Wikang Filipino, wika ng bawat Pilipino. Ikaw, ako, tayo..
iisa. Sa mundong pilit kang binabago.
Ang aking maluwalhating pagbati sa pangulo ng paaralang ito
REV. FR. REX D. BACERO, DCC,PH.D, mahuhusay at mapagmahal na mga guro, butihing at maunawaing prinsipal DR. ANTONIO C. LLANURA, mga mag –aaral isang magandang umaga sa lahat.
Malaya na tayong mga Pilipino sa pang-aalipin ng ibang
bansa. Masasabi na nating ganap na ang ating pagkabansang Pilipino. May sarili na tayong watawat, mayroon na ring pambansang awit at mayroon pang pambansang wika… ang Wikang Filipino.
Wikang Filipino? Ginagamit ba ito?
Ang wika ay isang mahalagang aspeto ng bawat kultura. Ito
ang basehan na ginagamit ng lahat ng antas ng tao sa lipunang kinagagalawan.
At Hindi na lingid sa ating kaalaman na halos wikang Ingles
na ang nagmamanipula nitong ating bansa. Hindi ba’t natatawag na malaya ang isang bansa kapag ginagamit ang sariling wika? Nawawalan ng kabuluhan ang wikang pambansa kapag hindi naman ginagamit sa lipunan, sa paaralan at maging sa pamahalaan. Sa kalagayan ngayon ng mga bagay- bagay sa ating bansa at sa sistema ng ating edukasyon, lumilitaw na tila wala pa tayong wikang sarili sapagkat nagpapamanipula tayo sa mga wikang banyaga.
Sinasabing wika ang sagisag ng pagkalahi… tatak ng isang
bansang malaya. Ang mga bansang malaya ay yaong mga gumagamit sa sariliing wika. Sa wikang Filipino naipakikilala ang lahing pagka- Pilipino. Larawan ito ng pagiging matapang, matatag at makatarungan ng mga Pilipino. Ating ibalik sa panahon ng ating mga bayani, kanilang ipinaglaban ang ating bansa sa mga pananakop ng mga mapang- aping mga dayuhan. Ibinuwis nila ang kanilang mga buhay , para lamang makahulagpos tayo sa mga manlolokong dayuhan. At ang Filipino ay ginamit bilang simbolo na isa na tayong malayang bansa. Sinasabing, kapag walang wika, walang kultura. At kapag walang kultura, walang wika.
Kultura ang kabuuan ng mga paniniwala at lahat ng kaugalian
ng mga tao. Kung kaya’t kultura ang pinanggagalingan ng wika. Wika ang nagiging midyum para maipahayag ang kultura ng isang pangkat ng mga tao. Ito ang paraan para mapayabong o mapaunlad ang kultura.
Kaya, Inaanyayahan ang buong bansa na ipagparangalan
ang wikang Filipino at mga katutubong wika ng Filipinas sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2019 na may temang Wikang Katutubo: Tungo sa Isang Bansang Filipino.
Pinagtibay ng KWF o komisyon ng wikang Filipino ang
Kapasiyahan 19-03, hangad ng tema sa taóng ito na maikintal sa pambansang kamalayan ang halaga at gampanin ng wikang Filipino at mga katutubong wika sa pagbuo ng isang bansang nagkakaunawaan.
Mangunguna ang natatanging ahensiyang pangwika ng
pamahalaan sa pagtataguyod ng mga proyekto at programang nakatuon sa pagpapaunlad, preserbasyon, at pagpapalaganap ng wikang Filipino at mga katutubong wika ng Filipinas.
Kabilang ang wika sa pamanang pangkultura o intangible
heritage ng isang lahi. Sa wika matatagpuan ang mga kayamanang pangkultura tulad ng identidad, gunita, oral na tradisyon, at panitikang nakasulat.
Ayon sa Ethnologue: Languages of the World, may 186 wika
sa Pilipinas, ngunit 182 na lang rito ang buhay. Ang karamihan ng mga lengguwahe ay dala ng mayaman na kasaysayan at isla- islang heograpiya ng bansa.
