You are on page 1of 22

Pangan, Kyla

Ligawan at Suyuan: Ang Konsepto ng Panliligaw o Panunuyo sa Panulaang Pilipino at Latin Amerika

Integral na parte ng kulturang Pilipino ang panliligaw o panunuyo. Mula pa noong panahon ng mga
Kastila hanggang sa kasalukuyang panahon, dinala na ng mga Pilipino ang ganitong kaugalian o kaisipan.
Para sa atin, esensyal ang panliligaw o panunuyo sa buhay at dignidad ng mga magkasintahan, maging
ng mga magulang ng mga ito. Isa itong yugto ng pakikipagrelasyon na lubos na pinahahalagahan at hindi
maaaring lampasan. Malalim na ang ugat ng panliligaw sa ating kultura—tulad ng maraming bagay, may
impluwensya ang konsepto ng panliligaw sa pang-araw-araw nating pamumuhay at nasasalamin nito
ang ating kultura at lipunang kinabibilangan.

Ang panliligaw ay ang matandang tradisyon ng Pilipinas kung saan sinusuyo ng isang lalaki ang isang
babaeng nais niyang maging kasintahan o kabiyak. Masalimuot at mabusisi ang proseso ng panliligaw.
Manong "pasuotin sa butas ng karayom" ang lalaking manliligaw upang mapatunayan niya ang kaniyang
determinasyon at "malinis na intensyon" sa babaeng nililigawan. Bagamat ang babae ang magiging
kasintahan, kalakip din sa proseso ang panliligaw sa magulang at pamilya ng babae, at kung minsan ay
maging sa mga kaibigan. Maraming paghihirap, mapa-pisikal, sikolohikal, o ekonomikal ang
pinagdadaanan ng isang manliligaw upang makamit ang "matamis na oo" ng nililigawan. Nariyang
magbigay ng bulaklak, ng tsokolate, akuin ang gastos sa panonood ng sine o pagkain sa labas,
mangharana, at kung minsa'y manilbihan sa pamilya ng nililigawan.

Ngunit katulad ng maraming bagay, nagbabago ang estruktura ng panliligaw sa paglipas ng panahon.
Karaniwang argumento sa ngayon ang pagkakaiba ng tradisyunal at modernong paraan ng panliligaw.
Madalas nang isumbat ng matatanda ang kainaman ng paggalang sa tamang proseso ng panliligaw ng
kanilang henerasyon, kung ikukumpara sa "liberal" na pagtingin ng kabataan dito ngayon. Sa aking
palagay, ang panliligaw noon ay siya pa ring panliligaw ngayon. Nga lang, mas kaunti ang ngiping
nakabaon at mas maluwag ang kapit sa leeg ng manliligaw. Ang panliligaw noon ay siya pa ring
panliligaw ngayon, nakisabay nga lang sa paglago ng panahon.

Mahalaga ang panliligaw sa kulturang Pinoy. Kaya naman kahit igiit ng matatanda ang "paglalaho" nito,
patuloy at patuloy pa rin ang pag-iral nito, pati na ang lahat ng konsepto at aspektong nakakabit dito.
Mas kagalang-galang ang lalaking marunong pa ring manligaw, mas karespe-respeto ang babaeng
naniniwala pa rin sa proseso ng panliligaw. Sa kabila nito, ang kalakhang konsepto at mga aspekto ng
panliligaw ay bitbit pa rin ang mga matatandang problematikong kaugalian at paniniwala.

Konserbatismo

Isa sa pinakamahihirap na parte ng panliligaw ang pagsisimula.

Sa kulturang Pinoy, ang tradisyunal na paraan ng pagsisimula ng romantikong relasyon sa pagitan ng


dalawang tao ay ang pagdedeklara ng damdamin at kasunod ay ang paghahain ng kagustuhang
manligaw. Ito ang norm. Anumang paglabag o pagsasawalang-bahala rito ay nangangahulugang bulgar o
walang moral ang nagsagawa. Kung titignan, parang kay dali. Wala pang pangangailangang magsibak ng
kahoy di kaya'y bumili ng mga regalo't handog sa pamilya. Aamin pa lang, tapos ay mag-aalok ng
panliligaw. Ngunit tulad ng maraming bagay, pati ang pagsisimula ng panliligaw ay may kaakibat ding
mga komplikasyon.

Kung titingin sa Internet ng iba't ibang istiryotipong naglalayong i-classify ang uri ng mga lalaki sa bansa,
hindi maaaring mawala ang "torpe." Sila umano iyong mga takot magtapat o simpleng makihalubilo sa
sinisintang dalaga, at halos di mapilit gumawa ng paraan upang "kumilos" o manligaw. Sila iyong
ipinapakitang kawawa sa mga palabas o pelikula at "nauunahan" ng mga kalaban, na para bang ang
babaeng inaasam ay ang pinakamalamang parte ng manok sa isang fast food chain na talaga namang
pinag-aagawan. Sila iyong mga "tatanga-tanga," sila iyong mga "babagal-bagal." Sila iyong mga talunan
sa kompetisyon.

Hindi rin nakakatulong na ang karamihan sa kababaihan ay "pakipot." Ito naman iyong istiryotipong
inaatas sa mga babaeng kimi, tahimik, at "pabebe." Kung minsan, mapapansing ang kakarampot na sisi
sa pagiging talunan ng isang torpe ay maiuugat sa pagiging "pabebe" ng babae. Kay hirap daw naman
kasing timbangin ang bigat ng pag-asa kung walang pinakikita ni katiting na paanyayang magpatuloy. Kay
hirap daw kumilos gayong tila walang interes ang babaeng nais ligawan. Sa kababaihan naman,
karaniwan ding himutok ang pagiging torpe ng lalaki, pagkat anong sinta man ang nararamdaman ng
pobreng babae para rito, wala sa posisyon niya, ni sa paniniwala, ang magbigay ng motibong nang-
aanyaya.

