You are on page 1of 16

Ang Daan ng Krus sa Kapayapaan

Pambungad na Panalangin
Namumuno:

O kamahal – mahalang Hesus, mananakop ng sangkatauhan, tunay na


kaginhawaan ng mga kaluluwa at katangi tanging daan sa ikapagkakamit ng
kaligayahang walang hanggan, narito kami na nangangayupapa sa iyong kabanal-
banalang harapan sa mga sandalling ito upang lakarin ang mga hakbang ng iyong
mahal na pasyon at sariwain sa kaibuturan ng mga puso namin ang tanang hirap
na tiniis mo alang-alang sa amin.
Tunghayan mo kami, oh masintahing Hesus, sa mga oras ng aming mga
banal na pagsasanay, sapagka’t ninanais naming gunam-gunamin ang
mahahalagang aral ng daan ng kalbaryo at pakinabangan yaong mga
masasaganang bunga ng iyong pagkamatay sa krus na minagaling mo sa
ikapagliligtas ng mga kaluluwa. At ngayon din ibig naming maunawaan sa mga
hakbang na banal na Pasyon ang kadakilaan ng awa ng Diyos sa pagpapatawad sa
aming mga kasalanan na nais naming bayaran ngayong nakikiramay kami sa iyong
pagpapakahirap.
Ibig din naming matanto ang kalaliman ng aming mga kasalanan, nang sa
gayo’y matuto kaming lumayo sa muling pag upasala sa iyong kabutihan at
magtagumpay sa anumang tukso’t panganib dito sa lupa, upang balang araw ay
makisama rin kami sa iyo sa tahanan ng Diyos sa Langit. Siya Nawa
Unang Estasyon:
Si Hesus ay hinatulan ng Kamatayan
Namumuno: Sinasamba’t Pinupuri ka namin, O Hesus
Lahat: Sapagkat tinubos mo ang sangkatauhan sa pamamagitan ng iyong mahal na
krus.
Si Hesus ay nasa harapan ni Pilato, Mahigpit ang Alitan ng Mundo na kinakatawan
ni Pilato at Kristo. Dapat nating piliin kung sino sa kanila ang ating kakampihan:
Ang Mundo na totoong natutuwang humamak kay Kristo, O si Kristo na dahil sa
Pag-ibig ay hinatulang mamatay. Alam ko kung sino ang aking sinusunod
hanggang ngayon. Ikinalulungkot ko ito, Panginoon, sabihin mo sa akin na ako’y
hindi makakapaglingkod sa dalawang Panginoon.

O Hesus, yayamang ang parusang kamatayan na inihatol sa iyo ay siyang


nararapat sa aking mga kasalanan, iligtas mo ako sa kamatayang walang hanggan.

