Professional Documents
Culture Documents
Tinuruan siya ng isang pribadong guro mula 1883 hanggang 1887; pagkatapos ay
pumasok siya sa San Juan de Letran kung saan siya nagtapos sa sekondarya noong
1889. Namatay ang kanyang ina sa sakit na tuberkulosis noong 1893, bago siya
nagtapos ng summa cum laude sa kursong Bachelor of Arts sa Unibersidad ng Sto.
Tomas (UST) noong 1894. Noong 1898, ang kanyang amang si Lucio at kapatid na si
Pedro ay tinambangan at pinatay ng mga armadong kalalakihan noong pauwi sila ng
Baler galing ng Nueva Ecija, dahil sa kanilang katapatan sa pamahalaang Espanyol.
Nag-aral si Quezon ng abogasya sa UST, ngunit pansamantalang natigil ito nang
sumiklab ang Digmaang Pilipino-Amerikano. Sumanib si Quezon sa kilusang
rebolusyonaryo at nagsilbi bilang aide-de-camp ni Emilio Aguinaldo mula 1899
hanggang sa nabihag si Aguinaldo ng mga Amerikano noong 1901. Pagkatapos ng
digmaan, tinapos niya ang kursong abogasya sa UST at nakakuha siya ng pang-apat
na puwesto sa Bar Exams noong 1903. Nagtrabaho muna siya bilang isang clerk at
surveyor bago naglingkod sa gobyerno bilang fiscal ng Mindoro noong ika-19 ng
Setyembre, 1903, at di kalaunan ay naging fiscal siya ng Tayabas noong Marso 1904.
Sa maikling panahong fiscal siya ng Tayabas, naghain siya ng 25 na kasong estafa
laban kay Frank J. Berry, isang impluwensiyal na abogado at manlilimbag na
Amerikano, bago siya nagbitiw sa tungkulin noong Nobyembre 1904 at pumasok sa
private practice mula 1904 hanggang 1906.
Noong ika-13 ng Hulyo 1906, ibinaba ng Korte Suprema ang hatol sa kasong U.S. vs.
Querijero (G.R. No. L-2626), na nagsasabing noong pinatay ang ama at kapatid ni
Quezon, ang mga salarin ay mga sundalong rebolusyunaryong lumalaban sa Espanya
at ang pagpaslang ay alinsunod sa utos ng nakatataas na opisyal at ginawa para sa
mga layunin ng himagsikan.
Pulitika
Noong ika-9 ng Disyembre, 1918, naglayag si Quezon patungong Amerika bilang pinuno
ng unang Independence mission sa Kongreso ng Estados Unidos. Dumaan muna siya
ng Hongkong, kung saan pinakasalan niya ang kanyang pinsang-buo na si Aurora
Aragon y Molina noong ika-17 ng Disyembre. Sila ay biniyayaan ng apat na supling, si
Maria Aurora (“Baby”) (1919-1949); Maria Zeneida (“Nini”) (1921-); Luisa Corazon Paz
(“Nenita”) (1923-1923); at Manuel L., Jr. (“Nonong”) (1926-1998).
Matapos naihalal si Warren Harding bilang Pangulo ng Estados Unidos noong 1920, si
Francis Burton Harrison ay pinalitan ni Leonard Wood bilang Gobernador-Heneral ng
Pilipinas. Si Gobernador-Heneral Wood ay nagpairal ng mga patakarang sa paningin ng
mga Pilipino ay masyadong marahas. Noong 1923, panahon ng pangangampanya para
sa espesyal na halalan para sa ikaapat na senatorial district (sakop ang Manila at mga
karatig-lalawigan), si Jose P. Laurel, na noo’y Kalihim ng Kagawarang Panloob, ay
nagbitiw sa tungkulin bilang protesta sa aniya’y pangingialam ni Wood sa kanyang
kagawaran. Ang Partido Democrata, na siyang nasa oposisyon, ay nangako namang
makikipagtulungan kay Wood. Tinawag ni Quezon na Americanistas ang Partido
Democrata. Ayon sa kanya, ang isang boto para sa kandidato ng partidong iyon ay isang
botong laban sa kasarinlan ng Pilipinas, at ika pa niya’y: “Mas gugustuhin ko pa ang
isang bayang pinamahalaang parang impiyerno ng mga Pilipino, kaysa sa isang bayang
pinamahalaang parang langit ng mga Amerikano, sapagkat gaano man kasama ang
isang pamahalaang Pilipino ay magagawa nating baguhin.”
