You are on page 1of 8

WESTERN LEYTE COLLEGE OF ORMOC CITY INC.

Wisdom Leadership Commitment

Modyul 1

“Mga Batayang
Kaalaman sa Wika”
1
Pangalan: ______________________________ Taon at Seksyon: ______________________________

Guro: G. Roguin P. Suson Markahan: Prelim Modyul: 1

11 “Mga Batayang Kaalaman sa Wika”

I. Layunin

* Natutukoy ang kahulugan, kahalagahan, at kalikasan ng wika;

* Nakikilala ang dalawang opisyal na wika ng Pilipinas;

* Nakapagbibigay ng sariling pakahulugan sa wika; at

* Nakapagtatala ng mga sitwasyong nagpapakita ng magkahiwalay na gamit ng dalawanag opisyal na wika ng


Pilipinas.

II. Pangkalahatang Ideya

Mayroon tayong iba’t ibang karanasan sa paggamit ng wika, Ingles man ito o Filipino. May mga gumagamit ng
Filipino para masabing makabayan sila. Ang iba naman, gumagamit ng Ingles para magpasikat sa kausap nila. Ano ang
karanasang hindi mo malilimutan sa paggamit ng wika? Ikuwento sa harap ng klase ang naging karanasan mo. Pagkatapos,
pakinggan naman ang kanilang kuwento. Tiyaking hindi lalampas sa dalawang minute ang iyong kuwento para
makapagkuwento rin ang iba mong kaklase.

III. Pormal na Aralin

A. Isulat sa loob ng bilohaba kung ano ang wika para sa iyo. Tingnan ang una bilang halimbawa.

Midyum ng
komunikasyon
WIKA

2
B. Gumuhit ng masayang mukha () sa loob ng kahon sa unahan ng bilang kung tama ang sinasabi ng
pangungusap. Gumuhit naman ng malungkot na mukha () kung mali ang pahayag.
__________ 1. Walang malinaw na konseptong nag-uugnay sa wika at kultura.
__________ 2. Tagalog ang unang pambansang wika ng Pilipinas.
__________ 3. May masistemang balangkas ang wika.
__________ 4.Unique o natatangi ang bawat wika.
__________ 5. May mga wikang mas makapangyarihan kaysa iba pang wika.
__________ 6. Ang opisyal na wika ng bansa ang dapat na maging pambansang wika.
__________ 7. Namamatay ang wika kapag namatay ang taong gumagamit o nagsasalita nito.
__________ 8. Filipino ang tawag sa kasalukuyang pambansang wika sa Pilipinas.
__________ 9. Ginagamit natin ang wika para makamit natin an gating mga kagustuhan.
__________ 10. Binubuo ng mga tunog at sagisag ang wika.
__________ 11. Napagkakasunduang gamitin ng mga tao ang wika.
__________ 12. Kailangang manatiling puro ang wika at hindi dapat tumanggap ng mga pagbabago.
__________ 13. Dinamiko ang wika.
__________ 14. Walang mga tuntuning sinusunod sa paggamit ng wika.
__________ 15. May pasulat at pasalitang anyo ang wika.

