You are on page 1of 23

Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Humanidades

Pamantasan ng Mindanao
Lungsod ng Heneral Santos

Pagsusuri sa Nobelang:

Nena at Neneng
ni Valeriano Hernandez Pena

Ipinasa nina:

Sheena Mae R. Azares

Grace S. Arizala

Ipinasa kay:

Prof. Love Batoon


Talambuhay ng May-akda

Valeriano Hernandez Peña

Si Valeriano Hernandez Peña (ang Peña ay apelyido ng kanyang ina) ay


isinilang sa nayon ng San Jose, Bulakan, Bulakan noong Disyembre 12, 1858.
Siya ay bunsong anak nina Marcos Hernandez at Dominga dela Peña. Ang
kanyang ama ay isang platero, at ang hanapbuhay na ito ang kanyang ginamit
upang maitawid ang kanyang pamilya sa pang-araw-araw na pangangailangan.

Nagsimulang mag-aral si Tandang Anong (ito ang tawag sa kanya ng mga


kasamahang manunulat sa Muling Pagsilang) ng Kartilya at ang kanyang
naging guro ay ang kanilang kapit-bahay na si G. Marcelino Nuque. Sa murang
edad na sampu ay nakitaan na siya ng pagkahilig sa pagbabasa at pagsusulat.

Sa nayon ng Matungao, Bulakan, Bulakan ginugol ni Tandang Anong


ang malaking bahagi ng kanyang kamusmusan sa piling ng mga kababatang
sina Gregorio Santillan (ama ng mga manunulat na sina Dr. Jose Santillan at
Dr. Pura Santillan-Castrence), Benito dela Peña, at Mariano Cristobal.

Nagsimula siyang mamasukan bilang kawani ng isang Kapitan Alvarez


sa gulang na labindalawa matapos pumanaw ang kaniyang ama. Nagsilbi rin
siyang kawani ng husgado. Nakasal siya kay Victoria Laktaw, isang taga-
Matungao sa gulang na 45, subalit ang mag-asawa ay hindi pinalad na
mabiyayaan ng anak.

Nagsimula siyang sumulat sa pahayagang El Renacimiento Filipino


(Muling Pagsilang) na pinamatnugutan ni Jose Palma at sa pahayagang
Taliba kung saan inilathala ang kanyang pitak na Buhay Maynila na nasalin
kay Huseng Batute matapos na siya ay pumanaw. Sa mga pahayagang ito
nakilala ang kanyang angking husay sa pagsulat. Maliban sa mga tula,
sumulat din siya ng mga nobelang inilabas ng serye sa Seccion Tagala ng
Muling Pagsilang. Dito iniluwal ang kanyang mga unang nobela na sa
kalaunan ay naging panulukang bato ng mga akdang prosa ng mga sumunod
na panahon.

Inihambing si Tandang Anong ni Bb. Mona P. Highley, propesora ng


Kagawaran ng Ingles sa Pamantasan ng Pilipinas sa mandudulang Ingles na si
Shakespeare. Sila ay kapwa tagahawan ng kani-kanilang panitikang
kinabibilangan. Na mula sa Edad Media ay ipinakilala ni Shakespeare ang
isang bagong anyo ng panitikan, gayon din naman ginamit ni Tandang Anong
ang isa bagong anyo sa panahong ang Tagalog ay hindi gaanong ginagamit
dahil sa malawakang paggamit ng Kastila at ang pagdating ng wikang Ingles.

Sa Muling Pagsilang, nakasama ni Tandang Anong ang mga kilalang


manunulat na gaya nina Lope K. Santos, Faustino Aguilar, Andres Rivero,
Carlos Ronquillo, at iba pa. Kilala sa taguring Ama ng Nobelang Tagalog,
itinuturing na obra maestra niya ang Kasaysayan ng Magkaibigang si Nena
at si Neneng (1905), bagamat iniluwal din ng kanyang panitik ang iba pang
mga nobela tulad ng: Pagluha ng Matuid (1899), Mag-inang Mahirap
(dalawang bahagi – 1905 at 1906), Hatol ng Panahon (1909), Pahimakas ng
Isang Ina (1914), Unang Pag-ibig (1915), Dangal ng Magulang (1920), at iba
pa, gayundin ang mga maiikling kuwento at mga tula.

Pumanaw ang dakilang alagad ng sining noong Setyembre 7, 1922 at


inilibing sa kanyang pinagmulang bayan ng Bulakan, Bulakan.

Sa kasalukuyan, ang ilang mga kagamitan ng manunulat (pluma,


orihinal na kopya ng patente ng nobelang Si Nena at Si Neneng, at iba pa) at
dalawang sipi ng El Renacimiento Filipino (1910 at 1911) ay nasa pag-iingat ni
G. Jaime Villafuerte Jr. ng Matungao, Bulakan, Bulakan, na apo niya sa
talampakan sa kanyang pamangkin na si Maria.
Buod:

Sina Nena at Neneng ay dalawang magkaibigan na higit pa sa tunay na


magkapatid ang turingan sa isa’t-isa. Kapwa sila ulila ng lubos sa kanilang
mga magulang. Si Nena ay kinalinga ng kanyang ale na si Aling Anday
samantalang si Neneng ay ang kanyang kuya Pepe na nag-asawa bago pa man
siya magdalaga. Pananahi ang kanilang hanapbuhay at tuwing umaga ay
dinaraanan ni Nena si Neneng at magkasabay silang pumapasok sa patahian
at kung hapon naman ay sabay silang lumalakad pauwi.

