You are on page 1of 8

Hudhud: Ang Kuwento ni Aliguyon

(Epiko ng mga Ifugao)

Ang lahat ng tao ay magkakapatid sa kabila ng pagkakaiba sa


wika, sa ugali, at sa pananampalataya.
Sa mga hinagdang taniman sa bulubundukin naninirahan si
Aliguyon, isang mandirigmang Ipugaw na mabilis at magaling sa
paghawak ng sibat. Anak siya ni Antalan, isa ring mandirigma.
Maagang natuto ng pakikipaglaban si Aliguyon sa
tulong ng kanyang ama. Ang unang larangan ng digma ni
Aliguyon ay ang matitigas na lupa sa tabi ngkanilang tahanan.
Ang unang sandata niya ay ang trumpo at ang mga unang
kalaban niya sa larong ito ay ang mga bata rin sa kanilang pook.
Kapag pinawalan ni Aliguyon ang kanyang trumpo, matining na
matining na iikot ito sa lupa o kapag inilaban niya ito sa ibang
trumpo, tiyak na babagsak na biyak ang laruan ng kanyang
kalaban.

Tinuruan din siya ng kanyang ama ng iba’t-ibang karunungan:


umawit ng buhay ng matapang na mandirigma, manalangin sa
Bathala ng mga mandirigmang ito at matutuhan ang mga
makapangyarihang salita sa inusal ng mga pari noong unang
panahon.
Ikinintal ni Amtalan sa isip at damdamin ng anak ang katapangan
at kagitingan ng loob. Talagang inihanda ng ama si Aliguyon
upang maipaghiganti siya ng anak sa matagal na niyang kaaway,
kay Pangaiwan ng kabilang nayon. Nang handang-handa na si
Aliguyon, nagsama siya ng iba pang mandirigma ng kanilang
nayon at hinanap nila ang kalaban ni Antalan. Subalit hindi si
Pangaiwan ang natagpuan kundi si Dinoyagan, ang anak na lalaki
nito. Mahusay din siyang mandirigma, tulad ni Aliguyon, inihanda
rin siya ng kanyang ama sa pakikipaglaban upang maipaghiganti
siya ng anak sa kalaban niyang si Antalan.
Kaya anak sa anak ang nagtagpo. Kapwa sila matatapang, kapwa
magagaling sa pakikipaglaban lalo na sa paghawak ng sibat.
Itataas ni Aliguyon ang kanyang sibat. Nangingintab ito lalo na
kung tinatamaan ng sikat ng araw. Paiikutin ang sibat sa
itaas saka mabilis ang kamay ng binatang kalaban.
Aabangan ng matipunong kanan ang sibat na balak itimo sa
kanyang dibdib.
Tila kidlat na paroo’t-parito ang sibat. Maririnig na lamang ang
haging nito at nagmistulang awit sa hangin.
Nanonood ang mga dalagang taga-nayon at sinusundan ng mga mata
ang humahanging sibat. Saksakin mo siya, Dinoyagan!
Sasawayin sila ng binata, Kasinggaling ko siya sa labanang ito.
Araw-araw ay nagpatuloy ang kanilang laban hanggang sa ito’y
inabot ng linggo, ng buwan. Kung saan-saan silanakarating.
Nagpalipat-lipat ng pook, palundag-lundag, patalun-talon sa mga
taniman.
Namumunga na ang mga palay na nagsisimula pa lamang sumibol
nang simulan nila ang labanan. Inabot ng taon hanggang sa sila’y
lubusang huminto ng pakuluan ng sibat. Walang nasugatan sa
kanila. Walang natalo.
Naglapit ang dalawang mandirigma. Nagyakap at
nagkamayan, tanda ng pagkakaibigan at pagkakapatiran. Dakila
si Aliguyon. Dakila si Dinoyagan. Ipinangako nilang sa oras ding
iyon na lilimutin na ang alitan ng kanilang ama. Nagdiwang ang
lahat.
Lalong nagkalapit ang damdamin ng dalawang mandirigma nang
mapangasawa si Aliguyon si Bugan, ang kapatid ni Dinoyagan at
nang maging kabiyak ng dibdib ni Dinoyagan ang kapatid ni
Aliguyon. Nanirahan sila sa kani-kanilang nayon.
Doon sila namuhay nang maligaya. Doon lumaki ang kani-
kanilang mga supling.
Kung may pista o anumang pagdiriwang sa kanilang nayon,
buong kasiyahanng pinanonood ng mga taga-nayon ang dalawa
lalo na kung sila’y sumasayaw. Kung mahusay sila sa pakikidigma
ay mahusay din sila sa pagsasayaw. Lumulundag sila at
pumailanlang na parang maririkit na agila.
Sa kani-kanilang nayon, tinuruan nina Aliguyon at Dinoyagan ang
mga tao tungkol sa marangal na pamumuhay, karangalan, at
katapangan ng mga mandirigma, at pagmamahal at
pagmamalasakit sa Inang Bayan. Kahit na sila’y pumanaw,
binuhay ng mga Ipugaw ang kanilang kadakilaan. Inaawit ang
kanilang katapangan. Hindi mawawala sa puso at
kasaysayan ng mga Ipugaw ang kagitingan ng dalawang
mandirigma. Nagpasalin-salin sa mga lahi ngIpugaw, ng mga
Pilipino ang dakilang pamana ng mga dakilang mandirigma.

