You are on page 1of 17

Unang Estasyon

Si Hesus ay Hinatulan ng Kamatayan

AWIT: O Kristo sinasamba


Pinupuri ng balana
Dahilan sa pag-ibig
Pagdurusa ay tiniis
Sa hirap na tinikman
Kaligtasan ‘yong kinamtan
Narito sa harap mo
Humihingi ng saklolo

Ikaw ay hinatulan
Malupit na kamatayan
At labag sa katwiran
Tinanggap ang kahirapan
Ito nga’y isang aral
Upang kami’y manindigan
At gawin nang lubusan
Ang tungkuling iniatang.

Namumuno: Sinasamba kita, O Hesus na mapagmahal, at aking dinarakila ang banal mong
Pangalan.
Bayan: Sa isang banal na krus ang iyong buhay ay inialay at ganap mong tinubos ang sala
ng sanlibutan.

(Magsisiluhod ang lahat)

PAGLILIMI
Si Hesus ay hinatulan ng kamatayan ni Poncio Pilato. Pagkabasa sa kahatulan ang mga
kaaway ng Panginoon ay masiglang nagsigawan ng ganito: Ipako siya sa krus, ipako siya sa krus.
Buong kaamuan na tiningnan ng Panginoon ang lahat ng nasa paligid niya at pagkatapos ay
yumukong inuusal ang ganito: Ama ko, patawarin mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang
kanilang ginagawa. Samantala, si Pilato ay hindi tuwirang makatingin sa kaniyang hinahatulan;
ginigiyagis siya ng kaniyang sariling budhi sapagka’t nalalaman niya na ang Panginoon ay
walang kasalanan. Hinatulan niya ito dahil sa kaniyang takot na siya’y isumbong sa Emperador
ng Roma at siya’y maalis sa pagiging Prokurador ng bayang Hudyo.

PANALANGIN
O Panginoon Hesus Nasareno, mapayapa mong tinanggap ang maling kahatulan na ikaw
ay dapat mamatay sa ibabaw ng krus. Akong makasalanan ang siyang nararapat sa gayong
kahatulan, ngunit ikaw na walang ginawang kasamaan ay siyang umako sa akin upang iligtas sa
kamatayan. O kay dakila ng pag-ibig ng Ama sa sanlibutan na pati ikaw na kaniyang bugtong na
Anak ay ibinigay niya upang ang sinumang sa iyo’y sumampalataya ay huwag mapahamak
kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.
Ituro mo sa akin na kung paano kong matutumbasan kahi’t kaunti ang naturang pag-ibig
at kung paano kong maipakikilala sa iyo ang aking pagpapahalaga sa pagpapapakasakit mo.
Ito’y hinihingi ko sa iyong Pangalan. Siya nawa.

1 Ama Namin at 1 Aba Ginoong Maria.

Lahat: Kaawaan mo kami, O Panginoon, kaawaan mo kami.


1
Ikalawang Estasyon

Pinagpasan nila ng Krus ang Panginoon

AWIT: Pinasan ang Krus na iyan


Niyakap mo at minahal
Dahilan sa pag-ibig
Tiniis mo ang pasakit
Ito nga’y isang aral
Halimbawang tutunghayan
Pasanin sariling krus
Makasunod tayong lubos.

(Magsisiluhod ang lahat)

Namumuno: Sinasamba kita O Hesus na mapagmahal at aking dinarakila ang banal mong
Pangalan.
Bayan: Sa isang banal na krus ay inialay mo ang iyong buhay at ganap mong tinubos ang
sala ng sanlibutan.

PAGLILIMI
O Panginoon, pinagpasan ka ng mga Hudyo ng napakabigat na krus. Ang krus na
kanilang ginawa ay yari sa puno ng sikomoro. Isang punong-kahoy sa pinakawalang halaga sa
buong Israel. Ito ang sinadya nilang ginamit sa iyo upang palabasin sa madla na ikaw ang siya
naming pinakawalang halaga sa mga tao.
Limiin mo, O kaluluwa ko, kung paano kalaki ang krus na pinasan ng iyong Panginoon
duon sa mabatong daan ng Herusalem at sa baku-bakong landas ng Kalbaryo. Ang haba ng krus
ay apat na metro at kalahati. Ang nakapahalang ay mahaba rin naman. Walong pulgada ang
kapal ng kahoy na ito.
O mahal kong Panginoon, nang ito’y iyong pasanin sa dugu-duguan mong balikat, ikaw
ay natapos na nilang gutumin at bugbugin nang magdamagan. O anong laking hirap ang iyong
tiniis nang pasanin mo ang napakabigat na krus na siyang kalarawan ng aking mabibigat na
kasalanan.

PANALANGIN
O mahal kong Panginoon, buong loob mong pinasan ang mabigat na krus na iyan sa
dugu-duguan mong balikat. At dala ng kaniyang kabigatan ikaw ay nadapa sa mabatong daan.
Ikaw ay hindi tinulungan ng mababagsik na kawal upang ikaw ay makatayo; sa halip nito, ikaw
ay kanilang pinalo at pinagtawanan ng mga kababayan mo. Turuan mo kaming magbangon sa
kinarapaan namin upang aming maisalunga ang krus na aming taglay.
Ito’y hinihingi ko sa iyong Pangalan. Siya nawa.

