You are on page 1of 6

Taliwas na Kapalaran

Sa isang hindi kilalang lugar ng mga iskwater sa Santa Cruz, Maynila nakatira ang mag-anak na
Santos. Hindi maikakailang makikitaan ng kahirapan sa lugar na iyon. Ang mga tabi-tabing barong
barong na bahay na nandoon ay nunkang maaaring bumigay sa isang ihip lamang ng hangin. Bagkus sa
katotohanang ito, hindi pa rin maikukubli ang kasiyahan sa mukha ng mga paslit na naglalaro ng
tumbang preso sa tabing daan gayundin ang mga matatandang babae na nagkukuwentuhan sa tabi ng
basketball court ay masayahang naghuhuntahan at naghahalakhakan sa kanilang iba’t ibang kwentong
maaaring mga haka haka lamang. Hindi mo rin dapat makalimutan ang mga lasenggerong nag iinuman
nanaman kahit umagang umaga pa lamang sa kanto ng tirahan ng mga Santos. Wala man silang
marangyang buhay at minamaliit ng mga may kayang tao, may kanya-kanya silang pamamaraan kung
paano harapin ang buhay hindi man ito makabuluhan sa paniniwala ng ibang tao.
Maagang gumising ang dalawampu’t-anim na taong gulang na si Leonardo Santos ng araw na iyon upang
ipaghanda ng umagahan ang kanyang apat na anak. Isa-isa niya itong ginising matapos ihanda ang
sinangag na kanin, delatang sardinas, isang pritong itlog at apat na tuyo na paghahati-hatian ng kanilang
buong pamilya. Nakakaraos naman sa pangaraw-araw na pagkain ang mag-anak na Santos dahil sa
pagiging isang tubero ni Leonardo kahit na wala na ang nagsisilbing ilaw ng kanilang tahanan. Isang
buwan na ang nakakalipas noong umalis si Nita na asawa ni Leonardo sa kadahilanang napakahirap ng
buhay sa piling nito na kaibahan sa pinangakong pangarap na buhay ng asawa bago sila magpakasal.
Hindi na kinayang tiisin pa ni Nita ang estado ng kanilang pamumuhay kaya’t umabot na sa puntong pati
kanyang sariling mga anak ay nagawa niyang iwanan at kalimutan dahil sa buhay na hindi naman
kailanman kanyang pinangarap. Mahirap ngunit kailangan tanggapin ni Leonardo na hindi niya kayang
abutin ang minimithing mangyari ng asawa kaya’t hinayaan na lamang niya ito. Hindi man madali ang
maging ina’t ama sa mga anak ay gagawin niya sapagkat mahal na mahal niya ang mga batang ito, hindi
niya kakayanin kapag may nangyaring masama dito na maaaring maging sanhi ng kanyang kamatayan.
Malalim ang iniisip ni Leonardo nang tumunog ang kanyang lumang selpon hudyat na mayroong text
message. Masayang ibinalita ng kanyang kapatid sa pamamagitan ng mensaheng na tanggap na
mayroong gustong kumuha sa kanya upang magkumpuni ng sirang gripo sa bayan. Matapos ang
umagahan, sinabihan ng lalaki ang mga anak na maligo at magbihis na upang maihatid na niya ito sa
kanilang mga sari-sariling paaralan.
Lumabas mula sa barong barong si Leonardo upang ihanda ang tricycle na nasa harapan lamang ng
kanilang mismong bahay. Matapos tanggalin ang kadena nito na nagsisilbing proteksyon sa maaaring
mga magnanakaw, siniyasat niya kung makakarating pa ba ang naturang laman na gas sa eskuwelahan ng
mga anak at sa bayan. Kailangan niyang pakaingatan ang nasabing sasakyang pangtransportasyon
sapagkat hiniram lamang niya ito sa nakatatandang kapatid upang maging silbing service sa trabahong
mayroon siya. Malaking tulong ang naibibigay ng tricycle na ito sa buhay nila ng kanyang mga anak
sapagkat bilang mga taong hindi sagana sa kayamanan, hindi na niya dapat pang hayaan na maraming
pumasok na gastos sa kanilang pangaraw-araw na gastusin katulad na lamang ng mauubos niyang pera
mula sa pabalik-balik na byahe sa iba’t ibang bahay na kanyang pagseserbisyohan. Hindi niya dapat
maaaring palagpasin ang mga oportunidad na makapagtipid hanggang sa kanyang makakaya. Karagdagan
dito, nasisigurado pa niyang ligtas at komportable ang pagpunta at paguwi ng kanyang mga anak sa kani-
kanilang mga klase.
