You are on page 1of 2

KAILANGAN ANG HINAHON KUNG SUSULAT KA NG TULA

-Ed Maranan
Kailangan ang hinahon
Kung susulat ka ng tula,
Pagkat tula'y di latigong
Sa palad mo'y ikakama
Upang ito'y ipanghaplit
Sa nagtaksil, nagtumbalik.
Di latigo itong tula
Na panlatay sa masama.
Kailangan ang hinahon
Kung susulat ka ng tula,
Pagkat tula'y hindi lubid
Pambitay kay Senyor Daya:
Ipupulupot, hihigpit
Sa kamay niya't kanyang liig.
Hindi lubid itong tula
Na pambigti sa masama.
Kailangan ang hinahon
Kung susulat ka ng tula,
Pagkat tula'y hindi gulok
Na pang-ulos at pantaga
Sa tirano't lintang busog
Habang itong baya'y lugmok.
Hindi gulok itong tula
Na panggilit sa masama.
Kailangan ang hinahon
Kung susulat ka ng tula
Pagkat tula'y hindi baril
Sa sangkisap ay tatama
Sa bayaran at salaring
Ihihilera sa pader.
Hindi baril itong tula
Na pantudla sa masama.
Kailangan ang hinahon
Kung susulat ka ng tula,
Pagkat tula'y hindi kanyong
Sa pugad-buwitre'y gigiba,
Upang durugi't ibaon
Ang siyam na buhay ng ladron.
Hindi kanyon itong tula
Na panlibing sa masama.
Kailangan ang hinahon
Kung susulat ka ng tula.
Ngunit minsan, may makatang
Ngitngit ay di maapula
Kaya't hanap niya'y latigo,
Lubid, gulok, baril, kanyon
At pag-aklas, sabay wika:
Sagad na po ang hinahon
Tapos na po ang pagtula.

You might also like