You are on page 1of 6

Kahalagahan ng Katutubong Wikang Filipino

Tila ba'y ito'y ginagamit pa?

Malinaw na ang wika ay isang mahalagang kasangkapan na ginagamit upang maiparating ang mga
nasasaloob na ideya at damdamin ng isang tao. Hindi lamang ito isang paraan ng pakikipag-usap niya sa
kapwa kundi ginagamit din niya upang makipagkaibigan, makipagtalakayan at maibahagi ang kanyang
iba’t ibang opinyon at kaisipan. Sa buong kasaysayan, maraming mga bagay, sitwasyon at pangyayari na
tumutukoy sa kahalagahan ng wika sa mga tao, sa kanyang kapaligiran at higit lalo na sa kanyang bansa.

Ang wika ay hindi lamang kumakatawan sa isang tao. Ito ay hindi lamang isang sasakyan para sa
pagpapahayag ng mga sariling saloobin, opinyon, mga personal na obserbasyon at halaga ng kanyang
mga katangian bagkus ay isang sisidlan na siyang nagpapahayag ng mga aspeto ng isang komunidad o
bansa. Ang wika ay kumakatawan din sa pangunahing pagpaparating sa iba ng panlipunang
pagkakakilanlan. Sa maikling salita, ang wika ay tumutulong na mapanatili ang mga damdamin ng
kultura, sining at pagkabansa ng isang bayan.

Ang wikang Filipino, na siyang pambansang wika sa Pilipinas ay ang wikang ginagamit sa lahat ng sulok
ng bansa. Ito ang nagsisilbing sinturon upang maitali ang mga mamamayan upang maging isa sila sa
kanilang mga diwa, pangarap at kalsadang tinutugpa. Mahirap na isipin kung walang sariling wika na
magiging daan upang magkabuklod-buklod ang mga hiwa-hiwalay na isla ng Pilipinas. Maaaring
magdulot ito ng mga kaguluhan at hindi pagkakaunawaan.
Kahit na sa anumang anyo, sa pamamagitan man ng pagsusulat o pagsasalita, ang wika ang
pinakamabisang paraan upang maihatid ang mga kaisipan at mapanatili sa madaling hakbang ang
kasaysayan at mga tala ng mga sinaunang Pilipino. Sa ganitong pagkakataon, malalaman ng mga
kasalukuyang mamamayan ang mga hakbangin na ginawa noong una upang maituloy ito sa mabuting
paraan at maiwasan ang mga hindi magagandang pangyayari noon. Ito ang ilaw na magiging tanglaw ng
mga Filipino upang mapabuti pa ang mga gawain. Ito rin ang magsisilbing lakas upang maisakatuparan
ang mga naudlot na pangarap noong simula pa.

Sa paglipas ng panahon, mapatutunayan na ang wika ang siyang pinakamahalagang sandata upang
maiparating ng isang bansa sa kanyang mga mamamayan ang mga pangyayari, kasaysayan at bahagi ng
ekonomiya nito. Gayundin naman na ang wika ang siyang sentro ng mga mamamayan upang maihugos
sa kanilang pamahalaan ang kanilang mga hinaing.

Naipadarama ng isang tao sa pamamagitan ng kanyang sariling wika ang kasidhian ng kanyang
damdamin, ang lalim ng kanyang pagkatao, ang katangian ng kanyang ginagalawang kapaligiran, ang
lawak ng kanyang kultura at sining, ang kabihasaan niya sa anumang larangan at ang katotohanan ng
kanyang pag-iral. Sa kabuuan, ang wika ang nagsisilbing kaparaanan upang maging isang ganap na tao
ang isang tao at maging isang ganap na bansa ang isang bansa.

Wikang Pilipino: Yakapin at mahalin ang tulay sa isang bansang progresibo

Marahil marami na sa atin ang nakarinig sa mga salitang ito na binitawan ng ating pambansang bayani:
"Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda".
Mula sa mga salitang iyon ni Rizal ay namutawi na sa lahat ng Pilipino na marapat nating mahalin ang
ating wika. Ngunit, higit pa sa ating sariling wika ay ang marami pang mga katutubong diyalekto na siyang
pinangangalagaan ng ating kultura at kasaysayan pero buhat ng pagbabago ng panahon, ang mga ito
kasama na ang ating sintang wika ay unti-unting nakakalimutan.

