You are on page 1of 4

Si Pinkaw

(Maikling Kuwentong Hiligaynon)

Isabelo S. Sobrevega

Naalimpungatan ako sa pagtulog nang hapong iyon sa sigawan at nanunuyang tawanan ng mga bata sa kalsada.
Dali-dali akong bumangon, nagpahid ng pawis at dumungaw sa bintana. Si Pinkaw pala na sinusundan ng mga
bata. Gula-gulanit ang kanyang damit na ilang ulit nang tinagpian at may medyas ang isang paa na ewan kung asul
o berde. Malayo siya kaya’t di ko makita nang mabuti. Sa kabilang binti, may nakataling pulang papel de Hapon na
may kabit na lata sa dulo. Sa kanyang ulo, may nakapatong na palara na kumikinang tuwing tinatamaan ng sinag
ng araw.

“Hoy, Pinkaw,” sigaw ng isang bata na nakasundong abot sa tuhod at may itinatawing-tawing sa daga.

“Sige nga, kumanta ka ng blak is blak.”

“Ay, hiya ako,” nag-aatubiling sagot ng babae, sabay subo sa daliri.

“Kung ayaw mo, aagawin namin ang anak mo,” nakangising sabat ng pinakamalaki sa lahat, mahaba ang buhok at
nakakorto lamang. At umambang aagawin ang karga ni Pinkaw. Umatras ang babae at hinigpitan pa ang yapos sa
kanyang karga.

“Sige agawin natin ang kanyang anak,” sabi nilang pahalakhak habang pasayaw-sayaw na pinalilibutan si Pinkaw.
Maya-maya’y nakita kong lumuhod si Pinkaw sa lupa at nag-iiyak na parang bata.

“Huwag niyo namang kunin ang anak ko. Isusumbong ko kayo sa meyor.”

Patuloy pa rin ang panunudyo ng mga bata kahit na lumakas ang hagulhol ni Pinkaw. Nakadama ako ng pagkaawa
kay Pinkaw at pagkainis sa mga bata. Kaya’t sumigaw ako para takutin sila.

“Hoy mga bata, salbahe n’yo! Tigilan n’yo ang pagtukso sa kanya.”

Ewan kung sa lakas ng pagsigaw ko’y natakot ang mga batang isa-isang nag-aalisan. Pagkaalis nila, tumingala si
Pinkaw sa akin at nagsabi:

“Meyor, kukunin nila ang aking anak.”

Hindi ko mapigilan ang aking pagngiti. May koronel, may sergeant, may senador siyang tawag sa akin. Ngayon
meyor na naman.

“O sige, hindi na nila kukunin yan. Huwag ka nang umiyak.”

Ngumiti siya sa akin. Inihele ang kanyang karga. Nahulog ang basahang ibinalot sa lata ng biskwit. Dali-dali niya
itong pinulot at muling ibinalot sa lata.

“Hele, hele tulog muna, wala dito ang iyong ina…” ang kayang kanta habang ang lata’y ipinaghele at siya’y patiyad
na nagsasayaw. Natigilan ako. At naalala ko ang Pinkaw na dati naming kapitbahay sa tambakan, nang hindi pa
siya ganito. Ang paghahalukay ng basura ang kanyang hanapbuhay (sa amin ang tambakan ng syudad) at dito
nagmumula ang kanyang makakain, magagamit o maipagbili. Madalas siyang umawit dati-rati. Hindi naman
kagandahan ang kanyang tinig -basag at boses-lalaki. Subalit kung may ano itong gayuma na bumabalani sa
pandinig. Ewan kung dahil sa tila malungkot na tinig ng kanyang paghehele o kung dahil sa pagtataka sa kanyang
kasiyahan gayong isa lamang siyang naghahalukay ng basura.

Kadalasan, oras na ng pananghalian kung siya’y umuwi mula sa tambakan. Ang kariton niya’y puno ng kartong
papel, bote, mga sirang sapatos, at sa loob ng bag na buri  na nakasabit sa gilid ng kanyang kariton, makikita mo
ang kanyang pananghalian. Ito’y mga tira-tirang sadinas, karne norte o kaya’y pork and beans , pandesal na
kadalasa’y nakagatan na at kung minsan, kung sinuswerte, may buto ng fried chicken na may lamang nakadikit. Sa
kanyang yayat na katawan masasabing tunay na mabigat ang kanyang tinutulak, ngunit magugulat ka, tila
nagagaanan siya at nakakakanta pa ng kundimang Bisaya.