Isang araw ay maagang nagising si Nena at idinahilan sa kanyang ale na


siya’y magsisimba. Si Nena ay niligawan ng lilong si Miguel at nagpasya silang
magkita sa tapat ng simbahan. Nagtaka si Neneng sapagkat iyon ang unang
beses na di siya dinaanan ng kaibigan kaya pumunta siya sa bahay ni Nena
upang malaman ang sanhi nito. Sinabi ng kanyang ale na nagsimba kayat
pumasok siyang mag-isa sa patahian na punung-puno ng paghihinanakit.
Ilang sandali ay nagkaayos din ang dalawa subalit di napigilan ni Neneng na
magsumbong sa ale ni Nena. Ang nasa niya ay maputol ang nalululong na loob
ng kaibigan kaya’t hinintay niya ang pagkakataon na makausap ang ale nito at
ipinahayag ang pagkakasundo nina Nena at Miguel. Nagalit ang kanyang ale at
nawikang mabuti pa ang siya’y mamatay kaysa makitang mag-asawa kay
Miguel sapagkat siya ay isang lalaking mayabang at may palalong puso. Dahil
sa pahirap sa kanya ng kanyang ale ay sumulat siya kay Miguel subalit
hanggang sa lumubog ang araw ay di man lang niya nakita si Miguel.
Kinabukasan ay nakita nina Nena at Neneng na magkasama sina Miguel at
Chayong na na nagtatalik sa lansangan at kapwa naghahatiran ng sulyap ng
mga matang nag-iibigan. Magdamag palang magkasama ang dalawa sa isang
piging.

Labis na naninibugho ang puso ni Nena sa kanyang nakita. Dinamayan


ni Neneng ang kanyang kaibigan at pinayuhan na di siya dapat malungkot at
sa halip ay magalak sapagkat maaga niyang nakilala ang tunay na katauhan
ni Miguel at ipagpasalamat na di pa sila nakakasal ay natanto na ang
karungisan ng kanyang puso. Napagpasyahan ni Nena na magpakalayo kay
Miguel kaya naman nagalak ang kanyang ale.

Samantala, labis na namighati si Narciso nang malamang may relasyon


ang kanyang pinsang si Miguel at si Chayong. Nais niya sanang maghiganti
subalit dahil sa tunay niyang mahal si Chayong ay ipinaubaya na lamang ito
sa kanyang pinsan. Isang araw, nagkita si Tiya Belang at Narciso at
inanyayahan siya nito na pumunta sa kanila. Nagkita sila ni Chayong,
nagkausap at nagkapatawaran. Sa daan pauwi, naglalakad si Narciso na lito
ang isip sa paggunita ng mga araw na nakalipas nila ni Chayong nang nagipit
siya ng isang karumatang matulin ang takbo at sa pag-ilag ay nabangga niya si
Neneng. Namangha siya sa kanyang nakitang binibini at agad itong nakaagaw
sa kanyang pansin. Agad siyang humingi ng tawad dito at sinuklian naman ito
ni Neneng ng isang ngiti ng pagpapatawad.

Isang araw, isang sulat buhat sa lalawigan ang natanggap ni Aling


Anday. Nalaman niya buhat kay Gregorio Magpayo na namatay ang kanyang
asawa na si Andoy at pamangking si Beatriz dahil sa sakit. Napagpasyahan
nila ni Nena na umuwi kaagad at inihabilin kay Neneng ang kanilang bahay.

Isang gabing nalulumbay si Nena sa pagkakalayo sa kaibigang si Neneng


ay nagkausap sila ni Deogracias at nagtapat ito ng kanyang pag-ibig. Si
Deogracias ay pamangkin ni Andoy na buhat pa sa kamusmusan ay
inarugang kasama ni Nena.

Sa pagdalaw ni Narciso sa bahay ni Neneng ay nagkita at nagkausap sila


ni Pepe at naitanong nito ang sanhi ng pakikipagkilala sa kanila. Ipinagtapat
ni Narciso ang layunin niyang umakyat ng ligaw kay Neneng. Sinang-ayunan
naman ito ni Pepe at pinayuhan na kilalanin muna ang isa’t-isa upang di
magsisi sa huli.

Isang hatinggabi, ay nagtanan sina Miguel at Chayong. Ganoon na


lamang ang paghihinagpis ng mga magulang ni Chayong dahil sa ginawang
pagtataksil ng kanilang anak. Tatlong araw din ang nakalipas bago nila
nadatnan ang pinagdalhan ni Miguel kay Chayong. Nagsakdal ang mag-asawa
sa may kapangyarihan at lumakad ang mga kawani ng puno ng pag-usig at
hinanap sila sa lahat ng sulok ng nayon. Nang matagpuan ang dalawa ay
niyakap si Chayong ng kanyang ina samantalang si Miguel ay ipinadala sa
pangulong lalawigan at pinatawan ng salang “pag-agaw sa babae”.

Sinagot ni Nena si Deogracias. Di naglaon kumalat ang balitang si Isiang


na isang binibining kababayan ni Deogracias at ni Nena ay ninanais ng kamag-
anakan ni Deogracias na kanyang maging asawa kaya naman si Nena ay
tumangis nang husto subalit ang dalawang ito ay walang pagtingin sa isa’t-isa
at gawa ng mga kamag-anakan ni Deogracias na ang adhika ay masira ang
umaalingawngaw na pagkakasundo ng dalawa. Ang matamis na paggigiliwan
ni Nena at Deogracias ay nahantad sa kanilang ale kaya ipinagtapat nila ang
kanilang niloloob sa isa’t-isa at itinakda ang kanilang kasal.
Sa malungkot na bilangguang pinagpiitan kay Miguel ay unti-unting
nangayayat, nanghina at di nakalaban sa dagsa ng mga sakit sa mga dahilang
kulang siya sa pagtulog, salat siya sa pagkain at pagkakaroon niya ng tanod
na animo’y mga halimaw. Nagtiis siya at idinadalanging makatagal at magkita
sila ni Chayong sa kanyang paglabas. Sa isang sulat na tinanggap niya mula
kay Narciso ay ibinalita nitong nanganak si Chayong ng isang magandang
sanggol na lalaki at sa linggo ito pabibinyagan. Kasalukuyang pinagduduklay-
duklay ni Miguel sa loob ng bilangguan ang binyag ng kanyang anak
kinabukasan nang tinawag siya ng isang tinyente ng hukom at iniharap sa
pasulatan ng eskribano upang ibabala ang hatol. Buhat dito ay napag-alaman
niyang anim na buwan pa siyang ipipiit at siyam na buwan na ang kanyang
inilagi sa bilangguan bago siya nahatulan.

