You are on page 1of 18

KNIGHTS OF COLUMBUS

DISTRICT I-01
ZAMBALES COUNCIL 3694
IBA, ZAMBALES

MGA PANALANGIN SA
VISITA IGLESIA
MAIKSING PALIWANAG

Pagkatapos ng misa sa paghahapunan ng Panginoon ng Huwebes Santo,


sinisimulan ang behilya sa karangalan ng banal na sakramento. Ang gabi ng Huwebes
Santo ay nakatuon sa pagninilay ng simbahan ukol sa dakilang regalo ni Hesus ng
kanyang sarili sa banal na Eukaristiya.
ng ‘monumento’ O tanging altar na nagaganyakan ng mga palamuti at pinaglalagakan
ng isang tabernakulo na pansamantalang tintahanan ng banal na eukaristiya para sa
maringal na behilya. Hindi dapat na itinatanghal ang banal na sakramento sa
pamamagitan ng monstrance sapagkat ito ay isang reposition at hindi exposition ng
eukaristiya. Ang pintuan ng tabernakulong gagamitin para dito ay dapat na nakasara
upang maitago ang kabanal-banalang sakramento.
Sa gabing ito, ginagawa ng mga mananampalataya ang tradisyunal na Visita
Iglesia. Ang bilang ng simbahan na pinupuntahan ay kadalasang pito. Sa mga pagdalaw
na ito mas marapat na ituon ang mga panalangin sa banal na eukaristiyang nakapatente
sa monumento. Ang pagdiriwang na sumusunod ay isinaayos para magamit ng mga
mananampalataya sa mga pagdalaw na ito. Maaaring magdasal ng rosaryo habang
naglalakbay mula sa isang simbahan patungo sa susunod na simbahan.
Nais naming ipaalam na ang pagtatanod ay dapat tapusin sa hating-gabi sapagkat ang
araw ng Biyernes Santo ay nagsisimula at sa oras na ito ang buong simbahan ay
tumutuon naman sa hiwaga ng krus ni Kristo. Ang istasyon ng Krus ay mas magandang
dasalin sa araw ng Biyernes Santo kung saan ang misteryo ng pagpapakasakit ni Kristo
sa Krus ay binibigyang halaga.
Unang Simbahan
PASIMULA
Namumuno: Sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.
Bayan: Amen
Namumuno :
Mga kapatid, sa araw na/gabing ito, tayo ay nananalangin/nagtatanod upang
samahan si Hesus at pasalamatan ang katang-tangi at dalisay na regalo ng kanyang
sarili sa Eukaristiya. Sa banal na pagtatanod na ito isama natin sa ating panalangin ang
lahat ng kaparian sa buong mundo upang sila ay mapuspos ng tunay na pagmamahal
sa Eukaristiya na ipinagkatiwal sa kanilang mga kamay . Ipanalangin din natin ang lahat
ng tao na nanlalamig na sa Diyos ng Awa, upang sa banal na sakramento sila ay
makasumpong ng init ng pag-ibig at lakas ng pananampalataya. Bilang mga anak ng
Diyos Ama nararapat lamang na tayo ay magnilay at sumamba sa tunay na katawan ni
Hesus sa anyong tinapay.
Marami pa rin ang ayaw kumilala sa kapangyarihan ng krus ni Kristo at ang
Mabuting Balita na nagligtas sa tanan. Hilingin natin kay Hesus na ipagkaloob sa
sandaigdigan ang tunay na kapayapaan at kasaganaan na nagmumula lamang sa
kanya.
EBANGHELYO Juan 17:9-13
+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Bayan: Papuri sa iyo,Panginoon
Noong Panahong iyon sinabi ni Hesus, “idinadalangin ko sila, hindi ang sanlibutan
kundi ang lahat ng ibinigay mo sa akin, sapagkat sila’y iyo. Ang lahat ng akin ay iyo at
ang lahat ng iyo ay akin; at pararangalan ako sa pamamagitan nila. At ngayon ako’y
pupunta na sa iyo; aalis na ako sa sanlibutan, ngunit nasa sanlibutan pa sila. Amang
banal ingatan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng iyong pangalan, pangalang ibinigay
mo sa akin, upang sila’y maging isa, papaanong tayo’y iisa. Habang kasama nila ako,
iniingatan ko sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng iyong pangalang ibinigay mo sa
akin. Inaalagaan ko sila at ni isa’y walang mapapahamak liban sa taong humahanap ng
kanyang kapahamakan, upang matupad ang kasulatan. Ngunit ngayon ako’y papunta
na sa iyo, sinasabi ko ito habang ako’y nasa sanlibutan upang mapuspos sila ng aking
kagalakan.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
R.: Pinupuri ka namin Panginoong Hesu-kristo
Umupo ang lahat para sa tahimik na pagninilay.
Ang Panginoon ang aking pastol
Ang Panginoon ang aking pastol,
pinagiginhawa niya akong lubos
Handog nyang himlaya’y sariwang pastulan
ang pahingahanko’y payapang batisan
hatid sa kaluluwa ay kaginhawaan sa
tuwid na landas sya ang patnubay.
Madilim na lambak man ang tatahakin ko
wala akong sindak sya’y kasama ko
ang hawak niyang tungkod ang s’yang gabay
ko hawak nyang pamalo sigla’t tanggulan ko.
Luluhod ang lahat para ipanalangin ang intensyon ng Santo Papa.
Ama namin… Aba Ginoong Maria … Luwalhati …

