You are on page 1of 9

PAGTATAPOS

Ni: Ricky Lee

Ewan kung bakit lagi kong naaalala si Noel ngayon. Madalas kaming magkasama sa mga
paglalaro noong mga bata pa pero sa high school ay nagkaiba kami ng paniniwala at nagkalayo.
Si Noel ay puro pangarap, hindi nakatungtong sa lupa, samantalang akoý praktikal, kung ano ang
puwede ‘yun lang ang bibigyan ko ng panahon. Kung may nag-uugnay man sa amin, ‘yun siguro
ay ang pangyayaring sa high school ay pinakamithi-mithi ko ang maging valedictorian dahil
wala akong pantuition sa college pero sa tulong ni Mrs. Felicidad na titser namin ay tinalo ako ni
Noel. Iyon lang. Pero ngayo’y kung bakit di makatkat sa isipan ko si Noel.
Kapag mga gabing alumpihit ako sa higaan, bumabangon ako’t kinukuha ko ang lumang
larawan ng aming graduation noon. Iniisa-isa ko ang mga kilalang mukha: mga mukhang
pinagtawanan ko’t mga mukhang nilayuan. Si Bert, Si Ana, Si Rosita, Si Mrs. Felicidad at ang
di-mapalis niyang ngiti. At ang dalawang bakanteng upuan sa magkabilang tabi niya; Isa para sa
valedictoriang si Noel na di nakasama dahil sinumpong ng sakit sa puso ang ina, at isa para sa
akin, ang salutatorian, na nagkukulong sa kuwarto, pinupunit ang Christmas card na bigay ni
Mrs. Felicidad. At ngayon, ngayo’y kung bakit di ako matahimik. 
Kung ikukuwento ko ngayon lahat ng mga nangyari mula nang grumadweyt kami sa high
school hanggang sa masunog ang kabuhayan nina Noel, at maging hanggang sa pumunta silang
mag-ina dito sa Maynila at magkasira-sira ang buhay niya, idiriin ko pa rin at ipagpipilitan ang
katotohanang malinis ang konsiyensiya ko, na wala akong gustong ihingi ng paumanhin sa
nakalipas. Gusto ko lang bigyang halaga at ilahad ang katotohanan, ang mga talagang nangyari.
Iyon lang.mSapagkat si Noel ay si Noel lamang kung susuriing kasama ni Mrs. Felicidad,
sisimulan ko ang pagsasalaysay sa pamamagitan ng pagpapakilala sa aming titser. Saka na si
Noel.
Unang sulyap ko pa lang kay Mrs. Felicidad noong fourth year ay alam ko nang may mali
sa kanya. Lagi siyang nakangiti. Laging nakahanda ang mga bisig para yumakap, o ang mga
salita para magpalakas ng loob mo. Pag may nadapa, o nasaktan, o umiyak,  o nalito, naroon siya
agad para sabihing walang problema ‘yan, anak, lilipas din.
Walang problema sa mundo para sa kanya. Walang kulay na itim, walang anino sa dilim,
walang panganib. May Christmas card siya para sa lahat ng okasyon. Nakatira siya sa  isang
mundong puno ng mga nagkukulilang kampana, at mga bulaklak na di nalalanta. At itinali niya
kami sa loob ng mundong ito. Matagal na kaming nasa Maynilaý kami pa rin ang lagi niyang
ikinukuwento sa kantina tuwing recess, ang paborito kong klase, sasabihin niya, ang aking klase.
Ang tawag niya sa ami’y Sistenta’y Tres dahil noon kami grumadweyt. Tinatakan niya kaming
parang mga ari-ariang mapalaho man sa magulong galaw ng buhay sa mundo’y mananatiling
kanya, maayos na nakasalansan sa alaala. Gan’on niya kami kamahal.
Siya rin ang sumira sa karamihan sa amin. Di ko sinisisi si Mrs. Felicidad pero naroon
ang katotohanan, at dapat iyong harapin, makasira man nang bahagya sa alala ng isang yumaong
nagging lubhang napakabait. Ang naiibang paghubog niya sa aming mga isipan ng isang
mundong ayon sa kanya’y lagging maayos at puno ng mga taong mababait ang dahilan kung
bakit nang mapaharap na kami sa mga katotohanan ng  buhay sa Maynila ay marami sa amin ang
nawasak. Nang grumadweyt kami’y binigyan niya kami ng mga pakpak pero ang mga pakpak ay
gawa sa bulak. Pero pinipilit ko siyang unawain. Noong una siyang dumating dito sa ami’y nag-
iisa lang siya sa buhay, may singkwenta anyos na, at walang nakakaalam kung ano nga ang tunay
na pangalan, kung totoo ngang may asawa siya. Mrs. Felicidad, basta’t Mrs. Felicidad. Tatayo
siya sa may bintana ng classroom, hahagurin ng kamay ang buhok, at saka malungkot na titingin
sa malayo. Pero pag binati’y ngiti kaagad pagharap. Minsa’y may kumalat na tsismis tungkol sa
kanyang nakalipas. May nangyari daw napakasama noong dalaga pa siya’t bago lang sa
pagtuturo- parang tungkol sa mga batang estudyante niyang nag-drugs at tumambang sa kanya sa
eskinita isang gabi at ginahasa yata siya, o pinahirapan lang, di malinaw ang mga detalye. Pero
dahil daw doon ay ilang buwan siyang nagkulong, ilang beses nagtangkang magpakamatay.
