You are on page 1of 17

ANG RETORIKA AT MABISANG PAGPAPAHAYAG

Wika ang pangunahing instrumento ng tao sa kanyang pakikipagtalastasan. Hindi


maitatanggi na may mahalaga itong papel na ginagampanan sa ating buhay. Sa pamamagitan ng wika
ay naituturo ng magulang sa anak kung ano ang mabuti at masama. Wika rin ang ginagamit ng guro
sa paghubog ng isipan ng mga kabataan. Ito rin ang gamit ng isang manananggol sa pagsiwalat niya
ng katotohanan. Instrumento rin ang wika sa paghatid ng mga banal na salita ng Poong Maykapal.

Samakatwid, isang katotohanan na ang tama o maling paggamit ng wika ay maaaring


magbunga ng pagbabago sa isip, sa damdamin at maging sa gawi ng mga gumagamit nito.

Isang halimbawa na lamang ay ang patalastas ng isang sabong panlaba, “Wais na Misis” o kaya
nama’y “singputi ngunit di singmahal.” Ilan lamang ito sa mga linyang binigkas ng mga gumanap sa
nasabing patalastas. Sa pamamagitan ng mga salitang ginamit, maaaring mahikayat ang mga
manonood na tangkilikin ang ibinebentang produkto.

May mga pagkakataon naman na ang pahayag ay nagiging malabo sanhi na rin ng maling
pagpili at paggamit ng mga salita. Isang halimbawang sitwasyon ay ang patalastas ng isang inuming
pampalamig. Sa patalastas na ito, sinampal ng isang dalaga ang binatang nakasabay niya sa eleveytor
nang tanungin siya nito ng Nag-iinit ka na ba? (salin ng Are you in heat?) sa halip na Naiinitan ka na
ba?

Samakatwid, may taglay na kapangyarihan ang wika. Nasa tamang paggamit at pagpili ng
salita ang landas upang ang ninanais na pagkilos o pagbabago ay maisagawa. Taglay ng wika ang
kapangyarihan na lingunin ang kasaysayan, itaguyod ang kasalukuyan, tanawin at planuhin ang
kinabukasan.

Upang bigyang-katuparan ang lahat ng ito, kinakailangang maging mabisa ang paraan ng
pagpapahayag. Maaari itong mapag-aralan at matutuhan. Kung gayon, ang pag-aaral ng Retorika ay
kailangan.

Kahulugan
Ang Retorika ay isang mahalagang karunungan ng pagpapahayag na tumutukoy sa sining ng
maganda at kaakit-akit na pagsususulat at pagsasalita (Sebastian, 1967). Maaari ring sabihing ito ay
pag-aaral upang magkaroon ng kasiningan at kahusayan ang isang individwal sa pagpili ng mga
salitang gagamitin sa kanyang pagsusulat o pagsasalita kaya.

Nakukuha ng isang mahusay na tagapagsalita ang ating atensyon. Napapagana nito ang ating
guniguni, nabubuksan ang ating isipan at napapalaya ang ating damdamin.

Pansinin na lamang ang mga anawnser o broadcaster sa radio at televisyon. Napakarami nila.
Subalit sa tuwing magbubukas tayo ng radyo o televisyon ay may hinahanap tayong isang partikular
na tagapagbalita.
Maging sa larangan ng pagsulat ay ganoon din. Bakit nagiging paborito natin ang isang
partikular na awtor? Bakit nasisiyahan tayong basahin ang kanilang sulatin?

Taglay kasi nila ang kahusayan sa sining ng retorika. Kaya nilang manipulahin ang wika.
Sensitivo sila sa pagpili at paggamit ng mga salitang iaangkop sa gawaing pagsasalita o pagsusulat
kaya. Naibibigay ng retorika ang maingat na pagpili ng mga salita at maayos na pagbuo ng mga
pahayag.

Hindi totoo ang paniniwala na sadyang ipinanganak ang isang taong mahusay na sumnulat o
magsalita. Ang mga kasanayang ito ay maaaring mapag-aralan at matutunan. Makatutulong ang
retorika upang pandayin at linangin ang ating kahusayan at kasanayan sa pagsasalita at pagsusulat.
Layunin ng retorika na maging kaakit-akit at efectivo ang ating pagpapahayag.