Mahirap maging torpe, at mahirap maging babae. Sa nakasanayang ayos at pamamaraan ng panliligaw,
nakatakda na ang bawat galaw at bawat diskarte, nakasaad na ang mga dapat mangyari, at nakaguhit na
rin sa bato maging ang karapatdapat na kilos at pagtanggap ng mga tauhang gaganap. Sa panliligaw,
tatatlo lamang ang klasipikasyon ng lalaki: iyong presko, iyong tama lang, saka iyong torpe. Ang
panliligaw ay kumpetisyon. Iyong mga presko ay iyong mga puno ng angas at marami ang kayang ibuga,
kung kaya't kinabibwisitan man ng nililigawan, mataas pa rin ang tsansang manalo sa digmaan. Iyong
tamang manliligaw ang paborito ng mga magulang: magalang, mabait, masipag, malumanay. Hindi
masyadong mayabang at di rin tatamad-tamad o lalamya-lamya. Sakto lang. Iyong mga torpe, sila iyong
mga talunan, sila iyong mga kulang sa lakas at kakayanan. Kaya, sa isang tabi na lang.

Kung susuriin, umiiral lamang ang mga istiryotipong ito dahil sa natural na istruktura ng panliligaw. Ang
pagiging presko ay kadalasang makikita sa mga anak-mayaman o pinalaking naaabot ang layo ng luho.
Ang mga manliligaw na tama lang ay nababahiran din ng kani-kaniyang machismo sa katawan, ngunit
nakapasailalim din sa paniniwalang ang panliligaw ang pamantayan ng pagiging lalaki. Samantalang ang
konsepto ng torpe ay kundemnasyon din lamang sa kawalan ng kakayahang makipagsabayan sa munting
digma ng kalalakihan—ang digma para sa kapakanan ng dignidad at pamantayan ng kalakasan. Bukod pa
rito, ang pagkahubog bilang torpe ay bunsod din lamang ng takot na matanggihan o mapahiya. Sa isang
kulturang kasinglala ng pagka-basted ang maipahiya sa harap ng libo-libong manonood, natural na
matakot at matorpe ang kalalakihan. Nababakas sa pagkatakot sa pagka-basted ang pagiging entitled ng
kalalakihan, ng pag-iisip na kung sinumang alukin ay di makatatanggi sapagkat siya'y lalaki.

Sa istiryotipo at mahigpit na pamantayan at ekspektasyon din nagmumula ang pagiging "pakipot."


Manipestasyon ng kahingian sa pagiging babae ang maging kimi at mahinhin sa ngalan ng dignidad at
kalinisan. Inaasahan ang babaeng pagpanatilihin ang dangal sa pamamagitan ng pagtatago sa damdamin
at hindi pagiging "easy-to-get." Walang paggalang sa sarili iyong mga "madaling makuha" at hindi
"pinaghihirapan." Sa pagdodoktrina sa kababaihan ng kaugaliang magpakipot, aakalain mong progresibo
ang Pinay kumpara sa kababaihan ng ibang bansa, sa unang tingin—marunong siyang humindi,
marunong siyang tumanggi. Ngunit, paurong ang pinatutunguhan ng ganitong kaisipan. Dahil nakakintal
na sa isipan ng kalalakihan ang natural na mekanismo ng kababaihang "magpakipot," katiting o halos
wala silang paggalang sa paghindi at pagtanggi, sa pag-aakalang tulad ng maraming pagkakataon,
"nagpapakipot lang iyan." Kung kaya't mahirap ipakilala sa karaniwang Pinoy ang konsepto ng consent.

Madalas tawaging konserbatibo ang panliligaw ng Pinoy kumpara sa mga kanluranin niyang kapwa-lalaki.
Ngunit kung babalikan ang pinagmulan, ito ay dahil lamang naka-angkla sa mga ideolohiyang
konserbatismo ang kulturang Pinoy. Nakakapit tayo sa mahigpit na awtoridad ng simbahan at ng estado,
na pilit mang igiit na magkahiwalay ay lagi't laging nagiging isa rin.

Katuturan ng Sining at Panitikan


Hindi kailanman nagkulang ang Pinoy sa pagiging malikhain at masining. Ilang beses man tayong
natawag na 'indio' ng mga conquistadores, hindi totoong tayo'y mga mangmang na nangangailangang
maturuan pa ng relihiyon, siyensiya, aritmetik, gramatika, at sining ng ibang bansa. May sariling
edukasyon at sining na matatagpuan sa mga katutubong lupa ng bansa, at pilit mang pamunuan at
kontrolin ng mga kanluranin, hindi kailanman tuluyang nasupil ang Pinoy na ipamalas ang angking galing
sa panitikan at sining.

Lubha ang pagtatangi ng Pilipino sa sining—katumbas ng pagpapahalaga nito sa pag-ibig. Kung kaya't
hindi kataka-takang mayroon tayong mga katutubong likhang-sining na ginawa para sa espesyal na
dahilan ng panliligaw o pag-ibig lang. Dahil dito, hindi kataka-takang ang ating pambansang bayani ay
ang tinaguriang playboy ng kaniyang panahon, at ang kaniyang kasangkapan sa panliligaw? Mga tula ng
pag-ibig. Mga tula ng pag-ibig din ang naging kabayaran ng mga sisiw na inaalmusal, tinatanghalian, at
hinahapunan noon ni Jose de la Cruz, mas kilala bilang Huseng Sisiw. Sa Palawan, mayroong sistema ng
panliligaw na tinatawag na pasaguli, kung saan gumagamit ang mga magulang ng nililigawan ng mga
bugtong ukol sa pag-ibig upang subukin ang mga magulang ng manliligaw. Sa Cebu naman, "balak" ang
tawag nila sa pamamaraan ng panliligaw kung saan bumibigkas ang manliligaw ng mga bersong
naglalaman ng pag-ibig sa nililigawan. Karaniwan ang mga tula, sulat, at kantang pag-ibig, bilang
mahusay na sandata sa kumpetisyong ligawan.

Kundiman at Harana

Dalawa sa pinakakilalang uri ng kantang pag-ibig ang kundiman at harana. Samantalang ang harana ay
maaaring ang akto mismo ng pag-awit sa babaeng iniirog sa kadiliman ng gabi at siya ring taguri sa
kantang ginagamit sa panghaharana, ang kundiman ay naiiba sa paraang ito'y simpleng awit ng pag-ibig,
maaaring awitin nanghaharana man o hindi.