Matagal siyang di nakita ng mga kaibigan at nang lumabas uli, at magturo uli, nag-iba na siya.
Siya na si Mrs. Felicidad ng di mapalis na ngiti.
Walang nakatitiyak kung totoo nga ang kuwento. Gusto kong lapitan si Mrs. Felicidad
nang marinig ko ang kuwento, gusto kong sabihin sa kanyang, Ma’am, naaawa ho ako sa inyo,
hayaan n’yong yakapin ko kayo. Pero walang makapangahas magtanong sa kanya kung totoo
nga. Ang sigurado lang ang lahat, noong fourth year kami, sinabi ng doctor kay Mrs. Felicidad
na kapag di siya tumigil ng pagtuturo’y mapaparalisa siyang tuluyan. Kaya inipon niya lahat ng
lakas niya at sinabi niyang isang taon na lang, pagkakasyahin niya sa isang taon lahat ng
pagtuturo niya. Kami sa Klase Sisenta’y Tres ang isang taon niyang iyon. Kami ang sinikil niya
sa kanyang huling pagmamahal. Habang nagbabasa ng Mi Ultimo Adios ni Jose Rizal ay
mapapatigil siya, at mapapatingin din kami lahat sa kanya, at sa katahimikan ng sandaling iyon
habang walang maski anong ingay ay pararaanan niya kami isa-isa ng magmamahal na tingin,
lahat kami’y pilit hinihigop ng kanyang mga mata.
Pero si Noel ang higit niyang hinuhubog sa kanyang pagmamahal. Bawat gawin niya-
mag check ng test paper o pumingkot sa’kin pag nahuhuli akong nangungopya- ay nagwawakas
lagi sa pagbaling niya ng nagmamalaking tingin kay Noel. Banggitin mo anumang aklat, nabasa
na ni Noel! O maski anong salitang Ingles, alam niya ang kahulugan! At sino na nga ang lagging
nakakatanggap ng medalya bilang pinakamatulunging estudyante, sino? Sapagkat si Noel- si
Noel na noong gabi bago kami binigyan ng exams para alamin kung sino talaga sa amin ang
dapat na maging valedictorian ay magdamag na tinulungang mag-aral ni Mrs. Felicidad, ang laki
sa yamang si Noel na walang alam kundi magbuklat ng libro, si Noel na laging napapaligiran ng
nagpapaturong mga kaklase’t naghahagikhikang mga babae habang ako’y namumula sa isang
tabi- si Noel ang obra maestro ni Mrs. Felicidad.
Itinatali sila ng isang klase ng relasyong di mo mawari, guro sa estudyante, kaibigan sa
kaibigan, mentor sa apprentice. Kapag recess at walang tao sa classroom, sisilipin ko sila, at
makikita kong may sinasabi si Mrs. Felicidad kay Noel, pabulong lang, at si Noel ay nakayuko.
Anong ginagawa nila? Saang magandang sulok ng mundo sila naglalakbay? Bakit hindi nila ako
isinasama?
Ngayong nakuha ko na halos lahat ng pinangarap ko noon at wala na akong
mairereklamo pa sa buhay, namamaalam ako sa gabing iyon ng pagkapahiya habang itinatago ko
ang namumulang mukha sa kaliwang kamay at ipinaliliwanag naman ni Mrs. Felicidad kung
bakit di niya ako mapagbibigyan sa kahilingan kong gawin niya na akong valedictorian dahil di
ko kaya ang tuition sa college. Alam kong  sa isang tagong sulok ng Maynila, habang nag-iisa sa
kanyang mabahong kuwarto, ay pinasisimulan ngayon ni Noel ang gabi sa pagsimot sa mga
nagkalat na durog na tinapay sa mesa, at di ko maiwasang di paghambingin ang dalawang Noel
na nakilala ko; ang malusog na Noel na noong graduation ay buo ang paniniwalang ilahad lang
niya ang makinis na palad ay luluhod na ang buhay sa paghahain ng tagumpay sa kanya, at ang
naghihirap na Noel na isang araw noon ay di makakatiis, hahanapin ako, ipapatong ang butuhang
kamay sa balikat ko, at makikiusap, Jun, di siya makatingin, Jun, kailangan ko ng trabaho.