MGA HIBIK SA KABANAL-BANALANG MANUNUBOS


Lahat: Kaluluwa ni Kristo, pakabanalin mo ako. Katawan ni Kristo, iligtas mo ako. Dugo
ni Kristo, tigmakin mo ako. Tubig mula sa tagiliran ni Kristo, hugasan mo ako.
Pagpapakasakit ni Kristo, patatagin mo ako. Butihing Hesus dinggin mo ako. Sa loob ng
sugat mo ako’y itago mo. Huwag mong ipahintulot na mawalay ako sa iyo. Sa
nagpapahamak na kaaway, ako’y ipagsanggalang mo. Sa sandaling pagpanaw, ako’y
tawagin mo. At iyong ipag-utos na lumapit ako sa iyo. Upang kaisa ng mga banal ako’y
makapagpuri sa iyo sa kalangitan magpasawalang hanggan. Amen.
PANGWAKAS NA PANALANGIN
Lahat: Panginoon namin at Diyos, sa sakramentong ito dumudulog kami sa presensya
ni Hesu-kristong Anak mo, ipinanganak ng mahal na birhen at ipinako para sa aming
kaligtasan. Marapatin mong kami na nagpapahayag ng pananampalataya sa bukal na
walang hanggan. Sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.
Namumuno: Sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.
Bayan: Amen

Ikalawang Simbahan
Namumuno: Sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.
Bayan: Amen
Namumuno: Mga kapatid, sa araw na/gabing ito tayo ay nananalangin/nagtatanod
upang samahan si Hesus at pasalamatan ang katangi-tangi at dalisay na regalo ng
kanyang sarili sa Eukaristiya. Mula pa noong una ipinakita na ng Diyos sa pamamagitan
ng pagpapadala ng manna, ang tinapay na galing sa langit sa kanyang piniling bayan.
Ang pagkain ay importanteng bahagi ng buhay ng tao subalit ang tao ay di lamang
binubuo ng katawan ito ay may espiritung kailangang busugin ng presensya ng Diyos
na lumikha nito. Sinasabi ni Hesus na siya ang pagkaing nagmula sa langit ang pagkaing
tunay na nakabubusog ng bawat puso. Bilang mga anak ng Diyos Ama nararapat
lamang na tayo ay magnilay at sumamba sa katawan ni Hesus sa anyong tinapay.

