You are on page 1of 23

Agosto 23, 1709 – Mula sa talaan ni Kapitan Teller ng Barkong

Castellan
Hindi madali ang paglalayag mula sa Irlanda patungo sa
Espanya. Maraming panganib at mga pagsubok ang aming
haharapin bago marating ang aming destinasyon. Hindi kami
maaaring basta-basta na lamang kumilos dahil ang anumang
maling desisyon ay magdadala ng tiyak na kapahamakan sa
aming lahat, lalong lalo na sa aming mga natatanging kargado.
Isa sa mga tungkuling ipinatong sa aking balikat ay ang
paghahatid sa munting si Anne sa Espanya. Walang detalyeng
ibinigay ang kanyang mga magulang. Nais lamang nila na
isama ko ang bata at ang kanyang bantay sa aking
paglalakbay. Mukhang, itinatakwil na siya ng kanyang sariling
pamilya mula sa kanilang tirahan. Wala akong magawa kundi
tanggapin ang tungkuling iniatang sa akin dahil malaki ang
utang na loob ko sa Pamilya Morgan. Sila ang dahilan kung
bakit narito ako ngayon sa aking kinatatayuan.
Mala----
Isang malakas na pagsabog ang narinig ng kapitan. Natigilan
siya sa pagsusulat sa kanyang talaan at agad siyang lumabas ng
kanyang silid patungo sa kubyerta.
“Kapitan!” Ang sigaw ng isa sa miyembro ng kanyang tripulante.
“Tatlong pulutong ang papalapit sa ating barko! Lahat sila ay
nagpapaputok ng kanilang mga kanyon!”
“Ihanda ang ating mga kanyon at paputukan sila hanggang sa
sila ay bumagsak!” Ang utos naman ng kapitan. “Ang iba ay
kumilos at ilayo an gating barko sa kanila!”
Agad na kumilos ang tripulante ng Castellan at ginawa ang kani-
kanilang mga trabaho. Inilatag ng mga tauhan ang tamang palo
ng bapor upang mabilis na makatakas sa kung sino man ang
umaatake sa kanila habang ang ilan ay sinasagot ang patama ng
mga kalaban.
Ang tahimik na gabi at ang kalmadong dagat ay napuno ng mga
pagsabog at pagsigaw, kasabay na rito ang unti-unting pagkalat
ng dugo sa tubig habang isa-isa nang namamatay ang mga
tauhan sa Castellan.
“Esteban, kunin mo si Anne at lisanin niyo na ang barko!” Ang
sabi ni Kapitan Teller sa isa niyang tauhan.
Nagtungo kaagad si Esteban sa kwarto na tinutulugan ni Anne
at ng kanyang bantay na katulong mula sa kanilang pamilya.
Kumatok ng malakas ang binata at kaagad naman itong
binuksan ng katulong na si Myra.
Nakita ni Esteban na gising na ang bata at ito ay tila takot na
takot sa mga pagsabog na nagaganap sa itaas. Nakaririnig na rin
ang binata ng kalampagan ng mga espada. Nakaabot na ang
mga kalaban sa kanilang barko at kakaunting panahon na lang
ang nalalabi bago nila tuluyang mapabagsak ang bapor.
“Bili! Kailangan na nating lumisan dito!” Ang sabi ni Esteban kay
Myra bago nito kinarga si Anne sa kanyang mga braso at hinila
ang katulong pabalik sa kubyerta upang makatakas.
Madugo ang labanang nagaganap sa itaas. Mga pirata pala ng
umatake sa kanila at ninanais na makuha ang kanilang yaman at
mga ari-arian. Nakikita ni Esteban na ang mga pirata ang
mananalo sa labanang ito dahil kulang sa tao at armas ang