Bakit, anong nangyari? Bulalas ko noon, maski di na ako dapat magtaka dahil lahat halos
ng nangyayari kay Noelay nababalitaan ko. Bakit, anong nangyari?- ilang taon pa mula noon ay
naghihinakit na itatanong din ng mamamatay nang si Mrs. Felicidad; habang kaming mga
estudyante niyang pinagwatak-watak ng graduation sa mga sulok at siwang ng magulong
Maynila ay muling napag-isa-isa,nagkaipun-ipon isang dapithapon, hiklas na ang piring ng
kamusmusan sa mga mata, may mag-aabugado at maestro at istarlet at magduduktor na,
nakatayong lahat sa harapan niyang ang mamad na mga labi’y nagtatanong- bakit, anong
nangyari?- sapagkat  nakita na niyang si Noel na higit niyang inasahang magtatagumpay ay nasa
paanan niya ngayon, tutop ng palad ang bibig habang niyayanig ng di-mapigil na pag-ubo ang
payat na katawan, larawan ng kaibigan.
May mga hapong wala akong magawa dito  sa opisina, at sa gayo’y binabalikan ko ang
gabing iyon, nang unang lumapit sa’kin si Noel. Alam ko kung bakit hindi sa aming mga kaklase
siya lumapit. Sa klase naming noo’y ako lang ang di bumilib sa kanya, kaya kapantay niya ako.
Kung sa mga kaklase naming siya lalapit ay para na ring sumuko siya at mababawasan ang
pagpapahalaga niya sa sarili.
Sapagkat kung may maipipintas ka man kay Noel, ito’y ang kanyang sobrang
pagpapahalaga sa sarili. Natupok na nga ng sunog ang kabuhayan nilang mag-ina’y taas noo pa
rin, akala mo’y walang anuman ang nangyari. Pumunta silang mag-ina ng Maynila nang walang
nakakaalam, tumalilis sa dilim. Noong mga unang tao’y pasulpot-sulpot lang ang mga balita
naming tungkol sa kanila- sa Pritil daw, nagtitinda ng mga tsinelas atr bag. Sa UE daw, nag-aral
nang tatlong semstre saka nag-drop out. Sa Quiapo daw, nagbebenta ng lansones, pero bakit di
naman sila ‘yun. 
Ngayo’y heto sa harapan ko si Noel. Anong nangyari, Noel? tanong ko, saka yumukod
akong konti, sinipat ang dulo ng drawer ng mesa ko. May kumakaluskos doon. Baka daga. Kung
bakit naman kayrami ng mga pesteng dagang di ko mapaalis sa opisina ko.
Hindi na mahalagang sabihin ko pa kung papaanong pagkatapos ng mahabang sandaling
pagpapatumpik-tumpik ay napagkuwento ko rin si Noel. Ang isinasalaysay niya’y ibibigay kong
buung-buo, walang dagdag walang bawas: pagkababait daw ng mga kamag-anakang
pinakituluyan nilang mag-ina dito sa Maynila. Maging nang tuluyang mamatay ang ina niya’y
wala raw bukambibig ang mababait  nilang kamag-anak kundi talagang ganyan, iho, una-una
lang, pero di ka naman naming pababayaa. Pagkababait daw nila. Parang si Mrs. Felicidad.
Hanggang siang hapo’y may mahalungkat siya sa baul ng kanyang tiya: isang notebook,
nakalista, kwentadung-kwentado hanggang sa kahulihulihang sentimong ibinili ng kandila, ang
mga nagastos ng tiya niya sa libing ng kanyang mama. Nang gabing iyo’y dala ang balutan ng
damit na lumayas si Noel.
Ayokong maniwalang may mga  tao ngang magpapahirap sa sarili, gagawa ng mga
ginawa ni Noel, huwag lang mawasak ang mga maling paniniwala sa buhay, pero eto si Noel sa
harapan ko, dala-dala pa rin ang mga hindi reyalistikong paniniwala sa buhay, humihingi ng
tulong. At dito pa ma’y mapatutunayan ko na, maski kanino, na wala akong itinatagong
hinananakit. Sa halip na sabihin sa kanyang ba’t di ka lumapit sa mga kaklase nating
tinutulungan mo noon ay inakbayan ko pa siya, at kinabukasan, maski alam kong di siya sanay
magtrabaho’t nakakahiya sa ama ng girlfriend ko ay ipinasok ko siyang tagahain ng karton sa
bunganga ng makina sa aming pabrika. Iyon lang ang trabahong alam kong babagay sa kanya.