Awit
Masdan mo si Hesus, Ang Haring Tunay
Ang Hari ng Langit at santinakpan
Mistulang Salarin na Hinahatulan
Nang dahil sa sala ng sanlibutan
O aking Hesus, ang Nagdusa’y ikaw sa Sala namin
Patawad, Patawad ang aking Hiling
Birheng May Puso na maawain
Ako’y iligtas sa Landas ng Dilim
Ikalawang Estasyon
Pinasan ni Kristo ang Krus
Namumuno: Sinasamba’t Pinupuri ka namin, O Hesus
Lahat: Sapagkat tinubos mo ang sangkatauhan sa pamamagitan ng iyong mahal na
krus.
Buong pag ibig na pinasan ni Kristo ang mabigat na kahoy na kinaroroonan ng
lahat kong kasalanan at kaabahan; mga kasalanan na hindi ko pinagbayaran
sapagkat siya ang nagbayad, Oo, siya ang nagbayad. Ipinapasan ko sa kanya,
kaya’t ako ang nagpahirap sa kanya, ako na sa halip ay dapat maging isang alagad
niya. Ngayon, nais kong matuto sa kanya, at sumunod sa kanya na pasan ko rin
ang aking krus: ang krus na aking ginawa na kanya namang inalalayan.
Ipinapangako ko ngayon na magpapakasakit na ako upang mapagbayaran ang
pagkakautang, upang masuklian ko ang kanyang pag ibig.
Panginoon, sapagkat nais kong maging taga sunod mo ay nais kong tanggihan ang
aking sarili at magpasan ng aking krus.
O matiising Hesus, ang mabigat na krus na iyong Pinasan ay ang aking mga
kasalanan. Kaya tulungan mo akong makaiwas habang buhay sa muling
pagkakasala.
Awit
Sa Hinatol na krus ng Kamatayan
Ang Sala ng tao’y kanyang pinasan
Ang Pait at bigat ng kasalanan
Pasan ni Hesus sa mahabang daan
O aking Hesus, ang iyong Pinasan ay sala naming
Patawad, Patawad, ang aking Hiling
Birheng May Puso na Maawain
Ako’y Iligtas sa Landas ng Dilim
Ikatlong Estasyon
Unang Pagkadapa ni Hesus
Namumuno: Sinasamba’t Pinupuri ka namin, O Hesus
Lahat: Sapagkat tinubos mo ang sangkatauhan sa pamamagitan ng iyong mahal na
krus.
Narapa sya dahil sa kabigatan ng pasan, naparapa siya upang manghina ang loob
ko sa aking mga pagkarapa.
Kung nabibigatan ako sa buhay, kung ako’y nadadapa, dapat kong alalahanin na si
Hesus ay nahirapan, nabigatan sa aking Krus. Pinasan nya ang aking mga
kasalanan, ang aking mga kahinaan, ang aking mga pagkukulang, ang aking
kawalan ng kakayahan… ang lahat ng nasa akin, sapagkat siya ay aking Kapatid at
kasama ko siyang naglalakbay sa buhay. Taglay niya ang aking buhay at ang aking
mga Gawain na nagging krus sa kanyang mga balikat.
Panginoon, pagaanin mo sa akin ang iyong pasanin.

O Hesus, ang unang pagkasubasob mo’y nagpapagunita sa akin ng una kong


pagkakasala sa iyong mahal na puso. Patawarin mo ako at kailanma’y hindi na ako
muling magkakasala pa.
Awit
Sa ilalim ng krus, sakit at luha
Pasan ni Hesus ang Parusang Takda
Sa bato at mga Tinik ng Lupa
Ang Panginoon ay napatirapa
O aking Hesus, Nagdapa sa iyo ay sala namin
Patawad, patawad ang aking hiling
Birheng may puso na maawain
Ako’y iligtas sa Landas ng Dilim
Ikaapat na Estasyon
Nasalubong ni Hesus ang Kanyang Ina
Namumuno: Sinasamba’t Pinupuri ka namin, O Hesus
Lahat: Sapagkat tinubos mo ang sangkatauhan sa pamamagitan ng iyong mahal na
krus.
Pitong Sundang ang naglagos sa puso ng ina. Ako ang nagtarak niyan, ako na
nagpahirap ng ganyan kay Hesus sa mga lansangan ng herusalem; ako na naging
dahilan ng pagtangis ng marami, ako rin ang nagging dahilan ng pagtangis ng
Kanyang Ina, akong may matigas na Puso. Anong galing kong maglagay ng pasanin
sa malalakas na balikat ng aking Panginoon, kay galing kong magtarak ng sundang
sa malambot na puso ng Ina.
Panginoon, gawin mong ang puso kong matigas na katulad ng bato ay maging
malambot na totoo.

O Maawaing Hesus, alang – alang sa malungkot na pagkikita ninyong mag – Ina sa


daan ng Kalbaryo, matagpuan ko sana sa landas ng kahirapan at sa oras ng
kamatayan ang mga matang maawain ng iyong mahal na Ina.