Mababakas ang konsepto ng harana sa mismong mga titik ng kantang ginagamit dito. Ang harana ay ang
paraan ng panliligaw kung saan tutungo ang manliligaw sa bahay ng nililigawan pagsapit ng dilim, at
kaakibat ang gitara't barkada, ay aawitan ng kantang umiibig ang nililigawan, sa pag-asang dudungaw ito
at sisilayan ang naghihintay na manganganta. Tulad halimbawa ng haranang ito, ni Ruben Tagalog, ang O
Ilaw:

O, Ilaw
sa gabing madilim

Wangis mo'y

bituin sa langit

O, tanglaw

sa gabing tahimik

Larawan mo Neneng

nagbigay pasakit

Dito, inihahambing ng manghaharana ang kaniyang irog sa ilaw na tumatanglaw sa gabing madilim at
tahimik, tila pinagmumulan ng pag-asa, at balon din naman ng pasakit.

Buksan ang bintana

at ako'y dungawin

Nang mapagtanto mo

ang tunay kong pagdaing

Sa bersong ito, mahihinuha ng tagapakinig o mambabasa na ang manghaharana ay labis na nagnanais na


masilayan ng kaniyang irog, at makita ang paghihirap nito para sa kaniya. Sa kundiman namang ito ni
Francisco Santiago, ang Madaling Araw:

Madaling araw na sinta

Liwanag ko't tanglaw

Halina irog ko

At mahalin mo ako

Manungaw ka liyag

Ilaw ko't pangarap


at madaling araw na

Sa bersong ito, mapapansin na isinagawa ang harana sa madaling araw, nangangahulugang ito ay
maaaring gawin anumang oras man ng gabi. Mapapansin din ang pagyakag sa tagapakinig na mahalin
ang kaniyang manghaharana.

May katangian ang kundimang natatangi rito lamang: ito'y kadalasang malungkot o nagpapa-awa, at
inaawit ng manganganta ang kaniyang kalungkutan at ang pagkadurog ng kaniyang puso. Makikita ang
katangiang ito sa Pakiusap ni Francisco Santiago:

Natutulog ka man, irog kong matimtiman

Tunghayan mo man lamang ang nagpapaalam

Dahan dahan mutya, buksan mo ang bintana,

Tanawin mo't kahabagan,

Ang sa iyo'y nagmamahal.

Kung sakali ma't salat sa yama't pangarap,

May isang sumpang wagas,

Ang aking paglingap.

Pakiusap ko sa iyo kaawaan mo ako,

Kahit mamatay, pag-ibig ko'y minsan lamang.

Iniibig kita, magpakailan pa man.

Kakikitaan din ng ganitong elemento ng kundiman ang Anak Dalita, muli'y kay Francisco Santiago:

Ako'y anak ng dalita

At tigib ng luha
Ang naritong humihibik

Na bigyan ng awa

Buksan mo ang langit

At kusa mong pakinggan

Ang aking ligalig

Saka pagdaramdam

Ay, kung hindi ka maaaba

Sa lungkot kong dinaranas

Puso't diwang nabibihag

Sa libing masasadlak

Magtanong ka kung 'di tunay

Sa kislap ng mga tala

Magtanong ka rin sa ulap

Ng taglay kong dalita

Maaaring ipagpalagay ng tagapakinig o mambabasa na ang tinutukoy na pagdaralita ay hindi lamang sa


damdamin, kundi maging sa estadong pinansiyal. Tunay ngang kahabag-habag, kung pakikinggan, ang
mga pagdaramdam ng mang-aawit. At sa kundiman namang ito ni Nicanor Abelardo, pansining
mababanggit ang konsepto ng "pag-asa" sa panliligaw:

Pahat kong puso

Sa wikang pag-ibig

Tumitibok ng

Hindi mo malirip
Ito'y ligaya

Kaya o sakit?

Ang idudulot sa abang dibdib?

Tanging kagandahan

Sa aking karainga'y

Pahiwatigan lamang

Kung may pag-asa

Pang kakamtan

At kung sakali't

Mamarapatin ang dulot

Kong paggigiliw

Tangi kong popoonin

Hanggang buhay ko ay makitil.

At kung mamamarapatin

Ang dulot kong paggiliw

Tangi kong popoonin

Hanggang ang buhay ko

ay makitil.

Karakteristikong katangian na ng kundiman, kung tutuusi'y maging ng harana, ang magpa-awa at


magpahayag ng pagdaramdam. Malaking bahagi ng kapangyarihan ng panghaharana at panliligaw gamit
ang kundiman ang sukdulang pagroromantisa sa inaawitan at sa pag-ibig mismo, pati ang emosyonal na
manipulasyong kumukondisyon sa nililigawang kiligin o mahabag sa manliligaw. Deterministiko rin ang
pagkakasangkapan sa habag at awa sa ekonomikal na kalagayan ng manliligaw. Pansining ang manliligaw
na walang masyadong kakayahan, kapangyarihan, o perang maipagmamalaki ay mag-aalok, bilang
konsolasyon, ng "wagas na pag-ibig." Sapagkat talo sa kumpetisyon ang manliligaw na walang
maibibigay na kahit ano, lagi't laging hahanap ng paraan ang manliligaw upang makapaghandog sa
iniirog—kung walang pera, manong tula, awitin, o simpleng tapat at di magwawakas na pag-ibig.
Bagamat gumagamit din ng sining at panitikan ang mga mayayaman, mas karaniwan ang kanilang
kapangyarihan sa mahihirap na manliligaw.