Mayaman ang wika at isa itong malawak na larangan. Hindi nauubos ang mga kaalamang natutuhan at natutuklasan
tungkol sa wika. Sa tanong na “ano nga ba ang wika?” napakaraming makukuhang sagot mula sa iba’t ibang dalubhasa sa
wika.
Pinakagamitin at popular ang kahulugan ng wika na ibinigay ng lingguwistang si Henry Gleason (mula sa Austero
et al. 1999). Ayon sa kaniya, ang wika ay masistemang balangkas sinasalitang tunog na pinipili at isinasaayos sa paraang
arbitraryo upang magamit ng mga taong kabilang sa isang kultura. Sa aklat nina Bernales et al. (2002), mababasa ang
kahulugan ng wika bilang proseso ng pagpapadala at pagtanggap ng mensahe sa pamamagitan ng simbolikong cues na
maaaring berbal o di-berbal. Samantala, sa aklat naman nina Mangahis et al. (2005), binanggit na may mahalagang papel
na ginagampanan ang wika sa pakikipagtalastasan. Ito ang midyum na ginagamit sa maayos na paghahatid at pagtanggap
ng mensahe na susi sa pagkakaunawaan.
Marami pang Pilipinong dalubwika at manunulat ang nagbigay ng kanilang pakahulugan sa wika. Ayon sa mga
edukador na sina Pamela C. Constantino at Galileo S. Zafra (2000), “ang wika ay isang kalipunan ng mga salita at ang
pamamaraan ng pagsasama-sama ng mga ito para magkaunawaan o makapag-usap ang isang grupo ng mga tao.”
Binanggit ng Pambansang Alagad ng Sining sa Literatura na si Bienvenido Lumbera (2007) na parang hininga ang
wika. Gumagamit tayo ng wika upang kamtin ang bawat pangangailangan natin. Para naman sa linggwistang si Alfonso
O. Santiago (2003), “wika ang sumasalamin sa mga mithin, lunggati, pangarap, damdamin, kaisipan o saloobin, pilosopiya,
kaalaman at karunungan, moralidad, paniniwala, at mga kaugalian ng tao sa lipunan.”
Kung sasangguni naman sa mga diksiyonaryo tungkol sa kahulugan ng wika, ang wika ay Sistema ng komunikasyon
ng mga tao sa pamamagitan ng mga pasulat o pasalitang simbolo. Samantala, ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino (2001)
ang wika ay “lawas ng mga salita at Sistema ng paggamit sa mga ito na laganap sa isang sambayanan na may iisang
tradisyong pangkultura at pook na tinatahanan.”
Sa pangkalahatan, batay sa mga kahulugan ng wika na tinalakay sa itaas, masasabi na ang wika ay kabuuan ng mga
sagisag na binubuo ng mga tunog na binibigkas o sinasalita at ng mga simbolong isinusulat. Sa pamamagitan ng wika,
nagkakaunawaan, nagkakaugnay, at nagkakaisa ang mga tao. Kasangkapan ang wika upang maipahayag ng tao ang
kaniyang naiisip, maibahagi ang kaniyang mga karanasan, at maipadama ang kaniyang nararamdaman. Gayundin, bawat
bansa ay may sariling wikang nagbibigkis sa damdamin at kaisipan ng mga mamamayan nito. Sa wika nasasalamin ang
kultura at pinagdaanang kasaysayan ng isang bansa.

Mga Kahalagahan ng Wika


Mula sa mga tinuran ng nabanggit na mga dalubhasa tungkol sa wika, mapatototohanan na sadyang mahalaga ang
wika at kakabit na ito ng pakikipag-ugnayan ng tao sa kaniyang kapuwa tao at ng bawat bansa sa daigdig.