1 Ama Namin at 1 Aba Ginoong Maria.

Lahat: Kaawaan mo kami, O Panginoon, kaawaan mo kami.

2
Ikatlong Estasyon

Ang Unang Pagkadapa ng Panginoon

Awit: Sa bigat ng pinasan


Nadapa ka sa lansangan
At ikaw ay nagbangon
At ang hirap di nilingon
Ito nga’y isang aral
Halimbawang paparisan
Kami man ay tumindig
Pag nadapa sa daigdig.

(Magsisiluhod ang lahat)

Namumuno: Sinasamba kita O Hesus na mapagmahal at aking dinarakila ang banal mong
Pangalan.
Bayan: Sa isang banal na krus ay inialay mo ang iyong buhay at ganap mong tinubos ang
sala ng sanlibutan.

PAGLILIMI
Limiin mo, O Kaluluwa ko, nang ang mahal na Panginoon ay manghina dahil sa hirap at
pagod na naramdaman niya sa pagpapasan ng napakabigat na krus. Natisod ang kaniyang paa sa
isang nakalitaw na batong daan at siya’y biglang nadapa. Lubos siyang dinaganan ng krus na
kaniyang pasan.Sa pagkakadapa niyang ito siya’y agad dinaluhong ng mga kawal at walang taros
na hinagupit ng mga latiko at suplina. Sa pagpalo ng mga kaaway ay muling dinaluyan ng dugo
ang kaniyang malalalim na sugat sa katawan. Dahan-dahan at walang kibong nagbangon ang
Panginoon. Maamo niyang tiningnan ang mga kawal na nagpapahirap sa kaniya kasabay ng
kaniyang pagsasabi ng: Ama ko, patawarin mo po sila sa kanilang pagkakasala.

PANALANGIN
O mahal kong Panginoon, nadarama ko sa aking puso ang hirap na tiniis mo para sa sala
ng buong mundo. Ikaw ay nadapa sa mabatong daan upang ako’y iyong ibangon mula sa lusak
ng kasalanan. Tiniis mong masaktan upang ako’y iyong lunasan sa sakit ng kaluluwa at katawan
na bunga ng aking kasamaan.
Loobin mo O Panginoon na aking matutuhan ang aral ng iyong pagbangon sa kinarapaan
mong daan na ang ibig mong ituro ay walang iba kundi ang maging matatag ako sa hirap na
dulot nitong mundo.
Ito’y hinihingi ko sa iyong Pangalan. Siya nawa

1 Ama Namin at 1 Aba Ginoong Maria.

Lahat: Kaawaan mo kami, O Panginoon, kaawaan mo kami.

3
Ikaapat na Estasyon

Nasalubong ng Panginoon ang kanyang Mahal na Ina

Awit: Iyo pong nasalubong


Ang ‘yong Inang may linggatong
Dumamay nang puspusan
Sa hirap mong kinakamtan
Ganap ngang isang aral
Halimbawang tutularan
Na kami’y makiramay
Sa dusa mong kinakamtan

(Magsisiluhod ang lahat)

Namumuno: Sinasamba kita O Hesus na mapagmahal at aking dinarakila ang banal mong
Pangalan.

Bayan: Sa isang banal na krus ay inialay mo ang iyong buhay at ganap mong tinubos ang
sala ng sanlibutan

PAGLILIMI
Nilay-nilayin mo, O kaluluwa ko, kung gaano kapait sa isang inang katulad ni Maria
Santisima ang makita niyang nagdurusa ang anak na wala namang ginawang kasamaan.
Nilay-nilayin mo rin kung gaano kabigat sa puso ng isang mabuting anak na katulad ng
Panginoon ang masalubong niyang tumatangis ang kanyang inang lubhang mahal sa kanya.
Nakita ng mahal na Birhen ang karahasang ginawa ng mga mababagsik na kawal, na
kahit mahina na ang kanilang pinarurusahan. Ito ay hindi nila nilulubayan ng palong kanilang
pinadadapa sa sugat-sugatang katawan.
Nakita naman ng Panginoon ang walang pakundangang pagtulak ng mga kaaway sa
kanyang ina duon sa tabi ng daan. Nangudngod ang kaniyang banal na mukha sa isang matalim
na bato, na kung kaya’t nang siya’y saklolohan ni Juan, nakita ni Hesus ang pagdaloy ng dugo
mula sa noo ng kaniyang lumuluhang magulang.
Kaya laking hirap at pagtitiis ang dinanas nila para sa kaligtasan ng mundo.

PANALANGIN
Panginoon kong Hesus Nasareno, nadarama ko sa aking puso ang lumbay na tiniis mo
nang iyong masalubong ang iyong banal na Ina duon sa landas ng Kalbaryo. Nalumbay kang
lubos nang makita mo ang kanyang nakalulunos na anyo. Hapis ang kanyang mukha at walang
humpay na tumutulo ang kanyang mga luha.
Loobin mo O Panginoon ko na ako ay matutong makiramay sa inyong pagdurusang
ginawa para sa aking kaligtasan. Ito’y magagawa ko sa pamamagitan ng aking pag-iwas sa
kasamaan at sa aking paninindigan alang-alang sa kabutihan.
Ito’y hinihingi ko sa iyong pangalan. Siya nawa.