Nababalewala. Nang dahil sa pagsulpot ng mga makabagong wika na likha ng mga modernong tao,
tuluyan na nga nating nababalewala ang mga katutubong wika ng bansa. Napapalitan at nahahaluan na
ito ng iba pang wika kaya't nawawala na ang konteksto at kahulugan nito.

Lingid sa ating kaalaman na ang ating wika kasama ang mga katutubong diyalekto ang nagsisilbing tulay
ubang mapagbuklod ang lahing Pilipino. Binubuhay nito ang kulturang siyang tumatayong identipikasyon
ng ating lahi na ating maipagmamalaki sa iba pang mga banyagang tao.

Nagkakaisang bansang Pilipinas. Kung ating yayakapin ang ating mga kinagisnang wika sa ating bansa,
hindi malabong mangyari ito-- ang magkaisa ang bawat Pilipino. Dahil mayroon tayong iisang pananalita
at iisa ang lengguwaheng lumalabas mula sa ating bibig na siyang bubuo sa isang bansang maunlad at
progresibo.

Hindi pa huli ang lahat, hindi pa sila nawawala, hindi pa sila nakabura sa kasaysayan, ang wikang maka-
Pilipino ay masugid na naghihintay upang maibangong muli, maipagmalaki, at muling mamutawi sa dugo
ng bawat taong bumubuo sa isang lupang hinirang ng Diyos na kung tawagin ay Pilipinas.

June 06, 2019] Ang tema ng pagdiriwang sa 2019 Buwan ng Wika ay “Wikang Katutubo: Tungo sa Isang
Bansang Filipino.” Bakit?

Dahil isang mahalagang aspekto ng tungkulin ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang pangangalaga sa
lahat ng katutubong wika ng Filipinas. Ipinaaalala ito ng 1987 Konstitusyon sa pamamagitan ng pagsasabi
na ang pagpapayaman at pagdevelop ng wikang Filipino ay dapat isagawa pangunahin sa tulong ng mga
wikang katutubo ng Filipinas. Ginarantiyahan din ito ng Republic Act 7104 sa pamamagitan ng atas sa
KWF na: “[f]ormulate policies, plans, and programs to ensure the further development, enrichment,
propagation, and preservation of Filipino and other Philippine languages.”
Napakagandang pagkakataon din na ang taóng ito ay idineklara ng UNESCO na International Year of the
Indigenous Languages (IYIL). Noon pang 2013 ay pinaghandaan na ng KWF ang pagdiriwang para sa
taóng ito. Inilatag sa KWF Medyo Matagalang Plano 2013-2016 at 2016-2020 ang mga adhika ng KWF
hinggil sa pangangalaga sa mga katutubong wika. Nakabatay ito sa sumusunod na mga simulain:

Una, ang Filipino bilang Wikang Pambansa ay tulay para maging wikang panlahat ng mahigit sandaang
wika sa buong kapuluan.

Ikalawa, higit pa sa pagiging tulay, ang Filipino ay dapat payamanin sa pamamagitan ng mga wikang
katutubo.

Ikatlo, kailangang gumawa ng mga hakbang upang sa isang banda ay igalang at mahalin ang bawat
katutubong wika at sa kabilang banda, panatilihin itong buháy at ginagámit ng mga nagsasalita nitó.

Alinsunod sa mga naturang simulain ay nagsagawa ang KWF ng sumusunod na uri ng aktibidad at
proyekto: (1) saliksik, (2) pagganyak sa mga kabataan at kasalukuyang henerasyon na gamítin ang
katutubong wika; (3) pagsasalin; (4) pangangalaga sa mga nanganganib na wika.

Sa ilalim ng saliksik, isinasagawa ang Atlas Filipinas, Lingguwistikong Etnograpiya, armonisasyon ng mga
ortograpiya, pagbuo ng pambansang gramatikang Filipino, at registry ng Intangible Cultural Heritage
(ICH). Ang lahat ng ito ay mga paraan para magkaroon ng sistematiko, komprehensibo, at napapanahong
pagtitipon ng kayamanan, karunungan, kasaysayan, at karanasang taglay ng bawat katutubong wika.
Bahagi din ng mga proyektong ito ang pagkakaroon ng angkop na artsibo upang maibukás ang saliksik
para sa mga interesadong iskolar at mag-aaral ng wika.

