You are on page 1of 5

Ang pangalan niya ay hango sa Bibliya at ang kanyang apelyido ay isinunod sa

apelyido ng paring nagbinyag sa kanyang ninuno. Ikalawang henerasyon na siya ng


pamilyang may dugong Tsino. Ikatlo si Jesse Manalastas Robredo sa limang supling ni
Jose Chan Robredo at Marcelina Manalastas.Biniyayaan si Jose at Marcelina ng
dalawang lalaki at tatlong babaeng anak.

Isang Tsino ang lolo ni Jesse na dumating sa Pilipinas noong umpisa ng


ikalawang siglo. Bininyagan bilang Kristiyano ang kanyang lolo at hindi gaya ng
nakaugalian na ipinagagamit sa bata ang apelyido ng ninong o ninang,ginamit ng
kanyang lolo ang apelyido ng paring nagbinyag sa kanya.Ang dating si Lim Pay Co ay
naging si Juan Lim Robredo.Sinong mag-aakala na ang isang taong may dugong
banyaga ay magiging isang marangal na makabayan?

Lumaki si Jesse na may matinding pananalig sa Diyos.Itinuro sa kanila ang


maging masinop sa pera at pamumuhay ng simple.Bagamat ang kanyang ama ay unti-
unting binulag ng karamdamang retinitis pigmentosa (night blindness) sinikap nitong
bigyan sila ng magandang buhay. Apat na taon si Jesse ng tuluyang mabulag ang
kanyang ama. Hindi ito naging hadlang upang makapagpatayo ng isang negosyo ang
ama ni Jesse. Habang ang bulag na ama niya ang mismong nag-iisip at nagtatrabaho ,
ang magkakapatid na Robredo, kasama ang kanilang mga pinsan, ang naging mata ng
ama. Hindi naglaon at ang isa pang nakatatandang kapatid ni Jesse ay dinapuan din ng
naturang sakit.

Sa kabila ng pagkakaroon ng dugong Tsino, pumasok si Jesse sa Naga


Parochial School at hindi sa isang Chinese School. Nais kasi ng kanyang magulang na
mamulat siya sa mga pagpapahalaga at kulturang Filipino. Sa murang edad pa lamang
ay kinakitaan ng angking talino si Jesse. Ayon sa kanya, iminulat siya ng kanyang
magulang na kailangang magsumikap at ibigay ang lahat ng kanyang makakaya. Ang
ikalawang puwesto sa klase ay hindi naging katanggap-tanggap sa kanyang ama, kung
kaya pa ay mas mabuting siya ang nangunguna.Sa kabila ng pagkabulag, ang ama ang
naging katulong nilang magkakapatid sa pag-aaral at paggawa ng mga takdang
aralin.Si Jesse din ang tinanghal na kampeon sa chess ng kanilang paaralan. Bagamat
hindi siya pinalad na makuha ang unang gantimpala nang lumaban siya sa ibang
delegado ng ibang paaralan, naiuwi naman niya ang ikalawang gantimpala.

“Kailangang higitan mo pa ang iyong mga nagawa.”Ito ay isang hindi


malilimutang aral na itinuro ng isa sa kanyang mga guro sa elementarya, si Gng.
Carmen Ojeda. Sa Ateneo De Naga naman pumasik ng hayskul si Jesse. Dito natuto
siyang makisalamuha sa iba’t ibang uri ng kamag-aral, dito rin siya nahubog sa
kamalayan na dapat ay maging mamamayan siya para sa kapwa (man for
others).Waring naging paghahanda ito sa buhay na kanyang pinili pagkatapos ng
kanyang edukasyon.
Sa Ateneo De Naga ay maraming mga personalidad na tumatak sa kanyang
pagkatao. Dalawa dito ay si Father Jack Phelan, ang kanyang paring compesor
(confessor) at si Father James O’Brien na humikayat sa mga Bikolang mahalin ang
Bikol, isipin ang Bikol at pag-aralan ang Bikol.Si G. Greg Abonal naman, ang kanyang
naging guro sa asignaturang Ingles, ay hindi lamang nagbahagi ng mga aralin tungkol
sa kanyang asignatura kundi mga aral sa buhay na hindi niya malilimutan kagaya ng
sumusunod“ Ang prosesong inyong pinagdaanan ay mas mahalaga sa inyong
natutuhan.Bagamat, mahalaga ang markang nakuha, hindi ito ang buhay mo.”
“Mahalaga ang pananampalataya, pati na rin ang katapatan.” “Ang mga pagsusulit ay
hindi lamang sumusukat ng iyong kaalaman, kundi pati na rin ng iyong pag-uugali.”

Nasa hayskul si Robredo nang mag-umpisang dumami ang taga-simpatiya ng


New People’s Army. Maging ang mga mag-aaral sa Ateneo De Naga ay nagpapakita ng
suporta sa NPA. Natatandaan pa niya nung magdeklara ng Martial Law ang dating
Pangulong Ferdinand Marcos, pinulong sila ng kanilang Prefect of Discipline at
pinaalalahanan na kung ayaw nilang ipasara ang kanilang paaralan ay dapat bilang
iwasan ang mga protesta sa pamahalaan.Bagamat kailanman ay hindi naging aktibista
si Jesse, hindi naman siya maituturing na walang alam pagdating sa mga isyung
politikal. Sa kanilang hapag-kainan, hinihikayat sila ng kanilang ama na ibahagi ang
kanilang opinyon tungkol sa mga isyung pambansa.