Makalipas lamang ang ilang minuto ay dumating ang kanyang kaibigan at kapitbahay na si Anna na
hinihingan niya ng pabor sa tuwing siya ay magtatrabaho upang alagaan ang kanyang dalawang bunsong
anak na sina Maris at Mark. Si Maris ay apat na taong gulang na at sa kabilang banda si Mark naman ay
isang taong gulang pa lamang.
“Salamat talaga Anna sa iyong tulong sa pamilya namin. Nakakaalis tuloy ako ng bahay ng walang
pagaalala”
“Walang anuman, Leonardo. Ikaw talaga. Para ko na ring mga anak ang mga batang iyan kaya’t
masaya akong naaalagaan sila.”
Ngumiti si Leonardo sa naturan ng kaibigan at tinawag na ang dalawa pang anak na papasok pa at
kanyang ihahatid sapagkat baka siya ay mahuli na sa pinagkasunduang oras ng serbisyo sa bayan. Ito ay
sina Ailyn na siyam na taong gulang na siyang nagsisilbing panganay habang si Maria naman ay anim na
taong gulang. Pagkalabas na pagkalabas ng dalawang anak ay siyang kanilang pagalis na sa lugar na
iyon.
Matapos ang paghatid at pagdating sa bahay ng kanyang pagtatrabahuhan ay dali-daling nagsimula si
Leonardo. Naiisip niyang hindi dapat sayangin ang kahit na isang segundo ng kanyang oras dahil marami
pang nakaatang na responsibilidad ang kanyang dapat gawin sa kanilang tahanan.
Nang makauwi siya kinagabihan sa kanilang tahanan ay kaagad niyang natagpuan ang kanyang mga anak
sa sala. Huminto si Leonardo sa pintuan ng kanilang bahay at may ngiting inilibot ang mga paningin. Si
Maria ay nilalaro ang kanyang bunsong kapatid na si Mark sa harap ng kanilang maliit na tv habang si
Ailyn naman ay nagaaral sa isang maliit na lamesa sa gitna ng kanilang bahay na siya ring kanilang
hapagkainan. Lahat ay isasakripisyo niya makita lamang araw-araw ang ganitong klase ng imahe ng
kanilang tahanan na parang mahikang nakapagtatanggal ng pagod at hirap kay Leonardo. Limang
kabahayan ang kanyang napuntahan ng araw na iyon. Gusto man niyang tumanggi para makauwi agad sa
mga anak ay hindi niya magawa dahil minsan lamang ang mga pagkakataong katulad noon na
makakapagbigay na sa kanila ng dalawa hanggang tatlong linggong sapat na pangtustos sa pagkain, kaya
tinawagan na lamang niya si Anna upang siyang maging gabay sa mga anak na nasa bahay hanggang siya
ay makauwi. Mula sa kusina ay nakita ni Leonardo na papunta si Anna sa kanyang anak na si Maris. Si
Maris ay nakayuko naman sa lamesa na katabi ni Ailyn sa kanyang kanang bahagi. Nawala ang ngiti ni
Leonardo at mabibigat ang paang nagtungo sa kinalalagyan ng nasabing anak. Saka lamang siya napansin
ng mga bata ng maglakad siya palapit sa nakayukong anak, sabay-sabay itong naglapitan at masayang
yumakap dito maliban kay Maris na talagang hindi natinag sa pagkakayuko. Niyakap at hinalikan niya
muna ang tatlong anak bago pinagpatuloy ang muling paglapit kay Maris. Matamlay na ngumiti si Anna.
