You are on page 1of 3

TALAMBUHAY NI JOSE DELA CRUZ

Ang pangalang itó ay bago sa mgga batang pandingig, nguni’t sa mgga mawilihin sa Tuláng Tagalog ay isáng
Talang nápakaliwanag. Siyá’y naging Guró ng ating Balagtás sa pagtula at lahát halos ng mgga binatang
kanyáng kapanahón ay pawang lumuhog sa kanyá na itula ng mgga panambitan, liham, lowa, at mgga
palabás dulaan na totoóng hinangaan at pinapurihan ng kanyáng mgga kapanahón.

Sa kanyáng kabataan ay wala siyáng nádamá kungdi pawang hirap, palibhasa’y anák dukha. Ang pintuan
ng Páaralan ay bahagyá na niyáng nápasok, at matangi sa págunahing pagaaral na ginampanán ng
kanyáng ali at sa isáng tanging guró na nagturo sa kanyá hanggang 40 año ay walang masásabing
tinuklasán niyá ng dunong na naghatíd sa kanyá sa dalubhasang tawag na talaisip at pasimunò na
sinunód na lagi ng kanyáng mgga kababata.

Umanó’y isáng araw, nang si Huseng Sisiw ay bata pang wawaluhing taón lamang ay naliligò siyá sa isáng
ilog sa may tabi ng kaniláng bahay at nang mgga sandaling yaón ay dalawáng nagháhanáp ng táwiran
upáng pasá ibayo at si Husé ang kinausap. Ang mgga Hesuita ay hindi marunong ng Tagalog at si Husé sa
tulóng ng kanyáng pagkapalabasá ay nakapakipagintidihan sa mgga banyagang kausap sa sarili nilang
wika.

Lubháng náhanga ang mgga Hesuita sa katalinuhan at pagkamagalang ng bata, kayá,t nalibáng na siyá’y
kausaping mahabá ng sandali. Noón ay sádaraán ang isáng tao at sa pagka’t hindi na nangakapagpatuloy
ng pagtawid ang mgga Paré, ay inusisá na lamang kung sino ang batang kaniláng nákausap, kung kanginó
anák at kung saán nagáaral.

«Siyá—anáng mgga Hesuita—ay isáng «batang-matanda» lubháng umindayóg ng pagiisip.»

Nang si Huséng Sisiw ay magbinatá na, ay dito na kinapánsinán ng isáng kainamang pananagalog,
malalaking kaisipan, mgga laláng ng diwá na nakágigising ng pusong idlip kaya’t halos ináakala ng mgga
kanayon na siyá ay isáng tunay na pantás na nakatatarók ng lahát ng lihim.

Itó’y nagbuhat sa waláng maliw niyáng pagbabasá ng mgga Kasáysayan ng Biblia na natúturól niya ang
mgga banháy na kailanganin sa pagsasalita, na ikinapaghinala ng madla na siyá’y isáng taong nakatátarók
ng lahát ng pagbabagong dinaanan ng Daigdigan buhat sa mula at mula.
Nátuto siyáng magisá sa sarilíng sikap ng Filosofía, Cánones, Teología at iba pang mgga karunungan, gayón
din ng latín at griego, tangi pa ng kastila na ginagamit niyáng parang sariling wika. Dahilán itó nang kung
bakit nang panahóng yaón ay lubháng maraming paring Tagalog ang sumásangguni sa kanyá ng
kanikaniláng mgga sermón na paubayang ipinababago sa kanyá kung mayroon siyáng hindi mainamin na
nasang iwasto.

May isáng lalong himaláng ginawa si Huséng Sisiw nang siya’y anyayahan ng Kura sa Batangan na
maglabás ng kanyáng mgga dula sa Pista ng Bayan doón, at sabihin pa ba, dinalá niyáng lahat ang kanyáng
mgga siping yari, na mgga dulang bunga ng kanyáng waláng pagál na panitik at ipinagparangalan niya sa
Kura na piliin ang nasang palabasin sa araw ng kapistahan, at sa masamáng palad ay waláng nápilì isá
man ang Kura; nguni’t ipinakita sa kanyá ang isáng «Kasaysayan» na siyáng nasang palabasin, at noón din
ay binasa ni Husé at boóng tapang na nagsabing «Hindi tayo mápapahiya among».

