You are on page 1of 2

Iba’t ibang wika ng pag-ibig

ni Pastor Junie Josue

Minsan nagtatampo tayo sa ating kabiyak dahil ang akala natin hindi nila tayo mahal. Hindi natin
kasi nauunawaan na may iba’t ibang uri ng wika ng pag-ibig; iba’t ibang paraan ng
pagpapahayag ng ating pagpapahalaga sa ating mahal sa buhay. Malaking bagay na malaman
natin ang mga paraan na ito upang maiwasan ang tampo, sama ng loob at awayan sa relasyon.
Mahalaga ring ipaunawa natin sa ating kabiyak ang sarili nating kapahayagan ng pag-ibig.

May isang lalaki na kailanman ay hindi sinabihan ang kaniyang misis ng salitang “I love you.”
Ito ang kaniyang dahilan, “Sinabi ko na sa kaniyang mahal ko siya apatnapung taon na ang
nakakaraan sa harap ng altar nang kami ay ikinasal. Sinabi ko rin sa kaniya na ipapaalam ko sa
kaniya kapag nagbago na ang aking isip.” Masama ang loob ng misis. Hinahanap-hanap kasi
niya ang matatamis na salitang yon. Ang hindi niya alam, hindi sa salita, kundi sa pagsisilbi ang
paraan ng pagpapahayag ng kaniyang mister ng kaniyang pag-ibig sa kaniya.

Si Gary Chapman ay isang kilalang pastor, marriage counselor at manunulat. Sa kaniyang libro,
may binanggit siyang limang wika ng pag-ibig o limang paraan kung paano natin maipapakita
ang ating pag-ibig sa ating mahal sa buhay. Ang unang wika ay ang mga salita ng pagsang-ayon.
Ito ay ang pagsasabi ng mga positibong bagay patungkol sa ating mahal sa buhay. Pinupuri mo
ba ang kaniyang mga magagandang katangian? Kung masarap siyang magluto, bakit hindi mo
sabihin sa kaniya? Kung magaling siyang magkumupuni ng mga sirang gamit sa bahay, bakit
hindi mo siya pasalamatan at sabihin sa kaniya kung gaano kahalaga sa iyo ang kaniyang
ginagawa? Kabilang din dito ang paghihimok at pagsuporta sa iyong mahal sa buhay upang
matupad niya ang kaniyang mga pangarap sa buhay. Ito rin ay ang pagsasabi ng inyong
pagtitiwala sa kakayahan ng iyong kabiyak.

Real situation: KAYO, IKAW (REFERING TO HUSBAND AND WIFE SUCCESS)

Malaking bagay ang mga salitang ginagamit natin sa ating kabiyak pati na rin ang tono ng ating
pananalita. Ayon sa biblia sa Kawikaan 15:1 “Ang malumanay na sagot ay nakakaalis ng galit
ngunit nakakagalit ang salitang magaspang. At ayon naman sa Kawikaan 12:18 “Ang salitang
walang ingat ay sumusugat ng damdamin ngunit nagpapagaling ng sakit ng loob ang magandang
salita.” Ang ating mga salita ba ay nagdadala ng gulo o kabutihan sa ating mga samahan?

Ang pangalawang wika ng pag-ibig ayon kay Chapman ay ang kalidad na panahon, ang
atensiyong hindi nahahati. Napakabusy ng karamihan sa atin dito sa Canada dahil sa trabaho,
gawaing bahay at kung anu-ano pa. At kung nais nating ipahayag ang pag-ibig natin sa ating mga
mahal sa buhay, kailangan maglaan tayo ng panahon sa kanila. Hindi dahil matanda na kayo ay
hindi na kayo puwedeng magdeyt o mag-enjoy sa presensiya ng isa’t isa kahit sa park o sa coffee
shop lamang.

Ang isa pang wika ng pag-ibig ay ang paglilingkod, ang paggawa ng mga bagay na alam nating
nais ipagawa na ating mahal aa buhay. Ang intensiyon natin ay para paligayahin sila. Maaaring
ito ay ang pagpinta ng inyong kuwarto, pagtapon ng basura tuwing umaga, paglinis ng kotse o
pagputol ng damo. Minsan kasi, ang mga away ay nagsisimula kapag patuloy na hindi
pinapansin ng isa ang bilin ng isa na gawin ang isang gawaing bahay. Sa paggawa ng maliliit na
bagay, malaking benepisyo ang makukuha natin sa pagsasamahang mag-asawa. Naiiwasan ang
away at kaguluhan.

Marami ang nagsasabi na ang tunay na pag-ibig ay nagbibigay. Lahat ng limang wika ng pag-
ibig ay hinahamon tayo na magbigay sa ating minamahal. Pero para sa iba ang pagtanggap ng
regalo o mga nakikitang simbolo ng pag-ibig ang siyang pinakamalakas ng kapahayagan. Para sa
nakararami, ang regalo, anuman ang halaga nito, ay nagpapakitang naalala mo o naisip mo ang
iyong mahal sa buhay.

Ang pinakahuling wika ng pag-ibig ay ang pisikal na pagpapahayag ng pag-ibig tulad ng


paghawak o pagpisil ng kamay, pagtapik, pag-akbay, paghalik at ang pagyakap. Alam n’yo bang
napakahalaga ng hawak ng isang tao hindi lamang sa mga mag-asawa kundi pati na rin sa mga
sanggol? Base sa mga pag-aaral na ginawa, mas malusog at mas maganda ang paglaki ng mga
sanggol na kinarga at hinawakan ng kanilang mga tagapag-alaga kaysa sa mga baby na hindi o
bihira lamang kargahin at hawakan ng kanilang mga tagapag-alaga. Ang pagiging pisikal ay
hindi nangangahulugan palagi ng sex. Malaking ginhawa ang maibibigay ng isang simpleng
yakap sa inyong mahal sa buhay lalo na kung siya’y nalulungkot. Ang pag-akbay mo sa iyong
misis sa mall ay maaaring magpahayag sa kaniya na pinagmamalaki mo pa rin siya bilang asawa.

Alamin natin ang wikang ginagamit natin sa ating kabiyak maging ang mga pagpapahayag na
inaasahan nila mula sa atin nang sa gayon ay maging matamis ang ating samahan.

You might also like