You are on page 1of 4

Si Pinkaw

ni Isabelo S. Sobrega

Naalimpungatan ako sa pagtulog nang hapong iyon sa sigawan at nanunuyang tawanan ng mga bata sa kalsada.
Dali-dali akong bumangon, nagpahid ng pawis at dumungaw sa bintana. Si Pingkaw pala na sinusundan ng mga bata.
Gula-gulanit ang kanyang damit na ilang ulit nang tinagpian at may medyas ang isang paa na ewan kung asul o berde.
Malayo siya kaya’t di ko Makita nang mabuti. Sa kabilang binti, may nakataling pulang papel de Hapon na may kabit na
lata sa dulo. Sa kanyang ulo, may nakapatong na palara na kumikinang tuwing tinatamaan ng sinag ng araw.
“Hoy, Pingkaw,” sigaw ng isang bata na nakasundong abot sa tuhod at may itinatawing-tawing sa daga. “Sige nga,
kumanta ka ng blak is blak.”
“Ay, hiya ako,” nag-aatubiling sagot ng babae, sabay subo sa daliri.
“Kung ayaw mo, aagawin namin ang anak mo,” nakangising sabat ng pinakamalaki sa lahat, mahaba ang buhok at
nakakorto lamang. At umambang aagawin ang karga ni Pingkaw.
Umatras ang babae at hinigpitan pa ang yapos sa kanyang karga.
“Sige agawin natin ang kanyang anak,” sabi nilang pahalakhak habang pasayaw-sayaw na pinalilibutan si Pingkaw.
Maya-maya’y nakita kong lumuhod si Pingkaw sa lupa at nag-iiyak na parang bata.
“Huwag niyo naming kunin ang anak ko. Isusumbong ko kayo sa meyor.” Patuloy pa rin ang panindyo ng mga bata kahit
na lumakas ang hagulhol ni Pingkaw.
Nakadama ako ng pagkaawa kay Pingkaw at pagkainis sa mga bata. Kaya’t sumigaw ako para takutin sila. “Hoy mga bata,
salbahe n’yo! Tigilan n’yo ang pagtukso sa kanya.”
Ewan kung sa lakas ng pagsigaw ko’y natakot ang mga batang isa-isang nag-aalisan. Pagkaalis nila, tumingala si Pingkaw
sa akin at nagsabi:
“Meyor, kukunins nila ang aking anak.”
Hindi ko mapigilan ang aking pagngiti. May koronel, may sergeant, may senador siyang tawag sa akin. Ngayon meyor na
naman. “O sige, hindi na nila kukunin yan. Huwag ka nang umiyak.”
Ngumiti siya sa akin. Inihele ang kayang karga. Nahulog ang basahang ibinalot sa lata ng biskwit. Dali-dali niya itong
pinulot at muling ibinalot sa lata.
“Hele, hele tulog muna, wala ditto ang iyong ina…” ang kayang kanta habang ang lata’y ipinaghele at siya’y patiyad na
nagsasayaw.
Natigilan ako. At naalala ko ang Pingkaw na dati naming kapitbahay sa tambakan, nang hindi pa siya ganito.
Ang paghahalukay ng basura ang kanyang hanapbuhay (sa amin ang tambakan ng syudad) at ditto nagmumula ang
kanyang makakain, magagamit o maipagbili. Madalas siyang umawit dati-rati. Hindi naman kagandahan ang kanyang
tinig -basag at boses-lalaki. Subalit kung may ano itong gayuma na bumabalani sa pandinig. Ewan kung dahil sa tila
malungkot na tinig ng kanyang paghehele o kung dahil sa pagtataka sa kanyang kasiyahan gayong isa lamang siyang
naghahalukay ng basura.
Kadalasan, pabalik na siya niyang galling sa tambakan. Ang kariton niya’y puno ng kartong papel, bote, mga sirang
sapatos, at sa loob ng bag na burin a nakasabit sa gilid ng kanyang kariton, makikita mo ang kanyang pananghalian. Ito’y
mga tira-tirang sadinas, karne norte o kaya’y pork and beans, pandesal na kadalasa’y nakagatan na at kung minsan, kung
sinuswerte, may buto ng fried chicken na may lamang nakadikit. Sa kanyang yayat na katawan masasabing tunay na
mabigat ang kanyang tinutulak, ngunit magugulat ka, tila nagagaanan siya at nakakakanta pa ng kundimang Bisaya.
Pagdating niya sa harap ng kanilang barung-barong, agad niyang tatawagan ang kanyang anak: “Poray, Basing, Takoy,
