You are on page 1of 4

Ang Mangingisda

Ni Ponciano B. Peralta Pineda

Maging nang sumabog sa kanyang kamay ang dinamita’y nagsasayaw pa rin sa kanyang isip ang
mga lantsa ni Don Cesar na hindi man lamang natitigatig sa hampas ng mga daluyong. Ang ugong ng
kanyang motor, sa pandinig niya, ay tila tugtuging nagbubuhat sa radyong nasa nagliliwanag na
punduhan nina Fides.

Ito ang kanyang lakas at pag-asa: ang mga lantsa ni Don Cesar at ang punduhan nina Fides. Ang
mga bagay na ito ang nagsilang sa kanyang mithiin. Hindi nawawaglit sa kanyang diwa saglit man. Ang
kanyang mithiing binuo ng mga lantsa at ng punduhan ay lalong kinulayan ng mga pangyayaring
lumiligid sa kanyang buhay. Katulad ng pangyayaring nakaraan.

Kanina, nang pakargahan niya ng gasolina ang kanyang motor sa punduhan nina Fides, ay naulit na
naman ang kanyang pinakaiiwasan: ang pangungutang kina Fides.

“Kung maaari sana’y idagdag mo muna sa dati kong utang, ha, Fides?”

Tiningan lamang siya ni Fides. Ni hindi ito kumibo. Ngunit sumulat sa talaan ng mga pautang.

Nauunawaan niya ang katotohanang ibinadha ng naniningkit na mga matang iyon: pag-aalinlangan
sa katuparan ng kanyang mga pangako. Nahuli niya ang buntot ng sulyap na iyon.

Nang lumabas siya kahapon, kaparis din ng dalawang araw na napagdaan, ay hindi siya nanghuli ng
sapat na makatutugon sa pangangilangan nila ng kanyang ina at sa kanyang utang kina Fides. Kaninang
umaga’y humingi na naman siya ng paumanhin sa ina ni Fides.

“E, ano ang magagawa natin kung di ka nanghuli,” ang wikang payamot ng in ni Fides.

“Minalas ho ako,” nasabi na lamang niya. “Baka sakaling swertihin ako mamayang gabi.”

Sinabi niya ito upang magpaliwanag; upang humingi ng muling kaluwagan: upang kahit paano’y hugasan
ng pakiusap ang kanyang kahihiyan.

Hindi niya nagawang isipin ang pagbabayd kina Fides. Inunahan siya ng pagsasabi ng kanyang ina
kanginang umaga ng “Magdiskargo ka muna sa punduhan anak.” Nababatid niyang wala silang ibabayad
kung sa bagay.

Nalalaman niyang sinundan siya ng tingin ni Fides at ng ina nito nang siya’y magpaalam. Hindi niya
narinig na sinabi sa kanya ang katulad ng naririnig niya sa ina ni Fides kapag hindi nakababayad ang mga
mangingisdang mangungutang sa punduhan: “Aba, e Pa’no naman kaya kami kung ganyan nang ganyan?
Pare-pareho tayong nakukumpromiso…”

Malaki ang kanyang pag-asa ngayon. Nagtitiwala siya sa kanyang sarili at sa dagat.

“Bukas hoy tinitiyak kong makababayad na ako.”

Gabi na nang umalis siya sa Tangos.

Nakagapos siya sa dagat. Ngunit kailanma’y hindi sumagi sa kanyang muni ang umalpas- ang lumaya.
Ipinasya lamang niya ang mabuhay sa dagat, ang maging makapangyarihan sa dagat, kagaya ng may-ari
ng mga lantsang pamalakaya sa tabi ng malaking punduhan.