tauhan ni Kapitan Teller. Sa gitna nito, hindi pa rin niya
nakalilimutan ang tungkuling personal na iniabot sa kanya ng
kanyang kapitan.
Dali-daling tumakbo ang binata kasama si Myra patungo sa mga
maliliit na bangka sa gilid ng barko. May kaunting karanasan si
Esteban sa paglalayag kaya kampante siya na makararating sila
nila Anne at Myra sa isang ligtas na lugar. Hindi na niya inisip
kung saan mismo ang lugar na kanilang pupuntahan. Ang
importante ay makatakas sila sa kaguluhang nagaganap sa
barko bago pa man sila mapabilang sa mga bangkay na
nakalatag sa sahig nito.
Nakahanda na si Esteban na paunahin ang dalawa niyang
kasama sa maliit na bangka ngunit may isang malaking
problema
“K-Kinuha nila ang lahat ng mga bangka!” ang natatarantang
bigkas ni Myra. “Paano tayo makaaalis dito?”
Lumingon si Esteban sa paligid upang makahanap ng iba pang
paraan para makatakas ngunit tila malala na ang lahat ng
nangyayari. Kitang kita ng binata na kakaunti na lang ang
natitira sa kanyang mga kasamahan habang si Kapitan Teller
naman ay buong lakas pang nakikipaglaban sa ilang mga pirata.
Isang pagkakamali ang kanilang paglalakbay. Simula nang
manggaling sila sa Irlanda ay puro na lamang kamalasan ang
kanilang nararanasan. Lumubog ang dalawa sa kanilang tatlong
barko ng dahil sa isang malakas na bagyo na bigla na lamang
humagupit sa karagatan ng wala pasabi. Nagkasakit ang
karamihan sa kanilang mga tauhan at namatay pa ang ilan sa
mga ito. Higit sa lahat, ilang linggo na silang naglalayag sa
karagatan ngunit wala pa rin silang nakikitang senyales ng kahit
anong lupain. Hindi gumagana ng maayos ang kanilang kompas
at hindi na nila alam kung nasaan sila. Isa lamang ito sa mga
dahilan kung bakit hindi sila nakapaghanda sa pag-atake ng mga
pirata.
Hindi pa ito nangyayari sa kanilang tripulante. Nagsimula
lamang ang kanilang kamalasan pag-alis nila ng Irlanda kasama
si…
Tumingin si Esteban sa buhat niyang bata. Bakas ang luha sa
mga pisngi nito nang dahil sa takot sa lahat ng mga pangyayari
sa kanyang paligid. Mistulang inosenteng bata si Anne sa mga
oras na ito at nakaaawa ang kanyang kalagayan dahil tinakwil
na siya ng kanyang pamilya sa murang edad pa lamang. Hindi
alam ni Esteban kung bakit pilit na ipinasama ang bata sa
kanilang paglalakbay ngunit ngayon ay may kutob na siya kung
bakit. Kamalasan lamang ang hatid ng bata sa lahat ng kanyang
nakakasama. Siya ang dahilan kung bakit halos lahat ng kanyang
mga kasamahan ay patay na. Siya rin ang dahilan kung bakit
mistulang maglalaho na lamang sa ilalim ng karagatan ang
dating kagila-gilalas na Barkong Castellan.
Hindi na nagdalawang isip pa si Esteban, dali-dali niyang
itinapon ang bata sa karagatan habang ipinapanalangin na ito
ay mamatay na. Wala nang nagawa si Myra kundi tumili na
lamang. Si Anne naman ay hindi na naka-imik pa bago ito
tuluyang lumubog sa madilim na karagatan.