3
Isa sa mga pangunahing gamit o kahalagahan ng wika ang pagiging instrument nito sa komunikasyon. Mahihirapang
magtagumpay ang komunikasyon kapag walang wikang ginagamit. Kailangan naman ang komunikasyon hindi lamang
sa pagpapalitan ng mensahe kundi sa pagkatuto at sa pagkalat ng karunungan at kaalaman sa mundo.
Mahalaga ang wika sa pagpapanatili, pagpapayabong, at pagpapalaganap ng kultura ng bawat grupo ng tao.
Nagkakahiraman ng kultura ang mga bansa sa tulong ng wika. Kung walang wika, walang magagamit na pantawag sa
tradisyon at kalinangan, paniniwala, pamahiin, at sa iba pang bagay na kaugnay ng pamumuhay at paraan ng pamumuhay
ng mga tao. Naipakikilala ang kultura dahil sa wika. Yumayaman naman ang wika dahil sa kultura. Isang magandang
halimbawa nito ang mga payyo (tinatawag ding payao o payaw), ang hagdan-hagdang taniman ng palay ng mga Igorot.
Kapag may sariling wikang ginagamit ang isang bansa, nangangahulugang ito ay malaya at may soberanya. Hindi
tunay na Malaya ang isang bansa kung hindi nag-aangkin ng sariling wikang lilinang sa pambansang paggalang at
pagkilala sa sarili. Malaki ang papel na ginagampanan ng wika bilang tagapagpanatili ng pambansang kamulatan at
pagkakakilanlan. Wika ang tagapagbandila ng pagkakakilanlan ng isang bansa at ng mga mamamayan nito.
Wika ang nagsisilbing tagapag-ingat at tagapagpalaganap ng mga karunungan at kaalaman. Bawat bansa ay may
kani-kaniyang yaman ng mga karunungan at kaalaman. Ang mga nakimbak na karunungan at kaalaman sa isip at dila ng
sinumang mamamayan ay nagagawang magpasalin-salin sa mga sumusunod na henerasyon dahil sa wika. Nagkakaroon
din ng hiraman ng mga karunungan at kaalamang nakasulat at nakalimbag dahil naisasalin sa sariling wika ng isang bansa
ang karunungan at kaalamang nahiram at nakapasok sa kanila mula sa ibang bansa. Halimbawa, lumaganap ang Bibliya
nang maisalin sa iba’t ibang wika. Naging mahalagang instrument ang wika para maunawaan ng daigdig ang nilalaman
ng Bibliya at maipakalat ang Kristiyanismo sa mundo. Ang nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo ni Dr. Jose P. Rizal
ay naisalin sa iba’t ibang wika ng daigdig, gayundin ang mga akda ni F. Sionil Jose, isang Pilipinong nagsusulat sa wikang
Ingles, at ang awit na “Anak” ni Freddie Aguilar.
Mahalaga ang wika bilang lingua franca o bilang tulay para magkausap at magkaunawaan abf iba’t ibang grupo ng
taong may kani-kaniyang wikang ginagamit. Mas nagkakaunawaan ang mga tao sa isang bansa at nakabubuo ng ugnayan
ang wat bansa sa daigdig sapagkat may wikang nagsisilbing tulay ng komunikasyon ng bawat isa.
Hindi matatawaran ang kahalagahan ng wika sa pakikipagtalastasan at pakikipagugnayan tungo sa
pagkakaunawaan at pagkakaisa. Walang saysay ang sangkatauhan kung wala ang wika sapagkat walang hiraman ng
kultura at/o paraan ng pamumuhay, walang mangyayaring kalakalan, walang pagbabahagi ng mga tuklas at imbensiyon,
walang palitan ng talino at kaalaman, walang diplomatikong pagkakasundo ang bawat pamahalaan, at walang
pagtutulungan sa paglinang ng siyensiya at teknolohiya. Ang kawalan ng wika ay magdudulot ng pagkabigo ng
sangkatauhan. Sa kabilang banda naman, ang pagkakaroon ng wika ay nagreresulta sa isang maunlad at masiglang
sangkatauhang bukas sa pakikipagkasunduan sa isa’t isa.