nandito na ako.” At ang mga ito, dali-daling nagtakbuhan pasalubong sa kanya habang hindi makaringgan sa pagtatanong
kung may uwi ba raw siyang dyens na estretsibol; ano ang kanilang pananghalian, nakabili ba raw siya ng bitsukoy?
Dalawang taon kaming magkapitbahay ngunit hindi ko man lamang nalaman ang kanyang tunay na pangalan. Pingkaw
ang tawag ng lahat sa kanya, b’yuda na s’ya. Namatay ang kanyang asawa sa sakit ng epilepsy habang dinadala niya sa
kanyang sinapupunan ang bunsong anak. Samantala, si Pisyang Tahur ay sumusumpa sa kanyang paboritong santo na
hindi raw kailanman nakasal si Pingkaw. Iba-iba raw ang ama ng kanyang tatlong anak. Ang kanyang panganay, si Poray,
ay labis na mataas para sa kanyang gulang na labintatlong taon at masyadong payat. Tuwing makikita mo iting nakasuot
ng estretsibol na dala ng ina mula sa tambakan, maaalala mo agad ang panakot-uwak sa maisan. Si Basing, ang sumunod,
sungi ngunit mahilig pang pumangos tubo gayong umaagos lamang ang katas sa biyak ng kayang labi. Ang bunsong ewan
kung tatlong taon pa lamang ay maputi at guwapung-gwapo. Ibang-iba sa kanyang mga kapatid kaya kung minsa’y naisip
mong totoo nga ang sinasabi ni Pisyang Tahur.
Pagkatapos mananghalian, aalisin na ni Pingkaw ang mga laman ng kariton, ihihiwalay ang mga lata mga bote, mga
kariton at iba pang nakalagay rito sa napulot sa tambakan katulong ang kayang mga anak. Kinasanayan na ni Pingkaw na
umawit habang gumagawa. Kung minsan, sumasabay ang kayang mga anak at ang sungi ang siyang may pinakamataas na
tinig,. Pagkatapos, itutulak na niya ang kariton patungo sa Tsino na tagabili.
Talagang mahal ni Pingkaw ang kanayang mga anak. Sa tambakan, karaniwang makikita mo na sinasaktan ng mga ina ang
kanilang mga anak, ngunit hindi mo man lamang makikita si Pingkaw na inaambaan ang kanyang mga anak. “Ang mga
bata,” nasabi niyang minsang bumili siya ng tuyo sa talipapa at nakitang pinapalo ng isang ina ang maliit na anak na
nahuli nitong tumitingin sa malalaswang larawan, “hindi kailangang paluin, sapat nang turuan sila nang malumanay. Iba
ang batang nakikinig sa magulang dahil sa paggalang at pagmamahal. Ang mga bata, kung saktan, susunod sa iyo subalit
magrerebelde at magkimkim ng sama ng loob.”
Sa tunggalian ng pamumuhay sa tambakan na roo, ang isang tao’y handing tumapak sa ilong ng kapwa tao mabuhay
lamang. Nakapagtataka si Pingkaw. Lubha siyang matulungin lalo na sa katulad niyang naghahalukay lamang ng basura.
Madalas siyang tumutulong sa pagtutulak ng kariton ng iba lalo na ng mga bata at matatanda. Sinasabi rin na sa
pagsisimba niya tuwing Linggo hindi kukulangin sa piseta anf kayang ipinamamahagi sa mga nagpapalimos.
Alam ng lahat sa tambakan ang pangyayaring ito. Minsan, nagkasakit ng el to rang sunging anak ni Pingkaw. Nagtungo
ang babae sa suking Tsino. Nakiusap na pautangin siya. Magpapahiram naman daw ang Tsino ngunit sa isang kondisyon.
Bukambibig na ang pagkagahaman sa babae ng Tsino na ito: pinagdugtung-dugtong ng mga tagatambakan kung ano ang
kondisyong iyon sapagkat wala naman talagang nakasaksi sa pag-uusap ng dalawa. Nalaman na ng lahat ang mga
naganap; ang pagkabasag ng kawali na inihambalos ni Pingkaw sa ulo ng Tsino.
Hindi rin nadala ni Pingkaw ang kanyang anak sa doctor. Pag-uwi niya, naglaga siya ng dahon ng bayabas at ipinainom sa
anak. Iyon nalamang ang nakapagpabuti sa bata.