Labaw Donggon
(a Visayan epic)
Bilingual (Tagalog-English) version
Si Labaw Donggon ay anak ni Anggoy Alunsina at Buyung
Paubari. Siya ay napakakisig na lalaki na umibig kay Abyang
Ginbitinan. Binigyan niya ng maraming regalo ang ina ni Abyang
Ginbitinan na si Anggoy Matang-ayon upang pumayag lamang na
makasal ang dalawa. Inimbita niya ang buong bayan sa kanilang
kasal. At hindi nagtagal ay umibig siyang muli sa isang
magandang babae na nagngangalang Anggoy Doronoon.
Niligawan niya ito at hindi nagtagal ay nagpakasal.
At muli ay umibig si Labaw sa isa pang babae na nagngangalang
Nagmalitong Yawa Sinagmaling Diwata. Ngunit ang babae ay
nakasal na kay Buyung Saragnayan na katulad niya na may
kapangyarihan din.
Patayin mo muna ako bago mo makuha ang aking asawa, sabi
ni Buyung Saragnayan sa kanya.
Handa akong kalabanin ka, sagot ni Labaw kay Saragnayan.
Naglaban sila ng maraming taon gamit ang kanilang mga
kapangyarihan ngunit hindi mapatay ni Labaw si Saragnayan.
Mas malakas ang kapangyarihan ni Saragnayan kaysa kay Labaw.
Natalo si Labaw at siya ay itinali at ikinulong sa kulungan ng
baboy ni Saragnayan. Samantala ang kanyang mga asawa na si
Abyang Ginbitinan at Anggoy Doronoon ay nanganak sa kanilang
panganay. Tinawag ni Abyang ang kanyang anak na Asu Mangga
at si Anggoy Doronoon na Buyung Baranugun. Gustong makita si
Labaw ng kaniyang dalawang anak at nagpasya na hanapin siya.
Sa tulong ng bolang kristal ni Buyung Barunugun ay nalaman nlla
na bihag siya ni Saragnayan. Ang dalawang magkapatid ay
nagtagumpay sa pagpapalaya sa kanilang ama na napakatanda
na at ang kanyang katawan ay nababalutan na ng mahabang
buhok.
Kailangan nyo munang malaman ang sikreto ng kapangyarihan ni
Saragnayan bago ninyo siya labanan! sabi ni Labaw sa kanyang
dalawang anak.
“Opo ama, sagot ni Baranugun. Ipapadala ko sina Taghuy at
Duwindi kay Abyang Alunsini upang itanong ang sikreto ng
kapangyarihan ni Saragnayan.
Nalaman ni Baranugun kay Abyang na ang hininga ni Saragnayan
ay itinatago at pinangangalagaan ng isang baboy ramo sa
kabundukan. Siya at si AsuMangga ay nagtungo sa kabundukan
upang patayin ang baboy ramo. Kinain nila ang puso nito na
siyang buhay ni Saragnayan.
Biglang nanghina si Saragnayan. Alam niya kung ano ang
nangyari. Nagpaalam na siya kay Nagmalitong Yawa. Handa na
siyang upang kalabanin ang dalawang anak ni Labaw. Si
Baranugun lamang ang humarap sa kanya sa isang madugong
laban. Napatay siya ni Baranugun sa isang mano-manong laban.
Pagkatapos ng labanan ay hinanap nila ang kanilang ama. Nakita
nila na siya ay nakasilid sa lambat ni Saragnayan. Natakot sila sa
mga kapatid ni Saragnayan. Pinatay silang lahat ni Baranugun at
pinalaya si Labaw sa lambat.
Nang makita ni Abyang Ginbitinan at Anggoy Doronoon si Labaw
ay napaiyak sila sa pighati. Nalaman nilang hindi na makarinig si
Labaw, hindi na rin nito nagamit ang pag-iisip. Pinaliguan nila ito,
binihisan at pinakain. Inalagaan nila ito ng mabuti. Samantala, si
Buyung Humadapnon at Buyung Dumalapdap, mga bayaw ni
Anggoy Ginbitinan ay ikinasal kina Burigadang Pada Sinaklang
Bulawan at Lubaylubyok Hanginon Mahuyukhuyukon. Ang
dalawang babae ay ang magagandang kapatid ni Nagmalitong
Yawa.
Nang malaman ni Labaw Donggon ang kasal sinabi nito sa
dalawang asawa na nais niyang mapakasalan si Nagmalitong
Yawa Sinagmaling Diwata.
Gusto kong magkaroon ng isa pang anak na lalaki!sabi ni Labaw
Donggon.
Nagulat sina Abyang Ginbitinan at Anggoy Doronoon sa sinabi ng
asawa at dahil mahal na mahal nila ang asawa ay tinupad nila ang
kahilingan nito. Humiga si Labaw sa sahig at pumatong ang
dalawang babae sa kanya, naibalik ang kanyang lakas at sigla ng
isip. Masayang-masaya si Labaw at ang kanyang tinig ay
umalingawngaw sa buong lupain.

