You are on page 1of 5

Angel Carlo M.

Bernales July 7, 2014


Fili 103 Prof. Maynard Manansala
Pagluluto ng Salita sa Papel

“Dikooooo! Anooh to?” Sigaw ng kapatid ko. “Ipapakain ba talaga to?” Dagdag ng isa

ko pang kapatid. Ang alat-alat daw kasi ng tinolang isdang niluto ko. Bakit ganu’n, tama naman

sa tingin ko ang ginawa ko ah? Pero bakit palpak pa rin? Madalas kapag nagsusulat ako. ‘Di

malasahan ng titser ang kung ano talaga ang sinulat ko. Nangingibabaw kase sa alat o di naman

kaya matabang. Madalas mas marami pa kasing bulaklaking sangkap ang sinasahog ko sa

pagsusulat. Kaya iyon nawawala na ang essence ng mismong niluluto ko sa papel.

Gaya ng ibang manunulat, natuto lang din ako dahil sa gabay ng mga guro. Kaparehas

ng pagkatuto kong magsaing dahil sa gabay ng aking butihing Inay. Akala ko dati madali ang

magluto. ‘Yung pala, madali lang sabihin pero mahirap gawin. Kapiranggot na isda nga lang

ay di ko pa nailuto nang maayos. Akala ko tama nang ilagay ang isda sa kawaling may mainit

na mantika. Akalang maluluto ito na crispy at malinamnam katulad ng mga nailuto ni Rizal.

Mga nailuto niyang El FiliBusterismo at Noli Me Tangere na pumatok sa panlasa ng mga

Pilipinong natutulog habang kimkim ang galit at poot sa mga dayuhang mananakop.

Ha! ‘Kala ko ganoon kadali. Akala ko talaga madali lang magluto ng tinolang isda.

Kasing dali lang ng pag-iinit ng tubig. Sa pag-aakalang madali, walang atubiling isinalang ko

ang isda sa kaldero at nilagyan ng tubig nang walang pag-iisip kung may tamang dami ba ang

tubig na nailagay. Tama na kaya ang tubig na nailagay ko? Makakaluto na kaya ito? Tama na

nga kaya ang lakas ng apoy? Simpleng bagay ngunit di ko alam. Kasing simple ng pagsusulat

ng isang sanaysay tungkol sa halamang nasa loob ng aking kwarto o kaya sa mismong bolpen

na aking gamit panulat. Ganun, ganun ang akala ko dati na tama nang may bolpen at papel na
ko. Makakasulat na ko ng tula tungkol sa mga bagay na kahit ano. Kahit ano sapagkat wala

akong paksa sa kung ano nga ba ang lilikhain ko.

Karanasan, karanasan ang nagmulat sa ’kin na pakinggan ang mga dakilang turo ng

mga guro tungkol sa kung paano magluto sa papel. Sa ilang taon, tinuruan nila akong magluto.

Naghain sila ng iba’t ibang putahe at paraan ng pagluluto. Dahil hindi ako maestro sa larangan

ng pagluluto sa papel ang ihahain ko lang ay ang mga putaheng alam ko. Una ay menu

pagkatapos ay preparasyon. Sabi ng Nanay ko noon. “Bago ang lahat, kailangang meron na.

Kailangang meron ka ng alam kung ano ang lulutuin mo. Bago ka kumuha ng mga sangkap

dapat alam mo na kung ano ang lulutuin mo. At dapat bago magluto ay may sangkap ka na.

Kumuha ka ng pasta kung spaghetti ang lulutuin mo at isda naman kung fish fillet ito.” Kung

tinolang isda ang lulutuin mo, syempre, kukuha ka ng isda at mga pampalasa tulad ng sibuyas

at luya. Bago ka magluto dapat alamin mo rin kung sinu-sino ang kakain at kung ano ang meron

na pweding gamiting panahog. Mga kamag-anak mo lang ba ang kakain o mga piling panauhin.

Dapat alam mo. Sino ang kakain ng ihahain mo. Bata ba ito? May edad? Anong trabaho? Ano

ang estado nila sa mundo? Para naman mapaghandaan mo ito ng husto. Baka kas may allergy

sila sa hipon at magluluto ka ng sinigang na hipon. Malamang sa malamang na hindi nila

ngunguyain nungkang papansinin ang niluto mo. Ano ba ang meron? Ano ba ang meron? Baka

naman magluluto ka ng lechong baka ngunit manok lang ang meron ka? Dapat alam mo kung

ano ang nandiyan para mapaghandaan mo pa.

Ngayong alam mo na kung para saan, para kanino, anong meron at ano ang lulutuin

mo. Maari ka ng kumuha ng mga sangkap. Kukunin mo kung ano ang kailangan at bumili ka

sa tindahan kung kinakailangan. Syempre, magreresearch ka sa internet o di kaya magbasa ng

mga libro para magkaroon ka. Di pwedeng hindi dahil mauubusan ka at magugutom silang

kakain at maiinis dahil hindi nila malasahan ang inaasahang lasa.


Dahil nawari mo na kung ano ang lulutuin mo at nasiguro mo nang nalikom mo na ang

mga sangkap., oras na para maghiwa. Hiwain mo na ang isda at ang ibang mga sangkap.

