You are on page 1of 11

BU’BUNG

“Ipagpapatuloy mo ba ang laro ng isipan? O wawakasan mo ng katotohanan?”

Bu’bung - isang katawangang pambata, kadalasang pinaikling pagbikas sa salitang

PASALUBONG

TAUHAN:

Jamjam Batang lalake na mag-aapat na taong gulang. May biluging

mukha,may kaputian. Parating nakasuot ng puting sando at laging

nakasuot ng salamin.

Obet 33 taong gulang, karpintero, may katangkaran ngunit payat. Naka-

sando, may ilang bakas ng peklat sa kaliwang braso.

TAGPUAN:

Sa isang bahay, isang linggo bago magpasko. Alas sais ng gabi.

Sa bandang gitna ay makikita ang isang kulay kayumangging sofa. Sa harapan nito, mga

dalawang metro ang layo, ay may isang pahabang kulay puting kahon na tinapalan ng sa

salamin at sa ibabaw ay may nakapatong na litrato ng isang babae. Sa bawat gilid nito

ay may istante na gawa sa bakal na nagsisilbing patungan ng basong lagayan ng kandila.

Bu’bung
1
Sa baba ay may mga kakalawanging lata na pinalaman ng berdeng foam na tinuhugan

ng sari saring bulaklak. Sa bandang kanan, malapit sa pinto, ay makikita ang isang

Christmas tree na napapalamutian ng mga makukulay at maliliit na bumbilya. Katabi nito

ang mga malalaking kahon na nababalutan ng rolyo rolyong tape. Nakapatong sa mga

kahon ang isang bowl ng biskwit at maraming 3 in 1 na kape.

Makikita ang pagpasok ng isang lalake at isang bata na may bitbit na backpack.

Matitigilang saglit ang bata sa kalagitnaan at mistulang magugulat sa nakabungad sa

kanilang pagpasok.

Jamjam: (Magtataka) Pa? Anong meron?

Obet: Jam, si Ma-

Jamjam: (Pasigaw) Si mama! Andito na si Mama! (tumalon talon sa sofa)

(Dagling hahawakan ng ama ang kamay ng anak, pipigilan ang paglalaro nito)

Obet: (Mahinang pagkakasabi) Nak..wag kang maingay natutulog si Mama!

Jamjam: (Mauupo) Taaaayy, andyan na si Mama (ituturo ang larawan sa harap)

Obet: Oo nak, andyan na si Mama. (Mangingiti) Pero dapat wag kang maingay kasi

natutulog si Mama.

Jamjam:(Pasigaw) Opo Pa! Ay, hihihihi… (Makikita ang mga kahon sa tabi ng Christimas

Tree) Wow! ang daming regalo…..ang lalaki… Pasko na ba?Yehey, Merry Krismas!!

Bu’bung
2
Obet: Naku nak hindi pa Pasko,(dudukutin ang cellphone sa bulsa) tingnan mo dito sa

selpon nak, sabihin mo nga anong araw ngayon (ngumiti)

Jamjam: (Mapapakunot ang noo sa pagsusubok na magbasa) Wa….one…eh eight…. One

eight!

Obet: Eighteen. Oh ilang araw pa bago mag pasko?

(Gagabayan ng ama ang daliri ng anak sa pagbibilang)

Jamjam: One, two, three, four, five, six, seven!

Obet: O, pitong tulog pa, saka na yung Krismas!

Jamjam: (May pagkadismaya) Eh para san ‘tong mga regalo?

Obet: (Hinaplos ang buhok ng anak) Anak, hindi yan mga regalo.

Jamjam: (Makikitaan ng pagkainip) Eh ano to, bu’bung?

Obet:Mga damit, sapatos, at iba pa.

Jamjam: Ngeee! Akala ko laruan para sa akin. (Saglit na yuyuko sa pagkadismaya)

Obet: Para sa iyo rin naman to anak

(Lalapit si Obet sa isa sa mga kahon at pipiliting buksan ito)

Obet: (Maglalabas ng iilag gamit mula sa kahon) O ito anak, sukatin mo ‘tong damit nato,

bagay ‘to sayo.

Jamjam: Tay? San ba galing to? Sino nag bigay?

Bu’bung
3
Obet: (Pilit na ngingiti) Kay Mama mo ‘to nak,eto yung mga pinamili niya para satin

Jamjam: Ahhhh, ang bait naman ni Mama (ngingiti) San ba galing si Mama, Pa? Bakit

parang pagod na pagod siya?

Obet: Galing China si Mama ‘nak…

Jamjam: (pasigaw) Wow! Chinaaa!( saglit) san ba yun Pa?

Obet: Sa ibang bansa yun anak

Jamjam: Malayo ba yan tay?

Obet: Oo, napakalayo…

Jamjam: Mas malayo pa dun sa binibilhan ng pandesal?

Obet: (Mangingiti) Oo ‘nak, mas malayo pa dun.