Sa ilalim ng ikalawang uri, inumpisahan noong 2015 ang Timpalak Uswag Darepdep. Layunin nitó na
ganyakin ang mga estudyante sa paaralang sekundarya na sumulat ng tula at maikling katha gámit ang
kanilang katutubong wika. Sa kasalukuyan, naghahanda ang KWF ng isang workshop sa pagsulat para sa
mga naturang estudyante. Sa taóng ito, binuksan ng KWF ang iKabataan Ambasador sa Wika (iKAW) para
pakilusin ang kabataan tungo sa aktibong pangangalaga at promosyon ng kanilang mga katutubong wika.
Ang Bantayog-Wika, isang proyekto para bigyan ng monumento ang mga wikang katutubo, ay isang
paraan para itanim sa puso ng madla ang pagmamahal sa kanilang inang wika. Sa kasalukuyan, may
Bantayog-Wika na para sa Kinaray-a, Mandaya, Kalingga, Pangasinan, Bikol Sorsogon, Mga Wika ng
Mangyan, Tuwali, Ivatan, Tagalog Batangas, Ayta Magbukun, Binukid, Surigawnon, Ibaloy, Blaan, at Tiboli,
at may nakatakdang lima pa para itayo sa taóng ito.

Sa ikatlong uri, bahagi ng Aklat ng Bayan ang pagsasalin ng mga natatanging akdang pampanitikan ng
mga wikang katutubo at paglalathala ng mga ito sa edisyong bilingguwal (sa orihinal na wika at sa
Filipino) upang mapalaganap ang pagpapahalaga sa hiyas ng mga panitikang katutubo. Sa ngayon,
nakapaglathala na ng mga aklat sa wikang Bikol, Ilokano, Kapampangan, Sebwano, Mëranaw, Waray,
Kinaray-a, Hiligaynon. Ipinasasalin din ngayon ang mga epikong-bayan na tulad ng Lam-ang, Ullalim,
Agyu, at Darangën.

Noong 2017, sinimulang asikasuhin ng KWF ang problema ng mga nanganganib na wika. Pinagtuonan ng
pansin ang ilang pangkating Negrito at mula dito ay binuo ang espesyal na proyekto na Bahay-Wika,
isang paraan ng interbensiyon para mapasigla ang wikang nanganganib nang maglaho. Nitóng nakaraang
taon ay nagdaos ng isang internasyonal na kumperensiya upang talakayin ang mga aspekto ng
pangangalaga sa mga nanganganib na wika at nag-anyaya ng mga eksperto mula Australia, Canada,
United States of America, Thailand, Hawaii, Russia, Ecuador, at United Kingdom. Nagdaos din ng isang
seminar-workshop hinggil sa digital language archiving sa tulong ng mga eksperto mula sa SOAS
University of London.

Dapat banggitin na nirebisa ng KWF ang kasalukuyang ortograpiyang Filipino upang maging bukás sa
pagtanggap ng mga katangiang pangwika na wala sa Tagalog. Sa ngayon, ang pinalalaganap na
Ortograpiyang Pambansa (OP) ay nagtataglay na ng mga dagdag at mungkahing katangiang pangwika na
mula sa mga katutubong wika.

Hindi magaganap ang tagumpay sa lahat ng naturang proyekto kung nag-iisa ang KWF. Dahil dito,
kasalukuyang binubuo ang isang pambansang adyenda sa pagsagip sa mga nanganganib na wika at
hinihikayat ng KWF ang lubusang pakikiisa sa proyektong ito ng mga ahensiya ng pamahalaan tulad ng
DepEd, DILG, NCIP, NCCA, NEDA, at DSWD.

Ang lahat ng mga nabanggit na programa at proyekto ay mga katibayan kung paanong itinataguyod na ng
KWF ang temang “Wikang Katutubo: Tungo sa Isang Bansang Filipino.” Nais nating mahalin at alagaan
ang ating mga katutubong wika dahil mga pamana ito ng lahi na kailangan para sa pagkatha ng isang
bansang Filipino.
Pahayag Tungkol sa Pangangalaga sa mga Katutubong Wika, Komisyon sa Wikang Filipino

.......

Buwan ng Wika 2019 Theme

[April 09, 2019] Buwan ng Wika (National Language Month) is an annual celebration of Filipino as the
national and widely spoken…

Pamamaraan, Istratehiya, at Dulog sa Pagtuturo ng Filipino

Hinihingi ng mabisa at mabilis na pagtuturo ang pag-gamit ng mabubuting pamamaraan ng pagtuturo.


Nakasaalay sa mabuting pamaraan ng pagtuturo…

Buwan ng Wika 2018 Theme

[June 07, 2018] Buwan ng Wika (National Language Month) is an annual celebration of Filipino as the
national and widely…

You might also like