You are on page 1of 1

G2 ika-07 ng Enero 2020

ARCE, Louise Magdalene D.


11 Mendel

Panaginip

Isang hapon, ilang minuto bago magsara ang kaniyang klinika, dumating ang isang batang lalaki kasama ang kaniyang ina.
Ayon sa ina ng bata, sila ay bumyahe pa ng halos tatlong araw mula sa probinsya para lamang maipagamot ang kaniyang anak.
Pinapasok ni Basilio ang mag-ina sa klinika at tinignan ang kalagayan ng batang napakatamlay: mayroong napakataas na lagnat,
pananakit ng katawan, at pamamantal. Tinawag ni Basilio ang nars at pinakuhanan ng dugo ang bata upang maging sigurado sa
kaniyang hinihinalang sakit ng bata. Habang naghihintay sa resulta ay kinausap ni Basilio ang mag-ina at tinanong kung bakit sila
bumyahe ng tatlong araw para lamang makapagpatingin sa doktor. Kinuwento ng ina ng bata ang kakulangan ng mga doktor,
pagamutan, mga gamot at gamit sa pangangalaga sa kalusugan sa mga probinsya. Nang dumating ang resulta ng dugo ng bata,
nakumpirma ni Basilio na lagnat Dengue ang sakit ng bata. Makikita ang lungkot at pag-aalala ng ina para sa kaniyang anak ngunit
sisniguro ni Basilio sa mag-ina gagawin niya ang lahat ng kaniyang makakaya upang gumaling ang bata.

Nang makauwi sa kaniyang bahay ay naghanda nang matulog ang pagod na si Basilio. Makalipas ang dalawang oras ay hindi
pa rin siya mapakali sa paghiga at tila’y may gumugulo sa kanyang isipan. Siya’y bumangon upang uminom ng kaniyang gamot
pampatulog. Sa pagpikit ni Basilio ay dahan-dahan siyang nakatulog, ngunit hindi pa rin matahimik ang kaniyang isipan. Napanaginipan
niya ang kaniyang yumaong kapatid na si Crispin, inaapoy ng lagnat at nanghihina. Tinatawag ang kaniyang kuya at nanghihingi ng
tulong. Sa kaniyang panaginip ay bumalik ang alaala noong nagkasakit nang malubha si Crispin ngunit binawian ito ng buhay dahil
walang doktor sa health center sa kanilang barrio at hindi ito naipagamot. Simula noon ay pinangako na niya sa kaniyang sarili na siya
ay magiging isang doktor upang hindi na mangyari sa ibang tao ang nangyari sa kaniyang kapatid.

Kinabukasan ay ipinatawag siya ng administrasyon ng ospital na kaniyang pinagtatrabahuan dahil kinilala ang kaniyang galing
sa paggamot ng mga batang may sakit at nabigyan siya ng promotion. Ibinigay sa kaniya ang titulo na Head of Pediatrics at tinaasan ang
kaniyang suweldo. Masayang naglalakad si Basilio sa pasilyo ng ospital at natigil siya nang marinig muli ang tinig ni Crispin na
nanghihingi ng tulong. Lumingon siya ngunit wala naman siyang kasunod. Binalewala niya ito at umuwi. Maging sa kaniyang pagtulog
ay muli niyang napanaginipan si Crispin. Naglaro sa kaniyang isip ang pagiging isang doktor sa probinsya, ngunit napagpalagay niya na
hindi niya makikita palagi ang kaniyang mga kaibigan, at hindi siya kikita ng kasing laki ng kaniyang sweldo sa Maynila.

Makalipas ang isang linggo, iniwan ni Basilio ang kaniyang buhay sa Maynila. Umuwi siya sa kaniyang probinsya at naglingkod
bilang isang ‘doctor-to-the-barrio’. Ginamit niya ang kaniyang pera upang bumili ng mga karagdagdang gamit para sa mga lokal na
health center ng probinsya at inaapila niya sa gobyerno ang pagpapadala ng mga gamot at kagamitan panggamot sa mga maliliit na
pagamutan sa mga probinsya sa Pilipinas. Hinihikayat niya rin ang ilang mga batang doktor na bigyan ng pagkakataon ang maglingkod
sa mga probinsya upang umunlad ang kalagayan ng pangangalagang pangkalusugan sa bansa.

You might also like