Jamjam: San ba yan tay?

Obet: Ah basta, lilipad ka pa sa langit para makarating dun!

Jamjam: Wooow! Nakadaan na sa langit si Mama... Ang galing!

Obet: Marami nang napuntahan ang Mama mo nak!

Jamjam:(Ngumiti) Ang galiiing, anong sinasakyan ni mama papunta ng cha…chay…..ah

basta (saglit)ano nga yun tay?

Obet: China?

Jamjam:Oo, yun

Bu’bung
4
Obet: Sumasakay si mama ng eroplano.

Jamjam: (Mamamangha) Astiiig! Nakasakay na ng eroplano si Mama, ang taas siguro ng

lipad niya.

Obet:Mataas na mataas anak.

Jamjam:Kasing taas ng puno natin ng niyog?

Obet: Oo.. Mas mataas pa! Pataas nang pataas nang pataas nang pataas (Biglang kikilitiin

ang anak)

Jamjam: (Bubulahaw) Paaaaapaaa! (Saglit na mauupo) diba sabi mo marami ng

napuntahang lugar si mama?

Obet: Oo anak, bakit?

Jamjam: Ba’t lagi siyang umaalis? Ba’t di niya tayo sinasama?

Obet: Anak, kailangang magtrabaho ni Mama.

Jamjam: Eh diba nasa konstrsyon… konstar… konstrasyon ka na?

Obet: Anak, kailangan pa rin, paano tayo yayaman? Diba gusto mo yumaman?

Jamjam: Ano ba trabaho ni Mama?

Obet: Yung, naglilinis ng bahay, nagluluto, naglalaba…

Jamjam: (Mapapaisip) Hmmmm, eh bakit di siya nagluluto dito? Di sya naglilinis? Ba’t

siya umuwi?

Bu’bung
5
Obet: (Biglang matitigilan, may panginginig sa boses) Kung alam mo lang ang naranasan

ni Mama anak…

Jamjam: Hmp! Di pa rin naman tayo yumaman, sana di na lang umalis si Mama…

(Saglit na katahimikan)

Jamjam: Tay, hindi ba marami nang napuntahan si Mama sa eroplano? Nakapunta na ba

ng langit si Mama?

Obet: (Mangingiti sa narinig) Oo anak…

Jamjam: Nakakita na ba siya ng angels? Tulad nung sa tv?

Obet: Oo anak, Angels yung naghatid kay mama sa langit

Jamjam: (pumalakpak) astiiiiig! Tay? Maganda ba duon sa langit?

Obet: Oo anak, ang sabi nila pag masaya ka na daw dito sa lupa. Tawagin mo lang daw

yung angels para ihatid ka sa langit. Mas masaya daw kasi doon eh. Doon, di ka

masasaktan, doon, di mo na kailangan magtrabaho.

Jamjam: ( yumango)ahhhh kaya pala pumunta si mama duun…masayahin kasi si mama

eh magkatulad kami.(saglit) Tay! Gusto ko pumunta sa langit....pano ba tawagin yung

mga angels?

Obet: Wag na muna anak, marami ka pang gagawin dito sa bahay, pag aalis ka? Sino na

lang maiiiwan dito kasama ko ?

Jamjam:Nandito naman si mama tay, bakit ka mag iisa?

Bu’bung
6
Obet: Sana nga anak…

(Biglang dudukot si Obet ng kunot nang papel na may lamang yosi at akmang magsisindi)

Jamjam: (Magagalit sa ama) Paaaaa!!! Andyan si Mama oh!!! (Ituturo ang larawan)

Kakauwi niya nga lang tapos…

(Biglang kukuha ang bata ng isang kape at iaabot ito sa Ama. )

Jamjam: Ito na nga lang…

(Iiing ang ama at magsisimulang kukuha ng tasang nakahilera at magsisimulang

magtimpla ng kape. Mauupo ito sa sofa habang akmang aakyat sa may likuran ang anak

at mamasahein ang pagal na katawan ng Obet)

Jamjam: ( nag dikit ng kaunti ang dalawang kilay ) Alam mo tay, kanina nakakainis si Aleng

Mameng…

Obet: Bakit naman anak?

Jamjam: Kasi sobrang pawis niya,tapos parati niya akong niyayakap,ewan ko

bakit(saglit)..tapos may sinasabi siyang….kundol…kundo..kundol… ah ewan…tapos bigla

na lang siya umiyak…

Obet: ano pang sabi niya?

Jamjam: Ewan..yun lang naman narinig ko eh, pero ayaw kong nakikita si Aleng Mameng

umiiyak….nakakaawa..(saglit) Si mama Pa, umiiyak?

Obet:Dati anak ( ngumiti)

Bu’bung
7
Jamjam: Ngayon?

Obet: Hindi na,nagpapahinga na si mama eh..