Retorika Bilang Isang Sining


Katulad ng pag-awit, ang retorika ay isang sining. Sa pamamagitan ng mga simbolo na
maaaring pasalita o pasulat, lumilikha ito ng isang likhang-sining na may taglay na sariling halagang
estetiko na naiiwan o nagkakabisa sa ating kaisipan, damdamin at kasalanan. Isang sining ito na may
mga sumusunod na katangian:

1. Isang Kooperativong Sining

Hindi ito maaaring gawin nang nag-iisa. Ito ay ginagawa para sa iba sapagkat sa
reaksyon ng iba nagkakaroon ito nang kaganapan. Sa pamamagitan nito, kung
gayon,napagbubuklod ang tagapagsalita at tagapakinig o ang manunulat at
mambabasa.

2. Isang Pantaong Sining

Wika ang midyum ng retorika, pasalita man o pasulat. Dahil ang wika ay isang
ekslusivong pag-aari ng tao, ang retorika ay nagiging isang ekslusivo ring sining ng tao
at para sa tao.

3. Isang Temporal sa Sining

Ang retorika ay nakabatay sa panahon. Ang gumagamit nito ay nangungusap sa


lenggwahe ng ngayon, hindi bukas o kahapon. Ang iba pang sangkap ng retorika tulad
ng paksa at paraan ay laging naiimpluwensyahan ng kasalukuyang panahon. Baguhin
mo ang panahon at magbabago rin ang retorika.
4. Isang Limitadong Sining

Marami itong kayang gawin. Maaari nitong paganahin ang ating imahinasyon at
gawing posible ang mga bagay na imposible sa ating isipan. Ngunit sa realidad, hindi
lahat ng bagay ay magagawa nito. Ang retorika ay hindi Diyos na nakakapagpagalaw
ng bundok, nakakapagparami ng pagkain o nakapaghahati ng dagat. Samakatwid, kung
sa imahinasyon ay walang limitasyon ang retorika, sa realidad ay limitado ang kanyang
gawin nito.

5. Isang May-Kabiguang Sining

Hindi lahat ng tao ay magaling sa paghawak ng wika. Marami sa atin ang limitado
lamang ang kaalaman at kasanayan sa wika. Idagdag pa rito na ang wika ay likas na
komplikado. May mga tuntunin itong pabagu-bago at sadyang nakakalito. Bunga nito,
hindi lahat ng tao ay nagtatagumpay sa layunin sa lahat ng pagkakataon. Sa ilang mga
tao sa ilang mga okasyon, ang retorika ay nagiging isang frustrating na karanasan.

6. Isang Nagsusupling na Sining

Ang retorika ay nagsusupling ng mga kaalaman. Halimbawa, ang isang manunulat ay


nagsisimula sa isang ideya sa isipan at nagsusupling ng isang akda. Ang mambabasa
naman ay nagsisimula sa pagbabasa at nagbibinhi ng kaalaman sa kanyang isipan.
Walang hangganan ang pagsusupling at pagpapasa ng kaalaman sa pamamagitan ng
retorika hangga’t may nagsasalita at nakikinig, may nagsusulat at nagbabasa.

Ang Saklaw ng Retorika


Upang higit na maunawaan kung ano retorika, ipinakikita ng kasunod na ilustrasyon ang
saklaw nito:

Wika

Iba pang Sining


Larangan Retorika

Lipunan Pilosofiya
Mga Gampanin ng Retorika
Napakahalaga ng retorika sa buhay ng tao. Malaki at marami ang gampaning papel nito
sa atin. Ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod.

1. Nagbibigay-daan sa Komunikasyon

Ano man an gating iniisip o nadarama ay maaari nating ipahayag sa pasalita o pasulat
na paraan upang maunawaan ng ibang tao. Samakatwid, dahil sa retorika, ang dalawa o higit
pang tao ay nagkakaroon ng komunikasyon.

2. Nagdidistrak

Dahil sa pakikinig natin sa iba o sa pagbabasa natin ng mga akda, maaaring nadidistrak
ang ating isipan sa mga masasakit na realidad sa ating lipunan. Halimbawa, sa pakikinig ng
tula sa radyo o pagbabasa ng mga novela, pansamantala nating naitutuon ang ating atensyon
at konsentrasyon sa dulang pinakikinggan o novelang binabasa, malayo sa mga suliranin o
agam-agam na bumabagabag sa atin.