“Mga isang oras pagkatapos mong umalis ay nahihilo at pawis na pawis sa hindi malamang
dahilan si Maris. Hindi ko na sinabi sa iyo dahil natatakot akong baka magalala ka ng husto at
hindi mo na tanggapin ang trabahong dapat na pupuntahan mo kanina ng tumawag ka sa akin.”
Nagaalala at natatakot na sinapo niya ang kanyang anak. Dati nang ito ay dalawang taong gulang pa
lamang ay sakitin na talaga ngunit ito na lamang ulit ang unang beses simula ng huli nitong pagkakasakit
noon.
“Pinainom mo na ba siya ng gamot?”
“Kakapainom ko pa lamang ng gamot ngayon gabi kaya maaaring humupa na iyan mamaya.
Leonardo, kanina rin maliban sa ubo siya ng ubo ay nahihirapan daw siyang huminga.”
Binuhat ni Leonardo si Maris patungo sa banig na nakalatag na hindi kalayuan mula sa pinaglalagyang
lamesa pagkatapos ay nagpaalam kay Anna na bibili lamang ng gamot sa bayan. Kinagabihan, awa ng
Diyos ay naging maayos na ang kalagayan ni Maris kaya walang pangambang natulog siya katabi ang
kanyang mga anak.
Mula sa mahimbing na pagkakatulog, nagising na lamang si Leonardo ng may humihila sa kanyang
damit pangtaas. Nang tumingin siya sa kanyang kaliwa na pinanggagalingan ng matiyagang kamay na
ito, natagpuan niya si Maris na pawis na pawis habang umiiyak at nakahawak sa kanyang dibdib na
mukhang hirap na hirap dahil sa sakit na nangmumula rito. Dali-dali itong bumangon sa pagkakahiga at
dinalo ang kanyang anak.
Naiiyak na hinaplos niya ang kanyang anak sa mukha nitong binabalot ng sakit at lungkot. “Anak? Ano
ba ang nangyayari sa iyo? Dadalin kita sa ospital, anak. Sandali lamang.” Nanginginig na hinanap ni
Leonardo ang kanyang selpon at lumabas ng bahay upang ihanda ang kanilang tricycle. Muntikan pa nga
siyang madulas at mabagok sa pagmamadaling lumabas ng bahay. Habang hinahanda ang sasakyan,
tinawagan ni Leonardo ang kaibigang si Anna upang magkaroon ng bantay ang tatlong anak na maiiwan
sa kanilang bahay. Hindi na inalala pa ni Leonardo ang kanyang itsura na nakasuot lamang ng boxer
shorts at dali-daling binuhat ang anak patungong ospital.
Makalipas lamang ang labing limang minuto ay nakarating na agad si Leonardo sa Angeles Hospital na
kung tutuusin ay apat na pung minuto ang layo mula sa iskwater na kanilang tinitirhan. Rumaragasang
pumasok ang lalaki sa emergency room habang sumisigaw ng tulong sa mga doktor na ilang segundo
lamang ay tumatakbong lumapit na sa kanila. Namimilit pa rin ang batang si Maris sa sakit nang ito ay
kinuha ng mga nars mula sa kanyang mga braso.
Dumaan sa iba’t ibang check up at operasyon si Maris. Si Leonardo ay nakaupo lamang sa waiting area
habang hinihintay ang anunsyo ng doktor kung ano nga ba ang sakit ng kanyang anak. Hindi mapakaling
tumayo mula sa pagkakaupo at lumakad pabalik-balik ang lalaki. Ilang beses na atang ganito ang
kalagayan ni Leonardo simula ng kanilang pagdating sa ospital na iyon. Makalipas ang sampung minuto,
lumabas na ang doktor mula sa kaharap niyang kwarto.
“Kayo po ba si Mr. Santos?” Tumango lamang siya sa katanungang iyon ng doctor at pawang walang
gustong lumabas na salita sa kanyang bibig dahil sa kaba sa mga susunod na sasabihin nito. Sana po ay
hindi malala ang sakit ng aking anak.
