You are on page 1of 4

Pangalan: Aira Angela J. Domingo Guro: Bb. Christina C.

Salmorin
Seksyon: 11-HUMSS D
Proyekto sa Pagbasa at Pagsusuri
Ng Iba't Ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik
I. Pamagat: Ang Lisyang Edukasyon ng mga Pilipino (The Miseducation of the Filipino)

II. May-akda: Renato Constantino

Si Renato Constantino ay isang Pilipinong historyador at kilala bilang isang aktibista noong
panahon ng rehimeng Marcos kung saan nakaukit ang kaniyang pangalan sa "Wall of
Remembrance of the Philippines" sa Bantayog ng mga Bayani bilang pagkilala sa kaniyang mga
kontribusyon. Dati rin siyang nanilbihan sa United Nations (UN) at Department of Foreign
Affairs (DFA). Siya ang pinakabatang editor ng pahayagang "The Philippine Collegian" ng
Unibersidad ng Pilipinas. Nagsulat siya ng isang editoryal na umuusisa sa dating pangulong
Manuel Quezon. Ang "The Miseducation of the Filipino" o "Ang Lisyang Edukasyon ng mga
Pilipino" ay isa lamang sa kaniyang mga naisulat. Idagdag pa ang tatlumpung aklat na kaniyang
nailathala.

III. Epekto

A. Edukasyon
Ang Lisyang Edukasyon ng Pilipino ni Renato Constantino ay nagbubukas ng kamalayan at
oportunidad upang suriin nating muli ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas. Sa pamamagitan ng
kasaysayan ay inilarawan at ipinaliwanag niya ang epekto ng edukasyong-Amerikano sa ating
lipunan magpahanggang-ngayon kung saan dito nag-ugat ang kolonyal na mentalidad ng mga
Pilipino na nagbunga rin ng mga mamamayang walang damdaming makabayan. Isinusulong ng
artikulong ito ang isang mataas na kalidad ng edukasyon para sa mga Pilipino kung saan
binabasag nito ang kolonyal na edukasyong itinanim sa atin ng mga Amerikano. May posibilidad
ding maging daan ang akda ni Constantino upang kalampagin ang Kagawaran ng Edukasyon
maging ang pamahalaan na masupil ang lisyang na edukasyon ng mga Pilipino at lumikha ng
mga bagong programa at rebisyon ng isang edukasyong maka-Pilipino at hindi maka-dayuhan.
Ang hinaing ng manunulat ay may malaking epekto sa edukasyon yamang ito ang sentro ng
kaniyang akda at tinuturing na kasangkapan tungo sa isang mapagpabagong lipunan. Para kay
Constantino, ang edukasyon ay dapat tinatamasa ng bawat mamamayang Pilipino at lilikha ng
mga indibidwal na may malasakit, handang magpasakit, kumilos at magresolba ng suliranin ng
bansa. Sa madaling salita, magkakaroon ng malawakang epekto ang artikulo kung susubukang
suriin mabuti at pagnilayan. Ito'y malayo man sa nakasanayang kaisipan, ngunit may layuning
magbunga ang edukasyon ng mga mamamayang ang pananaw ay ayon sa pangangailangan ng
bayan at hindi ng dayuhan.

B. Pamahalaan
Ang akda ni Constantino ay nagmumungkahi ng reporma sa sistema ng edukasyon sa
Pilipinas at walang ibang may kayang gawin nang ganitong uri ng pagbabago kundi ang
pamahalaan. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng gobyerno lalong lalo na ang mga
mambabatas, isinaad ng artikulong ito na magiging epektibo ang edukasyon kung hindi ito
ibabase ng estado sa Kanluraning sistema yamang malaki ang agwat ng mga adhikain at
pangangailangan ng dalawang bansa. Maaring gamitin na sanggunian ng pamahalaan ang
artikulong ito upang makatulong sa pagpapalawig hindi lamang sa aspeto ng edukasyon kundi
pati pampulitika't pang-ekonomiya ng Pilipinas.