Pagdating niya sa harap ng kanilang barung-barong, agad niyang tatawagin ang kanyang mga anak:

“Poray, Basing, Takoy, nandito na ako.” At ang mga ito’y dali-daling magtatakbuhan pasalubong sa kanya habang
hindi makaringgan sa pagtatanong kung may uwi ba raw siyang dyens na estretsibol; ano ang kanilang
pananghalian, nakabili ba raw siya ng bitsukoy?

Dalawang taon kaming magkapitbahay ngunit hindi ko man lamang nalaman ang kanyang tunay na pangalan.
Pinkaw ang tawag ng lahat sa kanya, b’yuda na s’ya. Namatay ang kanyang asawa sa sakit ng epilepsy habang
dinadala niya sa kanyang sinapupunan ang bunsong anak. Samantala, si Pisyang Tahur ay sumusumpa sa kanyang
paboritong santo na hindi raw kailanman nakasal si Pinkaw. Iba-iba raw ang ama ng kanyang tatlong anak. Ang
kanyang panganay, si Poray, ay labis na mataas para sa kanyang gulang na labintatlong taon at masyadong payat.
Tuwing makikita mo itong nakasuot ng estretsibol na dala ng ina mula sa tambakan, maaalala mo agad ang
panakot-uwak sa maisan. Si Basing, ang sumunod, sungi ngunit mahilig pang pumangos ng tubo gayong umaagos
lamang ang katas sa biyak ng kayang labi. Ang bunsong ewan kung tatlong taon pa lamang ay maputi at
guwapung-gwapo. Ibang-iba sa kanyang mga kapatid kaya kung minsa’y naisip mong totoo nga ang sinasabi ni
Pisyang Tahur.

Pagkatapos mananghalian, aalisin na ni Pinkaw ang mga laman ng kariton, ihihiwalay ang mga lata, mga bote, mga
kariton at iba pang nakalagay rito na napulot sa tambakan katulong ang kayang mga anak. Kinasanayan na ni
Pinkaw na umawit habang gumagawa. Kung minsan, sumasabay ang kanyang mga anak at ang sungi ang siyang
may pinakamataas na tinig,. Pagkatapos, itutulak na niya ang kariton patungo sa Tsino na tagabili.

Talagang mahal ni Pinkaw ang kanyang mga anak. Sa tambakan, karaniwang makikita mo na sinasaktan ng mga
ina ang kanilang mga anak, ngunit hindi mo man lamang makikita si Pinkaw na inaambahan ang kanyang mga
anak.

“Ang mga bata,” nasabi niyang minsang bumili siya ng tuyo sa talipapa at nakitang pinapalo ng isang ina ang maliit
na anak na nahuli nitong tumitingin sa malalaswang larawan, “hindi kailangang paluin, sapat nang turuan sila nang
malumanay. Iba ang batang nakikinig sa magulang dahil sa paggalang at pagmamahal. Ang mga bata, kung saktan,
susunod sa iyo subalit magrerebelde at magkimkim ng sama ng loob.”

Sa tunggalian ng pamumuhay sa tambakan , ang isang tao’y handang tumapak sa ilong ng kapwa tao  upang
mabuhay lamang. Nakapagtataka ang katangian ni  Pinkaw. Lubha siyang matulungin lalo na sa katulad niyang
naghahalukay lamang ng basura. Madalas siyang tumutulong sa pagtutulak ng kariton ng iba lalo na ng mga bata
at matatanda. Sinasabi rin na sa pagsisimba niya tuwing Linggo hindi kukulangin sa piseta  (biente sentimos) ang
kayang ipinamamahagi sa mga nagpapalimos. Alam ng lahat sa tambakan ang pangyayaring ito. Minsan,
nagkasakit ng El Tor ang sunging anak ni Pinkaw. Nagtungo ang babae sa suking Tsino. Nakiusap na pautangin siya.
Magpapahiram naman daw ang Tsino ngunit sa isang kondisyon. Bukambibig na ang pagkagahaman sa babae ng
Tsino na ito: pinagdugtung-dugtong ng mga taga-tambakan kung ano ang kondisyong iyon sapagkat wala naman
talagang nakasaksi sa pag-uusap ng dalawa. Nalaman na ng lahat ang mga naganap; ang pagkabasag ng kawali na
inihambalos ni Pinkaw sa ulo ng Tsino.