PAGBASA Juan 6:51-58


+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Bayan: Papuri sa iyo, Panginoon.
Noong panahong iyon sinabi ni Hesus sa mga tao: “Ako ang pagkaing nagbibigay
buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain
nito. At ang pagkaing ibibigay ko ay sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.”
Dahil dito’y nagtalu-talo ang mga Judio. “papaanong maibibigay sa atin ng taong ito ang
kanyang laman upang kanin natin?” tanong nila, kaya’t sinabi sa kanila ni Hesus,
“Malibang kanin ninyo ang laman ng anak ng tao at inumin ang kanyang Dugo hindi kayo
magkakaroon ng buhay. Ang kumakain ng aking laman at ang umiinom ng aking dugo
ay may buhay na walang hanggan, at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw.
Sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo ay tunay na inumin.
Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananahan sa akin at ako
sa kanya. Buhay ng Amang nagsugo sa akin at ako’y nabubuhay dahil sa kanya. Gayon
din naman ang sinumang kumain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin. Ito ang pagkaing
bumaba mula sa langit; ang kumakain nito’y mabubuhay magpakailanman. Hindi ito
katulad ng kinain ng inyong mga magulang sa ilang; namatay sila bagamat kumain
niyon.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
R. Pinupuri ka namin Panginoong Hesu-Kristo.
Umupo ang lahat para sa tahimik na pagninilay.
Awit ng Paghahangad
O Diyos ikaw ang tanging hanap loob ko’y ikaw ang tanging hangad
nauuhaw akong parang tigang na lupa sa tubig ng yong pag-aaruga
Ika’y pagmamasdan sa dakong banal ng makita ko ang iyong
pagkarangal dadalangin akong nakataas aking kamay
magagalak na aawit na ang papuring iaalay.
Gunita koy ikaw habang nahihimlay pagkat ang tulong mong
sa tuwina’y taglay sa lilim ng iyong mga pakpak umaawit akong
buong galak.
Aking kaluluwa’y kumakapit sa’yo kaligtasa’y tiyak kung
hawak mo ako magdiriwang ang hari ang Diyos s’yang dahilan
ang sa iyo ay nangako galak yaong makakamtan.

Luluhod ang lahat para ipanalangin ang intension ng Santo Papa


Ama namin…. Aba Ginoong Maria…Luwalhati….

PANALANGIN SA PAGIGING BUKAS PALAD


Lahat: Panginoon turuan mo akong maging bukas palad. Turuan mo akong maglingkod
sa iyo, na magbigay ng ayon sa nararapat, na walang hinihintay mula sa iyo, na
makibakang di inaalintana, mga hirap na dinaranas, sa tuwina’y magsumikap na, hindi
humahanap ng kapalit na kaginhawahan, na di naghihintay kundi ang aking mabatid, na
ang loob mo’y sy’ang sinusundan.

PANGWAKAS NA PANALANGIN
Lahat: Panginoon namin at Diyos, ipinagkaloob mo sa amin ang tinapay na bumaba sa
langit. Sa pamamagitan ng pagkaing ito, mapalakas nawa kami upang mamuhay sang
ayon sa iyong buhay at sa katapusan ay mapakinabang sa iyong luwalhati sa huling
araw. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon.

Namumuno: Sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.


Bayan: Amen

Ikatlong Simbahan
Namumuno: Sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.
Bayan: Amen
Namumuno: Mga kapatid, sa araw na/gabing ito tayo ay nananalangin/nagtatanod
upang samahan si Hesus at pasalamatan sa katangi-tangi at dalisay na regalo ng
kanyang sarili sa Eukaristiya. Ang Diyos ay Pag-ibig at lahat ng nais sumunod sa kanya
ay dapat umibig ng wagas at dalisay. Ang sangtinakpan ay nilalang sa pamamagitan ng
pag-ibig, sinagip dahil sa pag-ibig at muling babaguhin sang-ayon na rin sa pag-ibig ng
Diyos.
Ang araw na/gabing ito ay patunay sa atin kung gaanong kalaki ang malasakit sa atin ni
Hesus na ninais niyang manatili sa anyo ng tinapay upang maranasan ng bawat salinlahi
ang kalayaang nanggaling sa kanyang pag-ibig.
Bilang mga anak ng Diyos Ama nararapat lamang na tayo ay magnilay at sumamba sa
tunay na katawan ni Hesus sa anyong tinapay. Hilingin natin kay Hesus na ipagkaloob
sa sandaigdigan ang tunay na kapayapaan at kasaganaan na nagmumula lamang sa
kanya.