1 Ama Namin at 1 Aba Ginoong Maria.

Lahat: Kaawaan mo kami, O Panginoon, kaawaan mo kami.

4
Ikalimang Estasyon
Ang Panginoon ay tunulungan ni simon cirineo

Awit: Ikaw ay tinulungan


Hinalinhan sa pagpasan
Ni Simon na dayuhan
Ng iyong krus na minamahal
Ito nga’y isang aral
Halimbawang dapat sundin
Na kami’y makiramay
Sa hilahil ng sinuman

Namumuno: Sinasamba kita o Hesus na mapagmahal at aking dinarakila ang banal mong
Panginoon.

Bayan: Sa isang banal na krus ay inaalay mo ang iyong buhay at ganap mong tinubos ang
sala ng sanlibutan.

PAGLILIMI
Limiin mo kaluluwa ko, ang lalim ng mga sugat sa katawan ng Panginoon. Ang mga
ito’y dinaluyan ng dugo. Ilarawan mong espirituwal sa iyong balikat kung gaano kabigat ang
krus na kaniyang pinasan. Hindi ba ito ay napakabigat? Damhin mo ring espirituwal sa
pamamagitan ng iyong mga paa kung gaano kahirap at katarik ang landas na kaniyang dinaanan.
Ikaw baga ay makatatagal nang hindi nagpapahinga? Ganiyan ang nangyari sa mahal na
Panginoon. Kaya’t nang Makita ng kaniyang kaaway na baka sa daan pa lamang siya ay
mamatay na, siya’y pinatulungan nila kay Simon na taga Cirene, bayang sakop ng Africa.
Hinalinhan ni Simon ang Panginoon sa kaniyang pagpapasan ng krus. At kahit sandali lamang
ang ginawang pagtulong sa kanya, siya’y nakalasap ng malaking ginhawa.

PANALANGIN
O mahal kong Panginoon, aking nailarawan sa aking isipan ang laki ng iyong hirap at
pagdurusa nang iyong pinapasan ang mabigat na krus na iyan.
Ibigin mo O Panginoo, na aking matutuhan ang halaga ng pagtulong sa anumang pasanin,
na aking kapuwa tao. Ituro mo sa akin na ang pagkakawang-gawa ay lubos mong pinagpapala.
Ito’y hinihingi ko sa iyong Pangalan. Siya nawa

1 Ama Namin at 1 Aba Ginoong Maria.

Lahat: Kaawaan mo kami, O Panginoon, kaawaan mo kami.

5
Ikaanim na Estasyon
Pinahiran ni Veronica ang mukha ng Panginoon

Awit: Sa habag at pagdamay


Veronicang sadyang mahal
Limapit na may taglay
Ng sarili niyang birang
Ito nga’y idinampi
Sa mukha mong nalarawan
Ganyan ding matatatak
Ang ‘yong aral sa isipan.

(Magsisiluhod ang lahat)

Namumuno: Sinasamba kita O Hesus na mapagmahal at aking dinarakila ang banal mong
Pangalan.

Bayan: Sa isang banal na krus ay inialay mo ang iyong buhay at ganap mong tinubos ang
sala ng sanlibutan

PAGLILIMI
Ilarawan mo, O Kaluluwa ko, ang anyo ng mukha ng Panginoon na napatatak sa
maputing birang ni Veronica. Nakikita mo ang malalim na sugat sa kaniyang banal na pisngi.
Ito’y bunga ng kaniyang pagkakasubasob sa isang matalim na bato. Bayaan mo ring
maramdamang espirituwal ng iyong puso ang init ng mga umaagos na dugo mula sa kaniyang
banal na noon na tinadtad ng sugat – dala ng koronang tinik na inilikaw ng kaaway. Sinong
maawaing katulad ni Veronica ang hindi maaawa sa gayong anyo?

PANALANGIN
O mahal kong Hesus Nasareno, tiniis mo ang lahat ng ito dahil sa aking mga sala at
pagkukulang. Lubos kong pinagsisihan at ikinalulumbay ang lahat kong kasalanan.
Itatak mo rin, O Panginoon, ang iyong banal na mukha sa loob ng aking puso upang ito
ay magpagunita ng mga hirap na tiniis mo alang-alang sa kaligtasan ng buong mundo.
Ito’y hinihingi ko sa iyong Pangalan. Siya nawa

1 Ama Namin at 1 Aba Ginoong Maria.

Lahat: Kaawaan mo kami, O Panginoon, kaawaan mo kami.

6
Ikapitong Estasyon
Ang ikalawang pagkadapa ng panginoon

Awit: Ikaw ay nasubasob


Dumagan sa iyong likod
Nasaktan kang lubusan
Ng mabigat mo pong pasan
Ito nga ay sagisag
Ng sala ng buong tanan
Pinasan na may lingap
Inako sa parusahan

(Magsisiluhod ang lahat)

Namumuno: Sinasamba kita O Hesus na mapagmahal at aking dinarakila ang banal mong
Pangalan.