Sapagkat naiintindihan ko siya. Puta, naghirap din ako. Matapos ang graduation ay
nagtrabaho na ako dito sa Maynila. Kaya alam ko ang nararamdaman ni Noel. Tatlong beses
akong natigil sa pag-aaral. Noon na lang magka-girlfriend ako, at pag-aralin niya ako, saka ako
tuluy-tuloy na nakapagtapos. Pero lahat iyan ay pinagtrabahuhan ko. Ayokong kumakabig nang
di tumutulak.
Hindi gaya ni Noel. Sa kanya kung may ibibigay ay ibigay nang ibigay. Hindi
nagkukuwenta, hindi praktikal. Hindi mo ba pinipili ang tinutulungan mo? tanong ko sa kanya
minsan. Hindi, sagot niya, saka nagpatuloy sa pagpapatugtog ng plaka. Naiiling na lang ako. Si
Noel iharap mo lang sa musika’y pampalambot ng puso at isipan. At ayoko sa mga lalambot-
lambot , ayoko sa mga dumaraing. Kaya kumulo ang dugo ko nang tumulong si Noel mamuno sa
welga sa aming pabrika. Punyeta, sabi ko noon. Jun, aniya, tratong busabos ang mga
manggagawa , makakatiis ba akong di sila tulungan?
E kaya mo bang tumulong? Paasik na ak. Ipahahamak mo ako niyan sa ama ng girlfriend
ko e! Para siyang sinampal. Napayuko’t itinago ang mukha sa palad. Naawa ako. Pinisil ko siya
sa balikat at naalala ko ang isang ikinuwento niya sa’kin.
Minsan daw sa pabrikang dating pinapasukan, isang limahid na pipi ang kumatok, paturo-
turo sa bibig. Gaya ng dapat asahan, pinapasok naman ito ni Noel at isinalo pa sa pagkain.
Matatapos na silang kumain nang may kumalabog at bago nakakibo si Noel ay tumilapon na sa
lupa ang plato nila ng tuyo’t nagsasalita na ang pipi, nag-uutos na ituro ni Noel kung saan
nakatago ang pera ng pabrika. May iba pa itong mga kasamang pumasok. Kinuha nila ang mga
pera’t binugbog si Noel. Duguan siyang natagpuan sa may kanal. Pero nagtanda ba siya? Ilanga
raw makaraan ang nangyari ay sinabi niya sa mga kakilalang siguro’y nagigipit ang mga
nangholdap, siguro’y nagugutom. Si Noel na hangal! Pero tama ang ginawa ko, Jun, maski si
Mrs. Felicidad ay magsasabing tama ako. Nangangailangan ng tulong ‘yung tao . . . Sobra kang
matulungin sa maling paraan, sagot ko, at sa maling panahon. Pero kung pati pagtulong ay
aalisin pa natin sa tao, ano pa ang matitira sa kanya? Gusto kitang tulungan, Noel, aniko sa
kanya, noon, pagkakayuko niya, pero kelangang itigil mo ang pagtulong sa welga.
Tiningala niya ako, at ang sinasabi niya, hanggang ngayon kapag sa bus ay walang kibo
akong nakamata sa isang bakanteng upuan sa unahan ko, ay umalingawngaw pa sa alaala ko.
Jun, basag ang litong tinig, Jun, ba’t ibang-iba kayo sa’kin? 
Maaring isiping nataas ako ng tungkulin nang sumunod na linggo dahil sa ginagawa kong
pagputol sa welga: sinisante ko si Noel at sa kuwarto niya’y wala akong nadatnan kinaumagahan
kundi sulat ng pasasalamat sa ibabaw ng nakalamukot na kumot. Pero malinis ang budhi ko, sa
palagay ko, at maski magawi sila sa opisina, ay nakiayon sa’kin. Ang isang kagaya ni Noel
kabait, sabi nila, ay para lang sa classroom, di para sa mundong ito ng walang hanggang
pakikipagsiksikan at pakikipagtapakan. Di matanggap ni Noel, dagdag pa nila, Na ang mga
patakaran sa libro ay hanggang libro lamang.
Sabagay ay di lang si Noel ang inabot ng sakuna sa buhay, sabi nila. Marami pa sa mga
kaklase naming: si Marita na hanggang ngayo’y nakakulong sa walang tigil na pagpunas ng
pasamano ng mga bintana ng isang malaking hotel, nangangarap na balang araw ay makasali rin
siya sa pulutong ng mga nakamagarang bihis na babaing naglalakad sa lobby; si Nilo na isang
gabi’y umuwing walang kibo sa dormitoryo, nagsuot ng barong Tagalog, naglinis ng sapatos,
nagpabango, naglagay ng rosas sa dibdib, saka uminom ng lason habang katabi’y sulat na
nagsasabing gusto kong mamatay na maganda sa tingin; at si Dina dalawang buwang kasal pa
lang ay ikinukulong na ng asawa sa banyo; si Diego na nahuling nagpapasok ng kontrabando sa
customs; si Jose na lapitan mo’t amuyin, amoy di-nahugasang sahig ng mental hospital dahil
ayaw daw sa katre matulog. Sino ang mali, sino ang nagwasak? Mahabang listahan sila ng mga
kawawa naming kaklaseng paglabas ng classroom ay nanibago sa kakaibang patakarang
nagpapatakbo sa mundo.