Kasama rin ang konsepto ng pag-asa sa isa sa pinakamatutunog na terminong ginagamit sa panliligaw.
Malaki ang papel na ginagampanan ng pag-asa. Ito ang nagtatakda ng pagpapatuloy, pagpapasukdol sa
determinasyo't regalo, at pagtigil. Mapapansing kaunti ang nagtitiyaga sa panliligaw na katiting o walang
nararamdamang "pag-asa." Muli, mayroong dahilan at pinagmulan ang konsepto ng pag-asa. Tulad ng
mga nabanggit nang aspekto, indikasyon din lamang ang pag-asa ng matinding machismo na
bumubuhay sa panliligaw. Sa kumpetisyong ito, iba-iba ang pagtanggap sa pag-asa, pero ang
pinakakaraniwan ay ang pag-urong kung nalamang walang patutunguhan at "basted" ang magiging
bagsak. Sa iilang mga kaso, makikitang ang kawalan ng pag-asa ang nagtutulak sa manliligaw upang
lalong magpursigi. Muli, madadamay ang konsepto ng pagpapakipot at ang kawalang-kaalaman ng Pinoy
sa kahalagahan ng consent at pagrespeto sa desisyon at kagustuhan ng isang tao.

Ngunit niluma man ng panahon ang mga kundiman at kakatwa na sa ngayon ang mangharana ng
nililigawan, kakikitaan pa rin ng pagkapit sa dating kumbensyon ang iilang mga Pilipino. Sa pagtangkilik
sa musikang Pinoy at pakikinig nang maigi sa mga lamanin nito, makikitang ang dalawang kantang ito,
parehong mula sa Parokya ni Edgar, ay nagpapakita ng pagmamahal sa harana. Mula sa Harana noong
1997:

Uso pa ba ang harana

Marahil ikaw ay nagtataka

Sino ba 'tong mukhang gago

Nagkandarapa sa pagkanta

At nasisintunado sa kaba

Mayron pang dalang mga rosas

Suot nama'y maong na kupas

At nariyan pa ang barkada

Naka-porma naka-barong

Sa awiting daig pa ang minus one

At sing-along
Puno ang langit ng bituin

At kay lamig pa ng hangin

Sa 'yong tingin ako'y nababaliw, giliw

At sa awitin kong ito

Sana'y maibigan mo

Ibubuhos ko ang buong puso ko

Sa isang munting harana

Para sa'yo

Mapapansin sa awitin ang kaugalian ng pagreregalo sa pagbanggit sa dalang rosas, habang binibigyan
naman ng mga titik ng ideya ang tagapakinig sa pagiging hikahos sa buhay ng persona. Bagamat
nakayanang makabili ng mamahaling bulaklak, hindi pa rin malilimutang ang suot ng manliligaw ay
niluma at kinupas na maong. Sa kabila nito, makikita ang determinasyon ng manliligaw, maka-diskarte
man lamang sa nililigawan. At mauulit ang ganitong paksa ng musika sa Gitara, inilabas noong 2005:

Bakit pa kailangang magbihis

Sayang din naman ang porma

Lagi lang namang may sisingit

Sa twing tayo'y magkasama

Bakit pa kelangan ang rosas

Kung marami namang nag-aalay sayo

Uupo na lang at aawit

Maghihintay ng pagkakataon

Hahayaan na lang silang

Magkandarapa na manligaw sayo


Idadaan na lang kita sa awitin kong ito

Sabay ang tugtog ng gitara

Idadaan na lang sa gitara

Mapapagod lang sa kakatingin

Kung marami namang nakaharang

Aawit na lang at magpaparinig

Ng lahat ng aking nadarama

Pagbibigyan na lang silang

Magkandarapa na manligaw sayo

Idadaan na lang kita sa awitin kong ito

Sabay ang tugtog ng gitara

Idadaan na lang sa gitara

Kaiba sa determinadong persona ng Harana, cynical ang bida ng awiting Gitara. Hindi nito nakikita ang
pangangailangang magpasikat at magpabango ng imahe sa nililigawan, bagkus ay nagnanais lamang na
"umawit at magparinig ng lahat ng nadarama," isang katangiang marahil ay impluwensya ng pakikinig sa
kayraming mga kundiman.

Pagdiskarte

Marami ang uri ng pagdiskarte sa panliligaw. Base sa uri ng personalidad o sa kagustuhan ng manliligaw,
maaari niyang gawin ang isa, dalawa, o lahat ng uri ng diskarteng maaaring gamitin upang "mapasagot
ang nililigawan."

Pambobola
Perpetwal na yatang aspekto ng panliligaw ang pambobola. Ginagamit ng manliligaw ang kapangyarihan
ng mga salita upang purihin, paniwalain, at bilugin ang ulo ng nililigawan sa "katotohanan" ng kaniyang
sinasabi. Bagamat kung minsan ay may katotohanan ang mga papuring sinasabi ng manliligaw upang
kiligin at mahulog ang loob ng dalagang nililigawan, mas madalas na binobola niya lamang ito.

Sa ganitong paraan nagiging manipulatibo ang panliligaw. Hinuhubog ng manliligaw ang persepsyon at
paniniwala ng nililigawan upang magsilbi sa kaniyang ganansya. Manipulatibo rin ito sa aspektong
gumagamit ito ng materyalistikong mga taktika upang "mapaibig" ang dalagang sinisinta. Kung iisipin,
saan pa ba maririnig ang ganitong lengguwahe ng pagpapaniwala? Diba't sa politiko, sa mga
mapanlinlang na patalastas at ads?

Matatawag ding manipulatibo ang "pang-amo" ng mga Pangasinense—ito ay ang paggamit ng gayuma
sa iniibig, tulad din ng mga Cebuano. Hindi natatapos dito ang kaugalian ng mga Pangasinense. Kasama
rin sa kanilang mga tradisyon ang panghaharana, paggawa at pagbigkas ng mga tula at sulat, at
pagbibigay ng regalo. Ngunit sa huli, may tradisyon silang kung tawagin ay "palabas," kung saan
magbabanta ng pagpapakamatay ang lalaki hanggang sa, sa huling sandali ay ililigtas siya ng babae sa
pamamagitan ng pag-amin na mahal din siya nito. Ang ganitong uri ng pag-iisip ay manipulatibo, at
indikatibo ng tunggalian ng kapangyarihan na namumuhay sa lahat ng relasyong sosyal, at kadalasa'y
binubuo ng inaabuso at nang-aabuso.

