ni sir hindi mo sinasabi sa amin.”
“Mga mutang ina niyo ang mamangit niyo! Makyu!”

*****JB*****

“Temats”

Alas-siyete ng gabi. Ngayon pa lang ako babangon sa aking higaan para harapin ang araw na ito, at
katulad ng mga nagdaang araw, wala nanamang pakinabang sakin ang mundo. Lalabas ako ng
bahay, maglalakad lakad at maghahanap ng maha-hassle sa kalye. Nanginginig na naman ako, hindi
dahil sa gutom. Putsa! Kailangan ko ng ‘temats’. Yung ‘yellowish’. Yung panalo ang pagkakatarya.
Kaya lang, may utang pa ako kay Estong, hindi ako bibigyan ng gagong tulak na ‘yon. Baka nga
patayin pa ko kapag nakita ako ‘non.

Nagsisindi ako ng yosi nang may lumapit sa aking lalaki. “Tol. Tara batak tayo”. Sabi sakin ni
tarantado e ngayon ko lang nakita sa lugar namin ‘to. Lamang lang ng konting linis at kaputian ang
lalaki sa isang taong grasa. Mahaba ang buhok at malago ang balbas na namumuo na at tila hindi
nabasa ng tubig sa loob ng ilang buwan, o isang taon. Madumi, mabaho, at mukhang mamamatay na
bukas. “Teka. Sino ka ba?”

Nakatitig lang sakin si baho. Nakangisi. Nang bigla kong napansin yung magkabila niyang tattoo sa
mga braso. “Amelia” sa kaliwa, at disenyong “Taurus” sa kanan. “Bakit pareho tayo? huwag mong
sabihin Taurus ka din at Amelia pangalan ng nanay mo.”

– Tangina tol. Ambilis mo namang makalimot. Hindi mo ba kilala ang ngiting ‘to? Sabagay, ang adik
droga agad ang naaalala sa tuwing gigising sila. Pero sa loob lamang ng ilang buwan o isang taon,
nakakalimutan na nila ang lahat-lahat. Ultimo mga sarili nila.

Biglang balikwas ko sa higaan. Panaginip lang pala. Ngayon ang huling araw ko dito sa rehab. At
ipinapangako ko sa sarili ko, paglabas ko ng pagamutang ito, mapapakinabangan na ‘ko ng mundo…

*****JB*****

“Walang Hugutan”

Isang gabi naglalakad ako sa isang napakadilim na eskinita. Sisipul-sipol pa ko habang bitbit ang
pancit na pasalubong para sa mag-iina ko, nang bigla na lang akong undayan ng saksak ni Berto.
Kilalang adik at tulak sa lugar namin. Tangka na niyang huhugutin ang ‘ice pick’ mula sa
pagkakabaon nito sa bandang ilalim ng aking tiyan nang hablutin ko ang kanyang kamay.
– “Pare. Parang awa mo na huwag mong huhugutin.” Sabi ko.
– At bakit hindi?
– Kapag hinugot mo ‘tong ice pick, maiuuwi ko pa itong pancit sa bahay, pero hindi na ‘ko aabot ng
ospital.
– At kapag hindi ko hinugot?
– Aabot pa ko sa ospital. At ‘pag dinalaw ako ng mag-iina ko, may pagsasaluhan pa silang pancit.
– Sinasabi mo ba sakin na kapag namatay ka hindi na makakakain ng pancit kahit kailan ang pamilya
mo?
– Oo pare.
Agad akong itinakbo ni Berto sa ospital. At magmula nuon hanggang ngayon, magkaibigan pa rin
kami…

You might also like