PAGBASA Juan 15:9-17


+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Bayan: Papuri sa iyo, Panginoon.
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Kung paanong
iniibig ako ng Ama, gayon din naman, iniibig ko kayo; manatili kayo sa aking pag-ibig.
Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa aking pag-ibig; tulad ko
tinutupad ko ang mga utos ng aking Ama at ako’y nananatili sa kanyang pag-ibig.
“Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang makahati kayo sa kagalakan ko at
malubos ang inyong kagalakan. Ito ang aking utos; mag-ibigan kayo gaya ng pag-ibig
ko sa inyo. Walang pag-ibig nahihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng
kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan. Kayo’y mga kaibigan ko kung tinutupad
ninyo ang mga utos ko. Hindi ko na kayo inaaring alipin, sapagkat hindi alam ng alipin
ang ginagawa ng kanyang panginoon. Sa halip inaari ko kayong mga kaibigan, sapagkat
sinabi ko sa inyo ang lahat ng naririnig ko sa Ama, hindi kayo ang pumili sa akin; ako
ang pumili at humirang sa inyo upang kayo’y humayo at mamunga, at manatili ang
inyong bunga. Sa gayon anuman ang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay
ipagkakaloob sa inyo. Ito ang inuutos ko sa inyo: mag-ibigan kayo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
R. Pinupuri ka namin Panginoong Hesu-Kristo.
Umupo ang lahat para sa tahimik na pagninilay.
Umaasa ka sa Diyos
Umasa ka sa Diyos ang mabuti’y gawin at manalig kang ligtas sa lupain sa Diyos mo
hanapin ang kaligayahan at pangarap mo’y makakamtan.
Ang iyong sarili sa Diyos mo ilagak at magtiwalang tutulungan kang ganap. Ang
kabutihan mo ay magliliwanag katulad ng araw kung tanghaling tapat.
Sa harap ng Diyos pumanatag ka maging matiyagang maghintay sa kanya huwag
mong kainggitan ang gumiginhawa sa likong paraan umunlad man sila.
Luluhod ang lahat para ipanalangin ang intension ng Santo Papa
Ama namin…. Aba Ginoong Maria…Luwalhati….
PANALANGIN PARA SA MGA PARI
Lahat: O Hesus ipinapanalangin ko sa iyo ang matapat at maalab mong pari, ang mga
lilo at nanlalamig mong pari; ang iyong mga paring nagpapagal dito at sa ibat-ibang
bansa lalo na yaong mga nasa kaduluduluhang bahagi ng daigdig; ang mga pari mong
nahaharap sa matinding tukso at pagsubok; ang mga nangungulila at nag-iisa mong
pari; ang iyong mga bata at maysakit na pari; ang mga kaluluwa sa purgatoryo ng iyong
mga pari.
Higit sa lahat ipinapanalangin ko sa iyo ang mga paring mahal sa akin; ang mga paring
nagbinyag sa akin; ang mga paring nagpakumpisal sa akin; ang mga paring nangunguna
sa misa namin at nagbibigay sa akin ng iyong katawan at dugo sa banal na komunyon;
ang mga paring nagturo at gumabay sa akin; at ang lahat ng paring pinagkakautangan
ko ng loob.
O Hesus alalahanin mo nawa silang lahat sa iyong mahal na puso at lagi mo nawa silang
pagpalain ngayon at magpasawalang hanggan. Amen.

PANGWAKAS NA PANALANGIN
Lahat: Panginoon namin at Diyos, mapuspos nawa ang aming mga puso ng lakas sa
pamamagitan ng sakramentong ito ng bagong buhay. Gawin mo kaming masigasig sa
pagpapalaganap ng iyong kaharian. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong
aming Panginoon.
Namumuno: Sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.
Bayan: Amen

Ikaapat na Simbahan
Namumuno: Sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo. Bayan: Amen
Namumuno: Mga kapatid, sa araw na/gabing ito tayo ay nananalangin/nagtatanod
upang samahan si Hesus at pasalamatan ang katangi-tangi at dalisay na regalo ng
kanyang sarili sa Eukaristiya. Sa eukaristiya ating natatagpuan ang susi ng ating
pagkakaisa, kung papaanong siya ang puno ng ubas at tayo ang mga sanga, tayo ay
makakaugnay sa iisang pananampalataya at iisang patutunguhan. Sa mga
pagkakataong pakiramdam natin ay nag-iisa tayo at walang karamay. Masdan natin ang
milagro sa ating piling, ang Diyos na hindi lumisan sa atin.