Bayan: Sa isang banal na krus ay inialay mo ang iyong buhay at ganap mong tinubos ang
sala ng sanlibutan

PAGLILIMI
Iguhit mo, O Kristiyano, sa iyong kaisipan ang naging anyo at kalagayan ng mahal na
Panginoon nang siya’y muling masubasob sa mabatong landas ng Kalbaryo. Walang tugot ang
pagpatak ng kaniyang pawis sa buong katawan. Hindi rin huminto ang pagdaloy ng dugo mula sa
kaniyang malalalim na mga sugat. Ang kaniyang damit ay gawak sa likod dala ng madalas na
pagpalo sa kaniya ng mga sundalo. Dito sa pagkakadapang ito, upang siya’y agad nilang
mapabangon, ang ginawa ng mga kawal ay pinagtulungan nilang hinatak nang bigla ang lubid na
nakatali sa kaniyang katawan. Sa marahas na pagkakahatak sa kaniya, nakaladkad nang malayo
ang Panginoon, kung kaya’t lubos na nagasgas ang kanyang mga tuhod. Kahi’t mahina na ang
Panginoon ay pinagsikapan din niyang tumayo at muling pinasan ang krus na napadagan sa
kaniya.

PANALANGIN
O mahal kong Hesus Nasareno, dito sa ikalawa mong pagkakasubasob sa daan ay muli
mong itinuro sa aking tagasunod mo na anuman ang dalas ng aking pagkakadapa sa misyon ko
dito sa lupa ang simulain kong niyakap at ipinaglalaban’y hindi ko dapat talikuran o iwang
lubusan na katulad ng ginawa mo na muli mong pinasan ang mabigat na krus na siyang simbulo
ng iyong misyon na akuin ang sala ng sangkatauhan.
Ituro mo sa akin ang matibay na paninindigan na dapat kong gawin alang-alang sa
kabutihan.
Ito’y hinihingi ko sa iyong Pangalan. Siya nawa

1 Ama Namin at 1 Aba Ginoong Maria.

Lahat: Kaawaan mo kami, O Panginoon, kaawaan mo kami.

7
Ikawalong Estasyon
Pinangaralan ng Panginoon ang mga babaing taga herusalem

Awit: Iyong pinangaralan


Babaing nakikiramay
Nanglumo sa ‘yong hirap
Nanambitan at umiyak
Sa halip na tanggapin
Banayad mong inaralan
Ng tungkol sa daratal
Na parusa ng Maykapal

(Magsisiluhod ang lahat)

Namumuno: Sinasamba kita O Hesus na mapagmahal at aking dinarakila ang banal mong
Pangalan.

Bayan: Sa isang banal na krus ay inialay mo ang iyong buhay at ganap mong tinubos ang
sala ng sanlibutan

PAGLILIMI
Nila-nilayin mo O kaluluwang Kristiyano ang kagandahang loob ng mahal na Panginoon,
na kahit siya’y hirap na sa kaniyang kalagayan ay hindi pa rin niya ipinagkait sa sinuman ang pa-
alala hinggil sa parusang darating sa sanlibutan. Ang lahat ay kaniyang binigyan ng pagkakataon
na magsisi upang huwag sumapit sa nakatakdang parusa ng Diyos na nakaukol sa mga linikhang
walang loob sa pagpapakabuti. Hindi niya niwalan nang halaga ang pakikiramay ng mga babaing
taga-Herusalem, kundi bilang katumbas nito, sila’y kaniyang pinagpayuhan sa dapat nilang
gawin para sa kabutihan nila at ng kanilang mga kaanak ukol sa kaligtasan ng kanilang mga
kaluluwa. O anong buti ng Panginoon. Parating nasa kaniyang puso ang kapakanan ng kaniyang
mga anak.

PANALANGIN
O mahal kong Hesus Nasareno, sa estasyong ito ay aking nakilala ang kadalisayan ng
iyong pag-ibig sa sangkatauhan, lalung-lalo na sa mga makasalanan. Kaylan man ay hindi mo
tinalikuran ang mga kaluluwang lumalapit sa harap mo. Lagi kang nakalaan upang tumulong sa
anumang suliranin na kinakaharap ng iyong mga anak.
Ituro mo sa akin O mahal kong Panginoon ang wastong pagpapayo sa aking mga kapwa
na lumalapit sa akin upang sila’y aking maakay sa landas ng kabutihan.
Ito’y hinihingi ko sa iyong Pangalan. Siya nawa

1 Ama Namin at 1 Aba Ginoong Maria.

Lahat: Kaawaan mo kami, O Panginoon, kaawaan mo kami.

8
Ikasiyam na Estasyon
Ang ikatlong pagkakadapa ng Panginoon

Awit: Ikatlong pagkadapa


Nasaktan ka nang malubha
Itinulak kang bigla
Ni Belibeth na banyaga
Ang sugat sa ‘yong mukha
Ay maliwanag na tanda
Sa bato ay tumama
Nang itulak walang awa

(Magsisiluhod ang lahat)

Namumuno: Sinasamba kita O Hesus na mapagmahal at aking dinarakila ang banal mong
Pangalan.