Mga Kalikasan ng Wika


Lahat ng nilikha sa mundo ay may katangian o kalikasang taglay. Tulad ng mga tao at ng iba pang mga bagay sa
mundo, nagtataglay rin ng mga katangian o kalikasan ang wika. Kung babalikan ang kahulugan ng wika ayon kay Henry
Gleason, nakapaloob sa kahulugang kaniyang ibinigay ang tatlong katangian ng wika. Kung babalikan ang kahulugan ng
wika ayon kay Henry Gleason, nakapaloob sa kahulugang kaniyang ibinigay ang tatlong katangian ng wika.
Una, ang wika ay may masistemang balangkas. Binubuo ng mga makabuluhang tunog o ponema ang wika na
nakalilikha ng mga yunit ng salita na kapag pinagsama-sama sa isang maayos at makabuluhang pagkakasunod-sunod ay
nakabubuo ng mga parirala, pangungusap, at talata. Pangalawa, ang wika ay arbitaryo. Pinagkakasunduan ang anomang
wikang gagamitin ng mga grupo ng tao para sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay. Pangatlo, ginagamit ang wika
ng pangkat ng mga taong kabilang sa isang kultura. Magkaugnay ang wika at kultura at hindi maaaring paghiwalayin.
Katulad ng nabanggit, ang kultura ang nagpapayaman sa wika samantalang ang wika naman ang nagbibigay ng ngalan o
salita sa lahat ng mga gawaing nakapaloob sa kultura.
Kasama rin sa mga katangian ng wika ang pagiging buhay o dinamiko nito. Ibig sabihin, sumasabay sa pagbabago
ng panahon ang wika at Malaya itong tumatanggap ng mga pagbabago upang patuloy na yumaman at yumabong.
Namamatay ang wika kapag hindi nakasabay sa pagbabago ng panahon o kapag hindi tumanggap ng mga pagbabago.
Nagbabago ang anyo, gamit, at kahulugan ng mga salita ayon sa takbo ng panahon at sa mga taong gumagamit nito. Dahil
nagbabago ang wika, may mga salitang namamatay o hindi na ginagamit sa paglipas ng panahon, at may nadaragdag o
naisisilang naming mga bagong salita sa bokabularyo.

4
Katulad ng salitang “hataw” na nangangahulugang “pagpalo.” Ngayon, may dagdag na itong kahulugan sa
pangungusap na “Humataw sa takilya ang pelikula ng bagong tambalan.” Sa pangungusap na ito, ang “humataw” ay may
dagdag na kahulugan ng pagiging mabili o nagustuhan ng marami kaya kumita nang malaki.
Hindi na naririnig sa ngayon ang mga salitang “kasapuwego” (posporo), “sayal” (naging palda at ngayon ay mas
tinatawag na skirt), “kolong-kolong” (playpen), at iba pa.
Bawat wika ay unique o natatangi. Walang wikang may magkatulad na magkatulad na katangian. May kani-kaniyang
lakas o kahinaan din ang wika. May mga salitang mahirap hanapan ng eksaktong salin o katumbas sa ibang wika dahil sa
magkakaibang kulturang pinagmulan. Gayundin, hindi dahil mas mayaman, malakas, at mas maunlad ang isang bansa ay
mas superior o mas makapangyarihan na ang wika ng bansang ito kaysa sa ibang mas mahirap na bansa. Walang wikang
superyor sa isa pang wika. Lahat ng wika ay pantay-pantay sapagkat mayroon itong kaniya-kaniyang katangiang taglay
na natatangi sa isa’t isa.
Kabuhol ng wika ang kultura dahil sinasalamin nito ang paraan ng pamumuhay ng mga tao. Nahininuha ang
kulturang kinabibilangan ng mga tao sa kanilang wikang ginagamit. Para sa lingguwistang si Ricardo Ma. Nolasco, dating
Tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), may bentahe ang pagkakaroon ng maraming wika at maraming
kultura sa isang bansa. Sa kaniyang “Pamaksang Pananalita” sa Pambansang Seminar sa Filipino ng KWF sa Pamantasan
ng Lungsod ng Maynila (PLM) noong Mayo 10 hanggang 12, 2006, sinabi niya na “bukod sa nabibiyayaan tayo ng
maraming katutubong wika ay mayroon din tayong wikang pambansa-ang Filipino-at may wikang internasyonal pa-ang
Ingles. Ang pagtutulungan ng mga wikang ito-lokal at dayuhan-ay isang nagpapatotoo kung gaano ka-linguistically diverse
at culturally diverse ang ating bansa, isang bagay na dapat nating ipagbunyi at ipagmalaki.”