Awit
Sa Gitna ng Landas ng Pagdurusa
Doo’y nasalubong ang Birheng Ina
Ang puso ni Hesus at ni Maria
Lungkot at hapis ang tanging nadama
O aking Hesus, ang tagpong kay lungkot ay sala namin
Patawad, patawad ang aking Hiling
Birheng may puso na maawain
Ako’y iligtas sa landas ng dilim
Ikalimang Estasyon
Tumulong si Cireneo sa pagpasan ng Krus
Namumuno: Sinasamba’t Pinupuri ka namin, O Hesus
Lahat: Sapagkat tinubos mo ang sangkatauhan sa pamamagitan ng iyong mahal na
krus.
Mapagmahal sa sarili tulad ni Simon Cireneo ay pinagmasdan ko lamang si Hesus
na pasan ang kanyang krus. Pinilit ng mga kawal na iwanan ni Simon Sireneo, ang
kanyang pagwawalang kibo na pasanin ang krus ni Kristo. Hindi kaya baga ang
pag-ibig o ang pagsisisi ang pupukaw sa aking pagwawalang bahala at kaduwagan
upang hingin sa Panginoon na ipahintulot niyang pasanin ko ang bahagi ng
kanyang Krus? Sapagkat nasa Krus ang kagalingan ng buhay. Sapagkat ang Krus ay
aking kailangan at marapat sa akin; sapagkat nais kong pasanin, kasama ng aking
kapatid, ang kabayaran ng aking buhay.
Panginoon, ibigay mo sa akin, ibigay mo sa akin ang iyong Krus
Oh Hesus, sa hakbang na ito ng iyong paglalakbay ay naaalala ko na ang iyong krus
ay pinabigat ko sa muli’t muling pagkakasala. Ninanais kong makibahagi sa iyong
mga sakit sa pamamagitan ng isang tunay na pagsisisi
Awit
Sa tabi ng daang nilalakaran
Isang cireneong Simon ang ngalan
Tumuwang kay Hesus ay naatasan
Ang krus ay buhatin sa habang daan
O aking Hesus, ang maging Cireneo’y nais namin
Patawad, patawad ang aking hiling
Birheng may Puso na maawain
Ako’y iligtas sa landas ng dilim
Ikaanim na Estasyon
Pinahiran ng Veronica ang Mukha ni Hesus
Namumuno: Sinasamba’t Pinupuri ka namin, O Hesus
Lahat: Sapagkat tinubos mo ang sangkatauhan sa pamamagitan ng iyong mahal na
krus.
Ako’y Duwag tulad ng mga nakahanay sa lansangan na nagmamasid lamang sa
pagdaan ni Hesus. Ako’y duwag at hindi ko maipahayag sa harap ng madla na
nakikilala ko si Hesus. Ako’y duwag at hindi ko mapangahasang sumalubong kay
Hesus katulad ni Veronica upang linisin ang kanyang mukha. Wala akong lakas ng
loob na maipakita sa iba ang aking pagpapakabanal. Hindi ko mapangahasang
magkawang-gawa at linisin ng mukha ng ibang mga Kristo, Alalaon baga’y ng
ibang mga nagdurusa. Oo, ako’y duwag
Panginoon, kalagan mo ang aking kaduwagan upang sa harap ng buong daigdig ay
ipagbunyi kita.
O Hesus, Pakundangan sa kawang-gawa ni Veronica ay pagkalooban mo ako ng
masaganang grasya nang luminis ang aking kaluluwa sa pamamagitan ng isang
matapat na pagkukumpisal
Awit
O aliw ni Hesus sa Pagdurusa
Dampi ng pagdamay ni Veronica
Gantimpala’y larawang ala-ala
Iniwang tanda ng kanyang pagsinta
O aking Hesus, puso mo’y ibakas sa puso namin
Patawad, patawad ang aking hiling
Birheng may puso na maawain
Ako’y iligtas sa landas ng dilim
Ikapitong Estasyon
Ikalawang Pagkadapa ni Hesus
Namumuno: Sinasamba’t Pinupuri ka namin, O Hesus
Lahat: Sapagkat tinubos mo ang sangkatauhan sa pamamagitan ng iyong mahal na
krus.
Sa gitna ng malaking paghamak ay napadapa na naman si Hesus sa paanan ng
mga kawal. Hindi siya naparito sa lupa upang paglingkuran kundi upang
maglingkod. Hinamak siya ng bayan at kinasuklaman ng mga bansa. Si Hesus ay
niyurakan upang yurakan ko rin ang mga karangyaan ng mundo at ang kanyang
mga kahibangan, ang aking kapalaluan at pagmamataas, upang ako’y
magpakababa ng loob sa paanan ng mga apostol. O Hesus, lubha kang