Bayan: Sa isang banal na krus ay inialay mo ang iyong buhay at ganap mong tinubos ang
sala ng sanlibutan.

PAGLILIMI
Alalahanin mo O Kaluluwa ko, ang mga pasakit na ginawa ni Samuel Belibeth nang ang
Panginoon ay nagpapasan ng mabigat na krus. Sa halip na ito’y kaniyang tulungan sa kaniyang
mga hirap, siya pa ang nanguna sa pagiging marahas sa pinarurusahan. Hindi na nagunita
dayuhan na nuong una siya’y ginawa ng kabutihan ng Panginoon. Sa halip na siya’y kaniyang
pasalamatan, siya pa ang walang awang pagtulak sa nahihirapan. Tumama ang mukha ng
Panginoon sa isang matalim na bato. Napakalaking sugat ang ibinunga nito. Dumaloy ang
masaganang dugo at umagos na walang likat sa kaniyang katawan. Maamo lamang siyang
tinignan ng Nasareno at kaniyang pinagsabihan ng ganito: Magsisi ka ng iyong kasalanan at
tatamuhin mo ang kaligtasan. Si Belibeth ay hindi nakinig sa payo, kundi bagkus lalu niyang
pinag-ibayo ang kaniyang karahasan sa Panginoon. Sa katigasan ng kaniyang loob, pinagsabihan
siya ng Maestro na ang wika: Lumakad ka; ikaw ay walang tugot na lalakad hanggang sa
panahon na ako’y babalik sa mundo. Ganiyan din, O kaluluwa ko, ang maaaring mangyari sa iyo
kung ikaw ay hindi makikinig sa aral ng iyong Panginoon.

PANALANGIN
O mahal kong Hesus Nasareno, nalalaman ko rin na maaring mangyari sa akin ang
nangyari kay Samuel. Nasa halip na ikaw ay aking pakinggan, ako ay lubos pang lumayo sa
iyong banal na harap. Ito’y mangyayari sa oras na aking pawalan nang halaga ang
pamamatnubay ng Espiritu Santo. Huwag nawang mangyari ang gayon sa akin sapagkat ako’y
nakahandang magsisi ng aking kasalanan at lubos na sumunod sa iyong banal na aral
Malaki ang naging hirap mo para sa buong sankatauhan. Ikaw ay lubhang nagpakasakit
para sa aking kaligtasan.
Ituro mo sa akin ang pagbabalik loob na siya mong kalooban para sa akin.

Ito’y hinihingi ko sa iyong Pangalan. Siya nawa

1 Ama Namin at 1 Aba Ginoong Maria.

Lahat: Kaawaan mo kami, O Panginoon, kaawaan mo kami.

9
Ikasampung Estasyon
Hinubdan ng Tunika ang Panginoon

Awit: Hinubdan ng kaaway


Ng tunikang sadyang banal
Pinaknit walang galang
Iginitna sa sugalan
At apdong nilahukan
Ibinigay ng kalaban
At iyong tinanggihan
Sa kamay ng tampalasan.

(Magsisiluhod ang lahat)

Namumuno: Sinasamba kita O Hesus na mapagmahal at aking dinarakila ang banal mong
Pangalan.

Bayan: Sa isang banal na krus ay inialay mo ang iyong buhay at ganap mong tinubos ang
sala ng sanlibutan.

PAGLILIMI
Nilayin mo, O kaluluwa ko ang kahihiyang sinapit ng mahal na Panginoon nang siya’y
hubdan ng tunika ng kaniyang mga kaaway sa harap ng karamihan. At salamat na lamang ang
kaniyang Ina ay may lambong na siyang nagsilbing pinan sa ginamit sa kaniya. Pagkatapos
siyang hubdan, ay pinagbaha-bahagi ng mga kawal ang kaniyang mga damit sa pamamagitan ng
sapalaran. Siya’y binigyan din ng apdo at mira na may kahalong suka. Ito ay ipinaiinom ng mga
mapagkawanggawang babae sa sinumang pinarurusahan sa nasa nilang huwag lubusang
maramdaman ang hirap at sakit na dulot nitong uri ng parusa. Ang naturang inumin ay
nakapagpapawalang- malay at pandamdam. Tinanggihan ng Panginoon ang pagpapainom sa
kaniya sapagkat ninais niyang manatiling malinaw ang kaniyang kaisipan hanggang sa huling
sandal ng kaniyang buhay. At dahil sa ginawa niyang ito ay hindi masabi ng sinuman na siya’y
hindi lubos at sukdulang nagtiis ng tunay na pagdurusa.

PANALANGIN
O mahal kong Hesus Nasareno, ang paghuhubad sa iyo ng mga kaaway ay isang
talinghaga para sa aming lahat na ang ibig mong matutuhan namin ay ang aming paghuhubad sa
saplot ng kasamaan.
Ang dating kadalisayan ng aming kaluluwa ay siyang nais mong aming ilantad na katulad
ng pagkakalantad ng iyong banal na katawan sa ibabaw ng Krus.
Ituro mo sa amin kung paano naming muling mapadadalisay ang aming kaluluwa sa
pamamagitan ng muli naming pagsilang na espirituwal at lubos na pagsunod sa aral ng iyong
banal na Iglesya.