Ilan pang Kaalaman Hinggil sa Wika


Ayon sa mga lingguwista, may mahigit 5,000 wika na sinasalita sa buong mundo. Ang Pilipinas ay isa sa mga bansang
biniyayaan ng maraming wika: di kukulangin sa 180 ang wikang sinasalita sa Pilipinas. Heterogenous ang sitwasyong
pangwika sa Pilipinas dahil maraming wikang umiiral dito at may mga diyalekto o varayti ang mga wikang ito. Homogenous
ang sitwasyong pangwika sa isang bansa kung iisa ang wikang sinasalita ng mga mamamayan dito. Gayunman, hindi
naiiwasan ang pagkakaroon ng mga diyalekto kahit isang wika lamang ang ginagamit sa isang bansa dahil likas lamang sa
mga tagapagsalita ng isang wika na magkaroon ng ilang pagbabago sa bigkas ng mga salita, at sa pagbubuo ng mga salita
at mga pangungusap. Nagkakaintindihan pa rin ang mga taong gumagamit ng iba’t ibang diyalekto ng isang wika.

Wika, Diyalekto, Bernakular


Ang Tagalog, Sinugbuanong Binisaya, Ilokano, Hiligaynon, Samar-Leyte, Pangasinan, Bikol, at iba pa ay mga wika,
hindi diyalekto at hindi rin wikain (salitang naimbento upang tukuyin ang isang wika na mas mababa kaysa sa iba). Ang
diyalekto ay nangangahulugang varayti ng isang wika, hindi hiwalay na wika. Kapag hindi nagkakaintindihan ang
dalawang nag-uusap na gumagamit ng magkaibang wika, ibig sabihin, bawat wikang ginagamit nila ay hiwalay na wika.
Ang halimbawa ng diyalekto ay ito: Ang mga nagsasalita ng isang wika, batay sa lugar na pinanggalingan ay
maaaring magkaroon ng bahagyang pagkakaiba sa bigkas, pag-gamit ng panlapi, o ayos ng pangungusap. Dahil dito, may
tinatawag na Tagalog-Bulacan, Tagalog-Cavite, Tagalog-Metro Manila, at iba pa. Ngayon, dahil maraming gumagamit ng
pambansang wika na galing sa iba’t ibang rehiyon, nagkakaroon na rin ng iba’t ibang diyalekto ng Filipino, tulad ng
Filipino-Ilokano, Filipino-Hiligaynon, at iba pa, na bawat isa ay nagpapakita ng natatanging pagkakakilanlan ng unang
wika ng tagapagsalita ng Filipino.
Bernakular ang tawag sa wikang katutubo sa isang pook. Hindi ito varayti ng isang wika tulad ng diyalekto, kundi
isang hiwalay na wika na ginagamit sa isang lugar na hindi sentro ng gobyerno o ng kalakal. Tinatawag din itong wikang
panrehiyon.

Bilingguwalismo at Multilingguwalismo
Ang bilingguwalismo ay tumutukoy sa dalawang wika. Isang pananaw sa pagiging bilingguwal ng isang tao kung
nakapagsasalita siya ng dalawang wika nang may pantay na kahusayan. Bilang patakarang pang-edukasyon sa Pilipinas,
nangangahulugan ito ng paggamit ng Ingles at Filipino bilang panturo sa iba’t ibang magkakahiwalay na subject: Ingles sa
matematika at siyensiya, Filipino sa agham panlipunan at iba pang kaugnay na larangan.