nagpakababa at napailalim ka sa lahat ng gayon na lamang hanggang ikaw at
maging pagkain namin. Gayon man, hanggang ngayon at niyuyurakan ka pa rin
namin.
Panginoon, ang iyong alagad ay aayaw humigit kaysa sa kanyang Panginoon.
Padalhan mo ako ng mga kabiguan at kahihiyan.
O Hesus, ang aking muli’t muling pagkakasala’y siyang ikinasubasob mo uli at
ikinasariwa ng mga sugat ng iyong mahal na katawan. Huwag mong itulot na ako’y
mahulog sa kasalanan magpakailan man.
Awit
Si Hesus Diyos na makapangyarihan
Ngayo’y siniphayo ng kaapihan
Pinasan ang bigat ng kasalanan
Ang lupang tigang ay kanyang hinagkan
O aking Hesus, nagdapa sa iyo ay sala namin
Patawad, patawad ang aking Hiling
Birheng May Puso na maawain
Ako’y iligtas sa landas ng dilim
Ikawalong Estasyon
Si Hesus at ang mga Babaeng taga Herusalem
Namumuno: Sinasamba’t Pinupuri ka namin, O Hesus
Lahat: Sapagkat pamamagitan ng krus ay sinakop mo ang Mundo.
Sinusumbatan ng Panginoon ang kanilang mga luha. Higit na minamahalaga niya
ang isang habag na magiting na nagbubunga ng pagsisi’t pagpapakasakit. Yan ang
habag na nais makita sa akin ni Hesus. Magaang ay madaling isagawa ang
pagpapakabanal na nasa pandamdam lamang ang ating nilalayunan at iniiwasan
ay ang pagpapakabanal na may kasamang pagtitiis at pagsupil sa sarili
samantalang ito ang nagbibigay ng kabayanihan sa ating pagtanggi sa sarili at
pagsunod kay Kristo. Kay dami ng tumatangis sa pagkita sa paghihirap ni Hesus
datapwat iilan naman ang sumusunod sa kanya. Kay dami ng mga sangang buhay
na humuhutuk sa karamihan ng mga bunga.
Panginoon, tignan mo ako, ituro mo sa akin ang dapat kong gawin. Alam mo ang
aking kahinaan na siyaong nagdadala sa akin sa panganib na malihis sa iyong
daan. Sabihin mo sa akin ang sinabi mo kay Lazaro: Tumindig ka at lumakad!
O Hesus, tunay nga, kung sino ang may kasalanan siya ang dapat parusahan.
Kaya’t tinatangisan ko sa kaibuturan ng aking puso ang lahat ng mga kasalanan ko
at ipinagpapasalamat ko ang mga hirap na iyong tiniis sa pagtubos sa akin.
Awit
Sa gitna ng kanyang mga pasakit
Kanyang inaliw ang nagsisihibik
Sa akin ang wika’y huwag maligalig
Kayo di ako ang dapat masagip
O aking Hesus, nagtiis ka ng dahilan sa amin
Patawad, patawad ang aking Hiling
Birheng may puso na maawain
Ako’y iligtas sa landas ng dilim
Ikasiyam na Estasyon
Ikatlong pagkadapa ni Hesus
Namumuno: Sinasamba’t Pinupuri ka namin, O Hesus
Lahat: Sapagkat pamamagitan ng krus ay sinakop mo ang Mundo.
Muli na namang naparapa si Hesus, at muli na naman siyang bumangon at
nagtindig upang bigyan ako ng aral na maging bayani sa pagiging matatag sa
kagalingan. Ugali na ng lahat ang manawa sa pagsunod sa landas ni Kristo. Iyan
din ang aking kahinaan, ganyan din ang aking buhay. Madali akong magsawa sa
pagsunod sa kanya. Madali akong magsawa sa pagsasanay ng kabanalan, oo
sumasawa ako, wala akong katatagan. Si Kristo ay nadapa at muling bumangon
hanggang sa makarating sa hangganan ng kanyang paglalabay. Panginoon, ganyan
sana ang gawin ko rin hanggang sa katapusan ng aking buhay, maging matatag sa
pagsasanay ng kabutihan maging mahirap man ang landas ng kabanalan at ano
naming haba ng lalakarin; palaging bumabangon kung nararapa man at
ipinagpapatuloy ang pagsasanay sa kabutihan. Hesus, kung makita mo ako’y
lumulubog at nawawalan ng pag-asa, kapitan mo ako at hilahin at sabihin mo sa
akin,”O taong kakaunti ang pananalig, bakit ka nag aalinlangan?”