Ikawalong oras at kalahati ng umaga ng Disyembre ay dumating sina


Nena at Deogracias sa Maynila at pumunta sakay ng isang karumata sa bahay
ni Neneng. Agad na sinalubong ni Neneng ang kaibigang si Nena. Ipinakilala
nito ang makakaisang dibdib na si Deogracias. Maya-maya’y pumunta ang
tatlo sa Rosario at namili ng kanilang kailangan sa kasal at sa di hinihintay na
pagkakataon ay nasalubong nila sa daan si Narciso at doo’y nagkakilala ang
dalawang binata sa pamamagitan ng magkaibigang Nena at Neneng.
Kinabukasan ay nagsimba sila sa unang araw ng “Misa de Gallo”.

Dahil sa dagan-dagang mga hirap ng loob ay nangayayat at nagkasakit si


Miguel. Si Chayong naman ay laging umiiyak at di makadalaw sa hospital ng
San Juan de Dios kung saan nakalagak si Miguel dahil bantay sarado siya ng
kanyang mga magulang. Namatay si Miguel na di man lamang nakikita ang
kanilang anak ni Chayong. Kinabukasan ay dumating ang balita kay Narciso
na pumanaw na si Miguel kaya dagli-dagli niyang sinabihan si Chayong at
pumunta sila sa Hospital ng San Juan de Dios. Nakiusap si Narciso sa
namamahala upang ipagkaloob sa kanila ang bangkay ni Miguel at sila na ang
magpapalibing subalit hindi sila pinahintulutan sapagkat may pinunong dapat
magpasiya sa gayong namamatay na di pa natatapos ang panahon sa
pagkakabilanggo. Makalipas ang ilang araw ay inilibing si Miguel sa isa sa mga
libingan sa Maynila kung saan nakatunghay na naghihinagpis si Chayong at
ang anak na si Narciso.

Sa simbahan ng Bayang B sa Bulacan ay idinaos ang kasal nina


Deogracias at Nena kung saan dumalo sina Neneng, Pepe, kanyang asawa at
mga anak nito.
Samantala, isang liham ang natanggap ni Neneng buhat kay Isko na
nagpapahayag ng kanyang pag-ibig sa dalaga. Pinabasa niya ito kay Narciso at
tinanong siya kung ano ang kanyang loob dito. Lumiham si Neneng kay Isko at
dito ipinagtapat niya na wala itong maaasahan sa kanya.

Sa kalapit bahay ni Chayong ay may idinaos na piging. Isang sanggol


ang bininyagan at ang mga kilala niya na nagsidalo sa nasabing handaan ay
nagsipag-usisa ng makitang may iniiwi siyang sanggol. Tinanong nila ang ama
ni Chayong kung sino ang ama ng sanggol. Hindi ito nakasagot at isang
maasim na ngiti ang ipinamalas sa mga panauhing nagsisipag-usisa. Di
naglaon ay nalaman din ng mga panauhin ang tunay na dahilan at pagkaalis
ng mga ito ay nagngingitngit na dinaluhong si Chayong ng kanyang ama ng
isang suntok dahil sa matinding pagkapahiya. Pinigilan ito ng kanyang ina
subalit wala itong nagawa. Lumuluha si Chayong na nagbalot ng ilang
pirasong damit at mga lampin ng kanyang sanggol at pumunta sa bahay ni
Neneng. Doon ay malugod siyang pinatuloy ng mga ito at kinalinga.

Pagkalipas ng isang buwan mula nang matanggap ni Isko ang liham ni


Neneng ay idinaos ang kasal nila ni Narciso. Dumalo sina Deogracias at Nena
at Chayong na nakikipisan sa kanila. Araw ng Linggo ay sumama sina Neneng,
Narciso, Chayong at sanggol nito kina Nena at Deogracias sa pag-uwi sa
probinsiya. Dahil dito, ay muling nakita ni Isko si Neneng.

Bumalik ang mag-asawa sa Maynila at pagkaraan ng ilang araw ay


muling nakatanggap si Neneng ng sulat galing kay Isko na patuloy pa ring
nangingibig sa kanya sa kabila ng pagkakaroon niya ng asawa. Ipinahayag
niya sa sulat na dadalaw ito sa kanila. Natilihan si Neneng at di niya malaman
kung ano ang gagawin. Napagpasyahan niya na ipapabasa niya ito kay Narciso
subalit dinatnan ng mabigat na sakit si Pepe kaya nalimutan na niya ang
tungkol dito. Namatay si Pepe at naiwang nagdadalamhati si Neneng at asawa
nito.

Isang araw ng naghuhusay ang mag-asawa ng kanilang mga damit sa


sisidlan ay nahulog ang isang sulat at nadampot ito ni Narciso. Tinanong ni
Narciso si Neneng kung kanino galing iyon at tinugon niya na sulat iyon ni
Isko. Ipinaliwanag niya na natanggap niya ang sulat noong magkasakit ang
kanyang kuya at nakaligtaan niyang sabihin ito sa kanya. Subalit hindi
naniwala si Narciso at naghinalang naglilihim sa kanya si Neneng. Muling
lumiham si Neneng kay Isko at sinabing kung magpipilit ito sa kanyang gusto
ay handa siyang magsakdal sa maykapangyarihan sapagkat nakasisira ito sa
relasyon nilang mag-asawa. Mula noon ay nagkaroon na ng lamat ang kanilang
pagsasama.