PAGBASA Juan 15:1-4


+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Bayan: Papuri sa iyo, Panginoon.
Sinabi ni Hesus “Ako ang tunay na puno ng ubas at ang aking Ama ang tagapag-
alaga. Pinuputol niya ang bawat sangang hindi namumunga; at kanya namang
pinuputulan at nililinis ang bawat sangang namumunga upang lalong dumami ang
bunga. Nalinis na kayo sa pamamagitan ng salitang sinabi ko sa inyo, hindi
makakapamunga ang sangang hindi nananatiling nakakabit sa puno. Gayon din naman
hindi kayo makakapamunga kung hindi kayo nakakabit sa akin.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
R. Pinupuri ka namin Panginoong Hesu-Kristo.
Umupo ang lahat para sa tahimik na pagninilay.
Isang Tinapay isang Katawan isang Bayan
Katulad ng mga butil na tinitipon
upang maging tinapay na nagbibigay buhay
kami naway matipon din at maging bayan mong giliw
Iisang Panginoon iisang katawan
isang bayan isang lahi sa yo’y nagpupugay.
Katulad din ng mga ubas na piniga at naging alak
sinumang uminom nito may buhay na walang hanggan.
Kami nawa’y maging sangkap sa pagbuo nitong bayang liyag.
Luluhod ang lahat para ipanalangin ang intension ng Santo Papa
Ama namin…. Aba Ginoong Maria…Luwalhati….

PANALANGIN PARA SA PANGKALULUWANG PAKIKINABANG


Lahat: Pinakamamahal na Hesus, buong pananalig kong sinasampalatayanan na ikaw
ay nariyan sa kabanal-banalang Sakramento. Iniibig kita higit sa lahat ng bagay, at
ninanais kong tanggapin ka sa aking kaluluwa. Dahil hindi kita matanggap sa sandaling
ito sa banal na komunyon, sa halip pumasok ka sa aking puso. Niyayakap kita na parang
ikaw ay tunay na nariyan, at iniuugnay ko ang aking buong sarili sa iyo, huwag mo
kailanman itulot na mawalay pa ako sa iyo.

PANGWAKAS NA PANALANGIN
Lahat: Aming Ama, itinalaga mo si Hesu-kristo bilang kataas-taasang pari sa
ikaluluwalhati mo at ng aming kaligtasan. Nawa’y ang bayang pinapagindapat niya sa
pamamagitan ng kanyang dugo, ay makasalo sa kapangyarihan ng kanyang krus at
muling pagkabuhay sa pagdiriwang ng huling hapunan, siya na nabubuhay at
naghaharing kasama mo at ng Espiritu Santo iisang Diyos magpasawalang hanggan.
Namumuno: Sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.
Bayan: Amen

Ikalimang Simbahan
Namumuno: Sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.
Bayan: Amen
Namumuno: Mga kapatid, sa araw na/gabing ito tayo ay nananalangin/nagtatanod
upang samahan si Hesus at pasalamatan ang katangi-tangi at dalisay na regalo ng
kanyang sarili sa Eukaristiya. Sa panahong puno ng alitan at di pagkakasundo hatid ng
Panginoon ang kapayapaang di kailanman ay maibibigay ng mundo. Magnilay tayo sa
harap ng Prinsipe ng kapayapaan upang ituro sa atin ang landas ng pakikipagkasundo.
Panibaguhin nawa tayo ng ating pananalig sa hapag ng bagong pag-asa kung saan si
Kristo ang hain at naghahain sa ikaliligtas ng santinakpan.