Agosto 25, 1709 – Mula sa talaan ni Kapitan William Kidd ng


Barkong Quedagh
Tagumpay kong napabagsak ang Castellan. Lumulutang na
ngayon ang bangkay ni Teller sa karagatan kasama ang
kanyang mga kasamahan.
Walang kwenta ang laman ng barko ni Teller. Isang kaban
lamang ng ginto ang nakuha ng aking mga tauhan. Ang
karamihan ata sa kanilang kayamanan ay nasa ilalim na rin ng
karagatan. Ngunit, kahit na ganoon ang nangyari, may isang
perlas pa kaming nakuha mula sa barko. Isang batang babae.
Nailigtas siya ng isa sa aking mga tauhan sa dagat. Maputla na
ang bata noong makuha ito ngunit buhay pa naman siya.
Nakapagtataka na may batang babae na kasama sa tripulante
ni Teller. Hindi ito mukhang gusgusin na napadpad lamang sa
barko bilang trabahador. Sa damit pa lamang na suot nito ay
makikita nang galing ito sa isang mayamang pamilya.
Nais ng aking tripulante na ihagis na ang batang babae pabalik
sa karagatan ngunit pinigilan ko sila.
Siguradong mapapakinabangan ko ang bata.

William Kidd

Enero 13, 1723 – Mula sa talaan ni Kapitan William Kidd ng


Barkong Quedagh
Ilang dekada na akong naglalayag at kailanman hinding-hindi
ko ipagpapalit ang buhay pirata para sa ilang supot lamang ng
pilak. Hindi mapapantayan ng pera ang kasiyahan ng
paglalakbay, ang pagkasabik sa bawat barkong aking
sinasalakay upang makuha ang kanilang mga ari-arian, ang
kagandahan ng mga tanawin na aking namamasdan sa bawat
lugar na aking napupuntahan.
Nais ko pa sanang maglayag ng marami pang taon ngunit hindi
na ako bumabata, hindi na rin ako kasing liksi ng dati.
Kailangan ko nang ipasa ang aking barko at legado sa
nararapat na tagapagmana.
Alam kong kakayanin ni Anne ang responsibilidad bilang
kapitan ng Quedagh. Sa higit sa isang dekada na pamamalagi
niya sa aking piling ay naituro ko na sa kanya ang lahat ng
kailangan niyang malaman hindi lamang sa pagiging isang
pirata ngunit pati na rin sa mga importanteng bagay sa mundo.
Ipinapanalangin ko na lamang na ang kanyang buhay mula sa
panahon na ito ay maging puno ng kasiyahan kahit na dumaan
ang maraming pagsubok.
Sa minamahal kong anak, kung ito man ay iyong mababasa,
alam kong isa kang malakas at matapang na babae. Alam mo
kung paano mapapasunod ang lahat gamit lamang ang mga
salita at alam ko na kaya mong ituloy ang aking nasimulang
paglalakbay patungo sa natatanging yaman na ating
pinapangarap. Huwag mong hahayaang maapakan ka ng ibang
tao.
Hindi man ako ang iyong tunay na ama ngunit alam ko na iyon
ang turing mo sa akin at ikaw naman ay itinuturing ko rin
bilang aking tunay na anak at tagapagmana.
Ituloy mo ang ating paglalakbay, Anne.