Hindi rin nadala ni Pinkaw ang kanyang anak sa doktor. Pag-uwi niya, naglaga siya ng dahon ng bayabas at
ipinainom sa anak. Iyon na lamang ang nakapagpabuti sa bata.

“Nagpapakita rin na may awa ang Diyos. Kung ninais Niyang mamatay ang aking anak, sana’y namatay na. Ngunit
dahil naisip pa Niyang mabuhay ito, nabuhay rin kahit hindi naipadoktor,” ang sabi ni Pinkaw nang magpunta siya
sa talipapa bago pa man gumaling ang kanyang anak.

Minsang nag-uusap ang mga nagsisipagtipon sa talipapa tungkol sa bigas relip, at iba pang bagay na ipinamimigay
ng ahensya na nangangalaga sa mga mahihirap. Sumabat si Pinkaw na nagkataong naroroon, “Bakit iaasa ko pa sa
ahensya ang aking pamumuhay?

Malusog at masigla pa naman ako sa pagtutulak ng aking kariton upang tulungan. Marami pa riyang iba na higit na
nararapat tulungan. Ang hirap lang sa ating pamahalaan, kung sino ang dapat tulungan ay hindi tinutulungan.
Ngunit ang ibang mabuti naman ang pamumuhay, sila pa ang nakatatanggap ng tulong. Kabaliwan…”

Iyan si Pinkaw. Kontento na siya sa kanyang naabot sa buhay. Naganap ang sumunod na pangyayari kay Pinkaw
nang ako’y nasa bahay ng aking kapatid na may sakit. Isinalaysay ito ng aking mga kapitbahay pagbalik ko, at
matinding galit ang aking nadama.

Isang araw, matapos silang mag-agahan ng kaynang mga anak, bigla na lamang namilipit ang mga bata sa sakit sa
tiyan. Ewan kung dahil sa sardines o sa kung ano mang panis na kanilang nakain.

Natuliro si Pinkaw. Nagsisigaw. Tumakbo siya sa mga kapitbahay upang humingi ng tulong. Ngunit wala silang
maitulong maliban sa pagsabihan siyang kailangan dalhin ang mga anak sa ospital.

Walang nagdaraang mga saasakyan sa kalyehon  kaya sa kariton isinakay ni Pinkaw ang kanyang mga anak.
Nagtungo siya sa bahay ng isang doktor na malapit lamang, ngunit wala ang doktor at naglalaro ng golp, ayon sa
katulong.

Itinulak niyang muli ang kariton at nagpunta sa bahay ng isa pang doktor. Matagal siyang tumimbre nakita niyang
may sumisilip-silip sa bintana.

Kaya naguguluhang itinulak na naman ni Pinkaw ang kanyang kariton papuntang bayan. May doktor doon ngunit
wala namang gamut para sa nalason.

Halos hindi makakilos sa pagod si Pinkaw, bukod pa sa kanyang lubhang pagkalumbay sa pagiging maramot ng
kapalaran. Ipinagpatuloy niya ang pagtulak ng kariton.

Nang makarating siya sa punong kalsada, maraming sasakyan ang kanyang pinahinto upang isakay ang kanyang
mga may sakit na anak ngunit wala ni isa sa mga ito ang tumigil. Maya-maya napansin niyang hindi na kumikilos
ang kanyang panganay. Para siyang sinakluban ng langit nang mabatid niyang hindi na ito humihinga. Umiiyak
siyang nagpatuloy sa pagtulak ng kariton para iligtas ang buhay ng natitira pa niyang dalawang anak. Maraming
tao ang may pagkamanghang nagmasid sa kanya, subalit wala kahit isa mang lumapit upang tumulong. Tumalbug-
talbog ang katawan ng kanyang mga anak sa kariton habang nagdaraan ito sa mga lubak-lubak ng kalsada.

Pakiramdam niya’y isang daang taon na siya nang makarating sa pambansang ospital. Matapos ang pagtuturuan
ng mga doktor at narses na ang tinitingnan lamang ay mga pasyenteng mayayaman na wala namang sakit,
binigyan din ng gamut ang dalawang anak ni Pinkaw.

Nang gumabi’y namatay si Poray, ang pinakamatanda. Dalawang araw pa ang lumipas, sumunod namang namatay
ang bunso. Nakarinig na naman ako ng kaguluhan. Muli akong dumungaw.

Si Pinkaw na nagbalik, sinusundan na naman ng mga pilyong bata. “Hele-hele, tulog muna, wala dito ang iyong
nanay…” ang kanta niya, habang ipinaghehele ang binihisang lata

You might also like