Regalo at Handog

Inaasahang may katangian ng isang gentleman ang isang manliligaw. Kailangang lagi niyang
pinagbubuksan ng pinto, ipinanghihila ng upuan, pinauupo maano mang siya ang tumayo sa bus o sa LRT,
o ipinagbubuhat ng bag o anumang dala ang nililigawang babae. Inaasahang poprotektahan niya ito sa
anumang panganib mangyari mang ang mapahamak ay siya mismo. Nakapaloob ito sa konsepto ng
chivalry o kagalantihan na nararapat ipakita ng lalaki sa isang babae, lalo pa sa kaniyang nililigawan.

Kasama sa manipesto ng chivalry ang pag-ako ng lalaki ng lahat ng bayarin sa tuwing lalabas na
magkasama. Mula sa pamasahe hanggang sa pagkaing kakainin, manggagaling lahat sa bulsa ng lalaki
ang gastos.
Hindi pa roon nagtatapos ang gastos ng panliligaw. Karaniwan din ang regular na pagreregalo ng
bulaklak, tsokolate, o anumang maibigang ibigay ng manliligaw. Sa kantang ito ni Moira dela Torre,
makikita ang kumbensyon ng "tipikal na diskarte:"

Nung tayo'y nag-college ay saka ko lamang binigay ang matamis na oong

Sampung buwan mong trinabaho

Sa halip na tsokolate at tipikal na mga diskarte

Nabihag mo ko sa mga tula at sa mga kanta mong pabebe

Nabanggit sa awitin ang tinagal ng panliligaw at "pagtatrabaho" ng manliligaw para sa "matamis na oo"
ng nililigawan. Totoo: bukod sa pagiging kumpetisyon, ang panliligaw ay trabaho. Laging inaasahan ang
lalaking kumilos, ipakita sa gawa, di lamang sa salita, ang kanyang determinasyon at tiyaga. Makikita sa
kantang ito ni Jireh Lim ang mga ginagawa nito sa ngalan ng kaniyang pag-ibig:

Naalala ko pa

Nung nililigawan pa lamang kita

Dadalaw tuwing gabi

Masilayan lamang ang yong mga ngiti

At ika'y sasabihan

Bukas ng alas siyete sa dating tagpuan

Buo ang araw ko

Marinig ko lang ang mga himig mo

Hindi ko man alam kung nasan ka

Wala man tayong komunikasyon

Maghihintay sayo buong magdamag

Dahil ikaw ang buhay ko

Kung inaakala mo
Ang pag-ibig ko'y magbabago

Itaga mo sa bato

Dumaan man ang maraming pasko

Kahit na di mo na abot ang sahig

Kahit na di mo na ko marinig

Ikaw pa rin ang buhay ko

Naalala ko pa

Nung pinapangarap pa lamang kita

Hahatid, susunduin

Kahit mga bituin aking susungkitin

Kung inaakala mo

Normal na i-exaggerate ng isang lalaki ang kaniyang kayang gawin para sa isang babae upang
mapahanga ito. Tulad ng pagbanggit sa Buko ni Jireh Lim ng alok na sungkitin ang mga bitwin para sa
babaeng minamahal, dinedeklara ni Ely Buendia ng Eraserheads ang kaniyang pagpayag na gawin
maging ang thesis nito kapalit ang matamis na oo:

Gagawin ko ang lahat pati ang thesis mo

Wag mo lang ipagkait ang hinahanap ko

Sagutin mo lang ako, aking sinta'y walang humpay, na ligaya

at asahang iibigin ka, sa tanghali, sa gabi at umaga

Wag ka sanang magtanong at magduda

dahil ang puso ko'y walang pangamba

na tayo'y mabubuhay na tahimik at buong ligaya


Sa likod ng galanteng disenyo ng walang humpay na pagbigay at pagtanggap, nagkukubli ang ekonomik
at sosyopolitikal na implikasyon ng diskarteng ito sa panliligaw. Lampas sa mapagkawanggawa at
magalang na mukha ng chivalry, nagpapatuloy ang pag-iral ng patriyarka sa pagpapanatili ng tipikal na
paniniwalang mahina ang babae at lagi't laging nangangailangan ng tulong, pagprotekta, at saklolo ng
isang lalaki.

Mas malalim ang problema sa pagreregalo at paghahandog sa nililigawang babae. Isang pagpapatotoo
ang pagreregalo o paghahandog ng lalaki sa kaniyang sosyal at ekonomik na tayo sa lipunan. Isa itong
indikasyon ng kaniyang kakayanang makabili at maghandog ng regalo sa nililigawan, isang palabas ng
mga tinatamasang pribilehiyo at kalakasan sa aspektong sosyopolitikal at ekonomikal. Bukod pa rito,
sinasadya man o hindi, di maiiwasang mabigyan ng numerikal na presyo o halaga ang babaeng
nililigawan, na "nabibili" sa pamamagitan ng mga materyalistikong pamantayan at amalgamasyon ng
diskarte't trabaho. Tila ba't hindi pa sapat ang iba pang uri ng komodifikasyon ng babae sa lipunan,
nagkakaroon ng ekonomikal na halaga ang babae depende sa kaniyang manliligaw.

Syempre pa, karaniwan din ang pagpapatagal sa yugto ng panliligaw, para sa iilang mga dahilan. Una,
pinapahalagahan ng kulturang Pinoy ang "pagpapahirap" sa manliligaw upang mapatunayan ang
kaniyang tatag at tiyaga. Pangalawa, pinahahalagahan naman ng kababaihan ang kanilang "dangal" sa
pamamagitan ng hindi pagiging "easy-to-get." Nakasandig ang halaga ng isang babae sa hirap ng
"pagkuha" sa kaniya. Pangatlo, karaniwang sinasadya ring patagalin ng kababaihan ang panliligaw
sapagkat ito ang pinakamasayang yugto ng pakikipagrelasyon. Sa pagpasok nila sa isang relasyon,
nagsisimula nang angkinin ng lalaki ang awtoridad at kontrolin ang kasintahan o ikahon ito sa mga
mapang-abusong kaisipang "nararapat" sa kababaihan.

Paninilbihan

Hindi lamang ang magiging kasintahan ang nililigawan sa kulturang Pinoy. Damay sa proseso ang pamilya
ng babae, partikular ang mga magulang, na kung minsan ay umaabot pa hanggang sa mga kaibigan nito.