William Kidd
Isinara ni Anne ang talaan ng kanyang amain na si Kapitan Kidd
at saka niya pinagmasdan ang kanyang paligid. Kasalukuyan
siyang nasa silid at opisina ng pumanaw na kapitan na tuluyan
nang ipinamana sa kanya. Isang pagsubok ngayon ang kanyang
kinakaharap sa pagpanaw ng kanyang ama dahil siya na ang
tatayo bilang kapitan ng Quedagh. Hindi niya alam kung ano
ang kanyang magiging kapalaran bilang isang pirata dahil tila
napadpad lamang siya sa ganitong buhay at higit sa lahat, isa
siyang babae.
“Kapitan,” Ang tawag ng isa kanyang mga tauhan. “Papalapit na
po tayo sa daungan ng Southampton.”
Tumango si Anne at kinuha ang kanyang sombrero bago
lumabas ng silid. Nagtungo siya sa pangunahing kubyerta upang
imaneobra ang barko sa isang tagong lugar na malapit sa
daungan ng Southampton. Ang lugar na ito ay nasa gilid ng
bangin at mahihirapan ang sino mang hindi sanay na matunton
ang lugar na ito.
Maingat na idinaong ni Kapitan Pepper ang Quedagh. Matapos
nito ay inutusan niya ang kanyang mga tauhan na punan ang
kanilang mga kagamitan, kabilang na ang pagkain at mga
sandata. Hindi rin kinalimutan ni Anne na ipaalala sa kanila ang
mga gamot na importante sakaling sila ay magkasakit sa
kanilang paglalakbay.
Habang abala ang kanyang tripulante sa kanilang mga trabaho,
nilibot naman ng kapitan ang palengke malapit sa daungan.
Tinignan niya ang mga paninda sa bawat puwesto upang
makahanap ng mga bagay na kukuha sa kanyang atensiyon.
Nakaabot siya sa isang puwesto kung saan itinitinda ang iba’t
ibang mga abubot, kabilang na ang ilang libro.
“Ineng,” Ang sabi ng matandang babae na nagtitinda. “Marami
akong mga bagay dito na tiyak na pupukaw sa iyong isipan.”
Naintriga si Anne sa isang libro na tila nakahiwalay sa iba pa. Ito
ay mag-isang nakalatag sa gitna ng lamesa at pinapaligiran ng
iba pang bagay. Dahan-dahan niya itong pinulot at saka binasa
ang pamagat nito.
“Ang Konde ng Monte Cristo…” Mahinang bigkas ng kapitan.
“Isang nakalulungkot na istorya, binibini,” Ang puna ng
matanda. “Masyadong napalagay ang kaawa-awang konde sa
kanyang buhay. Nakalimutan niya na ang tao ay gahaman.”
Hindi gusto ni Anne ang nagbabantang tingin sa kanya ng
matanda. Tila ba puno ng kaalaman ang mga mata nito,
kaalaman sa mga maaaring mangyari sa hinaharap. Kumabog
ang dibdib ng kapitan at ito ay kinilabutan bigla ng walang
partikular na dahilan.
“M-Mraming salamat na lamang po, nay,” Ang nababahalang
sabi ni Anne. “Ngunit hindi po ako masyadong mahilig magbasa
ng libro.”
Ngumiti ng bahagya ang pirata bago nagmadaling lumayo sa
pwesto ng matanda. Dali-dali siyang nagpunta sa kalapit na
taberna kung saan madalas magtipon-tipon ang mga pirating
napapadpad sa lugar. Sandali siyang tumigil sa may pinto
matapos niya itong isara. Hindi pa rin niya makalimutan ang
mga mata ng matanda na tila ba may alam siya na hindi alam ng
sinuman. Hinabol ni Anne ang kanyang hininga bago tuluyang
pumasok sa gusali.
Walang pinagbago ang taberna. Ito pa rin ay madilim, mabaho,
at maingay. Maliit lamang ito. Nasa gilid ang bilihan ng alak na
pinapatakbo ng isang brusko at nakakatakot na bartender
habang nasa harap naman ang isang entablado na may piano.
Luma na ang lugar at wala itong sapat na bentilasyon kaya
naman ang usok na nagmumula sa mga tabako ng
manginginom ang siyang mahihinga. Ang mga lamesa naman
ay madumi na at halos inaanay sa kalumaan. Ang mga ito ay
inuukupahan ng dalawa o higit pang magkakaibigan na nagke-
kwentuhan tungkol sa mga bagay bagay na nangyayari sa
kanilang mga buhay.
Sa kabila ng kadiliman sa lugar, natanaw pa rin ni Anne ang