3. Nagpapalawak ng Pananaw

Sa tuwing tayo’y nakikinig o nagbabasa, maaaring may natutunan tayong bagong


kaalaman na mahalaga. Hindi nga ba’t sinasabing ang retorika ay isang sining na
nagsusupling at nagpapasa ng mga kaalaman? Bunga nito, nagiging kapaki-pakinabang ang
retorika sa isang tao dahil sa pamamagitan nito, lumalawak ang pananaw niya sa buhay.

4. Nagbibigay-ngalan

Ang mga bagay-bagay sa ating paligid ay dumating i ipinanganak nang walang leybel.
Dahil sa retorika, halimbawa, ang isang kamera ay naging Kodak, ang isang toothpaste ay
naging Colgate, ang isang gasolinahan ay naging Caltex, ang isang kotse ay naging Toyota at
ang isang kalye ay nagging E.D.S.A.

5. Nagbibigay-kapangyarihan

Dahil sa retorika, napakaraming tao ang nagging prominente at makapangyarihan.


Ang mga pulitiko, halimbawa, ay nahahalal dahil sa kanilang husay sa pananalumpati. Si Ninoy
Aquino ay unang napatanyag dahil sa husay niya sa pagsusulat bilang isang peryodista noong
Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang mga matatalinong ideya, malalalim na paniniwala at
idyolohiya na naipahayag sa pamamagitan ng retorika ay pinagmumulan din ng mga
kapangyarihan at kalakasan. Kabilang na rito ang mga paniniwala, konsepto at teorya ng mga
sinaunang pilosopo at paham.
ANG BALARILA AT ANG RETORIKA
Ang ating pagpapahayag ay higit na magiging mabisa at kakit-akit kung wasto ang gamit ng
mga salitang nakapaloob dito. Ang isang nagsusulat o nagsasalita ay kailangang maging sensitivo sa
pagpili ng mga salitang gagamitin upang ang kanyang pagpapahayag ay maging malinaw at wasto.
Ang mga tuntuning pambalarila ay dapat niyang matutunan.

Balarila ang tawag sa agham na tumatalakay sa mga salita at sa kanilang pagkakaugnay-


ugnay. Mahalagang alam ng isang tagapagsalita at manunulat ang mga tuntuning nakapaloob dito.

Retorika naman ang tawag sa mahalagang karunungan ng pagpapahayag na tumutukoy sa


sining ng maganda at kaakit-akit na pagsasalita at pagsusulat.

Hindi maaaring paghiwalayin ang retorika at balarila. Ibinibigay kasi ng balarila ang wastong
gamit ng mga salita at ipinagkakaloob naman ng retorika ang kasiningan sa pagpapahayag.

Pagpili ng Wastong Salita


Ang pagiging malinaw ng pahayag ay nakasalalay sa mga salitang gagamitin. Kinakailangang
angkop ang salita sa kaisipan at sitwasyong ipahahayag. May mga pagkakataon na ang salitang tama
naman ang kahulugan ay lihis o hindi angkop na gamitin. Tingnan ang mga sumusunod na
halimbawa:

Mali:

1. Tanaw na tanaw na namin ang maluwag na bibig ng bulkan.


2. Bagay kay Ara ang kanyang makipot na bunganga.
3. Ginanahan sa paglamon ang mga bagong dating na bisita.
4. Maarte siya sa pagkain kaya hindi siya tumataba.

Tama:

1. Tanaw na tanaw na namin ang maluwag na bunganga ng bulkan.


2. Bagay kay Ara ang kanyang makipot na bibig.
3. Ginanahan sa pagkain ang mga bagong dating na bisita.
4. Mapili siya sa pagkain kaya hindi siya tumataba.

Tandaan din na sa ating wika ay maraming salita na maaaring pare-pareho ang kahulugan
subalit may kani-kanyang tiyak na gamit sa pahayag.

Halimbawa:
bundok, tumpok, pumpon, salansan, tambak,
kawangis, kamukha, kahawig
samahan, sabayan, saliwan, lahukan
daanan, pasadahan
aalis, yayao, lilisan
Wastong Gamit ng mga Salita

Kailangang taglaying ng mga pahayag ang kawastuhang pambalarila. May mga salita kasi
tayong ginagamit na ang akala natin ay maaaring malayang nagkakapalitan, ngunit hindi naman kung
ibabatay natin sa istriktong tuntuning pambalarila. Ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:

1. Nang at Ng

a. Ang nang ay karaniwang ginagamit na pangatnig sa mga hugnayang pangungusap at


ito ang panimula ng katulong na sugnay.