Mabilis ang panahon at mabilis din ang gastos sa pamilyang Santos simula ng araw na iyon. Lumipas ang
ilang araw na naging buwan ngunit nanatili pa ring nasa ospital si Maris. Hindi na nga mabilang kung
sino-sino ang mga inutangan na kamag-anak at kaibigan ni Leonardo upang may pang tustos sa
pagpapagamot nito. Hindi maikakailang baon na sa utang ang pamilyang Santos. Kinaumagahan noon,
kakarating lamang ni Leonardo sa ospital mula sa kapamilya niya sa malayong bayan ng Bulacan upang
mangutang, ngunit sa kasamaang palad wala siyang napala mula sa mga ito. Sa mga nagdaang araw,
napakahirap na para kay Leonardo ang mangutang ng salapi. Umupo si Leonardo sa tabi ng kanyang
anak na si Maris at matamlay na tinitigan ito. Pawang nabura ang pagod at pagaalala ng lalaki sa mga
suliranin ng makita niyang gumagaling na ang kanyang prinsesa na payapang natutulog sa kanyang
harapan. Wala ng mas importante pa sa pangalawang pagkakataon na makita niyang muli ang mga
nagliliwanag na ngiti nito sa labi.
Nagising si Leonardo mula sa isang mainit na kamay na humaplos sa kanyang pisngi. Dahan-dahan
niyang minulat ang kanyang mga mata at iniangat ang ulo mula sa pagkakayuko sa gilid ng kama ng
ospital ng kanyang anak. Pinagsamang galak at pagkagulat ang yumapos sa puso niya ng makita ang
matatamis na ngiti mula sa labi ng prinsesa niya. Mabilis niya itong niyakap at hinalik-halikan sa buong
mukha nito bago tawagin ang doktor na nakatalaga dito. Kahit na siya ay maghirap buong buhay niya,
basta’t kapiling niya ang kanyang mga anak sa araw-araw ay katumbas at maaaring higit pa iyon sa
limpak limpak na salapi.
Ngunit pawang pinaglalaruan ng tadhana ang buhay ni Leonardo. Pagkatapos ng kanilang madamdaming
senaryo ng babaeng anak ay siya namang pagtunog ng kanyang selpon sinyales na mayroong tumatawag
dito. Sa tuwa’t galak na ipabatid sa kaibigang si Anna na maayos na si Maris ay mabilis niyang sinagot
ang tawag nito subalit isang nakakagimbal na balita ang bumungad sa kanya na parang magiging sanhi ng
pagwasak ng kanyang mundo bago pa niya maipabatid ang nais niyang sabihin. Nasagasaan ang kanyang
bunsong anak na si Mark ng tricycle sa labas ng kanilang tahanan at papunta na ang mga ito sa ospital
kung saan siya naroroon.
Mabilis ang mga pangyayari, si Mark ay kasalukuyan ng nasa ospital at nasa isang malubhang kalagayan.
Kailangang maoperahan agad-agad ang napuruhang ulo nito sa lalong madaling panahon kung hindi ay
mamamatay ito. Napakalaking halaga ang kailangan upang maumpisahan ang operasyon ngunit kahit na
anong pagmamakaawa at pagiyak sa harapan ng mga doktor at nars, matigas ang desisyon ng mga ito na
hindi nila gagawin ang operasyon hanggat hindi ito bayad sa lahat ng gastusin. Ginawa na ni Leonardo
ang lahat ngunit wala talagang kamag-anak o kaibigan manlang ang nagnanais na tumulong sa kanya
maski man si Anna rin na kanyang kaibigan ay walang wala na rin. Umiiyak na tinitigan ng lalaki ang
anak na nasa loob ng kwarto at umiisip ng iba pang paraan upang magkaroon ng pera, ngunit isa lamang
ang pumapasok sa kanyang isipan na alam niyang magpapabago ng buong buhay niya. Napapailing at
nanggigigil na inuntog ng lalaki ang kanyang ulo sa pader, hindi nya dapat iniisip ang mga ganoong
bagay lalong lalo na sa ganitong sitwasyon ng kanyang bunsong anak. Hindi matutuwa ang kanyang anak
kung malalaman nito na ang nagpagaling sa kanya ay mula sa maduming kamay.