natatanging grupo ng mga manginginom sa pinakadulo ng
taberna. Pamilyar sa kanyang pananaw ang mga malabong
mukha na kanyang nakikita mula sa malayo kaya naman siya ay
lumapit upang makita ang mga ito ng mas malinaw.
“Aba…” Ang bigkas ni Anne. Ang kanyang tono ay may bakas ng
pagkagulat ng makita ang grupo sa harap niya. “Kapitan Avery,
Kapitan Tew, at Kapitan England. Mukhang naliligaw ata kayo,
aking mga kaibigan.”
Natigilan ang tatlong nasabing mga pirata nang kanilang
marinig ang tinig ni Anne at sila ay napatingin sa kapitan.
“Aah! Anne!” Ang nagagalak na sabi ni Avery. “Lubos akong
natutuwa na makita ka dito!”
“Saktong sakto ang iyong pagdating, munting binibini,” Ang sabi
naman ni Tew. “Sinubukan ka naming imbitahan sa huling
pagpupulong ng Libertalia ngunit hindi ka naman sumasagot.
Napasimangot si Anne sa palayaw sa kanya ni Tew pero hindi
ito umalma. Hinihintay niyang magsalita si England ngunit
tahimik nanaman ito gaya ng nakasanayan.
“Aking paumanhin, mga kapitan.” Ang sabi ni Anne. “Naging
abala lamang ako sa libing ng aking ama.”
Tumango si Avery.
“Syempre…si Kapitan Kidd.” Ang sabi nito. “Lubos kong
kinalulungkot ang kanyang pagpanaw. “Nais ko pa sana siyang
imbitahan para uminom ngunit nauna na siyang nagpaalam.”
Tumango lamang si Anne. Kamamatay lamang ng kanyang
amain at hindi pa siya handang pag-usapan ang anumang bagay
ukol dito.
“Paano naman kayo napadpad sa lupaing ito, Kapitan?” Ang
tanong niya. “Sa aking pagkakaalam ay kayo ay patungo sa
Aprika.”
“Totoo iyan. Ngunit may ilang bagay pa kaming kailangang
ayusin bago magtungo roon.” Ang sambit ni Avery.
“Hinihintay ka talaga namin dahil mayroon kaming isang kagila-
gilalas na plano na siguradong iyong magugustuhan!” Ang
malakas na sabi ni Tew.
“Manahimik ka, Tew.” Ang biglang pagbigkas ni England na
kaagad namang nagpatahimik sa pirata.
Umupo si Anne sa tabi ni England at saka tinignan ang mga
kaibigan niyang pirata.
“Hmm… Ano itong plano na iyong sinasabi?” Ang tanong niya.
“Tunay ba akong mamamangha dito?”
Napabuntong hininga si Avery, marahil sa kaingayan ni Tew
ngunit sinimulan niyang sabihin kay Anne ang kanilang plano na
bumuo ng isang komunidad kung saan maaaring manirahan ang
mga pirata ng payapa at sama-sama.
“Tatawagin natin itong Libertalia, kasunod sa pangalan ng ating
grupo,” Ang pabulong na sabi ni Avery. “Sa Libertalia, tayo ay
makapapamuhay ng payapa nang malayo sa mga kamay at
rehas ng gobyerno. Tayo mismo ang gagawa ng sarili nating
batas at ang mga pamilya ay hindi na magtatago pang muli sa
mga liblib na lugar ng sarili nating mga bansa.”
Natahimik nang sandali si Anne habang pinag-iisipan ang plano
ng kanyang mga kaibigan. Tunay ngang natatangi ang mga
naiisip ni Avery at totoo ang kanyang mga sinabi. Kung sakali
mang magtagumpay ang planong ito, ang Libertalia ang
magsisilbing paraiso ng mga pirate pati na ng kanilang mga
pamilya. Hindi madali ang buhay ng pananakop at halos wala
nang tulog ang lahat dahil kailangan nilang maging alerto sa
anumang maaaring mangyari, maging ito man ay ang
pagsalakay ng mga kalabang pirata o ang pag-aresto sa kanila
ng mga alagad ng batas.
Hindi umimik ang babaeng pirata. Sa halip ay patuloy itong
nakinig sa paliwanag ng kanyang mga kasamahan.
“Binabalak naming kunin ang isa sa mga isla sa Aprika at dito
itayo ang Libertalia,” Ang sabi ni Tew. “Kailangan naming ng
tulong mo at pati na rin ng iba pa nating mga kasamahan.”
Tumango si Anne. Nais din niya ng isang payapang buhay nang
hindi iniintindi ang kanyang seguridad.
“Tutulong ako.”