Si Isko ay nagpasyang lumuwas ng Maynila upang makita si Neneng


kaya naman ang ipinadalang sulat ay hindi niya nabasa, sa halip ay ang alila
nitong si Andres ang nakatanggap. Sapagkat di alam ng alila kung nasaan si
Isko ay nagpasya itong itago na lamang ang sulat. Tanghali noon ng dumating
si Isko sa Maynila at pumunta kaagad sa bahay ni Neneng. Pagkakita ni
Neneng kay Isko ay nabigla ito at nagdalawang isip kung patutuluyin ang
bisita subalit dahil sa kagandahang asal ay pinatuloy niya ito. Datapwat nang
anyong nananhik si Isko ay waring nagulumihanan ng maalalang parating na
ang kanyang asawa. Subalit naroon na si Isko at dito sinimulan ng masamang
budhi ang linuhug-luhog kay Neneng. Panay ang luha ng pakiusap ni Neneng
na siyay limutin na subalit mas lalo itong sumigla sa pagsamo. Nang walang
pamatasan ang abang si Neneng ay biglang pumasok sa silid at kumuha ng
sandatang pantanggol. Dumating si Narciso at dahil sa malaking kahihiyan at
pagkatakot ay tumalon si Isko. Lumuluhang sumalubong si Neneng sa asawa
ngunit ang mga luhang ito’y naging katibayan ni Narciso ng isang pagtataksil.

Makapaghihinala si Narciso at ayon sa nakita niya’y walang mathid na


maitututol, ngunit ang hinalang ito’y isang sukat naman maging kahulugan
kay Neneng ng isang paghamak sa kanyang pagkababae. Ang dating tamis ng
pag-asang iniibig siya ni Narciso ay naging masaklap na sakit noon. Walang
anumang binanggit si Narciso ng anuman tungkol sa kanyang nakita. Nagbihis
na dali-dali, lumuluhang hinagkan sa noo ang asawa at umalis. Tinanong ni
Neneng kung saan ito patungo ngunit hindi man lamang siya pinansin at
patuloy sa patuling paglakad. Sa masungit na dilim ay tinahak ni Narciso ang
kabukiran, samantalang si Neneng ay napatutungo naman sa bahay ng
kanyang hipag. Napansin ng hipag ni Neneng na malungkot siya nang
dumating kaya’t tinanong niya ito. Hanggang nalalaon ang pag-uusap ay unti-
unting nabubuo ang panghihinuha ng hipag sa palagay na pinagbuhatan siya
ng kamay ni Narciso. Gayun pa man, nakiusap pa rin si Neneng na samahan
siyang hanapin si Narciso at hindi naman siya tinanggihan ng kanyang hipag.
Nagmamasakaling makita ni Neneng ang kanyang asawa ngunit bumalik
silang bigo. Nanaog at parang ulol na lumakad ng mag-isa si Neneng upang
bumalik sa kanilang bahay. Sinamahan naman siya ng kanyang hipag. Ngunit
mas lalo pang bumibigat ang kanyang pagpipighati nang hindi pa rin
pumaparoon sa kanilang bahay si Narciso.

Tatlong araw na ang nakalipas ngunit hindi pa rin bumalik ang kanyang
asawa. Dapatwat nang mabuo ang sapantahang silang mag-asawa’y di na
magkikitang muli, ay sa hipag na lamang iniwan ang bahay, mga damit at ari-
ariang sarili nilang mag-asawa. Hinabilin niya sa kanyang hipag na kay Nena
lang siya pumaroon kung hahanapin man siya nito. Hindi na siya napigilan pa
at siya’y umalis. Samantalang sukat ang malaking pamamangha ni Nena nang
siya’y makarating doon. Nalaman ni Neneng na nakapunta si Narciso sa bahay
ni Nena at hinabilin pa nitong doon muna manuluyan si Neneng sa kaibigan
sapagkat matatagalan pa raw ang kanyang pagbabalik. Namangha si Nena sa
pag-alis ni Narciso at tinanong niya si Neneng kung ano ang dahilan.
Ipinagtapat naman ni Neneng kay Nena ang buong nangyari at nang maawas-
awasan sa bigat ng mga hirap na dala-dala ng loob. Ngunit ang lihim na ito’y
inuring kanya ni Nena at kanino ma’y di ipinamalay. Lubos ang
pagdadalamhati ni Neneng hanggang siya’y magkasakit. Walang ibang sinisi si
Nena sa nangyari sa kaibigan kundi si Narciso at kung bakit ito pa ang
pinakasalan.

Samantalang walang ibang sinisi si Neneng kundi ang kanyang sarili sa


paglilihim kay Narciso sa sulat na galing kay Isko at pagpapanhik nito sa
bahay nang wala ang asawa. Ngunit sinabi naman ni Nena na walang
kasalanan si Neneng sa nangyari sapagkat walang katuturan ang panibughong
iyon sa kanya ng asawa. Sa pag-iingat ni Nena na baka mas lalong lumala ang
pagdadalamhati ni Neneng sa matagal nilang pag-uusap tungkol kay Narciso
ay nagdahilang sandali at siya’y iiwan, ngunit di pumayag si Neneng at muling
pinaupo sa kanyang piling at tinanong sa kaibigan kung naniniwala ba ito sa
isang panaginip. Sinabi naman ni Nena na kata-kata niya lamang iyon.
Napahinto sa pagtatawanan ang magkaibigan nang dumating si Isko kasama
ang isang manggagamot. Akmang ang lahat ng dugo ni Nena ay umakyat sa
mukha at ang katuwaa’y nahalinhan ng malaking galit. Nakita naman sila ni
Deogracias kaya pinaalis agad sila nito. Nanaog si Isko at ang kanyang
kasama, taglay ang nakauumid na nangyari sa pagkaparoon, na parang bunga
ng marumi niyang adhika sa ngayo’y napahamak na pag-aasawa ng kulang-
palad na si Neneng.