Ito’y hinihingi ko sa iyong Pangalan. Siya nawa

1 Ama Namin at 1 Aba Ginoong Maria.

Lahat: Kaawaan mo kami, O Panginoon, kaawaan mo kami.

10
Ikalabing-isang Estasyon
Ang panginoon ay ipinako sa krus

Awit: At sa krus ipinako


Iginitna’t binayubay
Sa nasa ng kaaway
Hiyain ka nang lubusan
At ikaw ay ilantad
Na hari ng mga banday
Nagawa itong bagay
Natupad ang kasulatan

(Magsisiluhod ang lahat)

Namumuno: Sinasamba kita O Hesus na mapagmahal at aking dinarakila ang banal mong
Pangalan.

Bayan: Sa isang banal na krus ay inialay mo ang iyong buhay at ganap mong tinubos ang
sala ng sanlibutan.

PAGLILIMI
Sariwain mo sa iyong ala-ala, O kaluluwa ko, kung gaano kabigat ang dusang tiniis ng
Panginoon, at kung gaano kasakit sa puso ng Birheng Dolorosa nang dumating ang oras na ang
kaniyang Anak ay makita niyang pinapakuan sa mga kamay at paa. Walang patumanggang
ibinaon ng kaaway ang mga kalawanging pakong bakal. Sa paghihirap ng Panginoon ay hindi
niya napigilang magkibit ng kaniyang balikat, magtikom ng kaniyang bibig, magpawis nang
walang likat, at lumuhang may pagdaing sa harap ng kaaway. Hindi pa natatapos ang pagpapako,
ang Birhen ay iniuwi na ni Juan nang walang malay dala ng labis na sama ng loob.

PANALANGIN
O mahal kong Hesus Nasareno, labis-labis na pagdurusa ang kinamtan ninyong mag-ina
para sa kabutihan at kaligtasan ng mga tao.
Loobin mong huwag kong makalimutan ang sakit na tiniis ninyo, gayundin ang talimang
mga pakong bakal, na walang patumaggang ibinaon sa iyong mga paa at kamay.
Hindi ko rin dapat limutin ang kalumbayan at pagdadalamhati ng iyong banal na Ina na
kasama mong nagpakasakit at nagtiis para sa kaligtasan.

Ito’y hinihingi ko sa iyong Pangalan. Siya nawa

1 Ama Namin at 1 Aba Ginoong Maria.

Lahat: Kaawaan mo kami, O Panginoon, kaawaan mo kami.

11
Ikalabindalawang Estasyon
Ang pagkamatay ng panginoon sa krus

Awit: Naghirap at namatay


Mananakop nitong tanan
Tinubos mo ang lahat
Kaligtasa’y ibinigay
Sa taong nananalig
At lubusang umiibig
Biyaya ay malapit
Pagpapala nitong langit

(Magsisiluhod ang lahat)

Namumuno: Sinasamba kita O Hesus na mapagmahal at aking dinarakila ang banal mong
Pangalan.

Bayan: Sa isang banal na krus ay inialay mo ang iyong buhay at ganap mong tinubos ang
sala ng sanlibutan.

PAGLILIMI
Nilay-nilayin mo, O Panginoon ko, kung gaano ang tiniis ng iyong Panginoon para sa
kabutihan mo. Tinanggap niyang mamatay upang ikaw ay kaniyang bigyan lamang ng buhay.
Yumao ang Anak ng diyos para sa kaligtasan ng alipin. O kay dakila ng pag-ibig ng Ama na
upang matubos lamang ang makasalanan ay kailangan ang kamatayan ng Anak na
kabanalbanalan. At ngayon na iyo nang nakikilala ang kahalagahang ng iyong pagkakatubos, ano
ang dapat mong gawin, O kaluluwa ko? Mananatili ka pa ba sa lusak ng kasamaan?
Magpapatuloy ka pa ba sa di pagpansin sa magiging kalagayan mo sa kabilang buhay? Dapat
mong malaman ngayon na ginawa na ng Diyos ang kaniyang bahagi para sa iyong kaligtasan at
ikaw na lamang ang kaniyang hinihintay upang gawin mo ang iyong bahagi sa naturan.

PANALANGIN
O mahal kong Hesus Nasareno, labis kong ikinalulumbay ang iyong pagkamatay sa
ibabaw ng krus. Ikaw ay yumao upang ako ay iyong bigyan lamang ng buhay.
Ituro mo sa akin, O mahal kong Panginoon ang pagpapahalaga sa aking kaluluwa na higit
sa aking katawang mamamatay.
Lagi mong ipagunita sa akin na kung pinakakain ko at inaalagaan ang aking katawang-
lupa, ang aking kaluluwa naman ay hindi ko dapat gutumin o pabayaan sa kaniyang
pangangailangan.

Ito’y hinihingi ko sa iyong Pangalan. Siya nawa

1 Ama Namin at 1 Aba Ginoong Maria.

Lahat: Kaawaan mo kami, O Panginoon, kaawaan mo kami.

