You are on page 1of 3

ABC PRESIDENT MARTIN ANGELES: Lider ng Kapayapaan at Kaayusan, Ama ng

Barangay sa Kahusayan
Ni Crisanta Alona manuel, AGSNHS Correspondent

Katuwang sa pag-unlad ng bayan ng Bustos ang mga pinunong handang ilaan ang
kanilang panahon at oras sa paglilingkod. Mula sa punong bayan, pangalawang punong bayan, at
mga kasapi ng Sangguniang Bayan, sila ang iniluklok ng mamamayan upang maging kinatawan
sa pagbibigay ng serbisyong tapat, maaasahan, at mapagkalinga.
Kaisa ng mga opisyal ng bayan at kasamang lider sa kapayapaan at kaayusan ang bawat
barangay. Ang mga punong barangay, kasama ng mga kagawad ay nagkakaisa upang makamit
ang mithiin ng isang Magandang Bustos.
Dahil sa pagkilala ng ambag sa bayan ng mga pinuno sa barangay, napiling iluklok ng
liga ng mga kapitan, o Association of Barangay Captains (ABC) sa ating dakilang bayan ang
isang taong hindi lamang nakikinig sa bawat hinaing ng Bustosenyo, kundi matiyagang
tumutupad sa mga tungkuling sa kaniya’y iniatang. Siya ang mapagkaibigan at masayahing Ama
ng Barangay Liciada, isang taong hindi matatawaran ang pagmamahal sa ating baying sinta—
siya si Kapitan Martin SJ. Angeles, o Kap Martin sa kaniyang mga ka-barangay.
Isinilang at lumaki si Kap Martin sa barangay Liciada, Bustos, Bulacan. Ipinanganak man
sa mahirap na buhay, ito ang nagbigay-daan sa kanya upang magsumikap at marating ang
tagumpay. Masayang sinagot ng pangulo ng ABC ang tanong ng Bustosenyo Correspondent
Team matapos ang isang programa kaharap ang kanyang mga kabarangay noong Oktubre 2.
Sa aming panayam, napag-alaman namin kung paano nagsimula si Kap Martin sa
larangan ng pamumuno. Dahil sa pagiging huwarang indibidwal ng barangay Liciada, at naging
simbolo ng sipag at tyaga, napili niyang sagutin ang tawag ng panunungkulan at tumakbo bilang
kapitan ng barangay noong 2013. Dahil sa kanyang malinis na hangarin at malinaw na plano para
sa kanyang barangay, pinili siya ng mga Liciadeño upang harapin ang hamon ng paglilingkod.
Taong 2016 naman, sa kanyang ikalawang termino, iniluklok siya ng kapwa niya mga kapitan sa
buong bayan ng Bustos bilang kanilang kinatawan sa Sangguniang Bayan, bilang Pangulo ng
Liga ng mga Barangay.
Inalala ni Kap Martin sa aming pakikipagtalakayan ang mga panahong sila’y walang
wala, mga panahong silang 12 magkakapatid ay naghahanap ng paraan upang magkaroon
lamang ng pagkain sa maghapon.
“Naaalala ko pa noong maliit pa kami, magpupunta ang kuya ko sa tindahan ng kamag-
anak namin sa Liciada. Magtatanong ang kuya ko kung maaari ba kaming umutang ng bigas, o
humingi. Hindi ko makakalimutan ang mga sandaling iyon ng aming buhay.”
Dahil sa kahirapan ng buhay noon, naranasan ni Kap Martin na mag-ulam ng toyo upang
hindi makadagdag pa sa gastos ng mga magulang. Isa ito sa mga karanasan ni Kap Martin na
nagpaliyab sa kanyang hangaring mabigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya. Lalo
lamang nagpaalab sa kanyang damdamin ang nakitang tagumpay ng kanyang panganay na
kapatid matapos itong maging ganap na inhinyero. Dahil dito, ginawang araw ni Kap Martin ang
mga gabi, at patuloy na nagpunyagi upang tularan ang kaniyang kapatid na maging matagumpay