Oh Hesus, sa ikatlong pagkasubasob mong ito’y ipinaaalaala mo sa akin ang tiyak
na kapahamakang sasapitin ng makasalanang nahihirati sa masamang
pamumuhay. Inaasahan ko ang iyong tulong nang ako’y maligtas sa kasalanan at
makapagbagong-buhay
Awit
Ang niyakap na krus ng paghihirap
Sa bawat hakbang ay lalong bumibigat
Ang kanyang katawang puno ng sugat
Sa lupa’y muling nadapa’t bumagsak
O aking Hesus, ang Pasanin mong krus ay sala namin
Patawad, patawad ang aking hiling
Birheng may puso na maawain
Ako’y iligtas sa landas ng dilim
Ikasampung Estasyon
Hinubaran si Hesus ng kanyang damit
Namumuno: Sinasamba’t Pinupuri ka namin, O Hesus
Lahat: Sapagkat pamamagitan ng krus ay sinakop mo ang Mundo.
Hinubaran si Hesus; inalis sa kanya ang lahat ng bagay na nagtatali sa tao o sa
kalupaan.
Hinubaran si Hesus; isang aral ito sa aking kasakiman sa mga bagay na makalupa,
sa aking pagkahilisg sa mga kaluguran ng katawan, sa aking uhaw sa pagmamahal
sa kapwa. Si Hesus sy dukkha, siya’y pinabayaan. Ako naman, ah… mapaghangad
ng kayamanan at karangyaan ng pagtingin at pagmamahal ng kapwa dahil sa aking
mga paglabag sa katarungan, si Hesus ay nagtiis ng kasalatan, ng kahihiyan, at ng
pagwawalang bahala sa kapwa. O Panginoon, matutunan ko kayang bunutin sa
aking puso ang paghahangad sa mga kalupaan? Maunawaan ko kaya ang
kahalagahan ng karukhaan at ng kababaan ng Loob? Matalastas ko kaya kung ano
ka? Panginoon, mangusap ka at akong iyong lingkod ay nakikinig.
Oh Hesus, sa kahiyahiyang hakbang na ito ng mahal na Pasyon turuan mo ako ng
paghuhubad ng mga masasamang hilig ng katawan kong makasalanan, upang ang
aking kaluluwa’y mabihisan ng mga kabanalang Kristiyano.
Awit
Sa bundok ng kalbaryo ay umabot
Doo’y hinubad ang damit kay Hesus
Ang dakilang hari at mananakop
Pinagkaitan ng damit na suot
O aking hesus, ang iyong hinubad ay sala namin
Patawad, patawad ang aking hiling
Birheng may puso na maawain
Ako’y iligtas sa landas ng dilim
Ikalabing isang Estasyon
Si Hesus ay ipinako sa Krus
Namumuno: Sinasamba’t Pinupuri ka namin, O Hesus
Lahat: Sapagkat pamamagitan ng krus ay sinakop mo ang Mundo.
Bumagsak ang mga pamukpok; naglampasan ang mga pako sa paa’t kamay ng
Dios anak. Ang aking mga kasalanan ang marahas na pumupukpok at
nagpapahirap sa banal na katawan ng Anak ng Diyos. Ang aking mga kahalayan
ang sumusugat sa katawan ni Hesus. Ang pagdadala ko sa kaluguran ang
nagpapadugo sa kanyang kalinisan. Ngayo’y nakadipa ang kanyang mga kamay.
Magkadikit ang mga paa na pinaglampasanan ng Matulis na pako. At ako’y nasa
harapan mo sa gitna ng mundo na lumilibak sa iyo at sumisigaw:”Ah, Bumaba ka
sa Krus! Bumaba ka sa Krus!”. Ngunit Panginoon, huwag kang bumaba. Anong
mangyayari sa akin kung aalis ka sa krus na iyan na dapat pagpakuan sa akin? Ano
ang mangyayari kung ihihinto mo ang pagdurusa na dapat kong pagdusahan na
ngayon ay iyong tinitiis?
Huwag ka sanang bumaba Panginoon, kundi kunin mo ako at itago sa iyong mga
sugat upang diyan magdanas ng sakit ng aking kalulluwa at diyan din magkaroon
ng kalinisan ang aking Katawan.
O Lubhang masunuring hesus, sa tulong mo ay nais ko na ang aking puso’t
kaluluwa ay mapako sana sa iyong mahal na Krus hanggang sa kamatayan.
Awit
Ang kamay at paa ng mananakop
Ngayo’y ipinako sa kahoy na krus
Ang sariwang dugo doo’y umagos
Taglay ang pag-ibig ng ating poon
O aking Hesus, ang nagpako sa krus ay sala namin
Patawad, patawad, ang aking hiling
Birheng may puso na maawain
Ako’y iligtas sa landas ng dilim