Saka ibinalita nila, si Mrs. Felicidad, nabalitaan ko na ba, sabi daw ng doktor dito’y ilang
buwan na lang ang itatagal ng buhay.
Napatanga ako, parang gusto kong maiyak pero pinigil ko, sala sabi ko, mag-reunion
tayo, para maski for the last time ay makapagpaalam tayo kay Mrs. Felicidad.
Isang buong araw bago ako umuwi ng probinsiya ay hinalukay ko ang Maynila sa
pamimili ng mga pasalubong, at sa paghahanap ng ewan ko kung ano. Natagpuan ko na lamang
ang sarili kong napasuot sa mga tagong sulok, sa mga palengke’t pabrika, sa mga lugar na
karaniwang pinupuntahan ng mga naghahanap ng trabaho.
Ba’t di mo hanapin si Noel para maisama siya sa reunion, mungkahi ng isang kaklase
nang malamang naglililibot ako. Oo nga ano, sagot ko. Madalas daw mapagkikita si Noel sa
Luneta. Luneta? Anong ginagawa niya sa Luneta? Lugar iyong ng mga walang matulugan, ng
mga call boys at call girls, ng mga nagdedebating buwang ng mga manggagantso.
Ilang gabi akong naghalughog sa Luneta. Sabi na’t imposibleng mapunta sa ganoong
lugar si Noel. Saka muntik akong mapangiti sa di maitagong tuwa.
Mga paa ang una kong nakita. Malilinis at maliliit na mga paang nakatsinelas na goma.
Nakahiga sa sementadong bangkito, bahagyang natatakpan ng knapsack. Dumako ang tingin ko
sa natutulog na mukha. Si Noel nga. Maingat siya sa mga paa, parang mga paa ng sanggol, at
hanggang ngayon sa panahon ng paghihikahos niya’y alaga pa rin ang mga paa. May kalahating
sandwich sa tabi ng ulo niya. Nakayakap siya sa dibdib. Niyugyog ko siya. Sobra siyang
pumayat, puro buto ang nahawakan ko. Nagising siya. Noel, sabi ko kaagad, sorry sa nangyari sa
pabrika noon, kumusta ka na? Humingi agad ako ng tawad dahil gusto ko sa tao, pag mali siya,
aaminin niya, pag di naman siya mali, ipaglaban niya.
Pagkakita sa aki’y saglit siyang napanganga, parang naputol sa gitna ng pananaginip, di
makapaniwala, saka napahawak ang kamay sa noo, saka tuluyang napahagulgol, di ko akalain,
sunod-sunod na hagulgol na maingay, ang lalampa-lampang si Noel, nagngunguyngoy habang
pinagtitinginan kami ng mga nagdedebate at naglalako, at sinasabi ng isang di makatulog na
pulubi, shhh, huwag kayong maingay. Di ko malaman ang gagawin. Sa lahat ng ayaw ko ay ang
umiiyak, lalo na sa lalaki. Halos hilahin ko si Noel papunta sa kotse.
Sa bahay ay pinakain ko siya nang marami nang madaling araw na iyon pero di siya
makakain dahil nanginginig ang buong katawan. Sige, pilit ko, sumubo ka nang marami,
kailangan mo. Sumubo nga siya nang marami, sunod-sunod, hinahabol ang maraming araw ng
pagkagutom, saka tumakbo sa banyo at nagduduwal, iniluwa lahat ng kinain. Sa lahat din ng
ayaw ko. Iyong dumuduwal nang may ingay.
Nang bumalik siya’t kumain uli ay saka ko napansin, sa  binti niya, meron siyang
malaking sugat na nagnanana na. Gamutin natin, sabi ko. Huwag na, sabi niya, malapit nang
gumaling. Di pa rin mapigilan ang panginginig ng kanyang katawan kaya inalok ko siya ng
kumot. Umiling siya, hanggang ngayo’y talagang mahirap tulungan. Saka bago ko nasakyan,
nagsasalita na siya, nagkukuwento tungkol sa naging buhay niya.
Hindi pa rin nawawala ang musika. Karugtong na siguro iyon ng buhay niya, gaya ni
Mrs. Felicidad. Kapag mga gabing nagugutom daw siya’t walang makain, pumupunta lang siya
sa mga karinderia’t nakikinig sa jukebox, o kaya’y sa concert at the Park sa Luneta. Ilang minuto
pa’t nasa mundo na uli siyang walang problema, walang masama, walang mga nagugutom.