Sapul ng pag-ukulan siya ng pansin ang unang lantsa ni Don Cesar ay nakadama siya ng kakaibang pintig
sa kanyang dibdib: Ibig niyang magkaroon ng lantsa balang araw. Pag nagkaroon siya ng lantsa’y hindi
nasiya gagamit ng motor; hindi na siya sasagihan ng munti mang pangamba, mangitngit man ang
habagat, magngalit man ang sigwa sa laot. Hindi na pansumandaliang lalabas siya sa karagatan. Maaari
na niyang marating ang inaabot na mga lantsa ni Don Cesar. Makalalabas na siya nang lingguhan. At
pagbabalik niya’y daan-daang tiklis ng isda ang kanyang iaahon. Hindi na rin mangangamba ang kanyang
ina kapag hindi siya nakakabayad ng gasolina at langis. Matititigan na niya ang naniningkit na mga mata
ni Fides. Makapagpapakarga na siya ng kung ilang litrong gasoline sa kanyang barko. Kung makakatabi
ng kanyang barko ang kay Don Cesar ay magkakaabutan na lamang sila ng mga mangingisda ni Don
Cesar. “Ilang araw kayo sa laot, ha?” itatanong niya. Siya’y sasagutin ko. At, “ako’y tatlumpong araw,”
sasabihin niya pagkatapos.
Ang hangaring iyon ay tila malusog na halaman: payabong nang payabong, paganda nang paganda sa
lakad ng mga araw. Sa pagkakahiga niya kung gabi’y tila kinikiliti siya ng ugong ng mga motor at makina
ng mga pangisdang humahaginit tungo sa kalautan. Ang huni ng mga lantsa’y kapangyarihan manding
nagbubuhos ng lakas sa kanyang katawan.

“Balang araw, Inang,” ang pagtatapat niya isang gabi,” ay bibili ako ng lantsa.”

“Masiyahan na tayo sa isang bangkang nakapgtatawid sa atin araw-araw.”

“Magsasama tayo ng maraming salapi, Inang. Di na tayo kukulangin. Giginhawa ka na.”

Sa pagkakaupo nila sa tabi ng durungawang nakaharap sa ibayo’y kanilang natanaw ang nagliliwanag na
punduhan nina Fides ang nangakadaong na mga lantsa ni Don Cesar. Naririnig hanggang sa kanilang
madilim na tahanan ang alingawngaw ng halakhakan ng mga taong nagpapalipas ng mga sandali sa
punduhan.

‘Nagniningning ang kanyang mga mata. Ang kanyang puso’y punung-puno ng makulay na pag-asa.

“Talagang bibili ako ng lantsa, Inang.”

Ipinaggiitan ng kanyang ina ang pagkakasiya sa bangka na lamang.

“Ang kaligayahan ng tao, anak…”

Hindi niya naunawaan ang buntot ng pangungusap ng kanyang ina. Ang diwa niya’y nasa malayo. Nasa
dagat, nasa laot…

Isang mahabang kawil ng mga taon ang dumaan sa buhay niya bilang mangingisda, bago siya
nakapagtipon ng sapat na salaping ibibili ng motor. Iyon ay isa sa makasaysayang pangyayari sa kanyang
buhay. Inari niyang isa nang tagumpay na walang pangalawa. Iyon ay ipinagparangalan sa kanyang
sarili’t sa kanyang ina.

“Di na ako ga’nong mahihirapan sa pagsagwan kapag ako’y nagpapalaot. Ito na ang simula, Inang…”

Nauunawaan ng ina ang katuwaang nag-uumapaw sa puso ng anak.

“Huwag mong kalimutan ang Maykapal, anak,” ang sabi ng kanyang ina.

Maykapal ang lagging ipinang-aaliw sa kanya. Maykapal sa gitna ng pagdarahop, ng sakit, ng sangkisap-
matang katuwaan. Nawawalan siya ng pananalig kung minsa. Kagaya ng kung siya’y hindi pinapalad.
Kagaya nitong tatlong araw na nangagdaan.

Nakabili na rin siya ng bagong bangkang pinaglipatan ng motor. Gayon na rin marahil ang damdamin ni
Don Cesar nang siya’y unang magkaroon ng lantsang pamalakaya- ito ang wika niya sa sarili.

Higit na nag-ulol ang kanyang mithiin nang maging dalawa ang mga lantsa sa tabi ng punduhan.