Ikalabing dalawang Estasyon


Si Hesus ay namatay sa Krus
Namumuno: Sinasamba’t Pinupuri ka namin, O Hesus
Lahat: Sapagkat pamamagitan ng krus ay sinakop mo ang Mundo. .
Sumigaw si Kristo nang malakas. Itinungo ang ulo at namatay, ipinagkaloob ang
kanyang espiritu sa kamay ng Ama. Iginawad naman sa tao ang kanyang patawad,
ang kanyang dugo, ang kanyang Ina.
Naganap na niyang lahat, wala na siyang dapat pang gawin. At minamaliit ko pa
baga ito? Hindi ba natin minamahalaga ang ginagawang ito ni Kristo? Iyan ang
totoo sapagkat patuloy pa tayo sa pagkakasala. Hindi pa tumitigil ang ating
paglapastangan sa kanya. Hindi ko pa pinahahalagaan ang dugo at ang kamatayan
ng aking Diyos. Alam ito ni Hesus, buhat doon sa krus ay tinitigan niya ako ng
buong pagkahabag at sinabi,”Nauuhaw ako”
O Masintahing Hesus, buong kapakumbabaang-loob ay sinasamba kita sa iyong
pagkamatay sa krus, sapagkat inialay mo ang sariling buhay upang ako’y iligtas mo
sa kamatayang walang hanggan.
Awit
Masdan natin ang hari ng Pag-ibig
Sa Krus nakapako’t wasak ang dibdib
Nagdilim ang mundo, sampu ng langit
Dagling nagluksa ang buong daigdig
O aking Hesus, Pumatay sa iyo ay sala namin
Patawad, patawad ang aking hiling
Birheng may puso na maawain
Ako’y iligtas sa landas ng dilim
Ikalabing tatlong Estasyon
Si Hesus ay ibinaba sa Krus
Namumuno: Sinasamba’t Pinupuri ka namin, O Hesus
Lahat: Sapagkat pamamagitan ng krus ay sinakop mo ang Mundo.
Nakaratay sa Kandungan ni Maria ang bangkay ni Hesus, nakatitig si Maria,
walang imik, luhaan ang mga mata, ako ang naging dahilan nyan, ako ang may
kagagawan nyan, pinatay ko ang iyong anak dahil sa aking kalupitan. Ang aking
panlalamig sa paglilingkod sa kanya, ang aking pagdaraya at kaduwagan, ang
aking masamang gawi at pagkakasala ang kumitil sa kanyang buhay. Oo, inang
birhen ako ang nagging dahilan ng kanyang kamatayan, siya’y buhay ng ibigay mo
sa akin, ngunit ngayon ay ibinabalik ko sa iyong patay na, kagagawan ko ito. At ito
lamang, sa kasawiang palad, ang nagawa ko sa sking buhay hanggang ngayon.
Wala pa akong maipagpaparangyang kabutihan sa buhay ko. Ang ina ay nakatitig
sa bangkay ng anak, walang imik, luhaan ang mga mata, Namatay si Hesus, at ako,
ano ang gagawin ko ngayon? Pagkatapos bagang matitigan ko siya at makahingi
ng tawad at babalik na naman ako sa dati kong pagkakasala?
O Kabanal banalang Birhen! Ikaw ang daan patungo kay Hesus, ituro mo sa akin
ang mga aral ng kanyang Krus sa ikapagkakaroon ng isang banal na pamumuhay
nang ako ay mapasakandungan mo sa oras ng aking kamatayan
Awit
Ang bangkay ni Hesus na mananakop
Sa bisig ng birhe’y doo’y naluklok
Ang lungkot ni Maria’y di matapos
Sa pagmamasid sa anak ng Diyos
O aking Hesus, ang bangkay mo’y puno ng sala namin
Patawad, patawad ang aking hiling
Birheng may puso na maawain
Ako’y iligtas sa landas ng Dilim