Balatan mo na ang hipon at himayin. ‘Di mo lang basta lilikumin, hihimayin mo din ang mga

ito at hihiwain para makuha lamang ang mga kinakailangan at itapon ang wala ng kwenta.

Ngayon magluluto ka na. Ihanda ang papel at bolpen. Karaniwan, may susundin kang proseso.

Hindi ka pweding magluto kung wala ka sa huwisyo. Baka imbes na asukal ay asin ang

mailagay mo. Kaya dapat isahuwesyo ang sarili. Ilagay mo ang iyong isip at damdamin sa

pagluluto. Kaya nga hindi pweding magsusulat ka ng soneto ng hindi ka pa naproseso at

nakatikim nito. Baka naman magmukhang sinigang ang tinola mo.

Pinakitaan at pinatikim na tayo ng mga guro ng ibat-ibang mga putahe sa pagsusulat.

Susundin mo ito. Gawin mo kung ano ang sabi nila. Kung kailangang may tatlong parte, dapat

tatlong parte ang lulutuin mo sa papel. Dapat alamin mo kung ano ang mas mabilis at matagal

maluto para malaman mo kung ano ang uunahin at ihuhuli. Hindi mo pweding ilagay ang

Conclusion sa unahan ng thesis mo. Kaparehas ng hindi mo uunahing ang kamatis kaysa isda

kung magluluto ka ng tinolang isda. Siguradong madudurog ito.

Magluto ka na. Pagsasamahin mo na ang mga nalikom at inihandang mga sangkap. Iba-

ibang sangkap ang mga ito pero ito’y magiging masarap pag pinaghalo. Parang chopsuey lang

yan. Klase-klasing gulay na pinaghalo pero marasap ang kinalabasan. Ganun din kung ika’y

magsusulat. Mga ideyang nabasa mo sa mga artikulo, libro, blogs at diyaryo ay paghahaluin

mo sa isang papel kalakip ng karanasan mo.

Sa pagluluto walang striktong standard pero may sinusunod na proseso para mapasarap

ito. Na dapat ginisa lang luto ng sayote at nilaga lang ang kamote. Wag kang makontento sa

nakasayan na baka maumay silang mga kakain. Gusto rin nilang makatikim ng ibang lasa.

Pwede ka ring mag-experiment. Kanya-kanyang paraan kung paano mo lulutuin ang mga
sangkap na nandyan. Wag mo ring gayahing literal ang mga turo nila. Kung susulat ka ng tula,

wag mong gayahin si Shakespeare dahil hindi mo pa nasubukang maging si Shakespeare. Hindi

mo kabisado ang pag-iisip niya. Dahil ikaw ay Pilipino, mag-isip kang hindi lang parang

Pilipino kundi talagang Pilipino. Dahil ito ka. Ito ang alam mo. Mas mahusay ka sa paraang

ganito.

Paano mo mapapasarap ang tinolang isda, nasa iyo na yun, istilo mo na yun. Kanya

kanya tayong istilo. Sa istilo rin kasi nagkakatalo sa lasa. Siguro, maaring masarap ang tinolang

isda na niluto mo maging ang niluto naman ni Pedro. Parehong tinola pero magka-iba ng lasa.

Iba dahil magkaiba ang ginamit na istilo. Maaring parehas na comedy pero magkaiba ang istilo

ng pagkasulat at pagpresenta. Ikaw na rin ang bahala kung paano mo ipipresenta ang iyong

niluto sa papel. Kung lalagyan mo ba ito ng disenyo o iba pang palamuti. Maari kang maglagay

ng kahit na anong magkokomplement sa niluto mo.

Sa pagluluto, maganda ring Isahog mo ang iyong sarili. Dahil ikaw ang nagluto, dapat

maging ikaw yung niluto mo. Dapat makikilala ka sa inihain mo. Gayun man sa mga susulatin

mo, dapat makikilalang sayo ito. Dahil galing sayo at likha mo. Dapat makikita, mababasa at

malalasahan nila ang lasa mo sa niluto mo. Ito ang magiging pagkakakilanlan sa mga katha

mo. Hindi pwedeng lasa ng ibang tao ang niluto mo sa papel. Nagsimula ito sayo kaya

magtatapos din ito sayo. Marahil iba sa panlasa nila, pero basta galing sayo. Alam mo kung

paano inihanda at niluto. Lahat ng detalye alam mo dahil dinanas mo mismo.

Hindi pa ako magaling magluto ng salita pero malalasahan mo na ang sarili ko sa luto

ko. Pwede rin naman kasing magluto ako na hindi para sa iba kundi para sa ’kin lang. Na ako

lang din ang kakain sa una at bahala na sila kung magugustuhan ba nila o hindi. Kaya rin siguro

iba-iba tayo ng gustong basahin dahil iba-iba rin ang ating panlasa. Maaring pumatok sa

panlasa ko ang luto ni Bob Ong at hindi sayo. Pero sinulat niya ito para sa sarili niya o baka
dahil sa hilig nya ang ganitong luto. Hanggang ngayon, binibiro pa rin ako ng kapatid ko ng

ganito kapag ako ang nagluto. “Dikooo kulang nalang ng alon dagat na to!” Maaalat parin daw

ang tinolang isdang niluto ko. Pero bakit naubos ang luto ko?

You might also like