Dispirás na ng Pista ng Bayan nangibigay sa kanya ang sipi ng «Kasaysayan» at ang ating si Huséng Sisiw,
pagkabasang saglit ng kasaysayan ay tinipon ang kanyáng mgga «comediante» at isaisáng inanasán ng
kanikaniyáng sásabihin na tila bumabasa ng isáng duláng yari at násusulat sa wikang Tagalog.

Kinábukasan ay nasok sa kuból si Huséng Sisiw at ang kanyáng mgga sinanay na mgga «comediante» ay
nanganupád ng kaníkaniyáng tungkól sa dula ng boóng kasiyaháng loób ng lahát at tagingtangì ang Kura
na lubhang námangha sa himaláng yaón na ipinamalas ni Huséng Sisiw.

At di lamáng itó ang katangian ni Huséng Sisiw. Siyá ay nakadidiktá sa limáng tagasulat kung siyá’y
nagmamadali; gaya halimbawa ng kung may nagpápagawa sa kanyá ng anó mang katibayan, paányaya,
sulat sa pangingibig at tula sa karangalan ni gayón at ni ganitó. Pinaúupo niyáng sabáy ang mgga tagasulat
at sabáy na dinidiktahán ng kanikaniyá, ano pa’t nakatátapos na lahát na sabáy at walang pánaghilian.

Tinawag siyáng si Huséng Sisiw, sa pagka’t siyá ay mahiliging kumain ng sisiw, kailan ma’y áayáw siyá ng
inahin ó tandang; maging sa mgga gulayin ma’y nasa niyá ang lalong mura ó wala pa sa panahon, kung
makáisip siyáng kumain ng inihaw na baboy ay ang kaniyáng pinipili ay ang pásusuhín pa halos. At sa
pagka’t itó ang kanyáng himalíng lahát halos ng kanyáng mgga kaibigan na nagkákautang ng loób sa
kanyáng magpasulat, ay dinádalhán siyá ng sisiw na lalong pinakamataba. At sa pamagát na Huséng Sisiw
siya nákilala ng lahát ng kanyáng mgga kapanahón.
Si José Cruz ay tubò sa makasaysayang bayan ng Tundó at anáng marami ay siyá ang talagang
ipinanganák na Makata. Nilang siya sa maliwanag niyaóng taóng 1778.

Umanó’y isáng araw ay pinagdayo siyá ng mgga Pantás at Dalubhasa ng kanyáng panahón upáng makilala
ang dakiláng Makata at Guró nina Balagtás, «Florante» at ni Ananias Zorrilla sa «Dama Inés» niná Juan at
Prudencio Feliciano sa kaniláng «Loco por el viento», «D. Alejandro at Don Luis», «Atamante at
Manople», «Jason at Medea» at Dn. Gonzalo de Córdoba», at kalunguyò at lagí nang sinambit ni aling
Manding (Agapita Bernardo Rivera) na tánungan ng mgga mánunulat noón ay nangyari ang ganitóng
ságutan:

—Mang Husé, saán po nároón ang mgga aklát ninyóng sanggunian?

—Mgga Ginoó, ang aklatan ko po ay ang sariling pagiisip. Ináakala ko po na hindi kailangan ang isáng
mayamáng aklatan kungdi násasaulo ang mgga linalaman noón.

Kung saán mapagkikita na si Huséng Sisiw ay isáng dalubhasang palalò, sanhi marahil nang hindi niyá
ikinápagpalimbág ng kanyáng mgga katha.

Anáng mgga matatandáng aming nápagtanungán, si mang Husé ay lubháng maingat sa kanyáng mgga sulat
at kailán ma’y hindi siyá nasiyahán sa mgga hináhangaan na ng ibá na kanyáng mgga katha, dahilan itó ng
kung bakit iilán ang kanyáng «Corrido» na nakilala at ito’y ang «Clarita», «Adela at Florante» at «Teodoro
at Clavela».

Tungkol sa may mahigít na kung ilang daáng «Comedia» at «Dula» ay nangingibabaw ang mgga itó: «La
Guerra Civil de Granada», «Hernandez at Galisandra», «Reyna Encantada ó Casamiento por fuerza» at
«Rodrigo de Vivar».

Si Huseng Sisiw ay naging Tagasuri ng mgga «Comedia» at «Dula» na itinatanghál sa «Teatro de Tondo» na
ari ni G. Domingo Celis. Ang alin mang «Dula» ó «Cómedia» na kanyáng bigyán ng «subali» ay hindi
natatanghál doón. Ang kanyang pasiyá ay walang tutol at iginagalang.

You might also like