“Nagpapakita rin na may awa ang Diyos. Kung ninais Niyang mamatay ang aking anak, sana’y namatay na. ngunit dahil
naisip pa Niyang mabuhay ito, nabuhay rin kahit hindi naipadoktor,” ang sabi ni Pingkaw nang magpunta siya sa talipapa
bago pa man gumaling ang kanyang anak.
Minsang nag-uusap ang mga nagsisipagtipon sa talipapa tungkol sa bigas relip, at iba pang bagay na ipinamimigay ng
ahensya na nangangalaga sa mga mahihirap. Sumabat si Pingkaw na nagkataong naroroon, “Bakit iaasa ko pa sa ahensya
ang aking pamumuhay? Malusog at masigla pa naman ako sa pagtutulak ng aking kariton upang tulungan. Marami pa
riyang iba na higit na nararapat tulungan. Ang hirap lang sa ating pamahalaan, kung sino ang dapta tulungan ay hindi
tinutulungan. Ngunit ang ibang mabuti naman ang pamumuhay, sila pa ang nakatatanggap ng tulong. Kabaliwan…”
Iyan si Pingkaw. Kontento na siya sa kanyang naabot sa buhay.
Naganap ang sumunod na pangyayai kay Pingkaw nang ako’y nasa bahay ng aking kapatid na may sakit. Isinalaysay ito ng
aking mga kapitbahay pagbalik ko, at matinding galit ang aking nadama.
Isang araw, matapos silang mag-agahan ng kayang mga anak, bigla na lamang namilipit ang mga bata sa sakit sa tiyan.
Ewan kung dahil sa sardines o sa kung ano mang panis na kanilang nakain.
Natuliro si Pingkaw. Nagsisigaw. Tumakbo siya sa mga kapitbahay upang humingi ng tulong. Ngunit wala silang maitulong
maliban sa pagsabihan siyang kailangan dalhin ang mga anak sa ospital.
Walang nagdaraang mga saasakyan sa kalyehon kaya sa kariton isinakay ni Pingkaw ang kanyang mga anak. Nagtungo
siya sa bahay ng isang doktor na malapit lamang, ngunit wala ang doktor at naglalaro ng golp, ayon sa katulong.
Itinulak niyang muli ang kariton at nagpunta sa bahay ng isa pang doktor. Matagal siyang tumimbre nakita niyang may
sumisilip-silip sa bintana.
Kaya nagugulkuhang itinulak na naman ni Pingkaw ang kanyang kariton papuntang bayan. May doktor doon ngunit wala
naming gamut para sa nalason.
Halos hindi makakilos sa pagod si Pingkaw, bukod pa sa kanyang lubhang pagkalumbay sa pagiging maramot ng
kapalaran. Ipinagpatuloy niya ang pagtulak ng kariton.
Nang makarating siya sa punong kalsada, maraming sasakyan ang kanyang pinahinto upang isakay ang kanyang mga may
sakit na anak ngunit wala ni isa sa mga ito ang tumigil. Maya-maya napansin niyang hindi na kumikilos ang kanyang
panganay. Para siyang sinakluban ng langit nang mabatid niyang hindi na ito humihinga. Umiiyak siyang nagpatuloy sa
pagtulak ng kariton para iligtas ang buhay ng natitira pa niyang dalawang anak. Maraming tao ang may pagkamanghang
nagmasid sa kanya, subalit wala kahit isa mang lumapiot upang tumulong. Tumalbug-talbog ang katawan ng kanyang
mga anak sa kariton habang nagdaraan ito sa mga lubak-lubak ng kalsada.
Pakiramdam niya’y isang daang taon na siya nang makarating sa pambansang ospital. Matapos ang pagtuturuan ng mga
doktor at narses na ang tinitingnan lamang ay mga pasyenteng mayayaman na wala naming sakit, binigyan din ng gamut
ang dalawang anak ni Pingkaw.
Nang gumabi’y namatay si Poray, ang pinakamatanda. Dalawang araw pa ang lumipas, sumunod namang namatay ang
bunso.
Nakarinig na naman ako ng kaguluhan. Muli akong dumungaw. Si Pingkaw na nagbalik, sinusundan na naman ng mga
pilyong bata.
“Hele-hele, tulog muna, wala ditto ang iyong nanay…” ang kanta niya, habang ipinaghehele ang binihisang lata
Alamat ng Isla ng Pitong Makasalanan