Sa di paghahantong ni Narciso ng nilakad-lakad na itinataguyod ng


nakalulumbay niyang napagsapit, ay sa malayong lalawigan umabot at doon
na tinangka ang makipamayan. Marami siyang nakasalamuha dahil sa
kaamuan ng kanyang pag-uugali. Madalas niyang nagugunita ang asawa at
may sandaling pinupukaw ang kanyang loob na magbalik. Ngunit naisip niya
ang nakauumid niyang palad. Dumating ang araw ng malaking pagkawili na
kaipala’y pagsisisihan din.
Wala nang magiging kagamutan ang sakit ni Neneng kundi ang muling
humilig sa sinapupunan ni Narciso. Hindi naman niya pinapahalata sa
kaibigan na malapit na siyang mamatay kaya’t nagkaroon ng pag-asa si Nena
na malunasan pa ang kanyang karamdaman. Ngunit dumating na ang takdang
panahong mamamatay na siya ay may habilin siya kay Nena na isang sulat
para kay Narciso. Hinabilin din niya na huwag gumugol ng anuman sa
kanyang libing at iyon ang kahuli-hulihang bilin na ibig masunod. Hinawakan
ng mahigpit ang kamay ni Nena at pawang nakatulog lamang ng mahimbing.
Noon din ay ibinalita sa hipag ng kaibigan ang kamatayan niya. Kinabukasa’y
idinaos ang libing at kay Nena’y ito ang katapus-tapusang araw ng di
kakaunting panahong ipinagsama nilang dalawa.

Samantalang si Isko naman ay hindi tumigil sa mga masasama niyang


hilig sa pagsusugal hanggang sa naubos ding lahat ng mga aring minana niya.
Hindi naglao’t natutop siya ng mga kawal ng punong nagsisiusig at isang
punlo ang sa kanya’y lumagot. Tinapos ang kamatayan ni Isko na walang
dangal, kalait-lait, at kahiya-hiya sa kapwa.

Tila iniaakma ng pagkakataon ang nangyayari kay Narciso sa bayang


kinalalagyan niya upang mapilitan ding umuwi. May ilang Linggo na sa
kanya’y laging matamlay madalas na tila nanghihina, tuwina’y malungkot, at
di nalaot nagkasakit. Di naglaon ay napag-isipan din niyang umuwi sa
kanilang bayan. Pagdating niya sa bahay ng kaibigang si Nena ay inabutan
agad siya nito ng sulat. Doon, nabasa ni Narciso ang kinahantungan ng
kanyang asawa. Hindi siya makapaniwala at gusto niyang makita ang libingan
ng asawa ngunit nahulog siya sa hagdanan at namatay. Ginanap ni Nena at
Deogracias ang kahuli-hulihang paglilingkod sa asawa ng kaibigan,at sa libing
din ni Neneng siya isinama. Di sila nagsama sa buhay na ito ngunit nagsama
sila sa hukay, diyan sa mapanglaw na libing, diyan sa malumbay na
hangganan ng lahat.
Mga Sangkap ng Nobela

I - Tauhan:

Uri ng Tauhan

a.Tauhang Lapad o (flat)-ang tauhan lapad ay walang pagbabago stereotype o


karaniwan ang kanyang karakter.

b.Bilugang Tauhan(round)-ang tauhang bilog ay may kinalaman ang pag-


iisip na ipinahihiwatig ng kilos o pagsasalita niya. May iba’t-iba siyang
mga katangian na mahirap makilala. Kailangang tuklasin di tulad ng
lapad na tauhan na may katangiang litaw na litaw.

Mga Tauhan:

Nena (flat)- kaibigan ni Neneng; inalagaan ng kanyang ale

Neneng/Timotea Sulit (flat)-kaibigan ni Nena na inalagaan ng kanyang


kapatid na lalake na may asawa

Miguel Maglayon (round) - nanliligaw kay Nena na kalaunay naging katipan


ni Chayong ; pinsan ni Narciso

Alejandra Maglinaw/Aling Anday (flat) – ang nag-alaga kay Nena ng maulila


ito

Rosario/Chayong (flat)- dating kasintahan ni Narciso na naging katipan ng


kanyang pinsang si Miguel

Tiya Belang (flat) – Ina ni Chayong

Ama ni Chayong

Narciso/Sochong (flat)- dating kasintahan ni Chayong na naging asawa ni


Neneng ; pinsan ni Miguel

Andoy - asawa ni Alejandra Maglinaw na namatay

Beatriz-pinsan ni Nena na namatay


Deogracias (flat)- pamangkin ni Aling Anday; kababata ni Nena na kalaunay
kanyang naging asawa

Gregorio Magpayo- ang nagpadala ng sulat at nagbalita na patay na si Andoy


at Beatriz.

Pepe (flat) - nakatatandang kapatid ni Neneng

Isiang- kababayan ni Nena at Deogracias na iniuugnay kay Deogracias; nais


ng mga ale ni Deogracias na mapangasawa niya.

Ale ni Deogracias – kapatid ng ama ni Deogracias

Narciso – anak nina Chayong at Miguel

Francisco Marcelo/Isko (flat)- ang sugarol na nangingibig kay Neneng

Andres – alila ni Isko

II – Tagpuan - tumutukoy ito sa pook at panahong pinangyarihan ng mga


tagpo sa akda,naglalarawan ito ng ginagalawan o kapaligiran ng mga
tauhan.Inilarawan ito ng buong linaw,pati na ang kaugalian ng mga nasa
kapaligiran ay masisinag sa mabisang pamamaraan.

Mga Tagpuan:

Maynila- kung saan nakatira sina Nena at Neneng.

Presidencia- kung saan natagpuan sina Chayong at Miguel.

Hospital ng San Juan de Dios – kung saan nakalagak si Miguel ng ito’y


magkasakit.

III – Banghay - Tumutukoy sa pagkakasunod-sunod o daloy ng pangyayari sa


kuwento.

A. Panimula - Dito nakasalalay ang kawilihan ng mga mambabasa. Dito


rin kadalasang pinakikilala ang iba pang tauhan ng kuwento.