Inaasahan ang isang manliligaw na magdala ng mga pagkain o pasalubong para sa pamilya kada dadalaw
sa bahay ng nililigawan. Sa ganitong paraan, unti-unti rin nitong tinatrabaho ang pabor ng mga
miyembro ng pamilya ng babae. Mahalaga ang pagiging 'legal' o ang pagkakaroon ng basbas ng pamilya
sa isang relasyon sa lipunang Pinoy, dahil dito nakabatay ang pagtanggap ng buong komunidad.
Sa epikong Biag ni Lam-Ang, halimbawa, ipinakita kung paanong kinuha ni Lam-Ang ang atensyon ng
nililigawang si Ines at ang kanyang mga magulang sa pamamagitan ng pagtilaok ng kaniyang manok.
Kasabay nito ang pagbagsak ng isang bahay sa di kalayuan. Nang tumahol ang kaniyang aso, dagling
tumayo ang tumumbang tahanan. Sa ganitong paraan siya napansin sa gitna ng napakaraming
manliligaw ng dalaga, at siya ring nakatulong upang ibigay ng mga magulang ang kamay ng dalaga.

Sa Ibong Adarna naman, sa pagpupursigi upang makamit ang anak nitong si Maria Blanca para pakasalan,
nagpapataw ang Haring Salermo ng tila imposibleng mga utos sa pobreng si Don Juan. Ang mga utos ay
lubhang mahihirap at tila hindi magagawa kung walang tulong ng salamangka, tulad ng pagpatag ng
isang bundok, pagsaboy ng trigo rito, pag-ani sa mga tanim noon din, at paggawa ng tinapay mula rito
upang ihanda sa almusal ng Hari kinabukasan.

Sinasalamin ng ganitong mga naganap sa korido ang totoong mga tradisyon sa reyalidad, partikular ang
paninilbihan. Tulad ng pagtatrabaho ni Don Juan nang mabigat at mahirap, karaniwan sa tradisyunal na
paraan ng panliligaw ang pagtulong sa gawaing-bahay ng nililigawan. Inaatasan ang mga manliligaw na
magsibak ng kahoy, mag-igib ng tubig, at iba pa.

Pamilya ang pinakamalaking salik ng pagtatagumpay ng isang panliligaw. Bukod sa aspekto ng


paninilbihan bilang pamantayan ng pagiging 'karapat-dapat,' kadalasang kontrolado ng pamilya ng
babae ang kaniyang mga nagugustuhan, dapat na gustuhin, maging kasintahan, hanggang sa
mapapangasawa. Dito papasok ang salik ng relihiyon, politika, at ekonomiya. Sa isang third-world na
bansang tulad ng Pilipinas, mas pinapaboran ng pamilya ang lalaking may katayuan sa buhay o iyong
mga nakasasabay sa kanila sa kalagayang ekonomikal. Kadalasan, ginagamit din ang kapangyarihan ng
politika upang makahanap ng mga ipakakasal sa mga anak nang walang masyadong angil mula sa
magulang.

Pamanhikan

Sagrado ang sakramento ng kasal sa Pilipinas. Kaya't importante rin ang pamanhikan.

Ang pamanhikan ay ang pormal na paghingi ng pamilya ng manliligaw sa kamay ng nililigawan upang
tumuloy na sa kasal. Karaniwang may dalang pagkain at mga regalo ang pamilya ng lalaki at sa harap ng
hapag-kainan ay pormal na hihingin ang kamay ng babae, at kung tanggapin ay magpapatuloy na
pagdiskusyunan ang mga detalye ng kasal kasama na ang dowry na kaakibat nito.
May diskurso sa "pagpanhik." Nahihinuha ng mambabasa na ang papanhikin ay tahanan, at malalamang
ang karaniwang istruktura ng pyudal na tahanan noong araw ay hindi nakasayad sa lupa, bagkus ay
nakataas at nararating sa pamamagitan ng pag-akyat. Mapapansin din ito sa konsepto ng harana—kung
paanong laging tumitingala ang manganganta, at kung paanong laging nakadungaw pababa ang
nililigawan. Simboliko ang panhik—naniniwala ang Pilipino na ang pagpapakasal ay hindi lang pag-iisang
dibdib ng dalawang tao, bagkus ay ang unyon ng dalawang pamilya. Subalit, marapat tandaan na ang
pagpayag na "pumanhik" ay di kasingkahulugan ng pagpayag sa inaalok ng kabilang kampo. Ito ay
mapapansin sa linyang ito galing sa Pamanhikan:

Ngunit tandaang

Ang inyong pagpanhik

Ay hindi pahiwatig

Ng aming pagdinig

Sa inyong hinaing

Na inihihibik

Kapansin-pansin din ang pagpabor ng mga magulang ni Neneng kay Luis dahil sa stable na pinansiyal na
katayuan nito sa buhay.

Mapapansin ang kontekstong ekonomikal nang manghingi ng engrandeng kasalan ang Impong Maria. Sa
huli, nagkasundong apat hanggang anim na baka at anim na baboy ang ipatutumba para sa kasalan. Ito
ang nagsilbing dowry ng dula para kay Neneng.

Sa Biag ni Lam-Ang, pumayag lamang ang mga magulang ni Ines Kannoyan na ipakasal siya sa binata
kung makapagbibigay ito ng dowry na doble ng kayamanan ng pamilya ng dalaga, na naibigay naman ng
binata. Tulad ng mga regalo at handog sa mas maagang yugto ng panliligaw, walang ibang ginagawa ang
dowry kundi ang magtakda ng halaga sa buhay at kalayaan ng isang babae. Noong mga araw na mas uso
pa ang arranged marriage sa Pilipinas, mas makapangyarihan ang dowry at mas mahigpit ang mga bakal
na nagtatali sa babae sa kaniyang "lugar" sa lipunan.
Sa huli, ang panliligaw ay isang metaporikal na payabangan at pataasan lamang ng ihi ng kalalakihan,
isang arena ng pagpapatingkayaran ng machismo. Ang katuturan ng panliligaw sa panlipunan ay walang
iba kundi ang pagpanatilihin ang pagbabanggaan ng mga kalalakihan sa digmang dinedetermina ang
malakas at hindi. Mula sa palakasan ng katawan, hanggang sa pabanguhan ng reputasyon, hanggang sa
patalinuhan sa akademya at sining, hanggang sa pataasan ng pinansyal na kalagayan, ang tunay na
pinangangalagaan ng panliligaw ay hindi ang dangal ng nililigawan, kundi ang angas ng manliligaw.