Ikalabing Apat na Estasyon


Inilibing si Hesus
Namumuno: Sinasamba’t Pinupuri ka namin, O Hesus
Lahat: Sapagkat pamamagitan ng krus ay sinakop mo ang Mundo.
Ang Libingan ng Panginoon ay kaban ng pag-asa. Ang katahimikan ng kanyang
puntod ay nangangako ng malaking tagumpay, ang tagumpay na pagkabuhay na
mag uli
Ang puntod na iyan ay katulad ng sagrario, ang munting tirahan ni Hesus sa
dambana. Natatakpan nga at tahimik, ngunit nagpapahiwatig ng dakilang pangako
na magbibigay buhay. Nagbantay ang mga tanod, ako’y magbabantay din.
Hihintayin ko ang pagbubukang liwayway ng aking pagkabuhay na mag uli, ng
aking pagpasok sa kaharian ng Diyos na diyan ko sya makikita ng mukhaan at
kami’y magkayakap sapag ibig magpasawalang hanggan.
Halina, Panginoong Hesus, Halina. Namamanaag na ang iyong araw, Halina.
O Hesus, ang iyong pagkamatay ay siyang pinanggalingan ng buhay ng aking
kaluluwa. Marapatin mong palambutin ang aking puso nang mapakinabangan ko
ang mga masaganang bunga ng iyong pagkamatay at hatid mo ako sa buhay na
walang hanggan sa langit
Awit
Sa payapa’t tahimik na libingan
Pinagkaloob ang dakilang bangkay
Si Maria’y ulilang naiwanan
Taglay ang lungkot ng sangkatauhan
O aking Hesus, naglibing sa iyo ay sala namin
Patawad, patawad, ang aking hiling
Birheng may puso na maawain
Ako’y iligtas sa landas ng dilim

Pangwakas na Panalangin
Oh maawaing Diyos, yayamang inibig mo na ang iyong bugtong na anak ay
maghirap at mamatay sa krus ng kami’y masakop at mapagaling. Bagama’t kami’y
mga alipin ng kasalanan, tanggapin mo itong ginagawa naming banal na
pagsasanya na aming ipinakikisama sa mga Karapatan ni Hesukristo na
mananakop ng sangkatauhan, at alang alang sa pag-ibig mo sa kanya, Kaawaan
mo kami at ang sino mang ipinapanalangin namin alinsunod sa kalooban mo, at
gayon din naman ang mga kaluluwa sa purgatory ng pakinabangan nila ang mga
indulhensya na ibigin mong ipakamit sa amin. Ipagkaloob mo sa amin ang
pananatili sa paglilingkod sa iyo hanggang sa oras ng kamatayan upang ikaw ay
aming purihin sa langit sa pinaghaharian mo magpasawalang-hanggan. Siya nawa

Paghayo
Namumuno: Sumaatin nawa ang pagpapala ng makapangyarihang Diyos ang Ama,
Anak at Espiritu Santo.
Lahat: Amen

You might also like