5
Ngayon, hindi na bilingguwalismo kundi multilingguwalismo ang pinaiiral na patakarang pangwika sa edukasyon.
Ang pagpapatupad ng mother tongue-based multilingual education o MTB-MLE ay nangangahulugan ng paggamit ng unang
wika ng mga estudyante sa isang particular na lugar. Halimbawa, sa Ilokos, Ilokano ang wikang panturo sa mga
estudyante mula kindergarten
hanggang ikatlong baiting. Ituturo naman ang Filipino at Ingles pagtuntong nila sa ikaapat na baiting pataas. Ipinatupad
ang ganitong pagbabago sa wikang panturo dahil napatunayan ng maraming pag-aaral na mas medaling natututo ang
mga bata kapag ang unang wika nila ang ginamit na panturo. Mas madali rin silang natututong makabuo ng kritikal na
pag-iisip kapag naturuan sila sa kanilang unang wika.
Sa bansang tulad ng Pilipinas na may humigit-kumulang 180 na umiiral na wika, hindi kataka-takang maging
multilingguwal ang nakararaming populasyon. Halimbawa, ang mga Ilokano, bukod sa wikang Ilokano, ay marunong
din ng Filipino at Ingles. Ang mga nagsasalita ng Kiniray-a ay maaaring marunong din ng Hiligaynon bukod sa Filipino
at Ingles.
Ang unang wika ay tinatawag ding “wikang sinuso sa ina” o “inang wika” dahil ito ang unang wikang natutuhan
ng isang bata. Tinatawag na “taal” na tagapagsalita ng isang particular na wika ang isang tao na ang unang wika ay ang
wikang pinag-uusapan. Halimbawa, “taal na Tagalog” ang mga tao na ang unang wika ay Tagalog. May nagsasabi rin na
sila ay “katutubong tagapagsalita” ng isang wika.
Pangalawang wika ang tawag sa iba pang mga wikang matututuhan ng isang tao pagkaraang matutuhan ang
kaniyang unang wika. Halimbawa, Hiligaynon ang unang wika ng mga taga-Iloilo. Ang Filipino ay pangalawang wika
para sa kanila. Ang Ingles, Nipongo, Pranses, at iba pang mga wikang maaari nilang matutuhan ay tinatawag ding
pangalawang wika.

Wikang Pambansa
Filipino ang pambansang wika ng Pilipinas at may konstitusyonal na batayan ang pagiging pambansang wika ng
Filipino. Sa unang bahagi ng Artikulo XIV, Seksiyon 6 ng Konstitusyon ng 1987, nakasaad na, “Ang wikang pambansa ng
Pilipinas ay Filipino. Samantalang nililinang, ito ay dapat payabungin at payamanin pa salig sa umiiral na wika sa
Pilipinas at sa iba pang mga wika.”
Bilang pambansang wika, Filipino ang sumisimbolo sa ating pambansang pagkakakilanlan. Sinasalamin nito an
gating kalinangan at kultura, gayundin an gating damdamin bilang mga Pilipino. Ang wikang Filipino ang nagbabandila
sa mundo na hindi tayo alipin ng alinmang bansa at hindi tayo nakikigamit ng wikang dayuhan. Ang wikang pambansa
ang sumasagisag sa ating kalayaan. Mahalaga ang pagkakaroon ng pambansang wika sapagkat ito ang nagdadala sa atin
sa pambansang pagkakaisa at pagbubuklod. Mahalagang pagyamanin at pahalagahan ang ating pambansang wika, ang
isa sa mga natatanging pamana ng ating mga ninuno at nagsisilbing yaman ng ating lahi.
Bukas ang wikang Filipino sa pagpapayamang matatamo mula sa iba pang mga wika ng rehiyon. Lalo pang
mapapayamann ang leksikon ng Filipino sa pamamagitan ng paglalahok ng mga salitang mula sa iba pang katutubong
wika sa Pilipinas. Halimbawa, gahum mula sa Binisaya sa halip ng hiram sa Espanyol na “hegemoniya.” Marami na ring
gumagamit ng “bana” na nangangahulugang “asawang lalaki.”