Noong 1931, ang Misyong OsRox na pinamunuan nina Sergio Osmena at Manuel Roxas
ay tumungo ng Estados Unidos upang isulong ang hangaring kasarinlan. Iniuwi nila ang
Batas Hare-Hawes-Cutting, na mariin namang tinutulan ni Quezon sa dahilang
naglalaman ito ng kondisyong mananatili pa rin sa Pilipinas ang mga base militar ng
Amerika matapos maipahayag ang kasarinlan. Bagamat ang Batas Hare-Hawes-Cutting
ay naaprubahan na ng Kongreso ng Estados Unidos, ito ay ibinasura naman ng
Lehislatura ng Pilipinas noong Oktubre 1933. Pagdating ng Nobyembre 1933, tumulak
na si Quezon patungong Washington. Iniuwi niya noong 1934 ang Batas Tydings-
McDuffie, na hindi na naglalaman ng kondisyon ukol sa mga base militar ng mga
Amerikano, at ito ay inaprubahan ng Lehislatura ng Pilipinas.
Pagka-Pangulo
Mula 1901 hanggang 1935, bagamat isang Pilipino ang palaging nahihirang bilang
Punong Mahistrado, mga Amerikano ang karamihan sa mga miyembro ng Mataas na
Hukuman (Supreme Court). Ang ganap na Pilipinisasyon ng Hukuman ay nakamtan
lamang nang itatag ang Commonwealth ng Pilipinas noong 1935, nang si Quezon,
bilang Presidente, ay mabigyan ng kapangyarihan upang maghirang ng kauna-unahang
Mataas na Hukuman na ang lahat ng miyembro ay Pilipino. Kabilang sa mga unang
itinalaga ni Quezon upang pumalit sa mga Amerikanong mahistrado ay sina Claro M.
Recto at Jose P. Laurel. Ang bilang ng miyembro ng Hukuman ay dinagdagan at
ginawang labing-isa: isang Punong Mahistrado at sampung Katulong na Mahistrado, na
umupo ng en banc o di kaya sa dalawang Sangay na may tiglilimang miyembro.
Noong 1935, ang dating Chief of Staff ng Estados Unidos na si Heneral Douglas
MacArthur, na matagal nang kakilala ni Quezon, ay bumalik sa Pilipinas bilang tagapayo
ng Commonwealth tungkol sa sandatahan. Naatasan si MacArthur upang bumalangkas
ng isang national defense plan at upang itatag at sanayin ang Hukbong Sandatahan ng
Pilipinas. Nang magretiro si MacArthur sa Sandatahan ng Estados Unidos noong 1937,
kaagad na inalok siya ni Quezon ng isang posisyon bilang Field Marshal.
Noong 1936, inilabas ni Quezon ang E.O. No. 23, na naglalaman ng technical
description at detalyadong espisipikasyon ng watawat ng Pilipinas.
Noong ika-12 ng Oktubre, 1939 naman, nilagdaan ni Quezon ang Batas Commonwealth
502, na lumikha ng isang lungsod sa Diliman, na nasa dakong labas ng Manila. Ang
lungsod na kanyang itinatag at pinagyaman upang maging kabisera ng bansa, kalaunan
ay ipinangalan sa kanya – ang Lungsod ng Quezon.
Ika-14 ng Hunyo 1942, sa White House sa Washington D.C., nang lagdaan ni Quezon
ang United Nations Declaration sa ngalan ng Pilipinas. Ito ang kauna-unahang
pagkakataon na ang watawat ng Pilipinas ay itinaas kasama ang watawat ng ibang mga
bansa, at bagamat isa lamang Commonwealth ay kinilala na ng ibang bansa sa pag-
asang makakamtan din nito ang ganap na kasarinlan.
Namatay si Quezon sa sakit na tuberculosis noong ika-1 ng Agosto 1944 sa Saranac
Lake, New York. Una siyang inilibing sa Maine Memorial sa Arlington National Cemetery
sa Washington D.C., pagkatapos ay hinukay muli ang kanyang mga labi at isinakay sa
USS Princeton, at muling inilibing sa Manila North Cemetery noong ika-1 ng Agosto
1946. Kalaunan, ito ay inilipat sa Manuel Quezon Memorial Shrine, sa loob ng bantayog
sa Quezon Memorial Circle sa Lungsod Quezon, noong ika-19 ng Agosto 1979, araw na
sana’y kanyang naging ika-102 kaarawan.
Noong ika-23 ng Setyembre 1955, idineklara ni Pangulong Ramon Magsaysay ang ika-
13 hanggang ika-19 ng Agosto kada taon bilang Linggo ng Wika. Ang selebrasyon nito
ay palaging nagtatapos sa kaarawan ni Quezon, ang taong unang nagsulong ng
paglikha ng isang pambansang wika.
Noong ika-15 ng Enero 1997, idineklara naman ni Pangulong Fidel V. Ramos ang buong
buwan ng Agosto bilang Buwan ng Wika.
Ika-28 ng Abril 2005 nang iniutos ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na ang mga
labi ng dating Unang Ginang Aurora Aragon Quezon, na tinambangan at pinatay sa daan
patungong Bongabon sa Nueva Ecija noong ika-28 ng Abril 1949, ay hukayin sa dati
nitong pinaglibingan at ilibing muli sa Quezon Memorial katabi ng mga labi ng kanyang
asawang si Pangulong Manuel L. Quezon.