You are on page 1of 3

Mga Kontemporaryong Isyu

Aralin 1: Ang Lipunan

Kahulugan: Ang lipunan ay tumutukoy sa mga taong sama-samang naninirahan sa isang organisadong
komunidad na may iisang batas, tradisyon, at pagpapahalaga.

A. Mga Sosyolohikal na Perspektibo Tungkol sa Lipunan


1) Emile Durkheim (Functionalist Perspective) - “Ang lipunan ay isang buhay na organismo
kung saan nagaganap ang mga pangyayari at gawain. Ito ay patuloy na kumikilos at
nagbabago. Binubuo ang lipunan ng magkakaiba subalit magkakaugnay na pangkat at
institusyon. Ang maayos na lipunan ay makakamit kung ang bawat pangkat at institusyon
ay gagampanan nangmaayos ang kanilang tungkulin.”(Mooney, 2011)

2) Karl Marx (Conflict Theory) - “Ang lipunan ay kakikitaan ng tunggalian ng kapangyarihan.


Ito ay nabubuo dahil sa pag-aagawan ng mga tao sa limitadong pinagkukunang-yaman upang
matugunan ang kanilang pangangailangan. Sa tunggalian na ito, nagiging makapangyarihan
ang pangkat na kumokontrol sa produksyon. Bunga nito, nagkakaroon ng magkakaiba at
hindi pantay na antas ng tao sa lipunan na nakabatay sa yaman at kapangyarihan.”(Panopio,
2007)

3) Charles Cooley (Symbolic-Interactionist) - “Ang lipunan ay binubuo ng tao na may


magkakawing na ugnayan at tungkulin. Nauunawaan at higit na nakikilala ng tao ang
kaniyang sarili sa pamamagitan ng pakikisalamuha sa iba pang miyembro ng lipunan.
Makakamit ang kaayusang panlipunan sa pamamagitan ng maayos na interaksiyon ng mga
mamamayan.” (Mooney, 2011)
B. Ang Istrukturang Panlipunan at Kultura
Ipagpalagay na ang lipunan ay tulad ng isang barya na may dalawang mukha: ang isang mukha
ay tumutukoy sa mga istruktura ng lipunan at ang isa naman ay tumutukoy sa kultura. Bagama’t ang
dalawang mukha ay magkaiba at may kani-kaniyang katangian, mahalaga ang mga ito at hindi
maaaring paghiwalayin tulad na lamang kapag pinag-uusapan ang lipunan.

B.1. Mga Elemento ng Istrukturang Panlipunan


1) Institusyon - Ang institusyon ay organisadong sistema ng ugnayan sa isang lipunan.
(Mooney, 2011). Isipin halimbawa ang isang pangkaraniwang araw. Magsisimula ito sa
paghahanda ng mga miyembro ng pamilya para sa kani-kaniyang mga gawain. Ang pamilya ay
isa sa mga institusyong panlipunan, dito unang nahuhubog ang pagkatao ng isang nilalang.

Mula sa tahanan, maaaring ang ibang miyembro ng pamilya ay magtungo sa paaralan


samantalang ang iba naman sa kanila ay magtatrabaho o kaya ay mamimili ng kanilang
pangangailangan. Tulad ng pamilya, ang paaralan ay nagdudulot ng karunungan, nagpapaunlad
ng kakayahan, at patuloy na naghuhubog sa isang tao upang maging kapaki-pakinabang na
mamamayan, isa rin itong institusyong panlipunan.

Samantala, ang mga taong nagtatrabaho at kumokonsumo ng produkto ay bahagi ng isa


pang instituyong panlipunan – ang ekonomiya. Mahalaga ang ekonomiya sa lipunan dahil pinag-
aaralan dito kung paano matutugunan ang mga pangangailangan ng mga mamamayan. Mula sa
tahanan hanggang sa mga lugar na patutunguhan maaaring may makasalubong kang traffic aide,
may madaanang mga tulay o kaya ay mainip dahil sa abala na dulot ng ginagawang kalsada.
Maaaring may makita ka ring mga anunsyo ng mga programang pangkalusugan at pangkalinisan.
Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa mga tungkulin ng pamahalaan na isa ring institusyong
panlipunan.

Sa pagtupad mo sa iyong pang-araw-araw na tungkulin, naghahangad ka ng kaligtasan,


nagdarasal ka na maging tagumpay ang iyong mga gawain, at maging ligtas ang iyong mga
mahal sa buhay. Lahat ng ito ay ginagawa natin dahil sa ating pananampalataya. Ang usapin ng
pananampalataya ay bahagi ng relihiyon na isa rin sa mga institusyong panlipunan. Ang
pamilya, relihiyon, edukasyon, ekonomiya, at pamahalaan ang itinuturing na mga institusyong
panlipunan.

Mga suliranin sa institusyon: May mga isyu at hamong panlipunang nag-ugat dahil sa
kabiguan ng isang institusyon na maipagkaloob ang mga inaasahan mula rito. Halimbawa, ang
mataas na bilang ng mga mamamayang walang trabaho ay maaaring dulot ng kakulangan ng
kaalaman at kakayahan na bunga ng kabiguan ng paaralan na magkaloob ng mataas na kalidad
ng edukasyon. Maaari rin namang ito ay dahil sa hindi nagawa ng pamahalaan ang kaniyang
tungkulin na lumikha ng trabaho para sa kaniyang mamamayan. May mga pagkakataon din na
ang hidwaan sa pagitan ng mga institusyon ay nagdudulot ng mga isyu at hamong panlipunan. Sa
malaking usapin tungkol sa Responsible Parenthood and Reproductive Health Law (RA 10354),
naging magkasalungat ang pananaw ng pamahalaan at simbahan.