12
Ikalabintatlong Estasyon
Ang pagbababa sa bangkay ng panginoon mula sa krus

Awit: Magalang na tinanggal


Ang bangkay ng nahirapan
Hiniga sa kandungan
Ng magulang na may lumbay
May hapis na minasdan;
Nalulungkot, nanambitan
Niyakap at hinagkan
Tumatangis walang humpay

(Magsisiluhod ang lahat)

Namumuno: Sinasamba kita O Hesus na mapagmahal at aking dinarakila ang banal mong
Pangalan.

Bayan: Sa isang banal na krus ay inialay mo ang iyong buhay at ganap mong tinubos ang
sala ng sanlibutan.

PAGLILIMI
Ilarawan mo sa iyong ala-ala O kaluluwa ko, kung gaano kapait sa puso ni Maria
Santisima na ibalik ang kaniyang mahal na Anak sa kaniyang kandungan na isang malamig na
bangkay. Dalawang lihim na tagasunod ang tumanggal sa pagkakapako ng Panginoon. Dahan-
dahan nilang inihugos ang kaniyang katawan at tumatangis na inilagay ito sa mga bisig ng
umiiyak na magulang. Damhin mong espirituwal na kunwa’y nasa bisig mo ang bangkay ng
Panginoon. At ngayon ay iyo siyang tingnan upang mamasdan mo ang mga nagdurugong bakas
ng mga pakong bakal. Tingnan mo ang napakalalim na sugat sa kaniyang dibdib. Damahin mo
ang kaniyang katawan at iyong mararamdaman ang lahat ng bakas ng mga latiko at suplinang
ipinagparusa ng kaaway. At kung kasabay nito ay iyong nararamdaman na parang nanlalaki ang
iyong ulo at ikaw ay kinikilabutan, asahan mo na ang iyong ginagawang pagninilay-nilay ay
tunay na naglalagos sa himay-may ng iyong puso at kaisipan.
At iyan ay maliit na tanda na tunay mong dinaramdam ang pagkamatay ng Panginoon
para sa iyong katubusan.

PANALANGIN
O mahal kong Hesus Nasareno, aking nini-nilaynilay ang pagtatanggal sa iyong katawan
mula sa krus ng iyong mga alagad na sina Arimatea at Nicodemus. Nadarama ko ngayon ang laki
at lawak ng iyong pagpapakasakit para sa kabutihan ng buong mundo. Nakikinikinita ko rin ang
sukdulang pangungulila ng iyong banal na Ina na dapat kong pakamahalin ng dahil sa kaniyang
pagtitiis at pagdurusa para sa aking kaligtasan.
Ituro mo sa akin, kung paano kong pahahalagahan ang iyong pagpapakasakit upang sa
gayon ang grasyang idinudulot nito ay lubos kong pakinabangan.

Ito’y hinihingi ko sa iyong Pangalan. Siya nawa

1 Ama Namin at 1 Aba Ginoong Maria.

Lahat: Kaawaan mo kami, O Panginoon, kaawaan mo kami.

13
Ikalabing-apat na Estasyon
Ang paglilibing sa Panginoon

Awit: Libingan ay tinungo


Kasamahan nitong guro
Payapang inilagak
Ang malamig niyang bangkay
Sa loob ng libingan
Haharapin ng lubusan
At kaniyang susugpuin
Kamatayan na malagim

(Magsisiluhod ang lahat)

Namumuno: Sinasamba kita O Hesus na mapagmahal at aking dinarakila ang banal mong
Pangalan.

Bayan: Sa isang banal na krus ay inialay mo ang iyong buhay at ganap mong tinubos ang
sala ng sanlibutan.

PAGLILIMI
Nilayin mo O kaluluwa ko, ang malungkot na oras nang ilibing ng mga Alagad ang
bangkay ng Panginoon. Nawala ang maningning na sikat ng araw kahi’t hindi pa gabi nuon. Pilit
na sumisingit ang liwanag ng mga bituin sa maulap na langit. Ang buwan naman ay lumitaw
kahit hindi pa niya panahon. Ang buong kalikasan ay naging malungkot na para bagang kusa
siyang nagpakilala na siya’y nalulumbay sa oras ng paglilibing sa Panginoon. Ito ay isang
katanungan sa iyo, O kaluluwa ko, kung sa sandaling ito ikaw ay sinasagilahan ng lumbay dahil
sa pagkawalay sa iyo ng Panginoon. At kung hindi ka man lamang nakadama ng kahit kaunting
kalumbayan sa estasyong ito, ilan o lahat kaya sa tatlong bagay na ito ang kulang sa iyo. Una,
hindi naging lubos ang iyong konsentrasyon sa oras ng iyong pagninilay-nilay; ikalawa, hindi mo
pa ganap na nauunawaan ang halaga ng lahat ng ginawa ng Panginoon para sa iyong kaligtasan;
ikatlo, ang iyong pagka-makarelihiyon ay hindi pa sumasagad hanggang sa pinakamaliit na
himaymay ng iyong puso. At ang alinman sa tatlong ito ang naging dahilan, iyo nawang
pagsikapang lunasan o baguhin upang ang anumang banal na gawain ng iglesya ay lubos mong
pakinabangang espirituwal. Ang kapakinabangang espirituwal ay higit mong hanapin kaysa
kapakinabangang material, sapagkat ito ang siyang inaasahan sa iyo ng Diyos. At kung sasagana
ka sa mga kapakinabangang espirituwal, tandaan mong mabuti O kaluluwa ko, lalong hindi
ipagkakait sa iyo ng Panginoon ang mga kapakinabangang materyal na magdudulot sa iyong
pamumuhay ng kabutihan.