Hulyo 24, 1723 – Mula sa talaan ni Anne Pepper ng Barkong


Queen Elizabeth
Kaarawan ko ngayon. Ilang buwan na rin akong nagiging
kapitan ng tripulante ng aking ama. Marami na ang nangyari
sa paglipas ng panahon.
Ang Quedagh ay wala na at pinalitan ito ng Queen Elizabeth.
Hindi ko lubos maramdaman na ako ay isang kapitan sa barko
ng aking ama kaya naman kumuha ako ng sariling kong barko.
Payapang nakadaong ang Quedagh sa bayan ng aking ama.
Alam kong natutuwa siyang kasama na ang kanyang
pinakamamahal na bapor.
Maliban sa bagong barko, lubos na rin ang paghahanda ng
aking tripulante para sa nalalapit naming pagsakop sa kabisera
ng Portugal. Ang matagumpay na pagsalakay sa Lisbon ang
magiging susi para sa pag-usad ng pagtatag sa Libertalia.
Sa oras na masakop ko ang Lisbon, magkakaroon na ako ng
sapat na ginto at kagamitan para magampanan ang aking
tungkulin.
Nararamdaman ko na magiging mahirap ang aming magiging
paglalakbay ngunit ito na ang tugatog ng aking buhay.
Gagawin ko ang lahat maging matagumpay lamang ang
pananakop na ito kahit maging kapalit nito ang aking buhay.
Anne Pepper
Dumating na ang araw kung saan susubukan nang sakupin ng
tripulante ni Anne Pepper ang kapitolyo ng Portugal. Kasama ng
Queen Elizabeth ang mga barko at tauhan na ipinahiram ni
Avery at England sa kanya. Tumanggi si Tew na magpahiram ng
mga tauhan dahil ayon sa kanya magiging masyadong malakas
na ang babaeng pirata.
Gayunpaman, lubos na naghanda si Anne. Nagbigay siya ng
tagubilin sa kanyang mga tauhan para makasiguradong
magiging tagumpay ang plano. Siniguro din niya na maayos ang
sandata ng bawat isa. Hinintay nilang magdilim bago sila
kumilos. Idinaong nila ang kanilang mga barko sa tagong lugar
na hindi mapapansin ng mga marino. Dahan-dahang sumakay
ng mga maliliit na bangka ang mga pirata, walang hawak na
anumang bagay na makapagbibigay sa kanila ng liwanag,
sandata lamang ang kanilang bitbit patungo sa bayan.
Pinangunahan ni Anne ang kanyang tripulante, sumunod
naman ang grupo nila Avery at England. Isa-isang pinatumba ng
mga tauhan ng babaeng pirata ang mga bantay na umaaligid sa
lugar. Dahan-dahan nilang sinundan ang mga guwardiya bago
sinaksak ang kanilang ulo at leeg. Wala ng nagawa ang mga
bantay kundi bumulagta na lamang sa sahig at malunod sa sarili
nilang dugo. Matapos nito, sinigurado ng ilang mga tauhan na
walang sinuman ang makakalabas ng kanilang mga bahay sa
pamamagitan ng pagtali ng lubid sa pintuan at pagbantay sa
mga bintana. Hindi masyadong namroblema ang grupo dahil sa
kanilang ilang buwan na pagmamasid alam na nila na ang lahat
ay natutulog na at mayroon silang higit sa ilang oras upang
isagawa ang kanilang plano.
Pumunta kaagad ang grupo ni Anne sa kapitolyo ng lungsod
kung nasaan ang kaban ng bayan. Pinatumba ng kanyang mga
tauhan ang mga guwardiya na nakabantay sa paligid ng gusali
bago ginamit ang pintuan sa likod upang makapasok sa loob.
Hindi na nag-aksaya ng anumang oras si Anne, dali-dali niyang
inutusan ang kanyang mga tauhan tuluyang ubusin ang lahat ng
laman ng kaban. Gumamit ng mga baul, supot, at mga sako ang
mga pirate upang kunin ang bawat isang piraso ng salapi, pilak,
ginto, alahas, at kung ano pa ang mahalagang bagay ang
mayroon sa loob.
“Kapitan! Natuklasan tayo ng militar!” Ang biglang sigaw ng
bantay niyang tauhan sa may labasan.
“Anak ng—,” Ang naiinis na bigkas ni Anne. “Magmadali kayo!
Kailangan na nating bumalik sa ating barko. Sabihan ang iba na
sunugin ang mga bahay! Patayin ang kung sino man ang
haharang sa inyong landas!”
Nagmadaling umalis sa gusali ang tripulante ni Anne ngunit
nakasalubong nila sa labas ang mga militar at guwardiya ng
hari. Inilabas ng kapitan ang kanyang espada at saka