Nagsimula ang nobela sa pagpapakilala sa magkaibigang Nena at


Neneng. Inilarawan dito ang pagsasama nilang magkaibigan na higit pa
sa tunay na magkapatid ang turingan sa isa’t-isa. Sinabi rin sa kuwento
na kapwa sila ulila na sa mga magulang. Ang kumalinga kay Nena ay
ang kanyang ale na si Aling Anday samantalang kay Neneng ay ang
kanyang kuya Pepe na nag-asawa bago pa man siya magdalaga. Kapwa
pananahi ang kanilang hanapbuhay. Magkasabay din silang pumapasok
sa panahian at kung hapon naman ay sabay silang lumalakad pauwi.

B. Gitna - Ito ay ang katawan ng kuwento.

I – Saglit na Kasiglahan

- Nang mabatid ni Deogracias ang isinasaloob ni Nena na tunay


din siyang iniibig nito, na sinang-ayunan naman ng kanilang ale.

- Nang magkitang muli ang magkaibigang Nena at Neneng


pagkatapos ng ilang buwang pagkakalayo sa isa’t-isa.

II – Suliranin

- Ang panliligaw ni Isko kay Neneng kahit ito ay may asawa na.
- Ang hindi pagsang-ayon ng mga magulang ni Chayong sa pag-
iibigan nila ni Miguel.
- Ang paghihinala ni Narciso ukol sa pagtataksil ni Neneng sa
kanya.
- Ang pagtatanan ni Chayong at Miguel.
- Ang paglililo ni Miguel kay Nena.

III – Tunggalian

Tao vs. Tao

Miguel vs. Ama ni Chayong

“Ipagpatawad po ninyong sabihin ko, - ang tutol ng ama, -


na anuman ang mangyari sa aming anak ay di maipakakasal sa
lalaking iyan.” (kabanata 20, talata 25)
Nena vs. Isko

Ang lahat ng dugo ni Nena’y umakyat sa mukha at ang


katuwaa’y nahalinhan ng malaking galit sa biglang pagkaalaalang
dahil kay Isko’y napapanganib ang buhay ng kanyang kaibigan,
kaya hindi nakatiis at nagsalita.

“Huwag na kayong makatuntong dito sa amin mula ngayon,


at hindi naming kailangan” (kabanata 48, talata 36-37)

Chayong vs. Ama

“Di ka pa mamatay, - ang wika sa anak, - ay nakasisirang


puri ka sa akin.”

At manaka-nakang pinag-uubusan ng malalakas na suntok


na di man lamang napapaglubag ng mga umid na pagluha ni
Chayong at ng nag-uumiyak na pag-awat ng kanyang ina.
(kabanata 37, talata 12-13)

Miguel vs. Tanod

“Ano kayo. Ibig ba ninyo itong yantok?”

Sa katakutan ng nangaroo’y nagkakaumpugan sa pag-ilag at


iniwan si Miguel na siyang naharap ng halimaw na tanod.

Halos gumupo sa suntok at sikad ang abang si Miguel noon.


(kabanata 27, talata 9-10, 22)

Tao vs. Sarili

Narciso vs. Sarili

Ang paghihinala ni Narciso kay Neneng na may pag-


aalinlangan sa kanyang sarili na kailanman ay hindi siya
magagawang pagtataksilan ng kanyang asawa.
C. Kasukdulan - Dito nagwawakas ang tunggalian. Pinakamasidhing
pananabik ng mambabasa sa bahaging ito pagpapasyahan ang
kapalaran ng pangunahing tauhan o ng bayani sa kwento.

Madalas na nagugunita ni Narciso ang kanyang asawang si


Neneng at pinupukaw ang kanyang loob na magbalik.

D. Kakalasan - Tulay sa wakas ng kwento.

Bago namatay si Neneng ay hiniling nito kay Nena na ibigay kay


Narciso ang kanyang ginawang sulat at ipaalam sa kanyang hipag ang
kanyang pagkamatay. Samantala, si Isko ay hindi tumigil sa masasama
niyang hilig kaya hindi naglaon ay natutup siya ng mga kawal ng
punong nagsisiusig at isang punlo ang naging dahilan ng kanyang
pagkamatay.

E. Wakas – Resolusyon o kahihinatnan ng kwento.

Namatay si Narciso at inilibing ito nina Deogracias at Nena katabi


ng puntod ng kanyang asawang si Neneng.

IV – Tema

- Ang masasama ay pinarurusahan at ang mabubuti ay may laang


gantimpala sa langit.
- Ang magandang pakikisama ay siyang malupit na parusa.
- Ang kahalagahan ng pagkakaroon ng tunay na kaibigan.
Mga Tradisyong Ginamit

Tradisyong Moralistiko

Ang layunin ng panitikan ay ilahad ang ibat-ibang pamantayang


sumusukat sa moralidad ng isang tao, ang pamantayan ng tama at mali.
Inilalahad din nito ang mga pilosopiya o proposisyong nagsasaad pagkatama o
kamalian ng isang kilos o ugali ayon sa pamantayang itinakda ng lipunan. Sa
madaling sabi, ang moralidad ay napagkakasunduan ayon na rin sa kaantasan
nito.

A. Mapagkunwaring pag-ibig ni Miguel kay Nena

Patunay:

Natigilan dito si Miguel, at palibhasa’y may marumi siyang puso


kay Nena, ay ibig waring maglibang-libangan at kung mangyayari’y
huwag na munang mapag-usapan ang makagigipit sa kanyang kuhilang
nasa na pagpaparaan ng panahon. (kabanata 2, talata 40)

Paliwanag:

Mapapansin sa patunay sa itaas ang mapagkunwaring pag-ibig ni Miguel


kay Nena. Nagkaroon si Miguel ng pag-ibig kay Nena ngunit ito’y pahapyaw
lamang kaya ito’y humantong lamang sa hiwalayan.