Jamjam:( tumayo at ibinandera ang braso, pasigaw) Syempre! Humanda lang

makakapagpaiyak kay mama, andito na kaya ako! (Magmamayabang) Ako kaya si Cardo!

Obet:(ngumiti) wala ng mananakit kay mama nak…

(Magtatawanan ang mag-ama)

Jamjam: Tay,pwede sa Pasko, lutuan tayo ni Nanay? Masarap siguro siya magluto no?

Gusto ko may pansit, tsaka sabaw, tilapila...Tapos maraming tsokolate!(tila iniisip ang

mga kakainin)

Obet: (Matatawa) Sige anak, sure yan! Magtatrabaho si Obet, para kahit fried chicken pa

yan at tsokolate sa Pasko! Ipapabantay muna kita kay Aleng Mameng.

Jamjam:Bakit tay? Nandito naman si mama ah?

Obet:Nak,(ibababa ang anak paupo sa sofa) nagpapahinga parin mama mo niyan..ilang

taon siyang nagtrabaho kailangan na niyang mag pahinga ng matagal.

Jamjam: Ah basta, ayaw ko na yinayakap ako ni Aleng Mameng!

Obet: (Dagling ngingiti) Masasanay ka lang anak.

(Lilingunin ng bata ang tasangipinatong ng ama sa isa sa mga kahon)

Jamjam: Pa, pwede po patikim ng kape?

Bu’bung
8
Obet: Naku, ito na naman tayo. Hindi pa pwede anak, bata ka pa kaya, saka na pag malaki

ka na at nagtatrabaho.

Jamjam: Gusto ko konstarsyon!

Obet: (Matatawa) Anak naman! Mag-aral ka ng maayos, para mas higit pa sa

construction trabaho mo.

Jamjam: Pag lumaki ako, iinom na din ako ng kape, para lumakas ako tsaka maraming

pera. Bibilhan din kita ng ganyang higaan tay tulad kay nanay (Itutuon ang tingin sa

kabaong) Anong gusto mong kulay tay?

Obet: (Hahagikhik sa narinig) Ito talaga ang bata mo pa, loko-loko talaga.

Jamjam: Pag tayo yumaman, hindi na magtatrabaho si Nanay sa malayo, dito na lang siya

magwawalis ng sahig sa atin, di ba tay! Sana lumaki na ako, para dito na parati si mama.

(Ngumiti lamang ang Obet at natahimik saglit)

Jamjam: Tay,lapit tayo kay Mama

Obet: (May pagdadalawang isip) Sige… anak

(Lumapit ang dalawa sa puting kaho. Kukuha ng silyang kulay abo ang ama at kakargahin

patayo ang bata doon)

Jamjam: (Tumitingin sa loob ng kahon) Tay? Kalian magigising si Mama?

Obet: Hindi ko alam anak. Mahimbing pa talaga kasi ang pagpapahinga ni mama.

Bu’bung
9
Jamjam: (Tumingin sa taas at pasigaw) Ay! Alam ko na! I susurprise ko na lang si mama,

para paggising niya ay maging masaya siya! (ngumiti)

(Kakaripas ang bata pabalik sa sofa, bubuksan ang backpack, at maglalabas ng isang

piraso ng papel at lapis, papatong ito sa isa sa mga kahon sa bandang Christmas tree. Pilit

na ayayain ang ama na gabayan ito sa pagsusulat, hahawakan ng Obet ang dalawang

kamay at sasabayan ang anak. Pakuwit kuwit mabilis at sagad, at minsaý lumalagpas

patungo sa kahon)

Jamjam: (Umiling) Hay, ano ba naman to…ang hirap!

(Ngiti lamang ang isinukli ng ama)

Jamjam:Tay alam ko na! kakantahan ko na lang si Mama. Tinuruan kami ni kuya Joseph

nito!

(Magsisimulang umawit ang bata sa saliw ng “Silent Night “na awitin)

Jamjam: Saylent nay….Holinay…ol iskam….ol isbray….

(Sa pagkakataong ito ay hindi mapigilan ng ama ang sarili sa biglag pagtangis sa nakikita.

Akmang Obeto ito at dudukutin muli ang papel na lagayan ng yosi, biglang maglalakad

palabas ng entablado habang pilit na sinisindihan ang dala-dala. Patuloy ang paghuni sa

mga di kabisadong parte,biglang lalakas ang tinig)

Jamjam: Sliiiip inebely peaaaceeee,SLEEP IN HEAVENLY PEACE…

(Magpapatuloy ang pagawit ng bata,dahan dahang magdidilim ang ilaw sa entablado.

Mananatiling kumukurap kurap ang mga ilaw sa chrismas tree, at masisilayan pa rin ang

Bu’bung
10
dalawang kandilang nakasindi sa pulang lagayan, sa metal na estante banda sa kabaong

na may nakatayong larawan)

--- WAKAS ---

Bu’bung
11

You might also like