Noong unang panahon, isang matandang mangingisda at ang kanyang pitong anak na dalaga ang naninirahan sa isang tahanang
nakaharap sa baybayin ng Dagat-Bisaya. Ang kanilang tirahan ay nasa bayan ng Dumangas, isang bayang nasa gawing hilagang-
silangan ng lalawigan ng Iloilo na bahagi ng Isla ng Panay. Araw-araw makikita ang pitong dalagang masayang nagsasagawa ng
mga gawaing-bahay o kaya nama’y nasa dalampasigan at nagtatampisaw o masayang lumalangoy, naghahabulan, at
nagtatawanan. Tila sila mga nimpang kay gaganda habang nakikipaghabulan sa mga alon sa baybayin.

Ang kagandahan ng pitong dalaga ay bantog hindi lang sa kanilang bayan kundi maging sa malalayong lugar. O kaya naman,
hindi kataka-takang ang kanilang tahanan ay dinarayo ng maraming binatang naghahangad na makuha ang kamay ng isa sa mga
dalagang napupusuan. Mahal na mahal ng ama ang mga anak at ang labis niyang ikinatatakot ay ang makapag-asawa ang
sinuman sa kanyang mga dalaga ng mga lalaking maaaring maglayo sa kanya. “Sana, kung makakahanap man ng
mapapangasawa ang aking mga anak ay tagarito lang sa aming isla upang hindi sila mapalayo sa akin,” ang naibubulong ng ama
sa sarili habang pinagmamasdan ang kanyang mga anak na abala sa mga gawaing bahay.

Isang araw nga ay isang pangkat ng makikisig na binatang mangangalakal ang dumating sa kanilang bayan. Nabalitaan din pala
ng mga binata ang kagandahan ng mga dalaga kaya’t nagsadya sila sa bayang iyon hindi lang para sa kanilang mga kalakal kundi
para makilala rin ang mga dalaga. Sakay sila ng magagara at mabibilis na bangka.

Mamahaling regalo ang ibinigay ng mga bisita sa mga dalaga. Naging mabilis ang pagkakaunawaan ng pitong dalaga at ng pitong
binatang estranghero. Inanyayahan nilang magtungo sa kanilang bayan ang pitong dalaga na agad namang nagsipayag.

Subalit hindi naging madali ang paghingi nila ng pahintulot sa kanilang ama. “Hindi n’yo pa kilala nang lubusan ang mga
bianatang iyan. Bakit kayo sasama? Hindi ako papaya.” Ang matigas na wika niya kahit pa nagpupumilit ang kanyang mga anak
na sumama sa mga binata.

Isang araw, habang nasa dagat at nangingisda ang ama ay gumawa ng isang mapangahas na pasya ang mga dalaga. “Sasama
ako sa aking kasintahan, sa ayaw at sa gusto ni Ama,” ang wika ng panganay na si Delay.

