You are on page 1of 4

Espinoza, Naisse Ann B.

BSA 1-19
2019-07197-MN-0 PROF. GERLIE CASPE-OGATIS
Ang papel na sumisimbolo sa aking pag-unawa tungkol sa

Kaalamang Bayang Dalumat ng Pagkataong Pilipino ni Prospero R. Covar

Ang lekturang propesoryal ni Covar sa kabuuan ay umikot sa paghahalintulad ng

katawan ng tao sa isang banga na mayroong labas, loob at lalim kung saan ang pagkataong

Pilipino ay masusing pinag-aralan sa pamamagitan ng kulturang Pilipino. Malinaw na

inilahad ni Covar ang iba’t-ibang halimbawa ng gamit ng bawat bahagi ng katawan ng tao

na sumasalamin sa kulturang Pilipino.

Katulad ng sabi ni Covar, ang mukha ng tao ay sumasalamin sa kanyang damdamin

at kalooban na siyang nililok ng kulturang karanasan. Bagama’t ang mukha ay purong

panlabas na kaanyuhan lamang, dito natin nahihinuha kung ang isang tao ay masaya o

malungkot, galit o kalmado, nababagot o ganado at iba pang emosyon. Binigyan din ng

matalinhagang kahulugan ng mga Pilipino ang iba’t-ibang bahagi ng mukha halimbawa na

lamang ng malapad na noo na ang ibig sabihin ay matalino. Dahil dito, masasabi nating

ang mga Pilipino ay tunay ngang matalinhaga sa pagpapahayag ng kanilang sarili kung

saan ay gumagamit tayo ng iba’t-ibang lipon ng mga salita na maglalarawan sa nais nating

iparating sa iba. Sa kabilang dako, nabanggit din na ang panloob na katambal ng mukha ay

ang isipan na siya namang pinagmumulan ng diwa, kamalayan, talino at bait. Dito rin

maiuugnay ang kilos at galaw ng tao. Kung mapapansin natin, ito ay patuloy pa rin nating

ginagamit hanggang ngayon kung saan sa tuwing sinasabi nating “Siya ay wala sa tamang

pag-iisip.”, ang isang tao ay gumagawa ng mga bagay na taliwas sa kinikilala nating tama

o mabuti. Ang iba namang pagpapakahulugan dito ng mga Pilipino ay baliw dahil wala na

sa tamang pagrarason ang isang tao kung wala siya sa tamang pag-iisip. Isa pa sa gamit ng

matatalinhagang salita ng mga Pilipino ay upang hindi makasakit ng damdamin ng iba.


Bukod sa mukha, ang iba ring pisikal at panlabas na bahagi ng katawan na

binigyang pansin ay dibdib, tiyan at sikmura. Katambal naman ng mga ito ang mga panloob

na bahagi ng katawan tulad ng puso, bituka at atay. Hanggang sa mga bahaging ito ay

ginagamitan pa rin natin ng iba’t-ibang pagpapakahulugan. Naging parte na rin ito ng pang-

araw-araw na pamumuhay natin sa paraang ginagamit natin ito madalas sa ating mga

ekspresyon tulad ng nabanggit ni Covar na “Hindi ko ma-take.” na sinasabi ng mga

kabataan ngayon sa tuwing mayroon silang hindi nagugustuhan bagay o pangyayari.

Bukod sa labas at loob, ipinaliwanag din ni Covar ang lalim kung saan ay

kinabibilangan ito ng kaluluwa. Binigyan din niya ng diin ang pagkakaiba ng kaluluwa,

budhi at konsiyensya. Dahil sa ating budhi at konsiyensya, umiiwas tayo sa paggawa ng

mali, natututo tayong magsisi at humingi ng kapatawaran pati na magpatawad ng

pagkakamali ng iba sa atin. Ang kaluluwa naman ang siyang nagpapagalaw ng buhay kung

kaya ay naniniwala tayong kapag pumanaw na ang isang tao, ang kanilang kaluluwa ay

humihiwalay na sa katawan nila. Gayundin sa tuwing tayo ay nananaginip, naniniwala

tayong ang ating kaluluwa ay naglalakbay habang tayo ay mahimbing na natutulog.

Sumasang-ayon ako kay Covar dahil binigyan niya ng kahalagahan ang wika bilang

batis ng kaalaman hinggil sa pagkataong Pilipino. Ito ay dahil ang wika ay bahagi ng ating

kultura at sa pamamagitan nito ay naipapahayag natin ang ating damdamin na parte ng

ating “loob” sa pamamagitan ng ating dila, bibig at mukha sa kabuuan na parte naman ng

ating “labas” na kaanyuan kung saan ay hindi natin ito magagawa kung hindi dahil sa

kaluluwa na siyang nagpapagalaw sa atin at budhi na humuhusga sa mga pinapahayag natin

na parte naman ng “lalim” na bahagi ng ating pagkatao. Gaya ng sabi ni Covar, tayo ay

tulad ng banga na may labas, loob at lalim.


Espinoza, Naisse Ann B. BSA 1-19
2019-07197-MN-0 PROF. GERLIE CASPE-OGATIS

You might also like