B. Pagtatanan nina Chayong at Miguel

Patunay:

Nangunguna si Miguel, sinusundan ni Chayong, at kanilang


tinatalaktak sa kadiliman ng gabi ang masusukal na bagtasin, na walang
ibang makagagawa kundi silang nagsisipagtiyap lamang sa mararayang
kilos ng isang lihim ngunit hayag na paglililo. (kabanata 20, talata 10)

Paliwanag:

Ang pagtatanan ay isang malaking kasalanan hindi lamang sa mata ng


tao kundi sa mata ng Diyos. Katulad na lamang sa pagsuway ni Chayong sa
kanyang mga magulang na humantong lamang sa kawalan ng kanyang dangal
pati na rin sa dignidad ng kanyang pagkatao.

C. Panliligaw sa babaeng may asawa

Patunay:

Kahit siya magkaasawa’y liligawan ko pa rin.(kabanata 38, talata


36)

Hindi mangyayari. Yuyurakan ko ang matwid, pupuhunanin ko ang


aking kaya sukdang ikamatay, nguni’t si Neneng ay akin. (kabanata 41,
talata 19)

“Labis ang pagpipighati ng aking loob kung dilidilihin ang


kakapusang kong palad sa maaga ninyong pag-aasawa, at kung di
nagkagayo’y naibilang disin ang nakalulugod kong pangarap na kayo’y
sambahin ng isang wagas na pag-asa. Gayunman ipinangako na ng
aking sarili na walang ibang pipintuhuin liban sa inyo; ay sukat na sa
akin ang ganitong nasa, at papagkasiyahin sa puso ang iisa-isang pag-
ibig na kailanma’y ihahandog di man ako maging dapat.” (kabanata 43,
talata 10)

Paliwanag:

Ang panliligaw ni Isko sa may-asawa ng si Neneng ay isang malaking


kamalian. Ito ay naging dahilan ng paghihiwalay at di-pagkakaintindihan ng
mag-asawang Narciso at Neneng.

D. Pananakit/Pambubugbog

Patunay:

At manaka-nakang pinag-uubusan ng malalakas na suntok na di


man lamang napapaglubag ng mga umid na pagluha ni Chayong at ng
nag-uumiyak na pag-awat ng kanyang ina. (kabanata 37, talata 12-13)

Phis! Phis! Ang dalawang sunod na palo na pinapamilipit sa


kanyang likod ng halimaw na nag-abot ng sulat at ang idinugtong na
nanlilisik ang mata. (kabanata 26, talata 11)
Paliwanag:

Ang pananakit o pambubugbog ng tanod kay Miguel ay kakikitaan natin


ng halimbawa sa ating lipunan. Kung saan may mga taong malulupit at
mapagsamantala sa iba. Ang pagmamalupit sa isang tao ay isang malaking
kasalanan kahit na ito pa ay iyong kadugo.

Tradisyong Idealismo

Ang panitikang ito ay nagpapakita ng pagiging tama at ideyal ang lahat


ng bagay. Nagpapakita ng pagiging positibong pananaw.

A. Ang pagkakaibigan nina Nena at Neneng

Patunay:

Nena ang pangalan ng isa at Neneng naman ang pangalawa, na


buhat pa sa bagong pagpasok na mga musmos nilang isip sa malayang
mundo, ay sinimulan na ang pagkilala hanggang sa nag-ibigang tulad sa
tunay na magkapatid.

Kawili-wiling pagmasdan ang masarap nilang pagsasama, at kung


naging lalaki ang alinman sa dalawang ito, ay kahina-hinayang na di
ipakasal, pagkat ang pagkakaayos ng kanilang ugali ay mahigit pa halos
sa isang mag-asawang nagmamahalan. (kabanata 1, talata 3-4)

Paliwanag:

Ang katangiang taglay nina Nena at Neneng ay isang magandang


ehemplo na dapat pamarisan ng mga magkakaibigan kung saan ito ay isang
kayamanan na hindi maipagpapalit sa anumang bagay.

Tradisyong Romantisismo

Ang layunin ng panitikan ay ipamalas ang ibat-ibang paraan ng tao o


sumasagisag sa tao sa pag-aalalay ng kanyang pag-ibig sa kapwa, bansa at
mundong kinalakhan. Ipinakikita rin sa akda na gagawin at gagawin ng isang
nilalang ang lahat upang ipaalam lamang ang kanyang pag-ibig sa tao o
bayang napupusuan.
A. Wagas na pagmamahal ni Deogracias kay Nena

Patunay:

“Ang pag-ibig koy hindi humahanap ng ganti, ngunit huwag mong


ibawal sa akin, pagkat kailanmay iibigin kita.” (kabanata 17, talata 81)

“hindi, at ang puso koy laang ihandog sa iyo hanggang kamatayan”


(kabanata 17, talata 83)

Paliwanag:

Sapul pagkabata ay iniibig na ni Deogracias si Nena. Hanggang sa sila’y


nagkatuluyan. Naging mabuti ang pagsasama ng dalawa sapagkat ang pag-
iibigang ito ay walang kapantay.

B. Wagas na pagmamahal ni Narciso kay Neneng

Patunay:

“Si Neneng, - ang wika sa sarili, - si Neneng ay maganda, mabait at


sa mahinhing kilos niya’y nababasa ko ang kasarap-sarapang ugali na sa
aki’y magpapatnubay sa mayamang landas ng pagkapaanyo. Kay
Neneng naroon ang katahimikan ng aking loob. Siya ang matamis na
kahulugan ng aking mga pangarap. Siya ang tunay na susi ng
mararangal kong lihim. Siya ang ligaya. Siya ang langit. Ah! Siya ang
magiging anghel ng aking pamamahay. Siya ang dangal ko. Siya ang pag-
asa at siya ang kaluluwa ng aking katauhan.” (kabanata 15, talata 4)

Paliwanag:

Mapapansin sa patunay ang wagas na pagmamahal ni Narciso kay


Neneng. Ang katangiang taglay ni Neneng ang nagbibigay pag-asa kay Narciso
na umibig pang muli mula sa kabiguang natamo kay Chayong.
C. Wagas na pagmamahal ni Narciso kay Chayong

Patunay:

Minahal niya si Chayong na katulad ng buhay. (kabanata 13,


talata 2)

Paliwanag:

Ang pagmamahal ni Narciso kay Chayong ay katulad ng pagmamahal


niya sa kanyang sarili.