Ang totoo’y marami siyang problema. Ilang beses siyang napatalsik sa trabaho dahil
hanggang ngayon, maski sino ay papapasukin, maski magnanakaw. Ganoon din sa mga
pinakitirahan niya. Pinalayas siya dahil maski sino pinapapasok. Tumigil na rin siya ng pagsali
sa mga strike at demonstrasyon dahil di maintindihan ng mga kasamahan. Mabait at mabuti siya
maski sa mga pulis, sa mga scabs, sa mga kaaway. Hindi marunong tumingin kung sino ang
kaibigan at ang kaaway. Kung ano ang itim at puti. Para siyang musika, pakinggan mo lang nang
pakinggan hanggang masanay ka’y wala nang masama.
Ang mundo niya ngayon ay mundo ng mga taong panggabi. Di daw niya maipaliwanag
pero hinahanap-hanap niya ang mga tao sa dilim, mga taong nagpupuyat sa harap ng tasa ng
kape sa isang ayaw magsarang bar, mga putang naghahanap ng mahihila sa likod ng
punongkahoy, mga tinedyer na walang mauwian at walang mapuntahan, mga matang inaantok
pero ayaw pumikit, mga paang ayaw tumigil, mga katawang ayaw mahiga. Mas gusto ko ang
hatinggabi, Jun, sabi niya, dahil ang mga hatinggabi ay parang laging walang katapusan.
Nagpatugtog ako ng plaka—mga lumang kanta ni Frank Sinatra tungkol sa mga
kaluluwang umiiyak sa gabi, paborito nila pareho ni Mrs. Felicidad. Lumabas ang pasasalamat sa
mukha niya. Kung iiwan ko siya sa pagkakaupo sa sulok ng silid habang nakikinig, maski isang
araw, isang lingo, isang buwan ay di siya aalis doon. Pero nilapitan ko siya, at sinabi ko, Noel,
brod—noon ko lang siya uli tinawag nab rod mula noong high school—may pupuntahan tayo sa
Martes. Uuwi tayo ng probinsiya. May sakit si Mrs. Felicidad.
Ayaw niya.
Ayaw mo bang makita ka niya bago siya mamatay?
Mas magiging malungkot lang ang pagkamatay niya kung makikita niya ako, Jun.
Akala ko ba’y mahal mo siya?
Oo, sagot niya. Saka di na kumibo. Alam ko ang iniisip niya. Ipinagtapat niya sa akin na
sa buong panahon ng paglagi ditto sa Maynila’y sumusulat siya noon kay Mrs. Felicidad,
pinalalabas na maayos ang tayo niya. At maski noong ibalita na ng iba naming mga kaklase sa
bayan namin ang tunay na nangyari kay Noel, pinili pa rin ni Mrs. Felicidad ang mas maniwala
sa mga sulat ni Noel. Ayaw ni Noel na masira ang ilusyon ni Mrs. Felicidad.
Gusto ko lang makompleto ang Sisenta’y Tres bago mamatay si Ma’am, sabi ko.
Lahat sa’kin, Jun, e nasira na. Iisa na lang ang buo sa’kin, at ‘yan ay ang paniniwala
sa’kin ni Mrs. Felicidad. Pati ba naman ‘yun e sisirain ko pa?
Nagsususpetsa kaya siyang gusto ko lang siyang isama dahil gusto kong ibando sa buong
eskuwelahan, eto ang obra maestra ni Mrs. Felicidad, ang bida ng Sisenta’y Tres, ang
valedictorian n’yo, nasira? Samantalang ako, ang binasta-basta n’yo noon, ang hamak na
salutatorian, eto.
Pero wala akong ganoong hangarin. Gusto kong linawin ngayong wala akong itinatagong
hinanakit kay Noel, o kay Mrs. Felicidad. Ang totoo’y sumusulat pa nga ako kay Mrs. Felicidad,
kaya alam ko, sa mga sagot niya sa akin, na hanggang ngayon ay di pa nagbabago ang Tagalog
niya, pagtatapos pa rin ang ginagamit niya sa halip na graduation, at liham sa halip na sulat. Sa
mga sulat kong iyon ay lagi kong sinasabing mabuti ang kalagayan ni Noel, balita ko, bagamat di
ko naman siya nakikita.
At maging nang aksidenteng Makita ko dito sa Maynila si Mrs. Perez at mabanggit ko sa
kanya ang nangyari kay Noel—kung bakit sa tsismosa pang si Mrs. Perez—ay pinapangako koi
tong huwag na huwag ikakalat ang balita tungkol kay Noel. Ayokong pagtawanan nila si Noel. 
