Professional Documents
Culture Documents
Ang Lisyang Edukasyong
Ang Lisyang Edukasyong
Ni Renato Constantino
(Malayang Salin ni Luisa Maria Martinez)
Pangkat Tatlo
Makabayang Pagkilos sa Edukasyon
Ilang taon na ang lumipas nang ipinaglaban ang kahilingan na kilalanin ang kapangyarihan ng
Pilipinas sa mga base-militar ng Estados Unidos sa ating bansa. Dumating ang oras na pumanig
ang mga mangangalakal na Pilipino sa patakarang Pilipino Muna. Karamihan sa mga iskolar at
ekonomista ang nagsaad na gumawa agad ng aksyon para sa paglaya ng ating ekonomiya. Mas
binibigyang pansin ng mga lider sa edukasyon ang pagpapaganda ng kalidad ng edukasyon at
mga kasangkapan na makakapagpagpahusay sa pagtuturo ngunit hindi nila ginagawan ng paraan
upang maging makabayan ang edukasyon. Nakakalungkot ang kalagayang ito dahil ito ang
dahilan kung bakit walang kaalam-alam sa mga suliranin ang mga mamamayan at dahil dito’y
wala rin silang nagiging pakialam sa kapakanan ng ating bansa.
Sa librong "The American Occupation of the Philippines" ay tama ang sinabi ni Judge Blount:
Nakikita ng mga Pilipino na talagang determinado ang Estados Unidos na "iligtas sila sa mga
panganib ng maagang pagsasarili", at kung kailangang gumamit ito ng dahas para
maisakatupatan ang banal na layuning ito ay handa itong gumamit ng dahas.
Sa kabila ng pagpapahayag ng mga opisyal na Amerikano na sinakop nila ang Pilipinas dahil sa
dakilang layuning ipagtanggol at gabayan ito, di pa rin maaalis ang katotohanang ang Pilipinas
ay isang bansang sakop nila at hinubog din ang sistemang pang edukasyon upang palawakin ang
kontrol ng Estados Unidos sa bansa, hindi din nito naiwasang maging kasangkapan sa paglikha
ng mga pag-uugaling angkop sa mga layunin ng kolonyalismong Amerikano.
Hadlang sa Demokrasya
Ang wikang Ingles ay lumikha ng agwat sa pagitan ng mga nasa poder at masa. Naging simbolo
ito ng mataas na katayuang panlipunan at bumaba ang tingin sa katutubong wika. Ngayon,
karamihan sa masa ay hirap gumamit ng Ingles at hirap rin gamitin ang katutubong wika
sapagkat nahadlangan ang pag-unlad nito. Dahil sa kakulangan ng masa sa pag-unawa sa wikang
Ingles, nadadala na lamang sila sa mga magagandang salita bagama't hindi alam ang kahulugan
nito. Ito ay isang hadlang sa demokrasya.
Mga Balakid sa Pag-iisip
Ang paggamit ng dayuhang wika ay sagabal sa pagtuturo. Sa halip na tuwirang matuto ang bata
sa pamamagitan ng katutubong wika ay kailangan muna niyang matutunan ang wikang banyaga,
maisaulo ang talasalitaan, mabihasa sa tunog, indayog at banghay ng mga salita na pagkatapos ay
isinasantabi lamang paglabas ng paaralan. Naging mekanikal ang paraan ng pag-aaral.
Pangkalahatang ideya lamang ang natututunan ng mga mag-aaral at hindi nagkakaroon ng
malalim na pag-unawa. Hirap din sa pagpapahayag ng saloobin at nababaog ang pag-iisip.
Napabayaan ang ating Surian ng Wikang Pambansa na dapat sana maging isang pangunahing
haligi ng isang malayang bansa. Samakatuwid, ang wika ay pangunahing suliranin. Bukod sa
pagiging wikang panturo ng pambansang wika ay marami pang ibang usapin na kailangan nating
pagtuunan ng pansin.