Muling bumalik si Leonardo sa kanyang mga kamag-anak upang magbakasakali, ngunit isa lamang ang
sagot ng mga ito: “Wala na kaming pera, Leo. Parang awa na, may pamilya din kami na
binubuhay.” Magulo na ang isip ng lalaki ng mga oras na iyon. Wala na siyang maisip na tamang gawin.
Isa lamang ang pumapasok sa puso’t isipan ng lalaki at ito ay ang magkaroon ng pera upang mabuhay
ang kanyang anak. Nataon na napadaan si Leonardo sa isang seminaryo na ilang minuto lamang ang layo
sa ospital kung nasaan ang kanyang anak. Habang naglilibot ang kanyang mata sa buong lugar, natuon
ang kanyang pansin sa gintong relikya ng simbahan na nasa loob ng seminaryo. Ang alam niyang ang
pagkasagrado ng relikya na iyon ay ang nagpapamahal dito maliban sa gawa ito sa ginto. Alam niyang
napakasama ng kanyang iniisip ngunit wala na siyang maisip na iba pang solusyon. Parang binuhay ng
demonyo ang kanyang isip upang gumawa ng hindi kanais-nais para sa hangarin na mapagamot ang anak.
Isa lamang ang rason kung bakit pa siya nabubuhay sa mundong ito at ito ay walang iba kung di ang mga
anak. Wala na siyang pakielam pa sa ibang bagay basta mabuhay ang kanyang anak.
Biglang pumasok ang ngiti ng kanyang mga anak na nagpagising sa nilulukob na kanyang puso. Marahas
na iniwaglit ni Leonardo ang kanyang tingin mula sa relikya at tinampal ang mukha. Ano bang
kawalangyaan ang iniisip niya? Hangga’t maari ay hinding hindi niya dapat gawin ang isang bagay na
pagsisisihan niya habang buhay. Aalis na sana siya sa harapan ng seminaryong iyon ngunit may isang
kamay at boses na nagpahinto sa kanyang pag-abante.
“Oh ikaw pala iyan, Leonardo. Mabuti’t nandito ka dahil kailangan nanaman namin ng tubero
dahil sira nanaman ang gripo ng aming lababo sa loob.”
Ang boses at kamay na iyon ay galing pala sa isang pari mula sa seminaryong kanyang nasa harapan.
Kilala na siya ng mga tao sa bayan bilang isang tubero kaya’t hindi na kagulat-gulat pang kilala rin siya
ng mga pari dito sa seminaryong ito. Sasagutin na sana ito ni Leonardo na wala siyang panahon na dapat
aksayahin sa pagtatrabaho bilang isang tubero ng biglang may tumawag sa kanyang selpon. Walang
paglagyan ang kabang nadarama ngayon ni Leonardo bago sagutin ang tawag ng kanyang kaibigan.
“Leo! Nasaan ka ba?! Malala na ang kalagayan ni Mark! Hindi ko alam ang gagawin! Ayaw
siyang operahan! Leo! Mamamatay na si Mark!”
Si Leonardo ay dahan dahang napatingin ulit sa gintong relikya na di kalayuan sa kanyang kinatatayuan.
Nauutal na nabanggit niya ang mga katagang ito. “Gagawa ako ng paraan, Anna. Sabihin mong
pagdating ko dyan ay mayroon na akong pera kaya’t operahan na nila ngayon din ang aking
anak!” Hindi na nga alam ni Leonardo ang ginagawa ng katawan sapagkat matapos sabihin ang mga
katagang iyon ay tinitigan niyang muli ang relikya. Takot ang bumabalot sa puso ng lalaki sa isipang
mamamatay ang kanyang anak. Walang pagaatubiling pumayag ito sa alok ng pari sa seminaryong iyon.