Halimbawa:

Mag-aral kang mabuti nang makapasa ka sa eksam.


Nagsisimula na ang programa nang dumating ang mga panauhin.
Magsikap tayo nang umunlad ang ating buhay.

b. Ang nang ay nagmula sa na at inaangkupan ng ng at inilalagay sa pagitan ng pandiwa at


ng panuring nito.

Halimbawa:

Nagpasa si Marvin ng proyekto nang maaga.


Nangaral nang mahinahon si G. Ordoña.
Nagdasal nang taimtim ang mga devoto.

c. Ginagamit ang nang sa gitna ng dalawang salitang-ugat na inuulit, dalawang pawatas o


neutral na inuulit at dalawang pandiwang inuulit.

Halimbawa:

suklay nang suklay


mag-ipon nang mag-ipon
nagdasal nang nagdasal

d. Ang ng ay ginagamit na pananda sa tuwirang layon ng pandiwang palipat.

Halimbawa:

Nag-aaral siya ng liksyon


Bumili siya ng pasalubong para sa kanyang anak.
Nagtanim ng palay ang mga magsasaka.
e. Ang ng ay ginagamit na pananda ng actor o tagaganap ng pandiwa sa tinig balintiyak.

Halimbawa:

Pinangaralan ng guro ang mga nahuling mag-aaral.


Tinulungan ng binata ang matanda sa pagtawid.
Ibinaling ng bata ang kanyang atensyon sa liksyon.

f. Ang panandang ng ay ginagamit kapag nagsasaad ng pagmamay-ari ng isang bagay o


katangian.

Halimbawa:

Ang pera ng bayan ay kinurakot ng ilang buwayang pulitiko.


Ang palad ng mga mayayaman ay karaniwang makikinis.
Ang pagsabog ng bulkan ay nag-iwan ng mapapait na alaala sa mga Ita.

2. Kung at Kong

a. Ang kung ay pangatnig na panubali at ito’y karaniwang ginagamit sa hugnayang


pangungusap.

Halimbawa:

Malulutas ang mga problema ng bayan natin kung isasantabi ng mga pulitiko ang
kanilang pamumulitika.
Aatend ako ng parti kung papayagan ako ng aking mga magulang.
Kung hindi ka sana nagtaas ng boses ay hindi kayo nag-away ng iyong kaibigan.

b. Ang kong ay nanggaling sa panghalip na pananong ko at inaangkupan lamang ng ng.

Halimbawa:

Gusto kong tulungan ka ngunit kailangan mo munang tulungan ang iyong sarili.
Maaasahan sa mga Gawain ang mga matalik kong kaibigan.
Ang tangi kong inaasahan sa iyo ay ang maging tapat sa ating pag-iibigan.

3. May ay Mayroon

a. Ginagamit ang may kapag sinusundan ng pangngalan.

Halimbawa:

Ang ngiti ay may ligayang dulot sa pinagbibigyan nito.


May virus ang nahiram niyang disket.
Habang may buhay ay may pag-asa.

b. Ginagamit ang may kapag sinusundan ng pandiwa.


Halimbawa:

May pupuntahan ka ba mamaya?


May tatapusin pa akong trabaho mamayang gabi.
May nakita siyang nakakapanghilakbot na pangitain kagabi.

c. Ginagamit ang may kapag sinusundan ng pang-uri.

Halimbawa:

May mahabang buhok si Olga.


May bagong cellphone si Aldrin.
Ang magkakaibigan ay may mabuting pagsasamahan.

d. Ang may ay ginagamit kapag sinusundan ng panghalip na panao sa kaukulang paari.

Halimbawa:

Bawat tao ay may kanya-kanyang problema sa buhay.


Ang mga anak ni Aling Lucia ay may kani-kanila nang kabuhayan.
Masayang ipinagdiriwang ang pista doon sa may amin.

e. Ang mayroon ay ginagamit kapag may napapasingit na kataga sa salitang sinusundan


nito.

Halimbawa:

Mayroon pa bang natiramg ulam?


Mayroon po kaming isusumbong sa inyo.
Si Marvin ay mayroon ding magagandang katangian tulad ni Joseph.

f. Ang mayroon ay ginagamit na panagot sa tanong.

Halimbawa:

May pasok ba tayo?-Mayroon.