Indarapatra at Sulayman (Epikong Mindanao)


Noong unang panahon ay may isang dakilang hari. Siya ay si Indarapatra,
hari ng Mantapuli. Ang Mantapuli ay matatagpuan sa bahaging kanluran ng
Mindanao, doon sa malayong lupain kung saan ang araw ay lumulubog. Si
Indarapatra ay nagmamay-ari ng isang makapangyarihang singsing, isang
mahiwagang kris at isang mahiwagang sibat. “Hinagud, aking sibat,
magtungo ka sa bahaging silangan at lupigin moa ng aking mga kaaway!”
ang makapangyarihang utos ng hari. Pagkatapos magdasal, inihagis niya
ang sibat na si Hinagud nang ubod lakas. Nang makarating na ito sa Bundok
Matuntun, agad na bumalik ito sa Mantapuli at nag-ulat sa kanyang hari.

“Aking dakilang hari, maawa kayo sa mga taga Maguindanao. Sila’y


pinahihirapan at kinakain ng mga walang awing halimaw. Sinisira ng mga
halimaw ang kanilang mga pananim at ang mga kabahayan. Binabalot ng
mga kalansay ang kalupaan!” ulat ni Hinagud.

Nagalit si Indarapatra sa narinig. “Sino ang mga halimaw na iyon na walang


awing pumapatay sa mga walang kalaban-laban na mga taga-
Maguindanao?” galit na tanong ni Indarapatra.

“Ang una po ay si Kuritang maraming paa at ganid na hayop sapagkat sa


pagkain, kahit limang tao’y kayang maubos,” sagot ni Hinagud. “Ang
ikalawa’y si Tarabusao. Isa siyang halimaw na mukhang tao na nakatatakot
pagmasdan. Ang sinumang tao na kanyang mahuli’y agad niyang kinakain.
Ang ikatlo’y si Pah, isang ibong malaki. Ang bundok ng Bita ay napadidilim
sa laki ng kanyang mga pakpak. Ang lahat ng tao’y sa kweba na naninirahan
upang makaligtas sa salot. Ang ikaapat ay isa pang ibon na may pitong ulo,
si Balbal. Walang makaligtas sa bagsik ng kanyang matalas na mata pagkat
maaari niyang matanaw ang lahat ng tao.” Sunud-sunod na paliwanag ni
Hinagud.

Nang marinig ito ni Indarapatra, nagdasal siya at inutusan ang kapatid na si


Sulayman, ang pinakadakilang mandirigma ng kaharian. “Mahal kong
kapatid, humayo kayo at tulungan ang mga taga-Maguindanao. Heto ang
aking mahiwagang singsing at si Juru Pakal ang aking mahiwagang kris.
Makakatulong sa iyong pakikidigma ang mga ito.” Kumuha si Indarapatra ng
isang batang halaman at ipinakiskis niya ang singsing na ibinigay kay
Sulayman sa halaman at kanyang sinabi,”Ang halamang ito ay mananatiling
buhay habang ikaw ay buhay at mamamatay ito kung ikaw ay mamamatay.”

At umalis si Sulayman sakay ng kanyang vinta. Lumipad ang vinta


patungong silangan at lumapag sa Maguindanao. Biglang dumating si Kurita.
Biglang tumalon si Juru Pakal, ang mahiwagang kris, at kusang sinaksak si
Kurita. Taas-baba si Juru Pakal hanggang mamatay si Kurita.