Nagtungo si Jesse ng Maynila para mag-aral ng kolehiyo.Kagaya ng ibang


magulang, nais ng mag-asawang Jose at Marcelina na magkaroon siya ng diploma
mula sa isa sa mga sikat na unibersidad sa Maynila. Inisip nilang ito ang magbibigay
daan sa kanilang anak upang makakuha ng mas magandang oportunidad sa trabaho.
Ipinakita ni Jesse ang kanyang husay sa matematika at agham at nagawa niyang
pumasa sa Unibersidad ng Pilipinas sa Los Banos para sa kursong agricultural
engineer, pero mas pinili niyang pumasok sa De La Salle University sa Maynila at
kumuha ng kursong engineering.

Taong 1974 sinimulan ni Jesse ang kanyang kolehiyo. Makalipas ang anim na
taon ay may dalawang digri na siyang natapos ang mechanical engineering at industrial
management engineering.Ninais niyang pamahalaan ang kanilang negosyo ngunit hindi
siya pinayagan ng kanyang ama sa kadahilanang hindi na masyadong kumikita ang
kanilang negosyo. Pinabalik ulit siya sa Maynila upang doon hanapin ang kanyang
suwerte. Subalit hindi na niya kinailangang maghanap ng trabaho sapagkat maraming
trabaho ang inialok sa kanya. Sa mga trabahong inialok sa kanya, tinanggap niya ang
mula sa San Miguel Corporation, para sa kanya ito ay isang napakalaking oportunidad
sa katulad niyang probinsiyano. Naging madali ang promosyon para kay Jesse dahil
nakatatak na sa kanya ang pagiging masipag at matiyaga. Habang siya ay
nagtatrabaho ay kumuha siya ng masters degree sa Unibersidad ng Pilipinas sa
Diliman.hindi naging madali sa kanya ang pagpasok sa Dalubhasaan dahil nakadestino
siya sa La Union nang mga panahong iyon. Ngunit lahat ng pagod ni Jesse ay napawi
nang magtapos siya sa graduate school bilang Graduate School and Faculty
Organization Awardee for Scholarly Excellence.

Ang kanyang trabaho ay nagbigay daan kay Jesse upang makasalamuha ang
lahat ng uri ng tao, mula sa matataas na posisyon hanggang sa mga ordinaryong taong
hindi nakapag-aral.Hindi ito naging mahirap para sa kanya sapagkat marunong siyang
makisama sa lahat ng uri ng tao. Isang bagay na natutuhan niya sa kanyang magulang.

Nag-uumpisa na si Jesseng maging tanyag sa kanyang karera, nang muling


umusbong ang gulong pampulitika nang mabaril at mapatay ang dating Senador
Benigno Aquino Jr. nooong Agosto 21, 1983.Nagbunsod ito ng malawakang kaguluhan
dahil kilalang oposisyon si Aquino. Umabot ang mga protesta sa iba’t ibang sektor ng
lipunan, maging sa mga planta at pagawaan. Sa Magnolia kung saan lumipat si Jesse,
ay nagtayo siya ,kasama ng apat pang kasamahan, ng Society of Professional
Advancement of Democracy and Enlightenment o SPADE. Pagkatapos ng snap
eleksiyon kung saan dinaya ang balo ni Senador Aquino na si Cory Aquino, sumama sa
mga malakihang rally si Jesse. Isa si Jesse sa libo-libong taong pumunta sa EDSA
upang makiisa sa People Power Revolution. Nang mapatalsik ang mga Marcos sa
Malacanang noong Pebrero 1986, isa si Jesse sa mga taong agad na pumunta sa
palasyo. Kinakitaan ng kakaibang malasakit sa bayan si Jesse.

Nang umupo bilang pangulo si dating Pangluong Corazon Aquino ay isinilang din
sa puso ni Jesse Robredo ang baging pag-asa na mababago ang kalakaran ng
pamahalaan. Dahil nanumbalik ang tiwala niya sa gobyerno ay pinagbigyan niya ang
alok ng kanyang tiyong si Luis Villafuerte na siyang gobernador nang mga panahon na
iyon na bumalik at maging direktor sa Bicol River Basin Development Program. Dito
niya natikman ang unang mapait na aral na bungsod ng politika ngunit dinala niya ito sa
korte at siya naman ay napaboran. Dito rin sa BRBDP niya nakilala ang babaeng
nagpatibok ng kanyang puso at dinala niya sa altar, si Leni. Si Jesse mismo ang nag-
interbyu sa aplikanteng si Leni. Nabighani siya sa babaeng ito na hindi na nangailangan
ng rekomendasyon mula sa kahit na sinong politiko.