May maaasahan ba akong tulong sa kanya?- Mayroon naman.
May takdang-aralin ka ba?- Mayroon po.

g. Ang mayroon ay ginagamit kung nangangahulugan ng pagkamaykaya sa buhay.


Halimbawa:

Ang mga Ordoña ang mayroon sa bayan ng Dolores.


Si Jayson ay nagpapanggap na mayroon sa kanilang lalawigan.
Iniiwasan kong makibarkada sa mga mayroon sa aming paaralan dahil ako ay isang
mahirap lamang.

4. Subukin at Subukan

a. Ang subukin ay nangangahulugan ng pagsusuri o pagsisiyasat sa uri, lakas o kakayahan


ng isang tao o bagay.

Halimbawa:

Subukin mong gamitin ang sabong ito baka hiyang sa iyo.


Subukin mong kumain ng gulay at prutas upang sumigla ka.
Subukin ng mga tagalalawigan ang galing ng mga tagalunsod.

b. Ang subukan ay nangangahulugan sa pagtingin upang malaman ang ginagawa ng isang


tao o mga tao.

Halimbawa:

Subukan mo siya upang malaman mo ang kanyang sekreto.


Ani Erap noon, “ Wag n’yo akong subukan!”
Subukan mo ang iyong kasintahan hanggang sa makarating siya sa kanyang
paroroonan.

5. Pahirin at Pahiran

a. Ang pahirin ay nangangahulugan ng pag-alis o pagpawi ng isang bagay.

Halimbawa:

Pahirin mo ang iyong pawis sa noo.


Pahirin mo ang iyong uling sa mukha.
Pinahid ni Ace ang dugong umagos mula sa kanyang labi.

b. Ang pahiran ay nangangahulugan ng paglalagay ng isang bagay.

Halimbawa:

Pahiran mo ng Vicks ang likod ng bata.


Pahiran mo ng biton ang sapatosmo upang magmukha iyong bago.
Masarap na almusal ang pandesal na pinahiran ng mantekilya.

6. Operahin at Operehan

a. Tinutukoy ng operahin ang tiyak na bahaging tinitiis.

Halimbawa:

Ooperahin bukas ang mga mata ni Angelita.


Kailan nakatakldang operahin ang bukol sa iyong dibdib?
Dok, operahin na po ninyo ang kumikirot kong tiyan.

b. Tinutukoy ng operahan ang tao at hindi ang bahagi ng kanyang katawan.

Halimbawa:

Ooperahan na ng doktor ang naghihirap na bulag.


Inoperahan na si Olive kahapon.
Kasalukuyang inooperahan si Jane sa Ospital ng Makati.

7. Napakasal at Nagpakasal

a. Ginagamit ang napakasal kapag ang tinutukoy ay ang ginagawang pag-iisang dibdib ng
dalawang nilalang na nagmamahalan.

Halimbawa:

Napakasal na ang malaon nang magkasintahang Bernadette at Marvin.


Si Janet ay napakasal sa sarili niyang kapasyahan.
Napakasal na nga ba kayo ng kasintahan mo?

b. Ang nagpakasal ay tumutukoy sa taong naging punong-abala o siyang nangasiwa


upang makasal ang isang lalaki at babae.

Halimbawa:

Ang mag-asawa ay nagpakasal ng kanilang panganay na anak.


Ang mga kapitbahay na matulungin ang nagpakasal sa maralitang sina Norina at
Ronnie.
Si Aling Auring ang nagpakasal sa pamangkin niyang naulila na sa mga magulang.

8. Din at Rin, Daw at Raw


a. Ang mga katagang rin at raw ay ginagamit kung ang siunusundang salita ay nagtapos
sa patinig at sa malapatinig na w at y.

Halimbawa:

Si Stanley ay katulad mo ring masipag mag-aral.


Ikaw raw ang napipisil ng mga hurado na kakatawan sa ating pamantasan.
May bahay rin sa Antipolo sina Mr. Acopra.

b. Ang din at daw ay ginagamit kung ang salitang sinusundan ay nagtatapos sa katinig
maliban sa w at y.

Halimbawa:

Masakit daw ang ulo ni Tess kaya hindi siya nakapasok sa klase.
Magtatanghal din ng dula ang Kagawaran ng Filipino.
Nakapagsulat din ng aklat si Judith.

9. Sila at Sina, Kina at Sila

a. Ang sila ay panghalip panao samantalang ang sina ay panandang pangkayarian sa


pangalan. Karaniwang kamalian na ang sila ay ginagamit na panandang pangkayarian.