C. Komunidad
Malaki ang suliranin ng bansa pagdating sa wika na dulot ng kolonyal na edukasyong inihain
sa kanila ng estado. Nahihirapan ang masa na maging mahusay sa katutubong wika dahil ito'y
lubos na napabayaan habang napagtuunan ng pansin ang wikang Ingles. Ngunit sa kabila ng
pagsusulong ng wikang Ingles ay hindi rin maging magaling ang mga Pilipino rito sapagkat hindi
ito ang kanilang sinusong wika. Dahil dito, nagbubunga ito ng hindi pagkakaunawaan sa mga tao
at hindi lubusang paghubog ng kanilang kakayahan dahil ang wika ay mahalagang kasangkapan
ng kaisipan. Naglalayon ang artikulong ito na mapagbigkis ang komunidad bilang isang bansang
nagkakaisa upang matugunan ang problema ng bansa sa pamamagitan ng pagwawasto sa
nakaugaliang patakarang edukasyon sa kasalukuyan.

D. Pamilya
Simula nang magpadala ang mga Amerikano ng mga guro galing sa Estados Unidos o kilala
sa tawag na Thomasites, bukod sa sapilitang paggamit ng wikang Ingles ay itinuro rin nila ang
kanilang paraan ng pamumuhay. Itinanim sa mga Pilipino na ang ating bansa ay pang-
agrikultural lamang na nagbunga ng kaisipan na kolonyal kung saan dumepende ang mga
mamamayan sa pag-aangkat sa Amerika. Ipinakilala rin ng mga dayuhan ang kanilang kultura
gaya ng musika, uri ng pagkain, kasuotan at marami pang iba. Unti-unting iwinaksi ng mga
Pilipino ang kanilang kultura at nagpalamon sa bagong uri ng pamumuhay. Nakaapekto sa
pamilyang Pilipino ang lisyang edukasyon sapagkat ito ang nagtutulak sa kanila upang yakapin
ang itinuro ng mga dayuhan. Nagpasalin-salin na ito sa mga henerasyon at hindi nila napansin
ang mga bunga nito sa kanilang hanapbuhay, paniniwala at kultura. Naglalaho na ang
nasyonalismo at naipapasa ang kolonyal na mentalidad ng mga pamilyang naninikluhod sa
produkto at sa klase ng pamumuhay ng dayuhan.

IV. Kontribusyon

A. Edukasyon
Ang akda ng historyador na si Renato Constantino ay masusing pinag-aralan at ibinatay sa
katotohanan ng kasaysayan ng Pilipinas. Ito ay pangunahing tumutugon sa suliranin ng
edukasyon ng bansa yamang iminumungkahi nito ang isang makabayang pag-aaral para sa lahat
ng mamamayan. Ang kritikal na artikulo ay hamon para sa pamahalaan at Kagawaran ng
Edukasyon na muling suriin at palaguin ang kalidad ng pag-aaral na lumilikha ng mga Pilipinong
hindi inihubog sa kolonyal na sistema bagkus ay sa maka-Pilipinong balangkas. Malaki ang
posibilidad ng doktrinang ito na rumesolba at maging isang pangmatagalang solusyon sa krisis
na nararanasan ng mga mamamayan sa kahit na anong sektor ng lipunan. Sa pamamagitan ng
reporma sa sistema, ang edukasyon ay hindi lang magiging simpleng pangangalap ng
impormasyon bagkus ay proseso ng paghubog sa mga tao upang mahusay nilang magampanan
ang kanilang papel sa lipunan. Maidadagdag din sa kontribusyon nito sa edukasyon ang muling
pagsasabuhay ng katutubong wika at pansariling kultura at mga produkto. Magbubunga rin ang
isang maka-Pilipinong balangkas na edukasyon ng maunlad na ekonomiya.
B. Pamahalaan
Taun-taong nakatatanggap ng pinakamalaking porsyento sa pondo ang sektor ng edukasyon
mula sa pamahalaan sapagkat naniniwala ang gobyerno na malaking kasangkapan ang
edukasyon upang umunlad ang bansa. Sa pamamagitan ng pagwawasto ng lisyang na edukasyon
ng mga Pilipino, maisasalin ng estado ang edukasyon bilang produktibong sangkap sa
ekonomiya. Maraming mga Pilipino ang napipilitang mangibang bansa dahil sa kakulangan ng
sahod sa Pilipinas ngunit kung maisusulong ang edukasyong maka-Pilipino na naglalayon at
nagmumulat sa pagiging makabayan na nakaugnay sa pangkasalukuyang lagay ng lipunan, maari
itong maging gamot upang hilumin ang sakit ng bansa sa kawalan ng trabaho at lumikha ng
nasyonalismo sa masa. Sa ganoong paraan ay tinutulungan ng pamahalaan na ang salaping
inilalaan sa edukasyon ay hindi mapakikinabangan ng ibang lahi kundi ng sariling bayan.