Ang kanyang sarili’y malimit niyang tinatanong kung bakit dalawa na ang lantsa sa ibayo: samantalang
siya’y hindi nagkakaroon, hanggang ngayon, ng kahit isa man lamang. Ito’y katanungang sumasaklaw
nang malaki kapag napag-uukulan niya ng pagmumuni. At lalo itong di niya matugon kung sasaklawin
niya ng titig ang gawing hilaga ng ilog; doon ay may punduhan, may mga apugan, may mga pagawaan,
may mga bangkang malalaki, may mga bagay na naggagandahan, may mga lantsa, mga barko; ngunit sa
gawing timog- sa kanilang pook- ay may mga bahay-pawid na naglawit sa ilog, bangkang maliliit, mga
manggagawa, mga mangingisdang porsiyentuhan lamang.

Naging tatlo ang lantsa ni Don Cesar. Palaki nang palaki ang punduhan nina Fides. At siya-
nagtutumimbay naman ang kanyang pagmimithi sa lantsa higit pang nagkakulay ang kanyang paghanga
sa punduhan.

Minsan ay narinig niyang pinag-uusapan ng kapwa niya mangingisda ang dami ng salaping ipapanhik ng
mga lantsang pamalakaya ni Don Cesar.

“Isang labas lang pala ng bagong lantsa ay halos bawi na ang puhunan,” ang pagbabalita ng isa.

“At ang pakinabang sa isang labas, kung sinuswerte’y santaon na nating kikitain,” anang isa pa.

“Ow, di natin kikitain…” ang pabuntot ng isa naman.

Pinagpatibay ng ganitong usapan ang kanyang mithiin.


Isinalaysay niya sa kanyang ina ang balitang nasagap sa umpukan.

“Kita mo na, Inang” ang pagmamalaki niya, “biro mo iyon! Di ka na mahihirapan…”

Hindi makapangusap ang kanyang ina.

“… Di ka na gagawa…”

Pinigil na lamang ng kanyang ina ang pangingilid ng luhang ikinubli sa kadiliman.

Hindi siya nilayuan ng pagkayamot nitong nagdaang tatlong araw.

“Malas,” wika niya, “malas na malas.”

Marahil, naisip niya, kung lantsa ang kanyang gagamitin sa pangingisda’y hindi siya magkakagayon. Kung
may lantsa siya’y malayo ang kanyang aabutin; lalaban sila sa panahon; makakarating siya sa malalim na
pangisdaan; aariin niya ang mga isda ng buong karagatan. Hindi uuwi nang walang huli.Kahit
humangin.Kahit sumigwa. Uuwi siyang may huli… maraming huli. Magagalak ang kanyang ina. Hindi na
sila maghihikahos…

Kangina, nang umalis siya sa kanilang tahanan upang magpakarga ng gasoline sa punduhan, ai ipinasya
na niyang isangla, o ipagbili kaya ang kanyang motor para makabayad sa kanyang utang. Subalit hindi
niya nagawa iyon. Mahal sa kanya ang motor, mahal na mahal. Hindi niya ipinagbili ni isasangla, kanino
man. Ang motor niya, ayon sa kanya, ay singkhulugan ng lantsang hantungan ng kanyang mga pangarap.

Hindi siya uuwi ng walang maraming huli ngayon;ito ang kaniyang pasiya. Walang salang mag-uuwi siya
ng maraming isda. Tiniyak niya iyon sa ina ni Fides.

“Bukas ho’y tinitiyak kong makababayad na ako.”

Ayaw niyang isagawa ang kanyang balak.Nalalaman niya ang maaaring ibunga niyon.Nababatid niyang
ipagbabawal ipinagbabawal ng batas.

Napasama na rin siya sa paggamit ng pamamaraang iyon noong araw. Ilang beses lamang naman. At
wala namang napahamak sa kanila. Hindi naman sila nadakip.Nag-uwi sila ng maraming isda
noon.Malaki ang kanilang napakinabang.

Ngayon, hindi dadako ang patrolya ng mga baybayin sa gawing tutunguhin nila, ganito ang kanyang
naisip. Siguradong walang sagabal; walang makahuhuli;walang magsusuplong;walang magbabawa. Saka
minsan lang naman.