Halimbawa:

Mali – Sila Aldrin at Olga ay mabubuting anak.


Tama – Sina Aldrin at Olga ay mabubuting anak.
Mali - Sila Hershey at Olive ay nanalo sa timpalak.
Tama – Sina Hershey at Olive ay nanalo sa timpalak.
Tama – Sila ay mabubuting anak
Nanalo sila sa timpalak.

b. Ang kina ay panandang pankayarian sa pangngalan katulad ng sina. Walang salitang


kila sa Balarilang Filipino. Ang paggamit ng kila ay karaniwang pagkakamali.

Halimbawa:

Papunta na kami kina Ms. Candelario.


Kina Divine gaganapin ang pagdiriwang.
Malayo ba rito ang kina Onie at Peter?

10. Pinto at Pintuan


a. Ang pinto (door) ay bahagi ng daanan na isinasara at ibinubukas. Ginagawa ito upang
ilagay sa pintuan.
b. Ang pintuan ( doorway) ay ang kinalalagyan ng pinto. Ito rin ang bahaging daraanan
kapag bukas na ang pinto.

Halimbawa:

Isinara niya ang pinto upanmg hindi makapasok ang lamok.


Nakaharang sa pintuan ang paso ng halaman kung kaya’t hindi niya maisara ang pinto.

11. Hagdan at Hagdanan

Halimbawa:
a. Ang hagdan (stairs) ay mga baytang at inaakyatan at binababaan sa
bahay/gusali.
b. Ang hagdanan (stairways) ay bahagi ng bahay na kinalalagyan ng hagdan.

Halimbawa:

Mabilis niyang inakyat ang hagdan upang marating ang klinika.


Matitibay ang hagdanan ng kanilang bahay kaya hindi gumuho ang hagdan
niyon matapos ang lindol.

12. Iwan at Iwanan

a. Ang iwan (to leave something) ay nangangahulugang huewag isama/daldin.


b. Ang iwanan ( to leave something to somebaody) ay nangangahulugan bibigyan ng kung
ano ang isang tao.

Halimbawa:

Iwan mo na ang anak mo sa bahay n’yo.


Iwan na lang niya ang bag sa kotse ko.
Iwanan mo’ko ng pera pambili ng pananghalian.
Hindi iniwanan ng alak ng dumalaw na kamag-anak ang presong lasenggero.
13. Sundin at Sundan

a. Ang sundin (follow an advice) ay nangangahuluhang sumunod sa payo o pangaral.


b. Ang sundan (follow where one is going, follow what one does) ay nangangahulugan
gayahin ang ginagawa ng iba o pumunta sa pinunmtahan ng iba.

Halimbawa:

Sundin mo ang payo ng iyong mga magulang kung ayaw mong maligaw ng landas.
Sundan mo ang demonstrasyon sa televisyon kung nais mong matuto ng pagluluto ng Paella.
Sundan mo agad ang umalis mong kaibigan at baka tuluyan na iyong magtampo.

14. Tungtong, Tuntong at Tunton

a. Ang tungtong ay panakip sa palayok o kawali.


b. Ang tuntong ay pagyapak sa ano mang bagay.
c. Ang tunton ay pagbakas o paghanap sa bakas ng ano mang bagay.

Halimbawa:

Hindi makita ni Aling Nenita ang tungtong na palayok sa kusina.


Tumuntong siya sa mesa upang maabot niya ang bumbilya.
Hindi ko matunton kung saan na nagsuot ang aming tuta.

15. Dahil sa at Dahilan sa

a. Dahil sa ang wasto. Sinisundan ito ng pangngalang pinagsanhian ng isang pangyayari.


b. Mali ang dahilan sa. Ang dahilan ay pangngalan mismo.

Halimbawa:

Hindi siya nakapasa sa pagsusulit dahil sa hindi niya pagsunod sa panuto.


Paninira sa mga kasamahan sa trabaho ang naging dahilan ng pagkasira ng reputasyon ni
Jayson.
Dahil sa pag-iisip ng masama, nag-away-away tuloy ang dating magkakaibigan.

16. Kung ‘di, Kungdi at Kundi

a. Ang kung ‘di (if not) ay pinaikling kung hindi.


b. Ang kungdi ay di dapat gamitin. Walang salitang ganito.
c. Ang kundi ay kolokyalismo ng kung ‘di.
Halimbawa:

Kung di’ ka sana nagmataas ay kaibigan mo pa rin si Bernie.


