You are on page 1of 3

ANG SALATUL KUSUF/KHUSUF

1. Ano ang kahulugan nito?


Ang kusuf ay ang eklipse ng araw o sa wikang Ingles ay solar eclipse
samantalang ang khusuf ay ang eklipse ng buwan o sa wikang Ingles ay lunar
eclipse.
2. Ano ang hatol nito sa Islam? At ano ang mga katangian nito?
Ang salatul kusuf/khusuf ay isang uri ng salah na sunnah muakkadah at hindi
wajib, na binubuo ng dalawang rak’ah kung saan sa bawat rak’ah ay mayroon
itong dalawang qiyam (pagtayo)/qiraah (pagbasa), dalawang ruku’ (pagyuko), at
dalawang sujud (pagpapatirapa) na taliwas sa ibang mga karaniwang dalawang
rak’ah na mga sunnah na salah na may isang qiyam/qiraah at isang ruku’ lamang
sa bawat rak’ah nito. Samakatuwid ang salatul kusuf/khusuf ay may kabuuang
apat na qiyam/qiraah, apat na ruku’ at apat na sujud sa loob lamang ng dalawang
rak’ah.
Ang pagbasa ng imam ng Quran ay sa paraang hayag o malakas.
Ito ay mas mainam na isinasagawa ng kongregasyon (grupo ng mga ma’mum na
pinangungunahan ng imam) subalit maaari rin naman itong isagawa na ikaw ay
mag-isa lamang.
Kapag isasagawa ito ng jama’ah ay itinatawag ng malakas ang mga katagang
“As-Salatu Jami’ah” na ang ibig-sabihin ay “Magsasagawa tayo ng salah sa
paraang kongregasyon” upang marinig ng mga tao at magtungo sila sa masjid o
musalla na pagdarausan nito. Ang salatul kusuf/khusuf ay walang adhan at
iqamah. At mainam din naman na kung may prediksyon na alam ang pagdating ng
isang eklipse ay ipaalam ito ng maaga sa mga tao na sa ganitong oras ay
magkakaroon insha Allah ng eklipse upang sila ay makapaghanda. Ang mga
babae ay maaaring sumama sa kongregasyon subalit sila ay sa likod ng mga
lalake.
3. Kailan ito isinasagawa?
Ang oras ng pagsasagawa nito ay sa panahon kung kailan magkakaroon ng
eklipse. Nagsisimula ito kapag nagsimula ang eklipse at hanggang sa matapos
ito. Kung minsan ay tumatagal ang eklipse ng mga isang oras lalo na kung ito ay
buong eklipse. Kung minsan naman ay mas maiksi rito kapag ang eklipse ay
bahagya lamang na natatakpan ang araw o buwan.
Kahit sa oras mismo na bawal isagawa ang mga salah naganap ang eklipse ay
sunnah pa rin na isagawa ito habang nagaganap ang eklipse hanggang sa
matapos ito.
4. Mayroon ba itong khutbah?
Pagkatapos ng salatul kusuf/khusuf ay sunnah rin na tumayo ang imam upang
magbigay ng khutbah hanggang sa tuluyan nang maglaho ang eklipse. Mainam na
ipaalala ng khatib/imam sa mga tao ang pagpaparami ng paggawa ng ibadah at
paggunita kay Allah, paghingi ng kapatawan at pagbabalik loob, at pagbibigay-
kawanggawa.
5. Narito ang bai-baitang na pagsasagawa nito.
a. Takbiratul Ihram.
b. Basahin ang Suratul Fatihah.
c. Magbasa ng anumang surah o mga ayah sa Quran. Higit na mainam at sunnah
kung mahabang surah ang babasahin.
d. Magtakbir at magruku’. Sunnah na mahabang ruku’ ang isasagawa. Kaya’t
maraming beses na basahin dito ang mga tasbih at mga dua na binabasa para sa
ruku’.
e. Umangat mula sa ruku’ habang binibigkas ang “sami ‘allahu liman hamidah
rabbana wa lakal hamd”. At basahin ulit ang Suratul Fatihah.
f. Pagkatapos basahin ang Suratul Fatihah ay magbasa ng anumang surah o mga
ayah sa Quran. Sunnah na mas maiksi ang babasahin dito kumpara sa nauna.
g. Magtakbir at magruku’ ulit at sunnah rin na mahabang ruku’ subalit mas
maiksi kumpara sa nauna.
h. Umangat mula sa ruku’ habang binibigkas ang “sami ‘allahu liman hamidah
rabbana wa lakal hamd”.
i. Magtakbir at magsujud. Sunnah na mahabang sujud ang isasagawa. Kaya’t
maraming beses na basahin dito ang mga tasbih at mga dua na binabasa para sa
sujud.
j. Magtakbir at umupo. Dito ay hindi mahabang pag-upo at huwag kakalimutang
basahin ang mga dua na binibigkas dito.
k. Magtakbir at magsujud ulit at sunnah rin na mahabang sujud subalit mas
maiksi kumpara sa nauna.
l. Pagkatapos ay magtakbir ulit upang tumayo at ulitin ang prosesong katulad sa
unang rak’ah.
m. Kapag umabot na sa ikalawang sujud ay magtakbir para umupo at isagawa
ang tahiyyat/tashahhud at pagkatapos ay magsagawa ng taslim.
n. Pagkatapos ng taslim ay magbibigay ng khutbah ang imam ng isang tayuan
lamang. Hindi ito katulad ng khutbah sa Salatul Jumu’ah o Salatul Eid na
dalawang beses tatayo ang imam/khatib kung saan sa pagitan nila ay may
panandaliang pag-upo.
6. Mga Ilang Paalala.
a. Maaaring basahin ang anumang surah subalit mas mainam na ito ay mahaba.
b. Mas mainam na ang pinakamahabang bahagi ng qiraah, ruku’ at sujud ay sa
unang bahagi at paiksi ng paiksi hanggang sa ikaapat na qiraah, ruku’ at sujud.
c. Hindi pahahabain ang bahagi ng i’tidal o pag-angat mula sa ruku’ at sa julus o
pag-upo sa pagitan ng dalawang sujud. Normal lamang na haba ang dapat dito.
d. Sunnah na magbigay ng sadaqah.
e. Ang eklipse ay hindi nagaganap dahil may namatay at hindi rin dahil may
ipinanganak na tanyag o dakilang tao. Ang araw at buwan ay kabilang sa mga
tanda ni Allah subhanahu wa ta’ala.
7. Para sa mga dalil at karagdagang impormasyon ay narito ang link:
www[dot]saaid[dot]net/bahoth/118[dot]htm
www[dot]binbaz[dot]org[dot]sa/noor/7643
#AbuShaykhani_Lectures46

You might also like