Professional Documents
Culture Documents
Pagtalakay sa Paksa
Ano ba ang wika?
Buod ng Aralin
Sa tinalakay na mga kahulugan ng wika ayon sa iba’t ibang dalubhasa,
kapapansinan ito ng mga komong pananaw. Sa pangkalahatan, ang wika ay ang
ginagamit sa komunikasyon. Isa ito sa iniingatang yaman ng isang kultura at lahi upang
mapahusay at mapadali mga pangangailangan sa lipunan gayundin sa pagpapaunlad
ng kanilang kalinangan. Nabatid din na talagang hindi matatawaran ang kahalagahan
ng wika na nabuhay sa kabila ng mahabang pananakop na nagbigay kaalaman at
karunungan tungkol sa ating lahi.”
Buod ng Aralin
Bago naabot ang adhikaing magkaroon ng pambansang wikang walang bahid ng
rehiyunalismo, dumaan pa ito sa mahabang proseso. Tumatak sa kasaysayan ang
naging ebolusyon ng wikang Filipino. Patunay lamang ito ng pagsisikap ni Pangulong
Quezon para sa pagkakaroon ng wikang pambansa na tagapagbuklod ng buong
sambayanang Pilipino.
Pagtalakay sa Paksa
Sa simula ng pagpapatupad ng K-12 na kurikulum sa bansa, kumalat na ang
balita tungkol sa plano ng pamahalaan na magkaroon ng pag-aalis ng mga aralin sa
Filipino at Panitikan sa kolehiyo. Kung kaya, may posibilidad na magkakaroon ng
pagbubura ng Departamento ng Filipino sa kolehiyo.
Bilang tugon sa nakaaalarmang balak, itinatag ang Tanggol Wika noong
Oktubre 2, 2012. Ang unang hakbang na ginawa ng Tanggol Wika ay nagpalaganap ng
petisyon na humihiling sa CHED at sa Department of Education (DepEd) na ipahinto
ang implementasyon ng Senior High School, Junior High School at ng Revised General
Education (RGEC) ng K-12 (San Juan, D.M., et al, 2018).
Dumating nga ang kinatatakutan ng Tanggol Wika sapagkat lumabas ang
CHED Memorandum Order (CMO) No. 20, Series of 2013 noong Hunyo 28, 2013 na
naglalaman ng pagtatanggal ng mga asignaturang Filipino at Panitikan sa kolehiyo para
mapagaan ang kurikulum dahil mababawasan ang kukuning asignatura ng mga mag-
aaral sa kolehiyo.
Sa panawagan ng Tanggol Wika na agapan ang pagtatanggal ng Filipino at
Panitikan sa kolehiyo, nagpalabas ng mga posisyong papel ang mga unibersidad at
kolehiyo sa bansa na kaisa ng Tanggol Wika sa pangangalaga sa kapakanan ng
wikang Filipino. Nagbigay naman ng pahayag ang UP Diliman University Council
tungkol sa pagpapanatili ng Filipino sa Kolehiyo. Ipinahayag nila ito sa isinagawang
Midya Forum ng Tanggol Wika noong Hulyo 2014. Makikita sa ibaba ang buong hinalaw
na pahayag mula sa https://upd.edu.ph/panatilihin-at-pagyamanin-ang-wikang-filipino-
at-panitikan-sa-kolehiyo-pahayag-ng-up-diliman-university-council/.
“…Nagkakaisa kaming tumitindig at nagpapahayag na dapat manatili – at
patuloy na paunlarin – ang Wikang Filipino at Panitikan bilang mga batayang kurso sa
General Education Curriculum sa kolehiyo.
Naniniwala kami na napakahalaga ng wikang Filipino at panitikan sa pagpapalalim ng
mapanuri, malikhain, malaya, at mapagpalayang kakayahan ng mga mag-aaral at
mamamayan, anuman ang kanilang kurso, disiplina at larangan ng
pagpapakadalubhasa. Hindi pag-uulit ang pag-aaral ng wika at panitikan sa kolehiyo,
bagkus ay pagpapalawig sa teorya, praktika, at silbi nito sa pamantasan, bansa, at
buhay.
Mataas ang pagpapahalaga ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) – Diliman sa
wikang Filipino at panitikan bilang kapwa mga asignatura at disiplina na humuhubog sa
makabayan, makatao, at demokratikong aspirasyon ng pamantasan at bansa. Bahagi
ang pagsusulong ng wikang Filipino at panitikan sa mandato ng 1989 Patakarang
Pangwika ng UP – ang pagtataguyod at pagsusulong ng wikang Filipino bilang wika ng
pagtuturo, pagsasaliksik, at talastasang-bayan.
Naninindigan kami na ang wikang Filipino ay buháy na teorya at praktikang
mahalaga sa pagbubuo ng bansa. Naninindigan kaming higit na mapaglilingkuran
namin ang mas malawak na mamamayan gamit ang wikang Filipino. Mandato ng UP,
bilang pambansang pamantasan, ang paglingkuran ang sambayanan, tulad ng
nakasaad sa UP Charter (2008) o Republic Act 9500.