C. Komunidad
Sa loob ng daan-daang taong pananakop ng mga dayuhan sa Pilipinas, bakas na bakas sa uri
ng pamumuhay ng mga Pilipino ang mga namanang kultura at tradisyon gayundin ang epekto
nito sa hanapbuhay ng mga tao. Magpahanggang ngayon ay ikinakahon ang bansa at ang
mamamayan nito sa doktrinang itinanim ng mga mananakop. Ang naturang akda ni Constantino
ay isa sa magiging hakbang upang matulungan ang Komunidad na kumawala sa patakarang
kolonyal. Ang artikulo ay nasa panig ng masa yamang itinataguyod nito ang mataas na kalidad
ng edukasyon na karapatang matamasa ng mga mamamayan upang mapaunlad hindi lamang ang
sarili kundi ang bayan.

D. Pamilya
Mapuputol na ang pagsasalin-salin ng kolonyal na mentalidad sa mga tahanan at
mabibigyang pagkakataong muli ang katutubong kaisipan at kultura na maisabuhay ng
pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng pagwawaksi sa Kanluraning edukasyon. Maaring
itinanim sa atin daang taon na ang nakalilipas ang ibang uri ng pamumuhay ngunit hindi pa huli
ang lahat upang sagipin ang identidad ng mga Pilipino at ito'y magiging matagumpay kung
maisasagawa ito hindi lang sa paaralan kundi pati sa pamilya na pangunahing pamantayan na
bumubuo sa lipunan.

V. Repleksyon

Kilala ang Pilipinas bilang isang bansang nagdusa sa maraming delubyo, ito'y isang
mahabang nobela ng pakikidigma tungo sa kalayaan. Maaring nawasak ng dayuhan hindi lang
ang mga estruktura kundi maging sariling kaluluwa nito. Isa sa mga napagtanto ko mula sa akda
ni Constantino ay ngayon pa lang tuluyang nagsisimula ang mga pahina nito sa panibagong
yugto tungo sa kasarinlan. Mula sa pagkawasak sa mga mananakop, ang bayang ito'y dapat nang
magtanim sa pamamagitan ng sarili niyang kasangkapan.

Una, kailangan nitong magbungkal ng lupa mula sa kaniyang kasaysayan. Sa paghuhukay


nang malalim ay matutuklasan niya ang sariling karumihan at kung uusisain ay maihihiwalay
niya ang dapat nang itapon at ang kailangan niya sa paglago. Mula sa katotohanan ay aaralin at
susuriin niya ang nakaraan hindi para yakapin ang ibang kalupaan kundi hanapin ang sariling
pagkakakilanlan.
Ang pangalawang hakbang ay ipupunla na niya ang binhi, ang pag-asa ng bayan—kabataan.
Sa pamamagitan ng lakas-paggawa at sa wastong edukasyong nakatanim sa kanila, sila ang
magsisimula ng masaganang bunga ng kinabukasan.

Ang malagong halaman ay kinakailangang diligan at alagaaan sapagkat ito'y mapapabayaan


kung hindi maayos na pinamumunuan. Malaki ang papel ng mabuting pamahalaan sa paghubog
ng isang bayan. Kung nanakawin ng hardinero ang tubig na para sana sa binhi nito, magiging
uhaw at mamamatay ang isang halaman.

Hindi magtatagal at magkakaroon ng ugat at tangkay ang binhi na manggagaling sa tulong ng


araw at pataba, kakailanganin niya ng pagkakaisa. Ang bayan ay hindi kailanman magiging
matagumpay kung wala ang tulong ng masa.

Maitatanim lamang natin ito kung maiwawasto ang edukasyon para sa mga mamamayan at
hindi habambuhay na bubulagin sa lisyang kaisipan para lamang sa benepisyo ng naghahari-
harian sa lipunan. Mula sa akdang ito, natutunan kong maging mas kritikal sa lagay at
pangangailangan ng panahon. Bilang isa sa mga binhi at pag-asa ng bayan, hindi lamang ito
magiging inspirasyon bagkus ito'y magiging isa sa mga sangkap upang palaguin hindi lang aking
sarili kundi maging ang bayan. Mula rito ay sisimulan ko nang magtanim sa sarili at gampanan
ang papel sa lipunan sapagkat ito'y tawag ng paghahanda.

You might also like