Kaya lumapit akong malapit na malapit kay Noel, pinipilit pa rin siya, pinupuno ng usok
ng sigarilyo ko ang hangin sa ibabaw ng mukha niya. Hinigop niya ang paghinga, saka muli
siyang niyanig ng pag-ubong parang ibang klase na, kaya tinandaan ko sa sariling pakukuluan ko
ang mga pinagkanan niyang plato at ininumang baso. Nagpatingin ka na ba? tanong  ko. Umiling
siya. Ipagagamot kita, alok ko, sa isang kondisyon, sasama ka sa’kin ke Mrs. Felicidad.
Di siya kumibo pero kinaumagaha’y wala na siyang tigil sa pagkukuwento tungkol sa
mga naging buhay naming noong high school; nagpapatugtog ng mga lumang kanta at patingin-
tingin sa aming lumang retrato noong graduation at ngayo’y nagsisisi na siya kung bakit di
nakasali noon.
Di siya kumibo pero kinaumaha’y wala na siyang tigil sa pagkukuwento tungkol sa mga
naging buhay namin noong high school; nagpatugtog ng mga lumang kanta at patingin-tingin sa
aming lumang retrato noong graduation at ngayo’y nagsisisi na siya kung bakit di nakasali noon.
Kinatanghalian, nang sabihin ko na sa kanyang magsuot lang siya ng amerikana ko’t
mag-sunglasses ay di na mahahalatang may sakit siya, matagal siyang yumuko, saka sinabi niya,
sa mababang tinig, sasama na kaya siya.
Ang pagdalaw ng buong Sisenta’y Tres ay parang isang seremonya ng pagbibigay-galang
kay Mrs. Felicidad. Nakalubong halos siya sa mga blanket at unan sa higaan, isang munting
katawang kaytagal din bago naigupo ng sakit. Maging ang palagiang ngiti niya’y wala na rin
ngayon.
Pero nang magmulat siya ng mga mata, nang makita niya kaming nakahilera sa paanan
ng higaan: mag-aabugado at maestro at istarlet at magdodoktor at… o, walang kahulilip na
kaligayahan para sa kanya na akala mo’y isang ina noong sa graduation namin ay nagsabing
Sige, mga anak, sulong kayo’t inihanda ko na kayong lahat sa loob ng isang taon para sa
pagsusulit ng buhay.
Di niya naiisip kung saan siya nagkulang; para sa kanya, kaming lahat ay naipasa niya.
At lalaging kompleto. Maski mahigit lang kaming sampu noon, maski marami ang di nakarating.
Dahil maski iilan kaming bumalik, maski sa paglipas ng mga taon ay pakulang nang pakulang
maging ang bilang ng mga dadalaw sa kanyang libingan, hanggang sa maging isa ma’y wala na
rin marahil makaalala, para sa kanyang sobrang hangal na paningin, kami nina Sisenta’y Tres ay
lalaging tatlumpo.
Naaawa ako sa kanya. Maski sa kamataya’y hinahanap pa rin niya si Noel. Naroon nga si
Noel: nakarelos ko, naka… Si Noel, ang kanyang si Noel!
Saka nagbabalita na si Noel, at bihag uli kami, kung bakit noo’y pati na rin ako, ng mga
salita niya: nasa classroom uli kami ng kahapon, wala nang magdodoktor o istarlet o maestro o
mag-aabugado, mga musmos na muling hinihigop ng paghanga kay Noel. Kung bakit pati ako!
Sabihin mo maski anong libro, nabasa iyon ni Noel! O maski ano kayang salitang Ingles, alam
niya ang kahulugan! At sino na nga ba ang laging nakakatanggap ng medalya ng
pagkamatulungin? Ha, sino?
Naglalaro kami sa loob ng silid, nagkukunwaring ang mga katotohanan ng magulong
buhay sa labas, na kagaya ng pagkabigo at pagkagutom at pagkawasak ng mga pangarap, ay
pinaglubid-lubid na mga kasinungalingang nakaiinis. Nagniningning na muli ang mga mata ni
Mrs. Felicidad. 
Humahalakhak na ngayon si Noel habang ang kamay kong may sigarilyo’y nakaakbay sa
kanya.
Humahalakhak na nga si Noel, malakas, malakas, papalakas, napakalakas, hanggang sa
maudlot siya sa pagdaluhong ng usok ng aking sigarilyo sa kanyang ilong, at mapasaklot ang
kamay niya sa lalamunan, saka sasalin siya ng ubo, ng walang katapusang pag-ubo, malakas,
papalakas, napakalakas, hanggang sa ang buong bahay sa pakiwari namin ay inuuga na ng
kanyang pag-ubo, hanggang sa ang munting daigdig ng pagkukunwaring aming pinaglalarua’y
wasakin ng kanyang pag-ubo, at maging mga mag-aabugado at maestro at istarlet at
magdodoktor uli kaming lahat sa harap ng mamamatay nang guro.