Sa sarili naming bakuran, ang mga sentro at dalubhasaan tulad ng Departamento ng
Filipino at Panitikan ng Pilipinas at ng Sentro ng Wikang Filipino, ay may mahaba at
mayamang tradisyon ng pagsusulong ng wikang Filipino at panitikan bilang mga
larangan at disiplina ng pagtuturo, pag-aaral, pananaliksik, at pakikipagtalastasang-
bayan. Gamit ang wikang Filipino, patuloy na nakikipag-ugnayan ang UP sa iba’t ibang
mga akademikong yunit, opisina, institusyon, at ahensiya sa loob at labas ng
pamantasan. Nagluluwal ang mga ugnayang ito ng mapanuri, malikhain,
makamamamayan, at makabayang programa at proyekto gamit ang wikang Filipino…”
Dagdag pa rito, nagpalabas din ng apila ang Departamento ng Filipino ng DLSU,
Manila na suriin at rebisahin ang desisyong pagtatanggal ng mga mandatoring
asignaturang Filipino at Panitikan sapagkat may mga nalabag at nakaligtaan ito.
Ginamit ng Tanggol Wika sa pag-apila ang posisyong papel ng DLSU. Makikita sa
ibaba ang hinalaw na mga bahagi ng posisyong papel mula sa Tanggol Wika.
Una, hindi nagpatawag ng publikong pagdinig o oral arguments ang Korte
Suprema hinggil sa kasong ito, kaya’t ang desisyon ay hindi nakasalig sa
komprehensibong pagpipingkian ng mga argumento na maaari sanang naisabalikat sa
pamamagitan ng publikong pagdinig.
Ikalawa, ang desisyon ng Korte Suprema ay tuwirang pagbalewala sa mandato
ng Konstitusyong 1987 na nagbibigay-diin sa gampanin ng buong gobyerno sa
pagtataguyod ng wikang pambansa, sariling kultura, kasaysayan, at nasyonalismo –
mga paksang ubod at puso ng mga asignaturang Filipino at Panitikan sa kolehiyo.
Ikatlo, naniniwala kami na ang pagkakaroon ng asignaturang Filipino ay
nakapag-aambag sa pagiging mabisa ng community engagement o pakikibahagi sa
mga pamayanan ng iba’t ibang mga kolehiyo at unibersidad sapagkat ang wikang
Filipino ang wika ng mga ordinaryong mamamayan sa mga komunidad na dapat
pinaglilingkuran ng mga institusyong pang-edukasyon sa bansa. Ang pagpapalakas sa
ugnayan ng ating pamantasan at ng mga ordinaryong mamamayan ay alinsunod sa
bokasyon ni San Juan Bautista De La Salle na nagsikhay sa paggamit ng wika ng mga
ordinaryong mamamayan sa edukasyon. Dapat bigyang-diin na ang Filipinisasyon ng
mga pananaliksik ng iba’t ibang departamento sa mga pamantasan ay makatutulong
din nang malaki sa pagtitiyak na ang ating mga pananaliksik ay higit na magiging
kapaki-pakinabang sa ating mga kababayan.
Ikaapat, sa konteksto ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)
Integration, ang pagkakaroon ng asignaturang Filipino na may inter/multidisiplinaring
disenyo ay isa sa ating mga potensyal na ambag sa proyekto ng globalisasyong
pedagohikal at sosyo-kultural. Ano nga ba ang iaambag natin sa daigdig kung hindi
natin pag-aaralan ang sarili nating wika at kultura? Paano haharapin ang mundo kung
hindi kilala ang sarili?
Ikalima, ang wikang Filipino ay wikang global na itinuturo bilang asignatura o kaya’y
komponent ng Philippine Studies sa mahigit 45 unibersidad at mahigit 100 hayskul sa
buong mundo. Ang pagbura sa espasyo ng wikang Filipino sa mga kolehiyo sa Pilipinas
ay tiyak na may negatibong epekto sa espasyo nito sa ibang bansa.
Ikaanim, ginagarantiyahan ng pagkakaroon ng Filipino sa mga unibersidad ang
aktibong pakikisangkot ng mga guro ng Departamento at bawat mag-aaral sa mga
kolaboratibong pananaliksik na isinusulong ng ibang mga departamento gaya ng
Natural Language Processing Department (CCS) kaugnay ng paglinang ng Machine
Translation Software sa Filipino, pagsasalin ng iba’t ibang materyal tulad ng survey
instruments mula sa iba’t ibang disiplina at larangan gaya ng Inhenyeriya, Sikolohiya,
Batas, Komersyo, at Ekonomiks, at iba pang gawaing pananaliksik.
Ikapito, sa pamamagitan ng asignaturang Filipino sa unibersidad, inaasahang
may sapat na katatasan sa wikang pambansa ang sinumang gradweyt ng unibersidad
sa bansa, sa mataas na antas ng pakikipagtalastasan sa iba’t ibang pangangailangan o
kontekstong pangkomunikasyon pang-akademiko man o pangkultura.
Ikawalo, ang pagbura sa asignaturang Filipino sa kolehiyo ay nangangahulugan
ding pagbura at paglusaw sa mga Departamento ng Filipino sa buong bansa – na mga
balwarte ng intelektwalisasyon ng Filipino, ng pananaliksik sa sariling wika sa iba’t
ibang larangan.
Buod ng Aralin
Tulad ng tao, ang wika ay dumaranas din ng mga pagsubok. Ang tangkang
pagpaslang sa mga asignaturang Filipino at Panitikan sa antas tersyarya ay isang
matinding pagsubok sa tanang buhay ng Pambansang Wikang Filipino. Subalit gaano
man katindi ang pagsubok ay hindi nito magagapi ang isang wikang matatag –
pinatatag ng mga tao o pangkat ng mga taong may tunay na malasakit sa ating
pambansang wika.
Ang pakikipaglaban ng Tanggol Wika sa ating Pambansang Wikang Filipino na
sinuportahan ng mga kolehiyo at unibersidad sa ating bansa ay isang patunay na gaano
man kalakas ang bagyo ay hindi nito kayang patumbahin ang ano mang bagay na
sagad sa katatagan.