PAGBASA
+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Bayan: Papuri sa iyo, Panginoon.
Sinabi ni Hesus “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang
ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng ibinibigay ng sanlibutan. Huwag kayong
mabalisa; huwag kayong matakot, sinabi ko na sa inyo, ako’y aalis ngunit babalik ako.
Kung iniibig ninyo ako, ikagagalak ninyo ang pagpunta ko sa Ama, sapagkat dakila ang
Ama kaysa sa Akin. Sinasabi ko na ito sa inyo bago pa mangyari upang, kung mangyari
na, kayo’y manalig sa Ama bago sa Akin. Hindi na ako pakahahaba ng pagsasalita sa
inyo, sapagkat dumarating na ang pinuno ng sanlibutang ito. Wala siyang kapangyarihan
sa akin, subalit dapat makilala ng sanlibutan na iniibig ko ang Ama at ang ginagawa ko’y
ang inuutos niya sa akin. Tumindig kayo, tayo na!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
R. Pinupuri ka namin Panginoong Hesu-Kristo.
Umupo ang lahat para sa tahimik na pagninilay.
Dakilang Pag-ibig
Dakilang pag-ibig saan man manahan
Diyos ay naroon walang alinlangan
Tinipon tayo sa pagmamahal, ng ating Poong si Hesus
tayo’y lumigaya sa pagkakaisa, sa haring nakapako sa Krus
Purihi’t ibigin ang ating Diyos, na siyang unang nagmahal;
Kayat buong pag-ibig rin nating mahalin, Ang bawat kapatid at kapwa.
Iwasan lahat ang pagkapoot, pag-aalinlanga’t yamot
Sundin ang landasin ni Hesu-Kristo, at ito’y halimbawa ng Diyos.
Luluhod ang lahat para ipanalangin ang intension ng Santo Papa
Ama namin…. Aba Ginoong Maria…Luwalhati….

PANALANGIN KAY HESU-KRISTONG NASA SA KRUS


Lahat: Kaybuti at pinakamamahal na Hesus, nangangayupapa ako sa iyong paanan,
humuhiling na mataimtim na iukit mo sa aking puso ang isang malalim at buhay na
pananampalataya, pag-asa at pag-ibig, na may dalisay na pagbabalik loob para sa aking
mga pagkakasala at matibay na pagnanais na gumawa ng pagbabayad puri. Habang
aking pinagninilayan ang iyong limang sugat at pinagmumuni-muni ang mga ito ng may
pagkahabag at hinagpis, naalala ko butihing Hesus ang matagal nang sinabi ni Propeta
David ukol sa iyo: Binutasan nila ang aking mga kamay at paa. Nabibilang na nila ang
aking mga buto!

PANGWAKAS NA PANALANGIN
Lahat: Ama naming makapangyarihan, ginanap mo ang gawain ng kaligtasan sa
pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Kristong iyong Anak. Nawa’y kaming matapat
na nagpapahayag ng kanyang kamatayan at pagkabuhay sa sakramentong ito ay
maranasan ang paglago sa kaligtasan sa aming buhay. Hinihiling namin ito sa
pamamagitan ni Kristong aming Panginoon.
Namumuno: Sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.
Bayan: Amen
Ikaanim na Simbahan
Namumuno: Mga, kapatid, sa araw na/gabing ito tayo ay nananalangin/nagtatanod
upang samahan si Hesus at pasalamatan ang katangi-tangi at dalisay na regalo ng
kanyang sarili sa Eukaristiya. Hindi tayo nilisan ng Panginoon patuloy niyang
ginagabayan ang kanyang simbahan sa liwanag ng Espiritu Santo. Sa pamamagitan ng
Espiritu ng Diyos ang mga sakramento ay nagkakaroon ng bisa at lakas. Tumawag tayo
kay Kristo, ang daan, katotohanan at pagkabuhay.

PAGBASA Juan 14:15-21


+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Bayan: Papuri sa iyo, Panginoon.
Sinabi ni Hesus “Kung iniibig ninyo ako tutuparin ninyo ang aking mga utos.
Dadalangin ako sa Ama, at kayo’y bibigyan niya ng isa pang Patnubay na magiging
kasama ninyo magpakailanman. Ito’y ang Espiritu ng katotohanan, na hindi matanggap
ng sanlibutan sapagkat hindi siya nakikita ni nakikilala ng sanlibutan. Ngunit nakikilala
ninyo Siya sapagkat siya’y sumasainyo at nananahan sa inyo.” Hindi ko kayo iiwang
nangungulila; babalik ako sa inyo. Kaunting panahon na lamang at hindi na ako makikita
ng sanlibutan. Ngunit ako’y makikita ninyo; sapagkat mabubuhay ako, at mabubuhay rin
kayo. Malalaman ninyo sa araw na yaon na ako’y sumasa-Ama, kayo’y sumasaakin, at
Ako’y sumasainyo. Ang tumanggap sa mga utos ko at tumutupad nito ang siyang umiibig
sa Akin ay iibigin ng aking Ama; iibigin ko rin siya, at ako’y lubusang magpapakilala sa
kanya.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
R. Pinupuri ka namin Panginoong Hesu-Kristo.
Umupo ang lahat para sa tahimik na pagninilay.
Sa Diyos lamang Mapapanatag
Sa Diyos lamang mapapanatag ang aking kaluluwa
sa kanya nagmumula ang aking pag-asa at kaligtasan.
O Diyos ikaw lamang ang aking kaligtasan nasa yo aking kaluwalhatian
Ikaw lamang aking inaasahan ang aking moog at tanggulan.
Poon ika’y puno ng kabutihan pastol akong nagmamahal sa kawan
inaakay sa luntiang pastulan tupa’y hanap mo kung mawaglit man.
Luluhod ang lahat para ipanalangin ang intension ng Santo Papa
Ama namin…. Aba Ginoong Maria…Luwalhati….