PANALANGIN
O mahal kong Hesus Nasareno, ibigay mo sa akin ang bisa ng pagmumuni-muni upang
lubos kong mailarawan sa aking isip ang iyong dusa at pagpapakasakit, gayundin ang
kalumbayan na nadama ng iyong Ina.
Kayo ay kapuwa naghirap para sa kabutihan ng sangkatauhan.
Ipakinabang mo sa akin ang grasyang idinudulot ng Via Crusis.

Ito’y hinihingi ko sa iyong Pangalan. Siya nawa

1 Ama Namin at 1 Aba Ginoong Maria.

Lahat: Kaawaan mo kami, O Panginoon, kaawaan mo kami.


PAGHAHAIN
O Panginoong Diyos na totoong maawain, at lubhang mapagmahal sa lahat, lalu
na sa mga makasalanang tulad namin, na marunong magsisi at lubos na manalig sa iyong
bugtong na Anak na si Hesus, na tangi naming Tagapagligtas.
Marapatin mong tanggapin itong aming paghahain ng mga Misteryo ng hapis, na
kung saan namin napag-tanto ang di-mabilang na hirap, dusa, pagpapakasakit, at mapait
na kamatayan ng Panginoon, na kanyang dinanas para sa kaligtasan ng buong
Sangkatauhan.
O Ama, ipakinabang mo sa akin, sa tulong ng Espiritu Santo, ang bisa ng kanyang
Salita, na siyang aakay sa amin sa tuwid ng buhay.
Sa bisa ng kanyang luha, ay hugasan niya ang aming kaluluwa. Sa bisa ng
kanyang dugo, na kanyang ipinantubos sa sala ng mundo, ay kanyang linisin ang buo
naming pagkatao.
Sa bisa ng kanyang dinalitang hirap, ay marapatin mong tanggapin, O Ama, ang
aming tunay na pagsisisi ng sala at pagkukulang.
Sa bisa ng kanyang kamatayan sa bundok ng Kalbaryo, papaging-dapatin mo
kaming tumanggap ng bago at walang hanggang buhay.
O Espiritu Santo, tanglawan mong isa-isa ang aming isip upang lubos naming
makilala na kami’y makasalanan, at dahil dito, kami ay nahiwalay sa Ama, at tuloy hindi
namin maranasan ang masaganang buhay na inihanda ni Hesus para sa lahat ng tatanggap
ng muling pagsilang na espirituwal.
Salingin mo ring isa-isa ang aming puso upang magkaroon kami ng lubos na
pagtitiwala kay Hesus na Mananakop.
At kung sa pamamagitan ng aming isip ay magkaroon kami ng kabatiran sa dapat
naming gawin, at sa tulong ng aming puso ay magkaroon kami ng pagtitiwala kay Kristo,
iyo naming pagalawin ang aming kalooban, upang ito ang lubusang magpasiya na
tanggapin namin ang Panginoon na personal naming Tagapagligtas.

Ito’y hinihingi namin sa kanyang Pangalan. (Siya nawa.)

LETANYA
Panginoon, maawa ka.
Kristo, maawa ka.
Panginoon, maawa ka.

Kristo, pakinggan mo kami. Kristo, pakapakinggan mo kami.

Diyos Ama, na bumabalangkas sa aming kaligtasan. Sinasamba ka namin


Diyos Anak, nagsa-katuparan ng aming kaligtasan. "
Diyos Espiritu Santo, na nagkintal sa aming pagkatao "
ng grasya ng kaligtasan.
Hesukristo, na ipinaglihi at isinilang ng Birhen, Pinananaligan ka namin
sa paglililong ng Espiritu Santo.
Hesukristo, na ilaw ng Sangkatauhan. "
Hesukristo, na tanging Daang patungo sa Ama. "
Hesukristo, na mabuting Pastol ng kaluluwa. "
Hesukristo, na buhay at Muling Pagkabuhay. "
Hesukristo,na naghain ng kanyang buhay sa krus. "
Hesukristo, na nagpalubag sa loob ng Ama. "
Hesukristo, na mapag-pagaling sa aming karamdamang "
pisikal at espirituwal.
Hesukristo, na tanging Tagapagligtas at Tagapamagitan "
sa harap ng Ama.

Hesus, Diyos na totoo at Tao ring totoo. Tiyak na tutulungan mo kami


Hesus, na gumawa ng di-mabilang na himala. "
Hesus, na bumuhay ng mga patay. "
Hesus, na ipina-sasamba ng Ama. "
Hesus, na sinasamba ng mga Anghel. "
Hesus, na hindi tumangging sambahin ng mga tao. "
Hesus, na may hawak ng lahat ng kapangyarihan "
sa langit at lupa.

You might also like