nakipaglaban sa hukbong sandatahan ng gobyerno. Tagumpay
niyang napaslang ang karamihan sa mga ito na nagbigay ng
daan sa kanila upang makaalis sa lugar.
Habang tumatakbo ang grupo, nakikita ni Anne ang bakas na
kanilang iiwanan sa bayang ito. Maliwanag ang kapiligaran nang
dahil sa naglalagablab na apoy na kasalukuyang tumutupok sa
mga kabahayan. Unti-unting napupuno ng mga sigaw at tili ang
minsang tahimik na gabi. Naririnig ng pirata ang iyak ng mga
bata at ang hagulgol ng kanilang mga ina. Sumisigaw sila ng
saklolo at humihingi ng tulong. Nakikita ni Anne na
nagmamadali ang mga pwersa ng militar upang tulungan ang
kanilang mga mamamayan ngunit magiging huli na ang lahat
para sa iba. Mabilis na kumakalat ang apoy. Pinupuno nito ang
hanging ng abo at amoy ng nasusunog na kahoy at laman ng
tao.
Tumutulo ang luha sa mga mata ni Anne habang papalayo sila
sa nasusunog na bayan. Sa dami ng taon niya bilang isang
pirata, marami na siyang napatay na mga kalaban na nais ding
pumatay sa kanya. Gusto nilang paslangin ang babaeng kapitan
at kunin ang lahat ng kanyang kayamanan. Akala nilang lahat
siya ay isang mahinang pirata dahil sa kanyang kasarian at dahil
na rin siya ay napulot lamang ng kanyang amain sa dagat.
Ito ang nagdulot sa kanya upang ipakita ang kanyang
katapangan at kawalan niya ng habag sa sinumang humahamon
sa kanya. Walang pag-aatubili niyang pinapatay ang kahit na
sino na haharang sa kanyang mga plano at diskriminahin siya
bilang isang babae. Pinupugot niya ang kanilang mga ulo at
itinutusok ito sa isang sibat bago ilagay sa dalampasigan ng
kanilang bayan upang Makita ng kanilang mga pamilya ang
kanilang mga bangkay.
Ngunit kakaiba ang pagkakataong ito. Ni minsan ay hindi pa
nagagawang lusubin ni Anne ang isang payapang bayan upang
nakawan at paslangin ang lahat. Wala siyang dahilan upang
gawin ito. Bakit niya kukunin ang buhay ng daan-daang
inosenteng bata, matanda, kababaihan, at kalalakihan? Pero
nagawa na niya ang bagay na kahit minsan ay hindi niya
inaakalang magagawa niya at ito ay nagbibigay ng kirot sa
kanyang puso.
Iniling niya ang kanyang ulo upang mawala ang mga saloobin na
bumabagabag sa kanya. Dapat siyang maging alerto sa kahit
anong maaaring mangyari at dapat pagtuunan niya ng pansin
ang magiging magandang bunga ng isang matagumpay na
operasyon.
Pintado ng determinasyon ang mukha ni Anne habang
tumatakbo siya kasabay ng kanyang tripulante pabalik sa
kanilang mga barko bitbit ang kanilang bagong kayamanan at
ang bigat ng buhay na kanilang kinuha.
Agosto 02, 1723 - Mula sa talaan ni Anne Pepper ng Barkong
Queen Elizabeth
Isang linggo na halos ang nakakalipas matapos naming
salakayin ang Lisbon. Halos nabura sa mapa ang buong bayan
at natira na lamang ang walang lamang gusali ng gobyerno at
ang maliit na kastila ng hari.
Sinabihan ako ni Kapitan Avery na tinutugis na kami, hindi
lamang ng gobyerno ng Portugal ngunit pati na rin ang
kaharian ng Espanya kaya naman kami ay tutungo na sa Aprika
upang makatakas at simulan na rin ang planong pagtatag sa
Libertalia.
Umaasa akong magiging matagumpay ang aming balak dahil
nagawa ng bawat isa sa grupo ang kanilang mga tungkulin.
Ako ay kumuha pa ng ilang mga bagong tauhan para mapunan
ang trabaho na kailangan para dito.
Nagagalak man ako sa pagbubunga ng aming plano, hindi ko
pa rin maalis sa aking isipan ang iyak ng mga mamamayan ng
Lisbon. Ang kanilang mga sigaw habang tinutupok ng apoy ang
kanilang mga bahay at buhay.
Magmula noong gabing iyon ay hindi na ako nakatulog ng
maayos. Ang aking isipan ay ginagambala ng mga imahen ng
kanilang nasusunog na katawan at pati na rin ng kanilang iyak
ng pagsaklolo.
Paano ko mapapayapa ang aking pag-iisip kung alam ko sa
sarili ko na ako ang dahilan ng kanilang pagkapanaw?