Hindi ka sana nakapagtrabaho kung ‘di dahil sa iyong kaibigang pinagtaksilan mo ngayon.
Walang makakapasok sas gusali kundi ang mga empleyado lamang.

Pagbuo ng Pangungusap

Kailangan ang kaisahan sa pangungusap para maging efektibo ito. Kung bawat bahagi ng
pangungusap ay tumutulong para maihayag nang malinaw ang pangunahing diwa nito.

Narito ang ilang paalala upang matiyak ang kaisahan sa pagbuo ng pangungusap.
1. Tiyakin ang timbang na ideya at paralelismo sa loob ng pangungusap.

Halimbawa:
Di-Timbang: Matapos magsitangis ay agad na nagbalot ng mga gamit ang mga napaalis na
iskwater.
Timbang: Matapos magsitangis ay agad na nagsipagbalot ng mga gamit ang mga napaalis
na iskwater.
Di-Parallel: Ang pag-eehersisyo at masustansyang pagkain ay mahalaga sa pagpapabuti ng
ating kalusugan.
Parallel: Ang pag-eehersisyo at pagkain ng mga masustansyang pagkain ay mahalaga sa
pagpapabuti ng ating kalusugan.

2. Tiyaking nagkakaisa ang mga aspeto ng pandiwa sa pangungusap.

Halimbawa:
Di-Nagkakaisa: Nagsialis at nagsisiuwi na ang mga panauhin ko kanina.
Nagkakaisa: Nagsialis at nagsiuwi na ang mga panauhin ko kanina.

3. Huwag pagsamahin sa pangungusap ang hondi magkakaugnay na kaisipan.

Halimbawa:
Di- Magkakaugnay: Hindi uunlad ang ating wika kapag hindi natin ito ginamit at nahilig tayo
sa kalayawan.
Wasto: Hindi uunlad ang ating wika kapag hindi natin ito ginamit

4. Iwasan ang pagsama-sama ng maraming kaisipan sa isang pangungusap.

Halimbawa:
Di-Mabisa: Ang pagsasayaw gaya rin paglalaro ng mga bata ng taguan kung gabing
walang buwan at ng pagdadama ng mga lalaking walang magawa at
nagpapalipas ng oras sa pagupitan ay tunay na nakaaaliw.
Mabisa: Ang pagsasayaw, gaya rin paglalaro ng taguan ng mga bata, ay tunay na
nakalilibang.
5. Gawing malinaw sa pangungusap kung alin ang pangunahing sugnay at ang panulong na
sugnay.

Halimbawa:
Hindi Malinaw: Dahil sa ayaw ko iyon, hindi ko binili, ang aklat.
Malinaw: Dahil sa ayaw ko sa aklat, hindi ko iyon binili.

6. Gamitin ang tinig na balintiyak ng pandiwa kapag ang simuno ng pangungusap ay hindi siyang
gumaganap ng kilos.

Halimbawa:
Mali: Si Joel ay binili ang relo para kay Bernie.
Tama: Ang relo ay binili ni Joel para kay Bernie.
Binili ni Joel ang relo para kay Bernie.

Mali: Si Marie ai kinuha ang hinog na papaya sa puno.


Tama: Ang hinog na papaya sa puno ay kinuha ni Marie.
Kinuha ni Marie ang hinog na papaya sa puno.

7. Huwag ilayo ang salitang panuring sa tinuturingang salita.

Halimbawa:
Malayo: Maganda ang kwentong binasa ko talaga.
Malapit: Maganda talaga ang kwentong binasa ko.

Malayo: Tinawag ni Ron ang Tao nang malakas.


Malapit: Malakas na tinawag ni Roy ang tao.

8. Ilapit ang panghalip na pamanggit sa pangngalang kinkatawan nito.

Halimbawa:
Malayo: Ipinanhik ni Jun ang televisyon sa bahay na binili ng tatay niya.
Malapit: Ipinanhik ni Jun ang televisyong binili ng tatay niya.

9. Sa Filipino, nauuna ang panaguri kaysa sa simuno sa karaniwang ayos ng pangungusap.

Halimbawa:
Minamahal at ginagamit niya ang sariling wika.
Mabait na bata si Marvin.
Kaysa:
Ang sariling wika ay minamahal at ginagamit niya.
Si Marvin ay mabait na bata.

You might also like