Tinahak ni Leonardo ang simbahan ng makapasok siya bilang isang tubero, nagdire-diretso ang mga paa
ni Leonardo patungo kung saan nakalagay ang relikya ng simbahan habang ang nasa isip lamang ay ang
nakalatay na bunso sa puting kama ng ospital na iyon. Hindi niya hahayaang may mangyaring masama sa
anak lalong lalo na sa murang edad nito. Natagpuan na lamang niya ang sariling hawak ang relikya at
palabas na ng simbahan ng seminaryo.
Parang isang mabilis na kidlat at masamang panaginip ang mga pangyayari. Natagpuan na lamang ni
Leonardo ang sarili sa kulungan kasama ang iba pang kriminal sa kanilang lugar. Hindi pa nakakalayo
noon si Leonardo mula sa gate ng seminaryo nang isigaw ng isang babae ang mga katagang
“Magnanakaw! Hulihin niyo sya!” Ginawa niya ang lahat upang makatakas sa mga humabol sa kanya
ngunit pawang itinakdang siya ay mahuli ng mga ito para makulong.
Walang ibang iniisip si Leonardo kung di ang mga anak kaya’t hindi siya mapakali. Gusto niyang
malaman kung ano na ang nangyari sa kanyang anak. Isang malaking suntok ang kanyang binatawan sa
pader ng kulungan na iyon. Ano ba ang nangyayari?! Mamamatay na nga ang kanyang anak, narito pa
siya sa kulungan. Hindi maaaring mamatay ang kanyang anak, hinihiling niya na sana ay may awa pa ang
Diyos at buhayin ang anak, siya na lamang sana ang kunin nito kung maaari.
Labing limang minuto ang nakaraan ng siya ay palabasin ng pulis mula sa selda sa kadahilanang mayroon
daw siyang bisita. Tumambad sa kanyang paglabas ang namamagang mukha ng kaibigang si Anna na
bunga ng matagalang pagiyak at paghihinagpis. Sa pagkakataong iyon, parang biglang tumigil ang
mundo ni Leonardo. Hindi pa nakakapagsalita ang kaibigan ay parang may dumaloy na komunikasyon sa
kanilang mga mata na naging dahilan kung bakit ganoon ang itsura ng kaibigan ngunit pawang ayaw
tanggapin ng kanyang isip, damdamin at kaluluwa. Nanlulumong napaluhod si Leonardo sa harapan nito
at binalot ng sigaw ng pagdadalamhati ang buong kapulisan mula sa pagiyak ng lalaki. “Anna hindi
maaari! Hindi! Hindi patay ang anak ko! Hindi!” Walang ibang nagawa ang babae kung di ang
umiyak na lamang din sa harapan ng lalaki. Kung hindi pa lumapit ang mga pulis ay muntikan pang
makasakit si Leonardo dahil sa pagwawala.
“Leonardo, huwag mo hayaang matapos ang iyong buhay sa kulungang ito. Baguhin mo ang iyong
sarili kasama ang Diyos.” Tatlong araw na ang nakakalipas simula ng siya ang makulong ngunit hindi
pa rin niya nakikita o nasisilayan manlang ang anak na nakaburol sa kanilang tahanan. Tatlog araw na rin
siyang parang patay na kaluluwa ngunit buhay sa panglabas na anyo. Gusto niyang makita ito. Nagnanais
siyang kahit na sa huling sandali’y makasama niya ang bunsong anak. Napatingin siya sa pari na nasa
kanyang harapan, ito ang paring nagpapasok sa kanya sa loob ng seminaryo. Ito ay tatlong araw na ring
pabalik-balik dito upang siya ay pilitin sa kagustuhan nito kapalit ng paglaya. Noong una’y nagtitimpi pa
siya sa kadaldalan nito ngunit ngayon ay naririndi na siya at hindi niya maintindihan kung bakit ganoon
na lamang ang tiyaga nitong papayagin siya. Nginisihan lamang niya ang matanda. Poot at galit lamang
ang laman ng kanyang dibdib. “Diyos ba padre? Diyos? Walang Diyos!” Nagdadabog na tumayo ang
lalaki papuntang selda. “Wag mo hintaying magalit ako ng sobra, padre. Baka makalimutan kong
isa kang pari.” Matiim na nakipagtitigan lamang ang pari sa kanya habang sinasabi niya ang mga
salitang iyon. Ang mga titig ng pari ay parang isang apoy na nakakapaso kaya’t siya ang unang lumihis
ng tingin. Ang mga tingin nito ay mistulang hinihila siyang sumama dito na nagsusumamong pumayag
siya sa mga kahilingan nito ngunit masyadong mahigpit ang pagkakasarado ng kanyang puso kaya
ganoon na lamang kadali para sa kanya ang ipagsawalang bahala ang mga ito. Walang maloloko ang
matandang iyon dito. Kung may Diyos, hindi nya hahayaang masagasaan ang isang taong bata na di
kalaunan ay namatay dahil sa kawalan nila ng pera. Kung mayroon talagang Diyos, hindi niya dapat
hinayaang maging ganito kamiserable ang buhay niya maski ng kanyang mga anak. “May plano ang
Panginoon sa atin, Leonardo. May dahilan ang maagang pagkuha niya sa iyong bunsong anak na
si Mark. Huwag mo sanang hayaan na mabuhay ang demonyo ng matagal sa iyong puso.