Anne Pepper

Ilang buwan ang lumipas patapos ang pag-atake sa Lisbon at


kasalukuyang papalapit na ang tripulante ni Anne sa
Madagascar. Malapit na nilang makamit ang kanilang layunin.
Pagkatapos nilang sakupin ang isang isla na hindi pa naitatala sa
mapa, kasunod na lamang noon ay ang pagtatayo ng
komunidad. Ngunit may masamang nararamdaman ang
babaeng kapitan habang papalapit sila sa isla. Hindi niya lubos
matukoy kung bakit ito ang kanyang nararamdaman.
Sinubukang isantabi ni Anne ang kanyang masamang kutob
habang sila ay papasok sa isang talon na magdadala sa kanila sa
sentro ng isla. Ngumiti siya ng bahagya habang binabagtas nila
ang ilog ngunit bigla siyang natigil ng may naramdaman siyang
matalim na bagay sa kanyang likuran.
“Magandang umaga, Kapitan.” Ang sabi ng isang pamilyar na
boses na nagpakilabot kay Anne.
“Kapitan Avery.” Ang bigkas ni Anne na may halong unti-unting
pagkagalit sa kanyang tono. Hindi na siya nagsayang ng
anumang oras bago niya kinuha ang kanyang sariling espada at
saka hinawi ang patalim ng kapitan mula sa kanyang likod.
Sunod niyang tinutok ang kanyang sandata kay Avery. “Anong
nangyayari dito?”
“Hindi pa ba malinaw sa iyo kung ano ang nangyayari?” Ang
sabi ni Avery na may nakatatakot na ngiti na pintado sa
kanyang mga labi.
“Paano ka nakasakay sa aking barko? Ilang buwan kitang hindi
nakikita.” Ang tanong ni Anne ngunit kung pagbabasehan ang
reaksiyon ng kanyang tripulante, alam na niya ang sagot.
Kasabwat ng tuso na si Kapitan Avery ang higit sa kalahati ng
tauhan ni Anne. Sa ngayon ay hawak ng mga ito ang ibang tapat
na miyembro ng tripulante ng babaeng pirate upang hindi sila
makakilos at makapanglaban. Tinignan ni Anne ang kanyang
paligid at nakita niya na pinapalibutan na sila ng mga pwersa ni
Avery, Tew, at England.
“Akala ko ba ay magkakaibigan tayo?” Ang sabi niya habang
papalapit si Avery. Dahan-dahan siyang humakbang patalikod
hanggang sa maramdaman niya ang kahoy na rehas ng kanyang
barko.
Tumawa ng malakas ang tusong pirata bago umatake. Mabilis
na sinalag ni Anne ang espada ni Avery gamit ang kanyang
sariling sandata. Lumusot ang babaeng pirata sa ilalim ng braso
ng kapitan upang hindi makulong sa gilid. Ang paglaban nito ni
Anne ang nagbunsod sa kanyang tapat na mga kasamahan
upang lumaban din sa mga pwersa ng tatlong malalakas na
pirata ngunit hindi sapat ang determinasyon upang manalo sa
labanan.
Higit sa siyam na pulutong ang dala ng mga “kaibigan” ni Anne
habang dalawa lamang tatlo lamang ang kanyang bitbit.
Karamihan pa sa kanyang mga tauhan ay kasabwat pala ng
kabilang panig pero hindi babagsak ang babaeng kapitan ng
hindi lumalaban.
Tagumpay na nasalag ni Anne ang bawat atake ni Avery ngunit
ito rin ay nagawa ng pirata. Gayunpaman, nakalusot ang ilan sa
mga atake ni Anne at nagawang niyang masugatan si Avery sa
pisngi.
Tumitindi ang labanan at unti-unting nagkakaroon ng tiwala si
Anne sa kanyang sarili sa bawat hampas ng kanyang sandata na
tumatama kay Avery. Maraming beses nang muntik na tumama
direkta sa leeg ng lalaking pirate ang espada ni Anne ngunit
nakaiwas ito.
Habang tumatagal ang labanan, nababawasan din ang mga
kakampi ni Anne. Isa-isa na silang bumabagsak sa sahig at
lumalangoy sa sarili nilang mga dugo ngunit hindi pa rin
sumusuko ang kapitan kahit na tatlo-tatlo na ang kanyang
sabay-sabay na kinakalaban.
Malapit na sanang ibigay ni Anne ang atake na tatapos sa buhay
ni Avery ngunit may narinig siyang tinig sa kanyang likuran.
“Tapusin na natin ito.” Ang sabi ng isang mababang boses bago
niya naramdaman ang isang espada na lumusot mula sa
kanyang likuran hanggang sa kanyang harap.
Napatigil siya sa kanyang position habang unti-unting
nararamdaman ang matinding sakit dulot ng kanyang
pagkatusok. Hindi namalayan ni Anne na nabitawan na pala
niya ang sandatang hawak niya hanggang sa narinig niya ang
malakas na kalampog ng metal sa sahit. Tinignan niya ang
espadang nakalusot sa kanyang katawan at pinagmasdan ang
dugo na bumabalot dito. Nakikita niya ang dahan-dahang
pagtulo ng dugo mula sa espada patungo sa sahig ngunit wala
nang magawa ang kapitan dahil sa umaapoy na sakit na
kanyang nararamdaman. Tuluyan nang bumigay ang kanyang
mga tuhod at napaluhod na lamang siya sa kanyang sariling
dugo. Tumingala siya at nakita ang nagagalak na mukha ni
Avery habang ipinoposisyon nito ang kanyang espada sa leeg ni
Anne. Nakaramdam na lamang ng isang matinding kirot sa
kanyang leeg ang babaeng pirata bago ito tuluyan na
bumulagta sa sahig.

Agosto 21, 1723 – Mula sa talaan ni Kapitan Henry Avery ng


Barkong Fancy
Tagumpay na napatay ni England si Pepper. Kinuha ko ang
lahat ng kanyang kayamanan pati na rin ang mga ari-arian ng
babaeng iyon sa kanyang opisina.
Magaling na pirata si Anne ngunit hindi maaaring
magtagumpay ang isang kagaya niya sa mundong ito. Ano na
lamang ang sasabihin ng iba kung ako ay maangatan pa ng
isang hampaslupang babae? Di bale. Ang kanyang katawan ay
nakalibing na maayos sa tabi ng kanyang amain.
Kung naging lalaki sana si Pepper ay maaaring iba ang kanyang
naging kapalaran. Malamang ay katulong na naming siya sa
pagbuo ng aming pinakamamahal na Libertalia.
Kaunting panahon na lang at kami ay magtatagumpay na.
Magkakaroon na ng payapang komunidad ang mga katulad
kong itinakwil ng lipunan.

Henry Avery

You might also like