Maituturing na yaman ng Filipinas ang pagkakaroon ng
maraming katutubong wika. Batay sa KWF Atlas ng mga Wika ng Filipinas, may isang daan at tatlumpong (130) katutubong wika sa bansa.
Ayon kay Almario, ang bawat wika ay may sariling buhay, at
nakapaloob sa buhay nito ang tradisyon ng maraming henerasyon ng mga Pilipino. Kung hindi natin ito aalagaan, manganganib ito; at kung pababayaan, maaari pang maglaho nang tuluyan. Kapag naglalaho ang isang wika, tila may isang tahanan o kamalig ng ating alaala at tradisyon ang mawawala at di na mababawi kailanman,
Dahil dito, ang pagpapahalaga ng wikang katutubo ay
katumbas na rin ng pagpapahalaga sa mga kapwa Pilipinong nagmula sa ibang tradisyon.
Kayâ, ang ating mga katutubong wika – mula Ivatan
hanggang Mandaya ay niyayakap natin, niyayakap ng wikang pambansa upang matupad ang ating hangarin na makabuo ng isang wikang pambansa na tunay na ingklusibo,”
Ayon naman sa talá ng UNESCO, 2,680 wika ng daigdig ang
nanganganib maglaho sa hinaharap kung hindi magkakaroon ng kongkretong pagpaplano at aksiyon sa pagsagip dito.
Kaya, Hinihikayat ng KWF ang mga mamamayang Filipino,
hindi lámang sa buwan ng Agosto, na makiisa at manguna sa mga proyektong nakatuon sa pagpapasigla ng paggamit at pagtangkilik sa mga katutubong wika ng Filipinas.
Sinasabi rin na ang wika ang siyang matibay na tanikala sa
pagkakaisa ng isang bansa.
Sa pamamagitan ng ating wika, nagkakaintindihan tayo. Dito
tayo nagkakaisa at nagtutulungan. Kapag nagkakaunawaan, magkakaroon ng kaunlaran itong ating bansa.
Aanhin natin ang wikang dayuhan kung iilan lamang sa atin
ang nakaiintindi? Hindi ba’t ang pagiging makabuluhan ng isang wika ay yaong naiintindihan, nagagamit at napapakinabangan ng lahat? Oo nga’t Ingles ang wikang ginagamit sa pandaigdigang kalakaran at ito’y hindi natin maiwawalang- bahala lang. Hindi rin naman masama ang panghihiram dahil nakatutulong ito na mapanatiling buhay ang isang wika. Nagiging midyum ito sa pakikipagkomunikasyon sa ibang bansa.
Wikang Filipino ang sentro ng Pilipinas na pinanggagalingan
ng lakas para mapatatag ang ating bansa. Ito ang bumibigkis sa mga Pilipino upang magkaisa para sa ikauunlad nitong bansa. Kahit Lumipas man ang iba’t-ibang uri ng henerasyon, at kahit mawala pa ang ibang wika sa ating sirkulasyon, walang detalye ang makakaligtaan at habang buhay na magiging parte ng ating historya gamit ang wika. Sa panulat man o sa pananalita parehong mahalaga ang wika. Kung hindi man maisulat ng lapis sa papel ay maaari namang mabigkas ng bibig.
Mula sa kamusmusan, pagkamulat ng ating kaisipan at hanggang
sa ating pagtanda habang buhay nating magiging instrumento, gabay, kalasag at sandata ang ating wika. Lilipas man ang mga makalupang panahon at iba pang salik lahi, ang wika ay mananatili pa rin.
Sa pagdating sana ng mga modernong kaalaman at kagamitan,
isabay din natin ang pagtaas ng ating kalinangan at kaisipan sa pag-aaral sa ating sarilng wika. Tumulong tayo sa pagpanatili nito at huwag nating hayaan ang unti-unti nitong pagkawala o pagkaluma sa sirkulasyon ng iba pang mga wika.
Kaya mga mag –aaral kayo’y aking hinihikayat bigyan ng
pagpapahalaga at respeto ang ating wika . Gamitin natin ito ng may buong puso at pagmamalaki. Dahil saang dako ka man ng mundo mapadpad, ito ang iyong magiging tatak at sagisag bilang isang tunay na Pilipino.