Hinihintay ka ng Panginoon aking anak.” Narinig man ng malinaw ni Leonardo ang mga salitang iyon
ay hindi ito naging dahilan upang mabago ang nararamdamang lungkot at pagkamuhi sa kanyang
puso.Nanggigigil na hinilamos ni Leonardo ang kamay sa mukha ng makapasok sa cr ng kulungang iyon.
Isang gabi nanaman ang lumipas. Pangapat na araw na niya sa kulungang iyon. “Leonardo, tanggapin
mo nalamang ang kahilingan ni Padre Hermono. Huling araw na ng burol ng iyong anak ngayon,
hindi mo ba gustong makita ang iyong anak? Huwag ng matigas ang ulo. Kung alam lamang ito ni
Mark ay hindi ito matutuwa sa mga pinaggagawa mo.” Kumirot nanaman ng puso ni Leonardo ng
mabanggit ang kanyang butihing anak. Gusto nyang magalit sa kaibigan dahil sa walang habas na
pagbanggit nito ng pangalan ng kanyang anak, wala naman itong alam sa nararamdaman niya kaya’t
parang ang dali lamang dito na magdesisyon ngunit hindi na lamang siya nagsalita bilang pagrespeto sa
lahat ng naitulong ng kaibigan. “Leonardo, kahit para sa mga anak mo. Magbagong buhay ka.”
Sa hindi maintindihang pangyayari natagpuan na lamang ni Leonardo ang sarili sa labas ng selda kasama
ang napakakulit na pari makalipas ang tatlong oras mula ng kanilang pag uusap ni Anna. Isa lamang ang
kanyang mithiin ng siya ay makalabas, ito ay ang masilayan muli ang mga anak. “Anak, iiwan na kita
mula rito ngunit alam kong magkikita pa tayo at hihintayin ko ang araw na iyon ” Napailing na
lamang siya sa paring kanyang kaharap dahil hindi niya maintindihan ang sinasabi nito.
“Mayroon akong isang katanungan, padre.”
“Ano iyon anak?” Nakangiting sumagot ang pari na sinuklian lamang niya ng walang emosyong sagot.
“Kayang kaya kong ulitin muli sa seminaryo ang ginawa ko ng araw na iyon. Bakit ganoon na
lamang ang tiwala mo sa akin kung gayong ikaw na mismo ang nakasaksi ng aking pagnanakaw?
Maaaring ang paglabas mo nito sa akin ang magdulot ng isa pang muling krimen.”
“Anak, alam ko na alam mo sa sarili mo kung bakit kita pinagkakatiwalaan ngayon. Sige na anak,
pumunta ka na sa iyong patutunguhan. Nawa’y huwag maging matagal ang iyong pagbalik sa
seminaryong aking kinalalagyan” Napatitig na lamang siya sa mukha ng pari. Hindi man niya ito
maintindihan ngunit bakit parang mula sa sulok ng kanyang puso’y hinihiling niya na sana ay tama ito sa
pananaw nito sa kanya. Sana ay mayroon pang magandang buhay ang naghihintay sa kanya ng hindi niya
inaasahan na magiging dahilan ng paglimot niya sa malungkot na nakaraan.
