You are on page 1of 2

Aralin 13 Habag ng Moro (saknong 142-154)

Para sa tagapag-ulat:

Mga pangunahing tanong lamang at ang buod ang ilalagay o isusulat sa visual aid.
Magsimula sa paglalahad ng mga tanong, ipaalam sa buong klase na kailangan nilang sagutin ito sa
katapusan ng pag-uulat. Basahin sa klase ang tula saka ipaliwanag ang mga saknong. Sikaping
makabisado ang paliwanag, huwag ilahad sa klase sa paraang binabasa lamang. Sa huling bahagi ng
pag-uulat dapat ilahad ang buod. Maaring humiling mula sa mga kaklase ang pagbasa ng buod.
Matapos basahin ang buod, itanong muli sa klase ang mga pangunahing tanong at hayaan silang
sumagot. Sa pagtatapos ng pag-uulat, ilahad ang mga tanong na dapat abangan sa susunod na
aralin.

Pangunahing mga tanong:

 Ano ang reaksyon ng binata nang malaman niya na siya ay nailigtas?


 Paano tumugon ang moro sa reaksyon ng binata?

Paliwanag:

Wala pa sa sarili ang binatang taga-Albaniya nang mamulat ang kaniyang mga mata. Hinahanap-
hanap niya si Laura at hindi pa niya napapansin na nakalag na siya mula sa pagkakagapos. Muling
nawalan ng malay ang binata. Hinayaan lamang siya ng moro na makapagpahinga sa pagkakaalam na
mahinang mahina pa ito.

Nang muling magising ang binata, nagulat ito dahil isang moro ang nasa harap niya. Pero
sumagot ang moro sa kaniya “huwag kang manganib, sumapayapa ka’t mag-aliw ng dibdib; ngayo’y
ligtas ka na sa lahat ng sakit, may kalong sa iyo ang nagtatangkilik” (saknong 146). Ipinaliwanag ng moro
na hindi kailangan ng taga-Albaniya na mag-alala dahil ligtas na ito. Binanggit pa niya na bagaman
magkaiba sila ng kaharian na pinanggalingan at paniniwala, pareho naman silang naniniwala sa marapat
na pagpapakita ng kabutihan.

Sinabi ng moro na narinig nito ang lahat ng mga pasakit ng binata kaya naman ito ang nagpakilos
sa kaniya na tulungan siya mula sa pagkakagapos at iligtas mula sa mga leon. Subalit, sa halip na
magpasalamat sa moro, nagalit pa ang binatang taga-Albaniya sa kaniyang pagkakaligtas. Ganito ang
sabi niya, “Itong iyong awa’y di ko hinahangad, patayin mo ako’y siyang pitang-habag; di mo tanto
binabatang hirap, na ang kamatayan ang buhay kong hanap.” (saknong 153). Sa mga salitang ito ng
binata mababakas ang totoong paghihirap niya. Kaya naman sa halip na magalit sa kaniya ang moro, lalo
pa itong naawa sa binata. Lubhang nauunawaan ng moro ang nararamdaman ng binata at napaiyak pa
nga ito sa pagkahabag. Matapos masabi ang niloloob, naubos ang lakas ng taga-Albaniya at ito ay
nakatulog.

Buod:

Nang malaman ng taga-Albaniya na nailigtas siya, sa halip na magpasalamat sa moro, nagalit pa


ito. Gugustuhin pa raw ng binata na mamatay na lamang dahil sa mga paghihirap niya. Pero sa
pagkakarinig ng reaksyon ng binata, lalong nalungkot at naawa para sa kaniya ang moro. Naubos ang
lakas ng binata at nakatulog ito.

Abangan sa susunod na aralin:

 Anong mga sakripisyo ang ginawa ng moro para sa binatang taga-Albaniya?


 Ano ang naging resulta ng tapat na kabutihan ng moro sa binata?

Anthony E. Mariano
Filipino 8, Punta NHS

You might also like