Kulturang Latin Amerika

Chronicle of a Death Foretold

Maraming bagay ang kapuna-puna sa nobelang ito ni Gabriel Garcia Marquez. Una, malinaw ang
komodifikasyon ng kababaihan sa paraan kung paanong naghahanap si Bayardo San Roman ng
mapapangasawa na tila'y naghahanap lamang ng karne sa palengke—nang mahanap ang
pinakamaganda, noon at noon din ay nagpasyang pakakasalan niya ito. Mapapansin ang kagalantihan ni
Bayardo sa panliligaw kay Angela Vicario, at kung paanong ipinakita niya ito sa harap ng maraming
manonood na para bang ang kanilang mga buhay ay nasa loob ng patalastas—isang indikasyon ng
pagpaparada ni Bayardo sa kaniyang pera't kapangyarihan, lalo ang ama niya'y ang sikat na sikat na
dating heneral ng digmaan. Sapagkat mahahalatang walang pagmamahal sa kanya si Angela, ang
niligawan ng binata ay ang kaniyang pamilya. At dahil ang kaniyang pamilya'y mahirap at walang-
kapangyarihan, hindi naging mahirap para kay Bayardo ang makuha ang basbas ng mga ito. Makikitaan
din ng nakasasakal na gender roles ang pamilya Vicario, lalo na sa paraan kung paano sila pinalaki ng
kanilang ina. Ang apat na anak na babae ay pinalaki upang ikasal—alam nila ang lahat ng gawaing bahay,
pati ang pinakamahihirap at metikulosong mga gawain.

Sentral na naratibo ng nobela ang pagbabalik ni Bayardo San Roman kay Angela Vicario sa kanilang
bahay sa gabi ng kanilang kasal, matapos malamang hindi na birhen ang dalaga. "Mantsa ng dignidad,"
ang tingin ng lipunan sa dugong matatagpuan sa kama ng dalawang taong bagong kasal, at karapat-
dapat lamang na magsuot ng mga kadamitang pangkasal ay iyong mga malinis, at buo ang puri. Nang
malaman ng kaniyang Ina, sinabunutan at pinagsasasaktan nito ang anak. At nang malaman ng kambal
na lalaking kuya ni Angela ang nangyari, napagdesisyunan nila at nagawang patayin ang lalaking kumuha
sa pagkabirhen ng kapatid, si Santiago Nasar.
Makikita ang lubhang pagpapahalaga ng kultura at mundong nakapaloob sa libro sa dangal, dignidad, at
konserbatismo. Ito ay isang kaisipang kapareho ng sa Pilipinas, at indikatibo ng magkaparehong
balangkas ng lipunan ng dalawang mga lugar.

Like Water for Chocolate

Kapalaran na ng bunsong anak na si Tita ang hindi magpakasal sa kahit kanino hanggang sa mamatay ang
kaniyang ina, dahil ayon sa tradisyon, siya ang kinakailangang mangalaga rito habambuhay. Kakikitaan
ng paralelismo sa kulturang Pinoy ang kulturang nakakonteksto sa libro sa pagpansing ang magpapasya
sa kapalaran ng mga kababaihan sa pamilya ay ang ulo ng tahanan, hindi ang mismong maaapektuhan
ng desisyon.

Sa ikasampung kabanata, makikita ang isang tagpo kung saan hinaharana ni Pedro si Tita mula sa ilalim
ng bintana nito kasama si Juan at isang gitara. Ang paralelismo ng dalawang magkaibang lugar (Pilipinas
at Latin Amerika) ay lubhang nakamamangha at impluwensyal sa sosyal, ekonomik at pampolitikal na
mga aspeto.

Pedro Paramo

Sa isang punto ng nobela, malalaman ng mambabasa kung paanong ang pagpapakasal ng ina ni Juan, si
Dolorita, at ang kanyang ama, si Pedro, ay bunga lang ng isang stratehikal na planong isinagawa ni Pedro.
Upang makaiwas sa pagbabayad sa mga utang, kanyang planong pakasalan o romansahin ang mga
babae sa mga pamilyang pinagkakautangan. Mataas ang ambisyon ni Pedro at marubdob ang kanyang
pagnanais na maangkin ang buong Media Luna, kaya naman lahat ay kanyang magagawa
mapasakatuparan lamang ito. Mapapansing hindi nakikita bilang mga kapantay sa halaga ni Pedro ang
kababaihang pinaplanong ligawan, kundi mga conquest na kailangang malampasan upang marating ang
paroroonan. Sa ganitong paraan, makikitang siya'y nanliligaw para lamang sa personal na ganansya,
upang magawa ang mga hakbang na kailangan sa pagsulong at pagtatagumpay. Politikal ang kaniyang
panliligaw, at hindi sinsero sa kung anumang pamantayang maaaring gamitin para ito ay sukatin.

Konklusyon
Kung susumahin, ang panliligaw ay ito: ang matandang tradisyon ng panunuyo sa ninanais maka-
relasyon, ngunit sistema ring pakana lamang ng nakaugat-na-sa-lupang patriyarkiya, at patuloy na
umiiral upang pagsilbihan ang ekonomik at politikal na mga interes di lamang ng manliligaw, kundi pati
ng kaniyang pamilya, ng nililigawan, at ng pamilya nito. Mula sa pinakamaliliit na aspekto nito tulad ng
mga istiryotipong kakabit ng araw-araw na sirkumstansyang buhat ng panliligaw, hanggang sa
pinakamalalaking bahagi ng buhay-manliligaw tulad ng pagreregalo at dowry, lahat ay pulos
impluwensyado ng machismo at ng epekto nito sa mas sistematikong digma sa dignidad, sa politika, at
sa ekonomiya.