PANALANGIN NG PAGSAMBA
Lahat: O Hesus, ikaw ang daan na dapat kong sundan ang ganap na modelo na aking
gagayahin. Sa aking pagharap sa huling paghuhukom nais kong matagpuan kawangis
mo.
O modelo ng mabathalang kababaang loob at pagsunod marapatin mo akong matulad
sa iyo
O ganap na halimbawa ng pagpapakasakit at kalinisan marapatin mo akong matulad sa
iyo.
O Hesus payak at matiyaga marapatin mo akong matulad sa iyo.
O Dakilang halimbawa ng pag-ibig at malinis na hangarin, marapatin mo akong matulad
sa iyo.

PANGWAKAS NA PANALANGIN
Lahat: Panginoong Hesu-kristo, minarapat mong ikaw na kapiling namin sa iyong
katawan at dugo ay aming sambahin. Maihain nawa namin ang pag-ibig na ganap sa
Ama sa langit. Makapag-alay nawa kami ng ganap na paglilingkod sa aming mga
kapatid. Ikaw na nabubuhay at naghaharing kasama ng Ama at ng Espiritu Santo iisang
Diyos magpakailanman.
Namumuno: Sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.
Bayan: Amen
Ikapitong Simbahan
Namumuno: Sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.
Bayan: Amen
Namumuno: Mga kapatid, sa araw na/gabing ito ay nananalangin/nagtatanod upang
samahan si Hesus at pasalamatan ang katangi-tangi at dalisay na regalo ng kanyang
sarili sa Eukaristiya. Tayo’y mga anak ng muling pagkabuhay dahil sa muling
pagkabuhay ng Anak. Hindi sa kamatayan at kasalanan natatapos ang lahat kundi sa
tagumpay na nakamit ni Kristo Hesus. Sa ating paglalakbay sa laban ng buhay
mabuksan nawa ang ating mga mata sa presensya ng Diyos na patuloy na nagbibigay
ng lakas ng loob sa ating lahat. Bilang mga anak ng Diyos Ama nararapat lamang na
tayo ay magnilay at sumamba sa tunay na katawan ni Hesus sa anyong tinapay.