Hindi kagaya ng mga nagdaang buwan na nagmistulang isang kidlat sa bilis, ang mga araw matapos
ilibing ang kanyang anak na si Mark at mahiwalay sa tatlong anak ay unti-unting paghila sa kanyang
kamatayan. Ang kanyang tatlong anak ay kasalukuyang nasa DSWD. Sa kanyang kalagayan at sitwasyon
ngayon, naniniwala rin siyang wala siyang kakayahanag palakihin ang mga ito kaya’t wala siyang lakas
ng loob na kunin ito. Ang isang kriminal na katulad niya ay walang karapatang maging ama sa kanyang
mga anak. Ang oras ay parang hindi kumikilos upang ipaalala sa kanya ng paulit-ulit ang kasamaang
kanyang ginawa upang siya’y parusahan.
Ang kanyang mga paang pawang may mga sariling isip ay nagtungo sa harapan ng seminaryong kanyang
nagawan ng isang krimeng nagpabago ng malaki sa kanyang buhay. Ano ba ang plano mo sa akin,
Panginoon? Ano na ba ang aking dapat na gawin? Hanggang dito na lang po ba ang kwento ng aking
buhay?Maaari bang malaman ko na dahil pakiramdam ko ay wala akong kwenta sa mundo at wala
akong kahit na karapatang mabuhay pa.
“Leonardo, ikaw na pala iyan. Natutuwa ako’t naging mabilis ang iyong pagbabalik. Halika na at
ikaw ay pumasok.”
Ilang segundo, minuto, oras, araw, buwan at taon ang lumipas kay rami nang nangyari matapos ang
nakalipas na insidente. Si Leonardo na nalugmok at naghinagpis. Si Leonardo na nabalot ng galit at
pagkasuklam. Si Leonardo na nawalan ng anak. Si Leonardo na isang ama. Si Leonardo na hindi
malaman ang kanyang misyon sa buhay ay ngayon nang naging huwaran sa paggawa ng mabuti sa
kanilang bayan. Dalawang taon na ang nakalipas. Dalawang taon na rin siyang nakatira rito sa mismong
seminaryong kanyang ginawan ng kasalanan. Ang seminaryong naging lugar ng kanyang krimen ay siya
ring lugar ng kanyang muling pagiging isang mabuting tao, kapwa at ama.
Matapos ang pangyayaring iyon ay nagsimula na ang panibagong yugto ng kanyang buhay na kung saan
si Leonardo ay unti-unting nagbago sa loob ng kanyang pamamalagi sa loob ng seminaryo bilang isang
tubero at lingkod ng simbahan. Si Leonardo ay bumalik sa pagiging tubero, ngunit hindi lang basta-basta
pagiging tubero. Isa siyang tubero ngayon na nagbibigay ng libreng serbisyo hindi lamang sa
seminaryong nagsilbing kanyang tirahan at gabay sa mga nagdaang panahon kung di sa kanilang buong
bayan. Hindi mo rin masasabing isa siyang normal na tubero lamang kundi isa ring taga paglaganap ng
salita ng Diyos sa bawat tirahan na kanyang nakukumpuning sirang gripo. Kung nanaisin mo din ang
kahit na anong kanyang tulong ay buong puso niyang gagawin ang lahat ng makakaya upang makatulong
sa iyo. Hindi man naging kaaya-aya ang kanyang nakaraan ngunit ang pangyayaring iyon ang naging
dahilan upang mas maging makabuluhan at matatag na tao siya sa mga dadarating pang mga pagsubok at
tukso sa kanyang buhay. Ngayong siya ay dalawampu’t walong taong gulang na, gagawin niya ang lahat
ng kanyang makakaya upang maging isang modelong ama at hindi isang kriminal na ama. Sa hinaba-
haba ng dalawang taon nagkaroon na siya ng lakas na loob maging isang ama ulit sa kanyang mga
naghihintay na mga anak. Salamat po, Panginoon.

You might also like