Pinag-ingatan niya ang pagkakabalot ng dalawang malalaking dinamita sa ilalim ng kanyang upuang
nasasapnan ng lona. Hindi niya gagamitin iyon-kung… kung siya’y papalarin…nasa laot na siya. Waring
ibig lumikot ng hangin, habang tumatanda ang gabi.Laganap ang karimlan. Kukuti-kutitap ang mga ilaw
ng mga mangingisda sa kalawakan ng dagat. Wala rin siyang huli. Pagod na siya sa kahahagis ng kanyang
lambat. Gayun ma’y naging kakatuwa ang kanyang dama. Tiyak, tiyak nang makababawi siya sa kawan;
makakabawi siya sa kawan. Muling inihagis ang kanyang lambat.Maganda ang pagkakaladlad ng laylayan
niyon.Natuwa siya.Natiyak ang kawan.Hindi siya ililigaw ng kanyang karanasan.Mag-uuwi siya ng
maraming isda.Ipambabayad niya ang kanyang huli.Lumulukso ang kanyang puso.Inigot ang
lambat.Mabigat.Inigot muli.Ginamit ang kanyang lakas. Mabigat! Muling inigot.Inigot. At iyon ay tila
binitiwan ng isang malakas na kamay na nakikipaghatakan. Nagaid ang lambat!ang lambat ay nagawak.

Talagang uuwi na siya. Ibig niyang makarating sa Tangos. Ibig na niyang mamahinga. Nauna sa Tangos
ang kanyang kamalayan. Umuwi na sa Tangos. At tila isang tabing ang nataas sa kanyang isip. Nakikita
niya ang mga lantsa ni Don Cesar na lalong magigilas sa dampulay ng liwanag na nagbubuhat sa
nagsasayang ounduhan nina Fides. Saglit na tumuon ang kanyang paningin sa tubig. Nagiti siya. Nakikita
na naman siya ng kawan. Muling naganyak ang kanyang kalooban. Inapuhap ang nakabalot na mga
dinamita. Binulatlat ang balutan. Kayganda ng dalawang bagay na iyon sa kanyang paningin. Makauuwi
na siya nang may dalang isda, maraming isda. Makababayad na siya kina Fides. Sandali lamang ang
pagsabog na niyon. Pupugungin na lamang niya ang lambat na napunit. Mapupuno niya ang Bangka
bago dumating ang patrolya sa mga baybayin. Saglit na pinatay ang kanyang motor. Hindi na siya
nayayamot. Naliligayahan na siya. Tila tugtuging kumikiliti sa kanya ang ugong ng kanyang motor.
Kumilos ang kanyang lantsa.Pinahinto uli ang kanyang lantsa.Mapuputi ang maiikling mitsa ng
dinamita.Maiging pinagdikit ang mitsa niyon, at kinamal ang dalawang bagay. Masisiyahan ang kanyang
ina, paggising nito kinaumagahan. “Sinuwerte ako, Inang.” Hindi ipagtatapat na gumamit siya ng
dinamita. Malulungkot ang kanyang ina. “Sinuwerte ako, Inang… Sinuwerte ako…!” kiniskisan ang
posporo.Tumilamsik ang ga-buhanging baga.Ayaw magdingas ang palito. Idinikit sa gilid ng kanyang
kilikili ang posporo. Nag-iniy.Ikiniskis uli.Hinipan ng hangin. Ikinubli niya ang pagkiskis sa labi ng Bangka
at kinagat ng apoy ang palito inilapit, idinikit na mabuti sa dulo ng maikling mitsa ng dinamitang
mahigpit sa kamal sa kanyang kamay, sumagitsit, sangkisap-mata lamang, sangsaglit lamang, mabilis,

sumagitsit- parang kidlat na sumibad sa kalangitan at kaalinsabay halos ng siklab na sumugat sa gabi’y
isang nakabibinging dagundong ang bumingaw sa buong kalawakan.

--WAKAS—

You might also like