PAGBASA Juan 6:51-58


+ Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Bayan: Papuri sa iyo, Panginoon.
Nang Linggo ding iyon, ang dalawa sa mga alagad ay patungo sa isang nayong
tinatawag na Emaus, may labing isang kilometro ang layo sa Jerusalem. Pinag-uusapan
nila ang mga pangyayari. Samantalang nag-uusap sila at nagtatanungan, lumapit si
Hesus at nakisabay sa kanila. Siya’y nakita nila ngunit hindi nakilala agad, tinanong sila
ni Hesus, “Ano ba ang pinag-uusapan ninyo?” at tumigil silang nalulumbay. Sinabi ng
isa na nagngangala’y Cleopas, “Kayo lamang po yata ang dayuhan sa Jerusalem na
hindi nakakaalam ng mga bagay na katatapos pa lamang mangyari roon.” “Anong mga
bagay?” tanong niya. At sumagot sila tungkol kay Hesus na taga Nazaret, isang
propetang makapangyarihan sa gawa at salita, maging sa harap ng Diyos at ng mga
tao. Isinakdal siya ng aming mga punong saserdote at mga pinuno upang mahatulang
mamatay, at siya ay ipinako sa krus. Siya pa naman ang inaasahan naming magpalaya
sa Israel. Hindi lamang iyan ikatlong araw na ngayon mula ng mangyari ito; nabigla kami
sa ibinalita ng ilan sa mga babaing kasamahan namin. Maagang maaga raw silang
nagpunta sa libingan at di nila natagpuan ang kanyang bangkay. Nagbalik sila at ang
sabi’y nakakita raw sila ng isang pangitain ng mga anghel na nagsasabing buhay si
Hesus. Pumunta rin sa libingan ang ilan sa mga kasamahan namin at gayon nga ang
natagpuan nila, ngunit hindi nila nakita si Hesus.” Sinabi sa kanila ni Hesus, “Kay
hahangal ninyo! Ano’t hindi ninyo mapaniwalaan ang lahat ng sinasabi ng mga propeta.
Hindi ba’t ang Mesiyas ay kailangang magbata ng lahat ng ito bago niya kamtan ang
marangal niyang katayuan?” At ipinaliwanag sa kanila ni Hesus ang lahat ng nasasaad
sa kasulatan tungkol sa kanyang sarili, simula sa mga aklat ni Moises hanggang sa mga
isinulat ng mga propeta.
Malapit na sila sa nayong kanilang patutunguhan at si Hesus ay waring magpapatuloy
pa ng lakad. Ngunit sila’y pinakapipigil-pigil nila. “Tumuloy na po kayo rito sa amin,
sumama nga siya sa kanila. Nang siya’y kasalo na nila sa hapag dumampot siya ng
tinapay at nagpasalamat sa Diyos saka pinaghati-hati at ibinigay sa kanila. Nabuksan
ang kanilang mga paningin at nakilala nila si Hesus, subalit ito’y biglang nawala. At
nawika nila, “Kaya pala gayon ang pakiramdam natin habang tayo’y kinakausap sa daan
at ipinaliliwanag sa atin ang kasulatan!” Noon di’y tumindig sila at nagbalik sa Jerusalem.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
R. Pinupuri ka namin Panginoong Hesu-Kristo.
Umupo ang lahat para sa tahimik na pagninilay.
Liwanag ng Aming Puso
Liwanag ng aming puso sa ami’y manahan ka.
Ang init ng yong biyaya sa ami’y ipadama.
Patnubay ng mahihirap o aming pag-asa’t gabay
sa aming saya at hapis tanglaw kang kaaya-aya.
Liwanag ng aming puso sa ami’y manahan ka.
Kandili mo ang takbuhan noong unang-una pa.
Pawiin ang aming pagod ang pasani’y paggaanin
minamahal kong kandungan sa hapis kami hanguin.
Luluhod ang lahat para ipanalangin ang intension ng Santo Papa
Ama namin…. Aba Ginoong Maria…Luwalhati….

PANALANGIN SA PAGKILALA SA PAGTANGGAP SA PANGINOON


Lahat: Aking buong pusong tinatanggap ang tunay na katawan na isinilang ng Birheng
Maria, ang katawang nagpakasakit at naihain sa krus para sa sangkatauhan. Ang
katawang nasugatan sa tagiliran at binukalan ng dugo. Ito nawa’y maging pagkain
nagbibigay lakas sa oras ng kamatayan. O katamis-tamisan at kabanal-banalang Hesus,
aming hari anak ni Maria. O modelo ng mabathalang kababaang loob at pagsunod
marapatin mo akong matulad sa iyo. O ganap na halimbawa ng pagpapakasakit at
kalinisan marapatin mo akong matulad sa iyo. O Hesus payak at matiyaga marapatin
mo akong matulad sa iyo. O Dakilang halimbawa ng pag-ibig at malinis na hangarin,
marapatin mo akong matulad sa iyo.
PANGWAKAS NA PANALANGIN
Panginoon namin at Diyos, mapagindapat nawa kaming laging makapagbigay ng
pangaral sa pamamalagi ng Kordero na inihain para sa aming kaligtasan. Pagkalooban
nawa kami ng pitak ng kanyang luwalhati dahilan sa aming pananampalataya, siya na
nabubuhay at naghahari ngayon at magpakailanman.
Namumuno: Sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.
Bayan: Amen
(Kung may paring namumuno, siya ang magagawad ng pagbabasbas)

You might also like