D. Pagdamay sa kaibigan

Patunay:

Agad nakarating kay Neneng ang balita at nagmadali itong dumalo


sa kaibigang nagpipighati upang makatulong man lamang na ikalilibang
ang kanyang paroon. (kabanata 14, talata 10)

Paliwanag:

Ang pagmamahal na ipinakita ni Neneng kay Nena sa pamamagitan ng


pagdamay dito nang mamatay ang asawa ng kanyang ale ay nagpapakita ng
pagkalinga ng isang kaibigan sa oras ng pagdadalamhati nito.

Tradisyong Simbolismo

Ang tradisyong ito ay gumagamit ng mga sagisag na mayroong mas


malalalim na pakahulugan.

Halimaw

Patunay:

Kulang sa pagtulog, salat sa pagkain, at walang masagana sa


kanyang buhay kundi ang malulupit na kilos ng nangagtatanod na
anaki’y mga halimaw. (kabanata 26, talata 3)
Paliwanag:

Ang halimaw sa nobelang ito ay nangangahulugan ng kalupitan na


ipinakita ng mga tanod kay Miguel. Ang di maayos na pagtrato ng mga
maykapangyarihan sa mga taong nagkasala sa lipunan at sa batas.

Tradisyong Kultural

Ang layunin ng tradisyong ito ay ang ipakita at ipakilala sa mga hindi pa


nakakaalam ang isang kultura o tradisyon. Ibinabahagi ng may-akda ang mga
kaugalian, paniniwala at tradisyong minana upang maipasa sa sunod na
salinlahi.

A. Paniniwala sa Hula

Patunay:

May humuhulang maglililo ang lalaki; may nagsasabing ang babae,


dahil sa ganito’t gayong mga tanda sa mukha, sa mga hulog ng buhok, sa
anyo ng pagmamasid, sa kilos ng katawan, sa tamis na magpakitang-loob
sa iba, at kung anu-ano pang mga haka, bagay na sinang-ayunan ng
isang nagpapanggap na nakapagbasa ng librong tinatawag na secretos
de la naturaleza. (kabanata 35, talata 2)

Paliwanag:

Nakaugalian na nating mga Pilipino ang paniniwala sa hula. Naniniwala


tayo na ang magandang kinabukasan ay makikita sa guhit ng ating mga palad,
horoscopes, porma ng mga bituin sa langit, at taon kung kailan tayo
ipinanganak.

B. Pagpapakahulugan sa mga panaginip

Patunay:
Oo, at aywan ko ba naman kung bakit ako nanaginip ng ganoon.
Ikaw pala’y naniniwala sa panaginip. Ano ba ang kahulugan ng
napanaginip ko? (kabanata 48, talata 30)

Paliwanag:

Sinasabing ang panaginip ay kabaliktaran ng realidad subalit tayong


mga Pilipino ay naniniwala na ang panaginip ay nagpapahiwatig o nagbibigay
babala sa maaaring mangyari sa hinaharap.

C. Pag-aakyat ng ligaw

Patunay:

“Hindi po, ang tugon ni Narciso, at harinangang ‘wag maging sawi


sa galang ang aking pagpapahayag, at sa anuman pong loob ninyo’y
maibibilang din ang tunay kong pakikiayon.” (kabanata 19, talata 6)

“Kay Neneng po’y inilalaan ko ang lalong mahalaga sa aking buhay


yamang siya ang tunay kong iniirog, tanging di lamang masabi kung
ako’y magiging dapat sa kanya at gayun din naman sa inyo.” (kabanata
19, talata 11)

Paliwanag:

Ang paghingi ng permiso sa mga magulang ng babaeng nililigawan ay isa


sa mga kaugaliang taglay nating mga Pilipino. Ito ay tanda ng pagbibigay
galang sa mga magulang ng babaeng napupusuan.

D. Pagpapalitan ng liham

Patunay:

“Ito’y sulat ni Nena marahil, at sa pagdaka’y binuksan, lumapit sa


ilaw at pagkakita ng letra’y napasigaw, o di ka’y Nena nga, sinabi.
Sinasabi ko na nga ba’t ito’y sulat ni Nena, eh” (kabanata 18, talata 6)
Paliwanag:

Ang pagpapalitan ng liham ay isa sa kaugalian ng mga Pilipino noong


unang panahon subalit sa paglipas ng panahon at pag-usbong ng teknolohiya
ay nawala na ang ganitong kaugalian. Napalitan na ito ng text messaging, e-
mail at chatting.

Bisa sa Asal

- Ang pagsunod sa utos ng mga magulang ay mahalaga sapagkat sila


ang higit na nakakaalam kung anong makakabuti para sa kanilang mga anak.

- Ang tunay na kaibigan ay masusukat sa panahon ng kagipitan.

Bisa sa Isip

- Ang paggawa ng masama ay kalimitang nahahantong sa pagsisisi at


pagdurusa.

- Ang pagiging sugarol ay walang kahahantungang mabuti.

- Ang magandang pakikisama ay siyang malupit na parusa.

Bisa sa Damdamin

- Kailangang maging tapat sa isa’t-isa upang maging maluwag ang


pagsasama.

Konklusyon

Ang nobelang Nena at Neneng ay nagpapahayag ng huwarang


pagkakaibigan. Na ang isang kaibigan ay nasusukat hindi lamang sa
kaginhawaan maging sa panahon ng kagipitan. Ito rin ay nagpapahayag ng
mga kaugaliang Pilipino sa larangan ng kultura at paniniwala. Ilan sa mga ito
ay ang paniniwala sa mga hula at kahulugan ng panaginip at ang paghingi ng
permiso sa mga magulang ng babaeng liligawan. Nagpapakita rin ito ng mga
kagandahang-asal ng mga pangunahing tauhan sa kuwento tulad ng
pagdadamayan at maayos na pagtanggap sa bisita.

You might also like