sa gitna ng kanilang kahirapan.
Habang siya ay matimong nag-aaral ng sekondarya sa Alexis G. Santos National High
School, nakilala niya ang isang babaeng hindi niya akalain ay siyang bibihag sa kanyang puso at
magbibigay ng linaw at gabay sa kanyang mga inaasam. Siya si Editha Guinto, ang maybahay at
kasalukuyang katuwang ni Kap Martin sa mga programang pambarangay.
Sa likod ng kaniyang seryosong tindig, may romantikong puso rin ang ama ng barangay.
Ito’y natuklasan naming nan gaming tanungin tungkol sa kanyang buhay pag-ibig.
“Pitong taon kong siyang naging kasintahan simula high school, at nung kami’y naging
maluwag luwag na sa buhay dahil sa negosyong nasimulan, inaya ko na siyang magpakasal,”
mga salitang nagpakilig sa amin nang ito’y sambitin ng butihing pinuno.
Nag-aral si Kap Martin ng kursong Veterinary Medicine sa De La Salle University-
Araneta. Kwento pa niya, pinagkakasya niya ang 250 pesos na baon kada lingo. Naranasan rin
niyang magtiis ng gutom sa loob ng tinutuluyan habang siya'y nasa kolehiyo.. Naging
matagumpay man siyang negosyante, hindi niya kinalimutang lingapin ang kaniyang pamilya, at
pinili rin niyang magnegosyo sa kanilang barangay upang makatulong sa mga mamamayang
Liciadeño.
Napakalaki na rin ng ipinagbago ng Barangay Liciada sa pamumuno ni Kap Martin.
Dahil naniniwala rin siya na ang kabataan ang pag-asa ng bayan, naipatayo ang dalawang Day
Care center na plano pang magtayo ng karagdagang pasilidad para sa mga batang Liciadeño.
Patuloy rin ang kanyang suporta sa mga programa ng Paaralang Elementarya ng Liciada at sa
Pambansang Mataas na Paaralang Alexis G. Santos National. Kaugnay nito, sa inisyatibo ng
Sangguniang Barangay, nakabili na rin ng lupa sa likod ng simbahan ng Liciada na may sukat na
1,200 square meters na pagtatayuan naman ng matagal nang pinapangarap na covered court.
Lahat ng ito ay bahagi lamang ng mga proyektong pampayanan ni Kap Martin na alay sa
kanyang mahal na lupang sinilangan.
Sa kasalukuyan, hawak ng magiting na kapitan at ABC President ang Komite ng
Katahimikan at Kaayusan at Kaunlarang Pamarangay ng Sangguniang Bayan ng Bustos. Siya,
kasama ng mga konsehal at ng ating pangalawang punong bayan, Igg. Arnel F. Mendoza, ang
nagpapanday ng magandang bukas para sa bayang dakila.
“Ang hirap lagi ay panandalian lamang… Basta 'wag lang magsasawa, 'wag
mawawalan ng pag-asa.”
Hagdang matayog ang inakyat ni Kap Martin upang makarating sa patutunguhan. Sa
kaniyang pag-akyat, maraming pagsubok ang kaniyang hinarap. Ngunit hindi siya huminto,
bagkus ay lalong nagsumikap. Nangarap. Naniwala, at patuloy na inasam na balang araw ay
magigisnan ang kanyang mga pangarap. Nagpatuloy. Nakamit man niya ang kanyang mga
minimithi para sa pamilya, hindi siya huminto sa kaniyang sarili. Ibinahagi niya ito sa kaniyang
kapwa, sa kanyang barangay, at sa Bustos na kanyang minamahal.
Ito ang kwento ni ABC President Martin Angeles. Isang inspirasyon sa makabagong panahon.
Isang ehemplo ng mabuti at mapaglingap na pamamahala. Repleksyon ng hangarin ng
Sangguniang Bayan para sa isang mabuti, maaasahan, at mapagmahal na pamumuno. Saludo
kami sa’yo, Kap Martin!

You might also like