Dahil sa kanyang angking talino at pagmamahal sa bayan,naging mayor ng


Naga si Jesse Robredo sa edad na 29. Siya ang pinakabatang naging punong lungsod
.Tatlong termino siyang nanungkulan bilang mayor. Kahanga-hanga ang kanyang mga
nagawa sa siyudad. Nagawa niyang mapabilang ang Naga sa Most Improve Cities in
Asia ng AsiaWeek Magazine. Sa panahon ng kanyang panunungkulan, naging model
local government unit ang Naga at nagkamit ito ng tatlong international awards at
mahigit tatlumpung national and regional recognition. Bilang pagkilala rin sa kanyang
kahusayan sa pamamalakad, nakatanggap siya ng labing apat na indibidwal na
parangal, kabilang dito ang 2000 Ramon Magsaysay Award fo Government Service,
1996 Outstanding Young Persons of the World (TOYP), Ten Outstanding Young Men of
the Philippines, 1998 Konrad Adenauer Medal of Excellence as Most Outstanding City
Mayor of the Philippines, at ang kauna-unahang Dangal ng Bayan award ng Civil
Service Commission. Noong Marso 2008 iginawad sa kanya ang honorary Doctor of
Humanities ng Far Eastern Unversity , Manila. Ang pagiging punong lungsod ay isang
personal na sakripisyo para kay Robredo. Iniwan niya ang San Miguel Corporation kung
saan sumusweldo siya ng labingdalawang libong piso upang maging mayor habang
ang sweldo ng isang mayor nang panahon na iyon ay walong libo lamang. Marami
siyang pinatupad na maaaring hindi naging popular noong umpisa ngunit nagbigay
daan sa pagbabago para sa ikabubuti ng siyudad.

Nahalal siya bilang pangulo ng Liga ng mga Punung Lungsod sa Pilipinas noong
1995.Naging pinuno din siya ng Regional Development Council at Metro Naga
Development Council. Hindi naglaon ay itinatag niya kasama ang ilang kasamahan sa
gobyerno ang Kaya Natin, isang kilusan na naglalayong magpalawig ng tunay na
pagbabago sa pamahalaan at marangal na pamamahala.

Pagkatapos ng kanyang panunungkulan bilang mayor ng Naga ay kumuha siya


ng master’s degree sa John F. Kennedy School of Government sa Harvard University
sa Cambridge , Massachusetts. Pagbalik siya ng Pilipinas ay naging consultant siya
tungkol sa local governance, at nagbahagi rin siya ng oras sa pagtuturo ng public
administration sa Ateneo De Naga University Graduate School , sa Unibersidad ng
Nueva Caceres at sa doctoral program ng Colegio Sta. Isabel.

Hindi matatawaran ang pananampalataya sa Diyos ni Jesse. Kilala siyang


deboto ng Nuestra Senora de Penafrancia. Isa siya sa mga voyadores na nagbabantay
sa imahe ng Nuestra Senora de Penafrancia tuwing translacion ,ang prusisyon sa ilog
tuwing kapistahan ng Penafrancia..

Nagkaroon ng tatlong babaeng supling si Jesse at si Leni-si Jessica Marie , si


Janine Patricia, at ang kanilang bunsong si Jillian Therese. Naging ulirang ama si Jesse
sa tatlo niyang anak. Sinikap niyang ibigay ang lahat ng pangangailangan ng mga ito,
lalo na ang oras at pagmamahal.Ang kanyang asawang si Leni ay naging isang
mabuting taga-suporta niya. Sa isang panayam ibinahagi ni Leni na sinabi niya sa
kanyang asawa na maaaring hindi nila mapamanahan ng kayamanan ang kanilang mga
anak, ngunit sapat na ang isang mabuting pangalan.

Tila nagdilang anghel ang kanyang kabiyak dahil nang yumao si Jesse Robredo
noong Agosto 18, 2012 ay hindi naman siya nag-iwan ng malaking kayamanan ngunit
sapat na ang iniwan niyang pangalan na tumatak hindi lamang sa puso at isipan ng
mga Nagueno, kundi sa puso’t isipan ng sambayanang Pilipino. Binawian ng buhay si
Jesse Manalastas Robredo matapos bumagsak ang eroplanong sinasakyan niya,
pagkatapos niyang dumalo sa isang kumperensiya sa Cebu upang magbigay ng
panayam bilang kalihim ng Department of Interior and Local Government.Hindi
inaasahan ang buhos ng mga taong nakiramay sa pamilya Robredo. Ito yung mga
taong kanyang natulungan sa iba’t ibang paraan. Maraming nagpatotoo sa kanyang
tapat na serbisyo at busilak na kalooban. Kamangha-mangha rin ang kanyang payak na
pamumuhay.Nagluksa ang buong bayan. Nawala man siya ay nag-iwan naman siya ng
isang magandang pamana sa kasaysayan ng ating bansa – ang kanyang tsinelas
government na sumasagisag sa mahusay, malinis, at mapagpakumbabang
pamamalakad niya sa gobyerno.

You might also like