Wikang Panturo
Bukod sa pagiging pambansang wika ng Pilipinas, iniaatas din ng Konstitusyon ng 1987 ang paggamit sa Filipino
bilang wikang panturo. Sa ikalawang bahagi ng Artikulo XIV, Seksiyon 6, nakasaad na “Alinsunod sa tadhana ng batas at
sang-ayon sa nararapat na maaaring ipasiya ng Kongreso, dapat magsagawa ng mga hakbangin ang Pamahalaan upang
ibunsod at puspusang itaguyod ang paggamit ng Filipino bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng
pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon.”
Maraming sikolohista sa wika ang naniniwala na ang katulong ng utak sa pagproproseso ng kaalaman ay ang
wikang nauunawaan ng tao. Mahalaga kung gayon na gamitin ang Filipino sa pagtuturo hindi lamang para sa mas
epektibong pagtuturo kundi pati na rin sa mas makabuluhang pagkatuto ng mga estudyante.

Opisyal na Wika
Tinatawag na opisyal na wika ang isang wika na binigyan ng natatanging pagkilala sa konstitusyon bilang wikang
gagamitin sa mga opisyal na transaksiyon ng pamahalaan. May dalawang opisyal na wika ang Pilipinas—ang Filipino at
Ingles.

6
Ayon sa Artikulo IV, Seksiyon 7, ang mga wikang opisyal ng Pilipinas ay Filipino, at hangga’t walang ibang
itinatadhana ang batas, Ingles.
Bilang mga opisyal na wika, may tiyak at magkahiwalay na gamit ang Filipino at Ingles.
Bukod sa pagiging pambansang wika at isa sa mga opisyal na wika ng Pilipinas, gumaganap din ang Filipino bilang
lingua franca o tulay ng komunikasyon sa bansa. Kapag may dalawang taong mag-uusap na may magkaiba o
magkahiwalay na kultura at sosyolingguwistikong grupo, halimbawa, ang isa ay Kapampangan at ang isa naman ay
Bikolano, gagamitin nila ang Filipino para magkaunawaan.
Samantala, gagamitin naman ang Ingles bilang isa pang opisyal na wika ng Pilipinas sa pakikipag-usap sa mga
banyagang nasa Pilipinas at sa pakikipagkomunikasyon sa iba’t ibang bansa sa daigdig. Ingles ang itinuturing na lingua
franca ng daigdig. Ito ang ginagamit ng mga tao mula sa iba't ibang bansa para mag-usap at magkaunawaan.

IV. Linangin
Sagutin ang sumusunod na tanong.

1. Ano-ano ang naiisip mong kahalagahan ng wika sa iyo bilang mag-aaral?

 _________________________________________________________________________________________________
_________________________________________________________________________________________________
 _________________________________________________________________________________________________
_________________________________________________________________________________________________
 _________________________________________________________________________________________________
_________________________________________________________________________________________________

2. Ano-ano ang naaisip mong kahalagahan ng wika sa lipunan?

 _________________________________________________________________________________________________
_________________________________________________________________________________________________
 _________________________________________________________________________________________________
_________________________________________________________________________________________________
 _________________________________________________________________________________________________
_________________________________________________________________________________________________

3. Ano-ano ang naiisip mong kahalagahan ng wika sa inyong magkakainigan?

 _________________________________________________________________________________________________
_________________________________________________________________________________________________
 _________________________________________________________________________________________________
_________________________________________________________________________________________________
 _________________________________________________________________________________________________
_________________________________________________________________________________________________

Ano-ano pa ang maidaragdag mong katangian ng wika na wala sa mga pinag-usapan? Itala
ang iyong sagot sa ibaba.

Sagot:

7
V. Pagtataya

Gamit ang isang kartolina, gumawa ng poster kung ano ang pagkahulugan mo sa wika. Maging malikhain sa
paggawa ng iyong poster.

Rubric sa pagtaya ng poster:

Malinaw ang isinulat na pagpapakahulugan sa wika 25 puntos

Orihinal ang disenyo at konsepto 15 puntos

Malikhain/nakaaakit na disenyo 10 puntos

Kabuuan 50 puntos

You might also like