Aalisin ni Noel ang sunglasses para pahiran ng likod ng kamay ang mga mata. Saka
mapapaudlot siya: nakatingin sa kanya si Mrs. Felicidad, puno ng pagkaunawa, nananarok, ang
mga mata. Malalaman niya, ni Noel, nab ago pa man siya pumasok sa kuwartong iyon ay
naikalat na pala ni Mrs. Perez—talagang ang tsismosang iyon!—ang balita tungkol sa mga
nangyari sa kanya. At ako, kung bakit di ko naisip agad, kung bakit napakahangal ko: ang
pagdala ko kay Noel sa silid na iyon, at ang pagpipilit naming magkunwaring asensado siya’t
mahusay ang kalagayan sa likod ng amerikana at relos at sunglasses ko—ang lahat ng ito ay
isang pagpapatunay lamang sa aming mga kaklase’t guro ng katotohanan ng mga napabalita
nang tsismis noon. Kanina pala, nang magkuwento si Noel, kami lang dalawa ang muling
nabihag ng kahapon: ang mga kaklase naming at si Mrs. Felicidad ay puro pala nagkunwaring
walang nalalaman sa nangyari kay Noel, maski na ang mga mata nila’y puno ng pagkaawa, at ng
pagtatakang kung bakit, kung papaanong nagawa ni Noel ang umuwi pa’t magpakita. At tama
sila. Kung may huli mang hataw ng pamalong tuluyang gugupo at wawasak sa katauhan ng isang
may mataas na pagpapahalaga sa sariling kagaya ni Noel, iyon ay ang matagpuang nakakulong
siya, napapalibutan siya ng mga matang naaawa ng mga dating kaklase.
At kaming lahat sa kuwarto ay nagmistulang mga tuod na wala sa lugar sa isang
makabagong larawang ipininta; at ako’y walang makita sa aking isipan kundi ang nakabaling sa
aking mukha ni Noel, larawan ng nabiglang pag-ahon ng pagtataka. At ang piping tanong: Bakit?
Bakit mo ako dinala rito, Jun?
At sa labas, nagsisimula pa lamang lumatag ang dilim pero sa dapithapong iyon ng aming
pagbabalik, sa dapithapong iyong di magtatagal ay tatagurian ng mga kaklase kong ikalawa
naming pagtatapos, naisip naming kung bakit madilim, kung bakit napakadilim.
At isang hatinggabing galing ako sa disco, mga buwan mula noon ang makalipas, sa
isang bus ay makikita ko sa pinakahulihang upuan ang isang payat na katawang sa matinding
antok at pagod siguro’y napadukmo na lamang sa pasamano ng bintanang uuga-uga habang ang
di-naipagugupit niyang buhok ay ipinaghahampasan ng malamig na hangin. Kahawig niya si
Noel, pero matatakot akong magkamali. Mula nang magkahiwalay kami noon sa libing ni Mrs.
Felicidad ay di ko na siya makikita, at maiisip kong maaaring nagbago na siya. Kaya hanggang
sa bumaba ng bus ay di ako magkakalakas-loob na sinuhin ang natutulog. Bagamat maiisip kong
kung si Noel nga iyo’y maaaring galing siya sa isang panggabing trabaho. Nakatulog marahil sa
antok at pagod. Pero wala akong magagwa kundi ang patiyad na tanawin ang papalayong bus,
dala-dala ang nakadukmong ulo sa bintana, hanggang sa tuluyang lamunin iyon ng dilim, at
maiwan akong nag-iisa sa kalsada.
At isang bagay mula noon ang di ko maliliwanagan sa sarili ko: kung bakit lagi kong
napapanaginipan si Noel at si Mrs. Felicidad, lalo na si Noel. Di ako patatahimikin ng kanyang
larawan. Nanakawin niya ang katahimikan ko. Sa gitna ng gabi’y lagi akong maaalimpungatang
pagising, hihingal sa dilim, at habang nakakunot-noo’y maaalala ang lagi kong napapanaginipan:
Si Mrs. Felicidad, ni di makaiyak ang nagulumihanang mukha sa pag-aming ang mga taon niya
ng pagtuturo ay winalan ng saysay ng isang hapon lamang ng pagpapatunay; at si Noel, papalapit
sa akin, lumalaki sa pag-uusig ang mga matang lubog, nakaturo sa akin ang isang daliri sa
pagsasabing Jun, Jun ba’t mo kami pinaghigantihan?
At… at wala akong maunawaan, naguguluhan ako, ba’t niya sasabihin ang gan’on, maski
sa panaginip lang? Ba’t niya sasabihing pinaghigantihan ko sila ni Mrs. Felicidad? Nalilito ako.
Ano talaga ang ginawa ko?

You might also like