“Ako man, ako man,” ang sunod-sunod na sabi ng iba pang dalaga. Sinamantala ng magkakapatid ang pag-alis ng ama upang
mangisda. Bitbit ang kani-kanilang mga pansariling gamit ay sumakay ang mga suwail na anak sa tatlong bangkang dala ng mga
binata palayo sa kanilang tahanan.

Nang sila’y nasa bahagi na ng baybayin ng Guimaras kung saan nangingisda ang kanilang ama ay natanaw niya ang tatlong
bangka ng mga estranghero lulan ang kanyang pitong anak na dalaga. Buong lakas na sumagwan ang ama para mahabol ang
kanyang pinakamamahal na mga anak subalit lubhang mabagal ang kanyang maliit na bangka kompara sa makabagong bangka
ng mga estranghero kaya hindi na niya nahabol ang mga anak.

Buong pait na lumuha at nagmakaawa ang ama sa kanyang mga anak. “Mga anak, huwag kayong umalis. Bumalik kayo!, ang
walang katapusang pagsigaw at pagmamakaawa ng ama habang patuloy siya sa paggaod subalit hindi siya pinakinggan ng
walang turing niyang mga anak. Laylay ang mga balikat sa matinding pagod sa paggaod at sa labis na kalungkutan sa paglisan ng
kanyang mga anak, walang nagawa ang matanda kundi lumuha nang buong kapaitan. Wari’y nakidalamhati sa kanya maging
mga kalangitan sapagkat ang maliwanag na sikat ng araw ay biglang naparam at sa halip ay napalitan ng pagdilim ng
himpapawid. Gumuhit ang matatalim na kidlat na sinabayan ng malalakas na dagundong ng kulog. Biglang pumatak ang
malakas na ulan kaya’t walang nagawa ang matanda kundi umuwi na lamang.

Sa kanyang pag-uwi ay isang napakatahimik at napakalungkot na tahanan ang kanyang dinatnan. Hindi napigil ng matanda ang
muling pagluha nang masagana. Wari’y sinasabayan din ng malalakas na patak ng ulan sa bubungan ng kanyang ulilang tahanan
ang walang katapusang pagluha ng kaawa-awang matanda. Labis-labis ang kanyang kalungkutan at pangungulila sa kanyang
mga anak. Sa kabila ng ginawa ng mga suwail na anak ay ang kanila pa ring kaligtasan ang inalala ng ama lalo pa’t masamang
panahon ang kanilang nasalubong sa paglalakbay.

Kinaumagahan, indi pa sumisikat ang araw ay pumalaot na ang matanda. Inisip niyang maaaring sumilong ang bangka ng mga
estranghero dahil sa sama ng panahon nang nagdaang gabi. Baka sakaling mahabol niya pa ang kanyang mga anak. Subalit
anong laking pagtataka niya nang siya’y nasa laot na. Nakatanaw siya ng maliliit na islang tila isinabog sa gitna ng laot sa pagitan
ng kanilang isla ng Dumangas at isla ng Guimaras. Sa lugar na ito siya nangisda kahapon at alam na alam niyang walang mga
islang tulad nito sa lugar nang nagdaang araw.
Kinabahan ang matanda at kasabay ng mabilis na pagtibok ng kanyang puso ang mabilis niyng paggaod papunta sa mga
mumunting isla. Anong laking panlulumo niya nang makita ang nagkalat na bahagi ng bangkang sinakyan ng kanyang mga anak
na nakalutang sa paligid. Binilang niya ang mumunting isla. Pito! Pito rin ang kanyang mga anak na dalaga. Humagulgol ang
matanda. Parang nahulaan na niya ang nangyari. Nalunod ang kanyang mga anak nang ang sinasakyan nilang mga bangka ay
hinampas ng malalakas na along dala ng biglang pagsama ng panahon kahapon at sumadsad sa mga korales at matatalas na
batuhan kaya nagkahiwa-hiwalay ang mga ito.

Ang mga mumunting isla ay tinawag na Isla de los Siete Pecados o Mga Isla ng Pitong Makasalanan. Ito ay bilang pag-alala sa
pagsuway at kasalanng nagawa ng pitong suwail na dalaga sa kanilang mapagmahal na ama.

You might also like