Pagkatapos nito ay kinalaban naman si Tarabusao. “Lisanin mo ang lugar na


ito, kundi ay mamamatay ka!” ang malakas na utos ni Sulayman.
“Lisanin ang lugar na ito! Nagkasala ang mga taong ito at dapat magbayad!”
sagot ni Tarabusao.

“Narito ako upang tapusin na ang inyong kasamaan”” ang matapang na sabi
ni Sulayman.

“Matalo man ako, mamamatay akong martir!” sagot ni Tarabusao. Naglaban


sila at natalo ni Sulayman si Tarabusao.

Naglakad si sulayman sa kabilang bundok upang sagupain si Pah. Ang


bundok Bita ay balot ng mga kalansay at ng mga naaagnas na bangkay.
Biglang dumating si Pah. Inilabas ni Sulayman si Juru Pakal at pinunit nito
ang isang pakpak ni Pah. Namatay si Pah ngunit nahulog ang pakpak nito
kay Sulayman. Namatay si Sulayman.

Sa Mantapuli, namatay ang tanim na halaman ni Indarapatra. Agad siyang


nagtungo sa Maguindanao at hinanap ang kapatid. Nakita niya ito at siya’y
nagmakaawa sa Diyos na buhayin muli ang kapatid. Tumagis siya ng
tumangis at nagdasal kay Allah.

Biglang may bumulwak na tubig sa tabi ng bangkay ni Sulayman. Ipinainom


ito ni Indarapatra kay Sulayman at biglang nagising pagkainom. “Huwag
kang umiyak, aking kapatid, nakatulog lang ako nang mahimbing,” sabi ni
Sulayman. Nagdasal sila Indarapatra at Sulayman upang magpasalamat sa
Diyos. “Umuwi ka na, aking kapatid, at ako na ang tatapos kay Balbal, ang
huling halimaw,” utos ni Indarapatra. Umuwi si Sulayman at nagtungo si
Indarapatra sa Bundok Guryan at doon nakipaglaban kay Balbal.

Isa-isang pinutol ni Indarapatra ang mga ulo ni Balbal hanggang isa na


lamang ang natira. Dahil ditto, lumisan si Balbal na umiiyak. Inakala ni
Indarapatra na namatay na si Balbal habang tumatakas. Ngunit ayon sa
matatanda ay buhay pa si Balbal at patuloy na lumilipad at humihiyaw
tuwing gabi.

Pagkatapos ng labanan, naglakad si Indarapatra at tinawag ang mga taong


nagsipagtago sa kweba ngunit walang sumasagot. Naglakad siya nang
naglakad hanggang siya’y magutom at mapagod. Gusto niyang kumain
kaya’t pumulot siya ng isda sa ilog at nagsaing. Kakaiba ang pagsasaing ni
Indarapatra. Inipit niya ang palayok sa kanyang mga hita at umupo siya sa
apoy upang mainitan ang palayok. Nakita ito ng isang matandang babae.
Namangha ang matandang babae sa taglay na kagalingan ni Indarapatra.
Sinabihan ng matanda na maghintay si Indarapatra sa kinalalagyan
sapagkat dumaraan doon ang prinsesa, ang anak ng raha. Umalis ang
matandang babae dala ang sinaing ni Indarapatra.
Paglipas ng ilang sandali ay dumaan nga ang prinsesa at nakuha ni
Indarapatra ang tiwala nito. Itinuro ng prinsesa kung saan nagtatago ang
ama nito at nalalabi sa kaharian nila. Nang Makita ni Indarapatra ang raha,
inialay ng raha ang kanyang pag-aari kay Indarapatra. Ngunit tinanggihan
ito ni Indarapatra bagkus kanyang hiningi ang kamay ng prinsesa.

Sa maikling panahong pananatili ni Indarapatra sa Maguindanao, tinuruan


niya ang mga tao kung paano gumawa ng sandata. Tinuruan niya kung
paano maghabi, magsaka, at mangisda. Pagkalipas ng ilang panahon pa,
nagpaalam si Indarapatra. “Tapos na ang aking pakay rito sa Maguindanao.
Ako ay lilisan na. Aking asawa, manganak ka ng dalawa, isang babae at
isang lalaki. Sila ang mamumuno rito sa inyong kaharian pagdating ng araw.
At kayong mga taga-Maguindanao, sundin ninyo ang aking kodigo, batas, at
kapangyarihan. Gawin ang aking mg autos hanggang may isang mas
dakilang hari na dumating at mamuno sa inyo,” paalam ni Indarapatra.

You might also like