2) Social Group
Tumutukoy ang social group sa dalawa o higit pang taong may magkakatulad na
katangian na nagkakaroon ng ugnayan sa bawat isa at bumubuo ng isang ugnayang panlipunan.
Dalawang uri ng social group:
a. Ang primary group ay tumutukoy sa malapit at impormal na ugnayan ng mga
indibiduwal. Kadalasan, ito ay mayroon lamang maliit na bilang. Halimbawa nito ay ang
pamilya at kaibigan.
b. Sa kabilang banda, ang secondary group ay binubuo ng mga indibiduwal na may pormal
na ugnayan sa isa’t isa. Karaniwang nakatuon sa pagtupad sa isang gawain ang ganitong
uri ng ugnayang panlipunan. Isang halimbawa nito ay ang ugnayan sa pagitan ng amo at
ng kaniyang manggagawa, gayundin ang ugnayan ng mga manggagawa sa isa’t isa.

Mga suliranin ng social groups: Halimbawa ang malawakang pagwewelga ng ilang


manggagawa na dulot ng pagkakaroon ng hindi magandang ugnayan ng mga manggagawa at
may-ari ng kumpanya.

3) Status
Ang status ay tumutukoy sa posisyong kinabibilangan ng isang indibiduwal sa lipunan.
Ang ating pagkakakilanlan o identidad ay naiimpluwensiyahan ng ating status.

Dalawang uri ng status:


a) ascribed status - Nakatalaga sa isang indibiduwal simula nang siya ay ipinanganak;
hindi ito kontrolado ng isang indibiduwal. Halimbawa ay kasarian.
b) achieved status - Nakatalaga sa isang indibiduwal sa bisa ng kaniyang pagsusumikap;
maaaring mabago ng isang indibiduwal ang kaniyang achieved status. Halimbawa ay
pagiging isang guro.

Maaaring makaapekto ang ascribed status ng isang indibiduwal sa kaniyang achieved


status. Halimbawa, ang isang indibiduwal ay ipinanganak na mahirap. Ang pagiging mahirap
niya sa pagkakataong ito ay maituturing na ascribed status. Ang ascribed status na ito ay
maaaring maging inspirasyon sa kaniyang hangarin na makatapos ng pag-aaral o kaya ay maging
isang propesyunal upang makaahon sa hirap ng buhay. Ang pagiging isang college graduate o
propesyunal ay maituturing naachieved status.

Mga suliranin sa status ng tao sa lipunan: karaniwan, nagkakaroon ng mas malawak na


pagkakataon sa magandang kalidad ng edukasyon ang mga taong ipinanganak na mayaman kung
ikukumpara sa mga mahihirap. Sa kabila nito, mayroon din namang mga mahihirap na naging
tuntungan ang ganitong kalagayan upang lalong magsumikap para mabago ang estado sa buhay.

4) Gampanin (Roles)
May posisyon ang bawat indibiduwal sa loob ng isang social group. Ang bawat posisyon
ay may kaakibat na gampanin o roles. Tumutukoy ang mga gampaning ito sa mga karapatan,
obligasyon, at mga inaasahan ng lipunan na kaakibat ng posisyon ng indibiduwal. Sinasabing
ang mga gampaning ito ang nagiging batayan din ng kilos ng isang tao sa lipunang kanyang
ginagalawan. Halimbawa, bilang isang mag-aaral inaasahang gagampanan mo ang mga
tungkulin ng isang mabuting mag-aaral at inaasahan mo rin na gagampanan ng iyong guro ang
kaniyang mga tungkulin tulad ng pagtuturo nang mahusay at pagbibigay ng pagsusulit sa klase.

Mga suliranin sa gamapanin o roles: Ang hindi pagganap sa mga inaasahang gampanin
ng isang indibiduwal o isang grupo ay maaaring magdulot ng ilang isyu at hamong panlipunan.
Halimbawa, ang isang mamamayan ay may tungkuling dapat gampanan sa lipunan. Kung ito ay
hindi magagampanan nang maayos, magdudulot ito ng ilang isyu at hamong panlipunan.
Tungkulin ng mga mamamayan na sumunod sa batas ng pagtatapon ng basura. Ang hindi
pagsunod sa batas na ito ay makapagdudulot ng ilang mga suliraning pangkapaligiran tulad ng
polusyon na banta sa kalusugan ng mga mamamayan.

May mga pagbabago rin sa lipunan na magdudulot ng pagbabago sa roles ng bawat isa.
Isang magandang halimbawa nito ang pagkakaroon ng mga househusband sa kasalukuyan. Ito ay
mga asawang lalaki na siyang gumagawa ng mga gawain sa loob ng tahanan habang ang
kaniyang asawang babae ang naghahanapbuhay. Marami ring pagkakataon na ang asawang lalaki
at asawang babae ay kinakailangang parehong magtrabaho upang matugunan ang
pangangailangan ng pamilya. Makikita sa ganitong sitwasyon ang pagbabago ng gampanin ng
mga kalalakihan at kababaihan bilang tugon sa nagbabagong panahon.

You might also like