Makikita ang ugat ng ganitong sistema ng Pilipinas at Latin Amerika sa dating kolonyalismo at pasismo
ng mga conquistador. Kung tutuusin, matatagpuan ang puno't dulo ng lahat ng maling aspekto ng
panliligaw mula sa konserbatismo hanggang sa dowry sa pagkakaroon ng relihiyon at sa mahigpit na
pagpataw nito ng mga batas at patakaran, ng mga pwede at hindi pwedeng gawin, ng kundemnasyon ng
moral at immoral. Tulad ng Latin Amerika, ang Pilipinas ay biktima ng kolonyalismo ng Espanya, kung
saan ipinalimot sa mga katutubo ang lumang pamamaraan ng pamumuhay at pinilit yakapin ang mga
ideolohiyang Kanluranin. Bago dumating ang mga Espanyol, tinatamasa ng kababaihan ang egalitarian
na pagtingin sa mga kasarian, mula sa pakikipagrelasyon hanggang sa iba pang katuturang panlipunan.
Hindi ipinapataw ang monogamy sa lahat at malaya ang lahat, lalo na ang kababaihan, sa pagtuklas at
pagyakap sa kaniyang seksuwalidad. Hindi siya ikinakahon ng pyudal na mga pamantayan ng halaga, at
malaya niyang naipapakita at minamahal ang sarili. Kasabay ng pagsukob ng Pilipinas sa yakap ng
Katolisismo ang pagpapaalam sa ganitong egalitariang lipunan. Sapagkat di lamang mga katutubong
lupain ang kinolonisa ng mga conquistador, kundi maging ang katawan ng bawat Pilipinong
nagpasailalim sa kanilang kapangyarihan, lalong lalo na ang mga kababaihan. Tinuruan ng Katolisismo
ang babaeng maging mahinhin, tahimik, kontrolado—taliwas sa malaya, hindi nagpapasupil, at palabang
personalidad ng kaniyang mga ninuno. Kailangan lamang basahin ng isang interesadong makialam ang
Urbana at Feliza at siya na niyang matatagpuan ang manipesto ng pagkontrol sa kababaihan na ipinataw
ng Espanya. Naging kolonya ang katawan ng babae, naging papet ng mga kolonyalista, kung kaya't bawat
galaw pati salita ay naka-angkla na sa kung ano ba ang tatawaging moral at imoral ng simbahan. Dahil
ang babae ay kontrolado na, mahinhin, tahimik, "pakipot"—nagkaroon ng pangangailangan para sa
isang patriyarkal na sistema ng panliligaw. Dahil biktima rin ng kolonyalismo at kahirapan tulad ng
Pilipinas, mapapansing hindi nalalayo ang kultura at kaisipang Latin Amerika maging sa panliligaw.

Kung tutuusin, maaaring makita bilang positibo ang panliligaw kung gagamitin bilang kasangkapan laban
sa patriyarka, tulad ng modernong kaisipang unti-unting hinahayaan o nagtutulak pa nga sa babae upang
manligaw, taliwas sa nakatakda nang lalaki bilang manliligaw, babae bilang nililigawan. Ngunit, ka-iga-
igaya mang pakinggan, ang panliligaw ay yunit pa rin ng patriyarkiya, at sa pag-aanalisa, problematiko ito
sa kabuuan, pagkat bukod sa ito'y manipulatibo ay kinakahon nito sa isang halaga ang nililigawan,
niroromantisa ang ideya ng nililigawan sa puntong labis na, at pinaaandar lamang ng sistema ng
patriyarka, maging ng kapitalismo. Kung gayon, marahil ay hindi dapat ang "pagpepreserba" sa
tradisyong ito ang dapat na gawin ng makabago at progresibong kabataan. Ang dapat na isulong ay isang
progresibong sistemang pangkabuuan na sumasaklaw sa usaping relasyon, partikular ng kasarian sa
lipunan at nagbibigay ng pantay na karapatan at pagtingin sa lahat ng uri at kasarian. Marahil, tulad ng
maraming bagay na niluma na ng panahon, ay dapat na nating ibaon sa limot ang panliligaw at
pakawalan ang isa sa mga nagtatali sa atin sa ating kolonyal at patriyarkal na kahapon. Marahil ay
ngayon na ang panahon.

Sanggunian:

Bukaneg, Pedro. (1640) Biag ni Lam-Ang. Retrieved from: tagaloglang.com/biag-ni-lam-ang-ang-buod


Retrieved on: December 17, 2017.

Almario, Virgilio. (2016) Ibong Adarna. Adarna House, Inc.

Dalubhasaang Normal ng Pilipinas. Pamanhikan. Retrieved from: kapitbisig.com/philippines/ang-


pamanhikan-1405.html. December 17, 2017.

(2017) Titibo-Tibo. [Moira dela Torre]

(2005) Gitara. [Parokya ni Edgar] Halina sa Parokya.

(1997) Harana. [Parokya ni Edgar] Buruguduystunstugudunatuy.

(1993) Ligaya. [Eraserheads] Ultraelectromagneticpop!

(2015) Buko. [Jireh Lim] Love and Soul.

(1921) Pakiusap. [Francisco Santiago] Immortal Kundiman of the Philippines


(1917) Anak Dalita. [Francisco Santiago] Mabuhay Singers Sing Kundiman.

(1938) Madaling Araw. [Francisco Santiago] Madaling Araw and Other Outstanding Kundiman

(1994) Pahiwatig. [Nicanor Abelardo] Kundiman.

O, Ilaw. [Ruben Tagalog] A Harana.

Marquez, Gabriel Garcia. (1981) Chronicle of a Death Foretold. La Oveja Negra.

Esquivel, Laura. (1992) Like Water for Chocolate. Doubleday.

Rulfo, Juan. (1955) Pedro Paramo. Fondo de Cultura Economica.

Alegre, Edilberto. Tuksuhan, Ligawan: Courtship in Philippine Culture, Tagalog Love Words (an essay),
Our Loving Ways. Retrieved on: seasite.niu.edu/Tagalog/love.htm

Gat, Sarah. (2009) Courtship in the Philippines Today. Retrieved on:


sarahgats.wordpress.com/2009/03/29/courtship-in-the-philippines-today

You might also like